Kabanata 1

Tahimik lang na nakaupo si Layla sa loob ng sasakyan. Tila tumatagos ang kanyang paningin sa buhos ng ulan habang pinagmamasdan ang nakadudurog-pusong eksena sa kanyang harapan.

Lumalagitik ang malakas na buhos ng ulan sa windshield ng kanyang sedan ngayong gabi sa Haven City. Pinalabo man nito ang kanyang paningin, hindi naman nito nagawang itago ang tanawing tila patalim na sumasaksak sa kanyang puso.

Hindi niya namalayang napahigpit na pala ang hawak niya sa manibela. Namuti ang mga buko ng kanyang mga daliri sa sobrang diin.

Sa labas ng isang mamahaling restaurant, naroon ang asawa niyang si Seth Stanton. Agresibo nitong hinahalikan ang isang nakababatang babae, at tila ba silang dalawa lang ang tao sa mundo.

May sandaling tila kinapos ng hininga ang babae at bahagyang umatras para kumawala. Pero hinawakan ni Seth ang likod ng ulo nito at mas lalo pang diniinan ang paghahalikan nila.

Bata pa ang babae. Nakasuot ito ng puting chiffon blouse at mapusyaw na asul na maong. Sa sobrang amo at inosente ng mukha nito, aakalain mong bagong graduate lang ito ng kolehiyo.

Mahimbing na sanang natutulog si Layla nang tumawag si Seth. Nang malamang naparami ang inom nito matapos ang isang business dinner at hindi na kayang magmaneho, dali-dali siyang nagpatong ng trench coat sa kanyang pantulog at nagmamadaling pumunta.

Ang dapat sana'y kinse minutong biyahe ay binuno niya ng wala pang sampung minuto. 'Yun pala, pagdating niya ay ganitong eksena lang sa labas ng restaurant ang bubungad sa kanya.

Hindi siya bumaba ng sasakyan. Tahimik lang siyang nanonood hanggang sa unti-unting lamunin ng matinding hinagpis ang kanyang dibdib, dahilan para halos hindi siya makahinga. Nang medyo mahimasmasan, dahan-dahan niyang kinuha ang kanyang cellphone para tawagan si Seth.

Mula sa bintana ng kotse, kitang-kita niya ang pagkunot ng noo ni Seth, halatang naiinis dahil naistorbo siya ng pag-ring ng telepono. Napilitan itong bumitaw sa babae at dinukot ang cellphone sa bulsa.

"Oh?" Bakas ang matinding inis sa boses ng lalaki.

"Sumakay ka na," tipid at malamig na utos ni Layla.

Natigilan si Seth. Hawak ang cellphone, napalingon siya sa gilid ng kalsada. Nagtama ang mga paningin nila mula sa salamin ng sasakyan. Agad na nag-iwas ng tingin si Layla; pakiramdam niya kasi, kapag tumitig pa siya nang kahit isang segundo, tuluyan na siyang bibigay at hahagulgol.

Makalipas ang isang minuto, bumukas ang pinto sa passenger seat at pumasok si Seth. Agad na pumailanlang sa loob ng kotse ang matapang na amoy ng alak.

Nang muling tumingin si Layla sa labas, wala na 'yung babae. Hindi man lang niya napansin kung kailan ito umalis.

"Ano, tititig ka na lang ba diyan?" Tamad na iminulat ni Seth ang kanyang mga mata para sulyapan siya.

Huling-huli na nga siyang nambababae ng sarili niyang asawa, pero ni katiting na kaba o takot ay wala kang makikita kay Seth.

Ang totoo niyan, hindi lang talaga niya itinuturing na mahalaga si Layla para pag-aksayahan niya ng pakialam.

Nag-uugat ang ganitong ugali niya sa isang simpleng dahilan: mayaman siya, sobrang yaman.

Hangga't hindi umiiyak, hindi gumagawa ng iskandalo, at nagiging sunud-sunuran lang si Layla, ibibigay niya ang lahat ng luho at materyal na pangangailangan nito. Lahat-lahat, maliban na lang, siyempre, sa pagmamahal.

"Alam kong may babae ka, pero hindi ko inakalang ganitong klase ang gusto mo. Sinadya mo ba akong papuntahin dito para ipamukha sa akin 'to?" Bakas sa mga mata ni Layla ang walang hanggang kalungkutan, at ang natitira na lamang ay purong kawalan ng pag-asa.

Malamig at matalim ang naging titig ni Seth, puno ng panghahamak at pandidiri. "Ano namang pakialam mo? Wala kang karapatang kuwestiyunin ang mga ginagawa ko. Bakit? Gusto mo bang sipingan kita ngayon?"

Walang pakundangang lumabas ang mga pambabastos na iyon mula sa kanyang mga labi. Pakiramdam ni Layla ay parang hinihiwa ang kanyang puso, at isang mabigat na kirot ang gumapang sa kanyang dibdib.

Kailanman ay hindi siya nito itinuring na asawa; at kahit ang tawaging "parausan" ay masyado pang maganda para ilarawan ang tingin nito sa kanya.

Huminga nang malalim si Layla, pilit na nilulunok ang pait na namumuo sa kanyang lalamunan. Nanatili siyang tahimik at pinaandar na lamang ang sasakyan.

Pero ang lalaking nakaupo sa passenger seat ay tila mas lalo pang idiniin ang patalim sa sugatang puso ni Layla sa mga sumunod nitong sinabi.

"Hindi ako uuwi sa atin. Ihatid mo 'ko sa North Shore Heights."

Ang North Shore Heights ay isa sa pinakamayaman at pinaka-eksklusibong subdivision sa Haven City. Ang average na presyo ng mga bahay rito ay umaabot ng humigit-kumulang labinlimang milyong dolyar.

Alam ni Layla na may ilang bahay na pag-aari si Seth doon, pero kailanman ay hindi ito tumira roon. Binili lang niya ang mga iyon para pabayaan at ibakante.

Ang utos nitong ihatid siya sa North Shore Heights ngayong gabi ay malinaw na nangangahulugang iyon ang "bahay" nila ng babaeng kakikita lang niya.

Kilala si Seth sa pagiging galante sa mga babae; malamang nga ay ipinangalan na nito ang bahay sa babaeng 'yon.

Sa tatlong taon nilang pagsasama bilang mag-asawa, ang umuwi si Seth ng limang beses sa isang buwan ay maituturing na ngang himala. Ang buong akala ni Layla, nagpapalipas lang ito ng gabi sa opisina dahil ayaw siyang makita, o kaya nama'y nagche-check in sa mga hotel kasama ng ibang babae. Ngayon, sampal sa mukha ni Layla ang katotohanang noon pa man, nakikipagsama na pala ito sa babaeng 'yon sa North Shore Heights.

Mahigpit ang hawak ni Layla sa manibela. Ramdam na ramdam niya ang nakakapasong kirot na gumagapang mula sa kanyang dibdib hanggang sa bawat himaymay ng kanyang katawan, pero pinilit niyang magpakatatag.

"Nga pala, bukas ng gabi ang birthday ng lola mo. Huwag mong kalimutan, ha."

Walang ganang sumagot si Seth, "Hindi ko nakakalimutan. Kung hindi ako makapunta, mauna ka na. Alam mo na ang idadahilan mo. Nakabili na ako ng regalo para kay Lola; dalhin mo na lang."

"Hindi ka pupunta sa birthday ng lola mo? Hindi ba sasama ang loob niya?" mariing kinagat ni Layla ang kanyang ibabang labi.

Bakas ang matinding pangungutya sa mga mata ng lalaki. "Sundin mo na lang ang inuutos ko. Ano, sesermunan mo pa ako? Lola ko siya, hindi mo lola. Kung gusto niya akong pagalitan, siya mismo ang tatawag sa akin. Hindi ko kailangan ng pakikialam mo."

Napakagat nang mariin si Layla sa kanyang ibabang labi. Natameme siya at matagal na hindi nakapagsalita.

Oo nga naman, masyado siyang nanghimasok sa bagay na wala siyang lugar.

Makalipas ang kinse minutos, nakarating ang sasakyan sa North Shore Heights. Pinahinto lang siya ni Seth sa may gate, saka ito bumaba at tuluy-tuloy na naglakad papasok nang hindi man lang lumilingon.

Hindi na nag-aksaya ng oras si Layla. Pinaikot niya ang sasakyan at tuluyan nang umalis.

Pag-uwi niya sa Oceanview Estate, pabagsak na humiga si Layla sa kama na tila nawalan ng buhay. Tulala siyang nakatitig sa kisame. Maya-maya pa'y ipinikit niya ang kanyang mga mata, habang tahimik na umaagos ang kanyang mga luha.

Kinabukasan, gaya ng inaasahan ni Layla, nagdahilan si Seth na busy ito sa trabaho. Kaya naman, siya lang mag-isa ang pinapunta nito sa birthday party ng lola nito.

Nang malaman ito ni Elizabeth Stanton, nag-usok ang ilong nito sa galit. Una nitong tinawagan at tinalakan ang apo, saka nito tinawagan si Layla para sermunan nang malutong.

"Tatlong taon na kayong kasal, pero hanggang ngayon hindi mo pa rin mapasunod ang asawa mo? Ano ba'ng inaatupag mo sa loob ng tatlong taon, ha? 'Di ba tinuruan na kita? Likas sa mga lalaki ang magloko, kaya dapat alam mo kung paano siya itali sa kama. Ganoong kasimpleng bagay, hindi mo pa magawa?!"

Unti-unting namutla ang mukha ni Layla. Kinagat niya ang kanyang labi at mahinang sumagot, "Pasensya na po, Lola. Wala po kasi sa akin ang puso niya."

Matigas at matalim ang boses ni Elizabeth. "Wala akong pakialam kung nasa iyo ang puso niya o wala! Ikaw na ngayon ang manugang ng pamilya Stanton. Ayokong maging usap-usapan ng ibang tao na hindi namin tinatrato nang maayos ang manugang namin, maliwanag? Ano na lang ang sasabihin nila sa reputasyon ng pamilya natin? Naku, iniligtas mo nga si Seth noon. Pero kung hindi lang talaga nagpumilit ang asawa ko na ikaw ang pakasalan ng apo ko, hinding-hindi ako papayag. Tingnan mo nga kung anong kinahinatnan ninyong dalawa ngayon? Tatlong taon na, pero hanggang ngayon, ni hindi pa rin ako nakakakalong ng apo sa tuhod!"

Hindi na sumagot pa si Layla. Hinayaan niya na lang na laitin at hiyain siya ni Elizabeth nang sagad sa buto. Sa huli, pinagbawalan din siya nitong pumunta sa mismong handaan bago nito padabog na ibinaba ang telepono.

Dahil sa sunud-sunod na dagok na ito, unti-unting nadudurog ang pagkatao ni Layla. Tulala siyang naupo sa sofa, manhid na manhid, na tila ba hinigop ang kanyang buong kaluluwa.

Limang taon na ang nakararaan, na-scam ang tatay ni Layla na si Thomas Montgomery. Dahil dito, nabili sa napakababang halaga ang kanilang kumpanya, na naging dahilan ng tuluyang pagbagsak at pagkabangkarote ng buong pamilya Montgomery.

Dahil hindi kinaya ang matinding stress at pagkabigla, inatake sa utak ang kanyang tatay at pumanaw makalipas ang isang linggo.

Ang nanay naman niyang si Susan Montgomery ay piniling mag-asawa muli. Sumama ito sa isang nouveau riche o biglang-yaman na nagngangalang Robert Hawkins, at tuluyan siyang pinabayaan.

Pero sadyang mapaglaro ang tadhana. Nalulong sa sugal si Robert kaya naubos ang lahat ng yaman nito, at sa huli ay humimas din ng rehas.

Tatlong taon na ang nakalipas, nang mabalitaan ni Susan na nakapangasawa si Layla ng isang mayamang tulad ni Seth Stanton, bumalik itong parang basang sisiw na nagmamakaawa.

Dahil kadugo niya ito at sadyang malambot ang kanyang puso, paminsan-minsan ay inaabutan ni Layla ng pera ang kanyang nanay. Dahil dito, naging maginhawa pa rin ang buhay ni Susan sa mga nagdaang taon.

Ang naging problema lang, nang makulong si Robert, naiwan nito ang anak sa unang asawa—si Brian Hawkins. Isa itong batugan at basagulerong hindi man lang nakatuntong ng kolehiyo, at walang ibang ginawa kundi maging palamunin at magbulakbol sa buhay.

Si Susan ang bumubuhay sa lalaking ito sa loob ng maraming taon, at nadamay pa rito si Layla. Dahil maganda si Layla at alam ni Brian na hindi siya pinapansin ng asawa niyang si Seth, madalas siyang bastusin at kulitin ng lalaki.

Matapos mabilisang magluto at kumain ng isang mangkok ng pasta, papunta na sana si Layla sa kwarto para magpahinga nang biglang tumunog ang doorbell.

Nagtataka siyang bumaba papunta sa pinto at sinilip ang video intercom. Nang makita niya kung sino ang nasa labas, biglang kumabog nang mabilis ang kanyang dibdib sa kaba.

Susunod na Kabanata