Kabanata 2 Buntis
Naiwang nakatulala si Sophia, parang pinagkaitan ng kakayahang gumalaw habang sinusundan ng tingin ang papalayong mamahaling sasakyan palabas ng kanilang driveway.
Parang pinaghalong apdo at suka ang nag-aagawan sa dibdib niya—isang masalimuot na halo ng pait, asim, at tila nakakapasong sakit na unti-unting dumudurog sa puso niya.
Langit at lupa ang agwat ng pagtrato ni Zachary sa kanya kumpara kay Paula.
Kapag si Paula ang kasama, tila ba hindi nasasaid ang pasensya ng asawa niya.
Pero kapag sa kanya, ni katiting na oras para pakinggan siya ay hindi nito maibigay.
Napapikit na lamang siya. Bawat paghinga niya'y tila may nakadagan na sako-sakong bigat ng pagod at hinagpis.
Sa buong buwan na lumipas, ni anino ni Zachary ay hindi nasilayan sa bahay nila.
Bilang asawa, tanging sa mga kumakalat na tsismis at litrato sa social media na lang nasusundan ni Sophia kung nasaan ito—ngayo'y namimili sa mall kasama si Paula, bukas nama'y nasa isang marangyang yacht party kasama pa rin ang babae.
Unti-unti nang namanhid ang puso ni Sophia sa walang-hanggang paghihintay at paglunok ng pait. Nakipag-usap na rin siya sa isang abogado at napirmahan na ang mga papeles para sa diborsiyo.
Ang hinihintay na lang niya ay ang pag-uwi ni Zachary para tuluyan na nilang matapos ang lahat sa korte.
Nagmukmok na lamang siya sa loob ng bahay. Araw-araw namang dumarating ang kanilang kasambahay para ipagluto siya ng pagkain.
Ngunit nang gabing iyon, pagkalapag na pagkalapag ng kasambahay ng isang mangkok ng mainit na tinola sa mesa, biglang binaligtad ang sikmura ni Sophia. Nagduwal siya at mabilis na patakbong nagtungo sa banyo.
Walang-tigil ang kanyang pagduduwal, pakiramdam niya'y isusuka na niya pati ang kanyang bituka.
Nang lumabas si Sophia mula sa banyo, pinagpapawisan siya ng malamig.
Pag-angat niya ng tingin, bumulaga sa kanya si Zachary—ang asawang matagal nang hindi umuuwi.
Kumunot ang noo ni Zachary nang makita ang namumutla niyang mukha. "Anong nangyayari sa 'yo?" naguguluhang tanong nito.
Dahan-dahang umiling si Sophia. Kumapit siya sa pader para alalayan ang nanghihinang katawan habang naglalakad. "Baka may nakain lang akong masama. Ilang araw na ring masama ang sikmura ko."
Pagkasabing-pagkasabi niya nito, muli na naman niyang nalanghap ang amoy ng tinola. Biglang namutla ang kanyang mukha at dali-dali siyang bumalik sa banyo.
Napatingin tuloy si Zachary sa mga nakahaing pagkain sa mesa.
Sumingit ang kasambahay, "Sir, napansin ko po kasing madalas walang gana si Ma'am Sophia nitong mga nakaraang araw. Puro matatabang na pagkain lang po ang gusto niya. Tapos parang nasusuka po siya kapag naaamoy niya 'yung tinola. Hindi kaya... naglilihi po si Ma'am?"
Biglang nanlamig ang mga mata ni Zachary.
Ni dulo ng daliri ay hindi pa niya nadadapuan si Sophia!
Paanong mangyayaring buntis ito?!
Walang kamalay-malay si Sophia sa mga nangyayari sa labas. Nang muli siyang lumabas na hapong-hapo at halos wala nang lakas, biglang hinablot ni Zachary ang pulso niya. Sapilitan siyang kinaladkad nito papunta sa pinto.
Hindi makapalag si Sophia. Nagkandarapa siya sa paglalakad para lang makasabay sa malalaki at mabilis na hakbang ng asawa.
"Zachary, saan mo ba 'ko dadalhin? Bitawan mo 'ko."
Padabog na binuksan ni Zachary ang pinto ng kotse at itinulak si Sophia sa loob.
Madilim at nanlilisik ang mga matang tinitigan siya nito. "Sa ospital."
Naguguluhang napakunot-noo si Sophia. "Bakit naman? Pagod na pagod ako. Gusto ko nang pumasok sa loob at magpahinga."
Hindi na sumagot si Zachary. Walang-kibo nitong pinaandar ang sasakyan.
Naiwang litong-lito si Sophia.
Hindi niya maintindihan kung anong sumanib kay Zachary at bigla-bigla na lang itong umuwi at nagkakaganito.
Sa buong biyahe, nanatiling nakapikit si Sophia. Kakaiba ang bigat ng katawan niya nitong mga nakaraang araw; halos maubos ang oras niya sa pagtulog at pagpapahinga.
Inakala niyang sadyang bumigay lang ang katawan niya sa sobrang pagod at stress.
Ngunit nang iabot sa kanya ng doktor ang resulta ng pregnancy test na nagsasabing positibo siya, tila namutla pa sa espasol ang mukha ni Sophia. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang hawak ang papel.
"Buntis... ako?"
Halos wala siyang lakas para bigkasin ang mga salitang iyon. Nablangko nang tuluyan ang kanyang isip.
Posible kayang... dahil 'to sa nangyari noong gabing iyon?
Muling gumapang sa kanyang buong pagkatao ang matinding kilabot nang pagsamantalahan siya. Pakiramdam niya'y may isang hindi nakikitang kamay na mahigpit na sumasakal sa kanyang lalamunan.
Sa dami ng tumatakbo sa isip niya, hindi na niya napansin ang nagbabagang galit sa mga mata ni Zachary.
Pagkalabas ng ospital, lutang na lutang pa rin si Sophia.
Mahigpit na hinawakan ni Zachary ang pulso niya. Matalim pa sa patalim ang mga titig nito, at halos pumutok na ito sa galit habang nagsasalita. "Kaya pala ang bilis mong pumayag sa divorce dahil may kabit ka, at ngayon, ipinagbubuntis mo pa ang anak ng lalakeng 'yon!"
Sa hinagap ay hindi niya inakalang magagawang magtaksil sa kanya ni Sophia.
Kaya pala ganoon na lang kabilis siyang pumayag sa divorce nang buksan niya ang usapan—dahil may iba na siyang lalaki!
"Inisip mo man lang ba si Dylan? Ano na lang ang sasabihin niya kapag nalaman niya 'to?"
Ang mapanumbat na tono ni Zachary ang tuluyang gumising sa diwa ni Sophia.
Namumutla ang kanyang mukha, at namumula ang gilid ng kanyang mga mata.
"Ikaw itong humingi ng divorce. Ibinigay ko lang ang gusto mo, tapos ngayon, ako pa ang masama?"
Lalo pang humigpit ang hawak ni Zachary sa pulso niya, at malamig na nagsalita. "Hindi mo sana ako pinagtaksilan! Kahit pa sabihing arranged marriage lang ang lahat ng ito, hindi mo ba kayang maging tapat man lang?"
Sa sandaling iyon, pakiramdam ni Sophia ay mababali na ang pulso niya sa higpit ng hawak nito.
Masakit man ang braso niya, di hamak na mas matindi ang kirot sa kanyang puso. Halos gusto na lang niyang matawa.
"Anong karapatan mong magalit? Nakalimutan mo na ba ang mga ginawa mo? Buong panahong 'to, patuloy ang pakikipagkalandian mo kay Paula.
Sa tingin mo ba naging tapat ka sa akin, tapos ngayon ako ang susumbatan mo?"
Pagkasabi nito, humugot siya ng lakas mula sa kaibuturan ng kanyang pagkatao para pilit na bawiin ang kanyang pulso.
Umatras siya ng dalawang hakbang, at buong pag-iingat na pinagmasdan si Zachary.
Ang batang ito ay patunay ng kalapastanganang sinapit niya, at hindi isang bagay na ginusto niya. Siya ang biktima rito, hindi ang may sala.
Hindi kayang ipaliwanag ng mga salita ang sakit na dinadala niya—isang bagay na hindi maiintindihan ng sinuman—pero kailangan pa rin niyang tiisin ang mapanghusgang mga tingin ni Zachary habang pinaparatangan siyang nangaliwa.
Sa sandaling iyon, tuluyan nang sumabog ang lahat ng kinikimkim na pighati ni Sophia.
"Bahala ka, Zachary, isipin mo na ang gusto mong isipin. Pinirmahan ko na ang divorce papers. Pwede na nating tapusin ang lahat kung kailan mo gusto."
Mas lalong nag-apoy ang galit sa mga mata ni Zachary, at puno ng sarkasmong nagsalita.
"Hindi ko inakalang ganito ka pala kasakim. Sarili mo lang ang iniisip mo, at wala kang pakialam sa mga tao sa paligid mo."
"Makikipaghiwalay ka sa akin para makapagtanan kayo ng kabit mo?"
Mahigpit na ikinuyom ni Sophia ang kanyang mga kamao at gumanti ng sagot, "Huwag kang magsalita nang ganyan kasakit. Hindi ba't kapag naghiwalay tayo, mas madali na para sa'yong pakasalan si Paula? Kailangan ko pa bang isa-isahin ang lahat ng iskandalong ginawa ninyong dalawa sa paglipas ng mga taon?"
Halos pasigaw na niya itong sinabi.
Matapos ang matinding pagsabog ng emosyon, tanging labis na pagod at kawalan ng pag-asa ang naiwan sa kanya.
"Hindi malalaman ni Dylan ang tungkol sa divorce. Sa ngayon, paghihiwalay ang pinakamagandang desisyon para sa ating dalawa," walang emosyong sabi ni Sophia.
"Hinding-hindi. Kahit kailan, hindi ko ibibigay ang gusto mo."
Dahan-dahang bumaba ang malamig na tingin ni Zachary hanggang sa tumapat ito sa sinapupunan ni Sophia.
"Kung sino man 'yang kabit mo, sisiguraduhin kong pagbabayaran niya 'to."
"Bahala ka sa buhay mo," sagot niya, na pakiramdam ay sagad na sagad na ang pagod.
Hindi niya kayang aminin na pinagsamantalahan siya, lalo na't hindi niya man lang kilala kung sino ang ama ng batang ito.
At kahit pa magpaliwanag siya, hinding-hindi naman siya paniniwalaan ni Zachary.
Ang inasal niyang ito ang lalo pang nagpagalit kay Zachary.
Walang pag-aalinlangang padabog nitong binuksan ang pinto ng kotse at mabilis na pinaharurot ito paalis.
Muli na namang naiwang mag-isa si Sophia.
Napayuko siya at tiningnan ang kanyang tiyan, bakas sa kanyang mga mata ang matinding kawalan ng pag-asa.
Ang buhay ng batang ito ay isa na namang masakit na paalala ng gabing iyon kung kailan siya ay nilapastangan.
