Kabanata 9 Pagkolekta ng Katibayan

Hinihintay niya ang pagsilang ng kanyang sanggol; gusto pa naman sana niyang palakihin ang bata hanggang sa pagtanda nito!

Nanikip ang dibdib ni Ella habang nangangatog ang kanyang nanlalambot na mga pulso sa ibabaw ng kama ng ospital. Nag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha, na bumasa sa malaking bahagi ng kumot sa kanyang ilalim.

Kalaunan, pinilit ni Ella na pakalmahin ang kanyang sarili at humugot ng lakas ng loob para magpatuloy.

Napansin niya ang kanyang cellphone sa mesa sa tabi ng kama.

Dinampot ito ni Ella at agad na tinawagan ang numero ni Sarah.

Mabilis namang sumagot si Sarah.

"Ella, nasaan ka ba ngayon?" bakas ang matinding pag-aalala sa boses ni Sarah sa kabilang linya.

Imbes na magpaliwanag, diretsahang nagtanong si Ella, "Para mabilis, pwede mo ba akong tulungang paimbestigahan ang isang tao?"

"Sino?"

"Si Xavier Hoffman, isang chief of obstetrics. Pwede mo ba siyang ipasundan para sa akin?"

Naguguluhang tanong ni Sarah, "Ano ba talagang nangyari?"

"Wala na ang anak ko."

Nabalot ng katahimikan ang kabilang linya.

"Sige," tanging naisagot ni Sarah makalipas ang ilang sandali.

Habang nagpapagaling sa ospital, napanood ni Ella sa balita ang tungkol sa biglaang sunog sa charity gala. Usap-usapan ngayon ang naturang insidente.

May iniulat na isang taong nawawala mula sa gala, at kasalukuyang nagsasagawa ng malawakang paghahanap ang mga pulis.

Nakaupo lang si Ella sa kanyang kwarto sa ospital habang pinapanood ang balita, at isang mapait na ngiti ang unti-unting sumilay sa kanyang mga labi.

Dahil sa gala na ito, naging laman siya ng balita.

Sumikat nang panandalian.

Pinutol muna ni Ella ang anumang komunikasyon sa labas; masyadong mabigat ang sakit ng kanyang pagkakakunan. Araw-araw siyang nilalamon ng labis na pighati at pagkadurog.

Bago pa man siya mag-log out sa kanyang social media account, hindi sinasadyang nadaanan niya ang isang komento ni Anthony Gonzalez sa post niya tungkol sa kanyang kasal.

[Ayos ka lang ba riyan sa inyo?]

Natigilan siya. Hindi niya inasahang sinusubaybayan pa rin pala ni Anthony ang mga nangyayari sa buhay niya.

Buong akala niya kasi ay galit sa kanya si Anthony.

Tutal, may mga hindi magagandang bagay na nangyari sa pagitan nilang dalawa ilang taon na ang nakararaan.

Biglang umilaw ang screen ng cellphone niya—isang notification mula kay Sarah.

[Dalawang araw na siyang sinusundan ng kinuha kong private investigator. Nataranta na siya ngayon, kaya huling-huli namin siya sa akto.]

[Teka nga, 'di ba chief of obstetrics siya? Bakit mukhang may kahina-hinala siyang ugnayan sa kasambahay ninyong si Yasmin?]

Tinitigan niya ang mensahe at nag-scroll pababa para tingnan ang mga naka-attach na litrato.

Pagkabukas at pag-zoom in niya sa mga ito, malinaw niyang nakita sina Xavier at Yasmin na nag-uusap sa loob ng isang café.

Nai-save ni Ella ang mga litrato at mabilis na nag-reply.

[Ano pa'ng nalaman niyo?]

Mabilis na nag-reply si Sarah.

[Ngayong araw, may pumasok na isang milyong dolyar sa bank account niya. Nang ma-trace ito ng investigator, lumabas na galing kay Yasmin ang pera.]

[Teka, magkano ba ang kinukupit ni Yasmin bilang kasambahay para makapagbigay siya ng ganyan kalaking halaga?]

Sa ibaba ng mensahe ni Sarah ay ang screenshot ng bank statement.

Napayuko si Ella, pilit na pinapakalma ang sarili habang malalim na sinusuri ang sitwasyon.

Wala naman silang personal na alitan ni Yasmin, kaya bakit siya gugustuhing saktan nito?

Ibig sabihin, simula't sapul pa lang ay ipinasok na si Yasmin sa bahay nila bilang isang espiya.

May taong gustong manakit sa kanya.

Hindi pa nakikilala kung sino ang tunay na utak sa likod nito.

Lulong siya sa malalim na pag-iisip nang biglang may lumapit na nurse na may dalang tray.

"Miss Brooks, oras na po para tanggalin ang mga tahi niyo."

Tahimik lang na nakaupo si Ella sa kama habang dahan-dahan at maingat na kinakalag ng nurse ang mga benda sa kanyang mga binti.

"Nasangkot na ba si Dr. Hoffman sa pagtanggap ng suhol?" bigla niyang tanong.

Natigilan ang nurse at gulat na napatingin sa kanya. "Miss Brooks..."

Nagpatuloy si Ella, sinusubukang paaminin ang nurse, "Bilang isang tanyag na doktor sa obstetrics at gynecology, kung mabubunyag na tumatanggap siya ng suhol kapalit ng buhay ng isang inosenteng sanggol... paniguradong madadamay sa malaking iskandalong 'yan ang lahat ng nagtatrabaho sa ilalim niya, 'di ba?"

"Ms. Brooks, maawa po kayo, huwag niyo po akong ipitin nang ganito. Nurse lang po ako, wala po akong alam," nanginginig na sagot nito.

Mahigpit na hinawakan ni Ella ang kamay ng nars. Tinitigan niya ito sa mga mata, nag-aagaw ang lungkot at pakiusap habang nagbabadya ang mga luha. "Ayaw kitang ipitin," malumanay niyang sabi, "pero sa tingin mo ba, nakabubuti talaga sa ospital na ito na manatili ang isang taong katulad niya?"

"Ms. Brooks, wala po talaga akong alam," pilit na pagtanggi ng nars. Sunod-sunod ang pag-iling niya at ni hindi makatingin nang diretso sa mga mata ni Ella.

Pilit na inayos ni Ella ang sarili, iginigiit sa nars na salubungin ang kanyang paningin.

"May hawak akong ebidensya," matigas at buong-diing sabi ni Ella.

Biglang nanigas sa kinatatayuan ang nars.

Tinapik ni Ella ang balikat nito. "Ginamit niya ang posisyon niya para mambastos at mang-harass ng mga nars at intern. Nagtayo rin siya ng sindikato para sa ilegal na surrogacy kasabwat ang mga peke at walang lisensyang klinika... Susmaryosep, magbubulag-bulagan ka pa rin ba at pagtatakpan ang mga kababuyan niya?"

Walang naisagot ang nars. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang sunod-sunod na pumatak ang mga luha niya sa sahig.

"Nawalan ako ng anak," garalgal ang boses ni Ella, "at napakaraming inosenteng babae ang ginawa nilang parang mga hayop na paanakan. Ang iba sa kanila, baka hindi na kailanman magkaroon ng pagkakataong maging ina." Tuluyan na ring bumagsak ang mga luha ni Ella nang maalala ang sanggol sa kanyang sinapupunan na hindi man lang niya nasilayan.

Mahigpit niyang niyakap ang nars. "Iniwan ko ang ebidensya sa drawer sa tabi ng kama. Nasa sa iyo na iyan kung tutulungan mo ako o hindi. Konsensya mo na ang bahala."

Pagkasabi niyon, kumalas si Ella sa pagkakayakap. Tiniis niya ang hapdi nang subukan niyang ihakbang ang kanyang paa.

Isang matinding kirot, pamamanhid, at pamimitig ang nanuot sa kanyang mga ugat, tagos hanggang buto.

Umigting ang mga ugat niya sa tindi ng sakit. Kinagat niya ang kanyang namumutlang mga labi, at buong-tapang na naglakad palabas ng pinto.

Paglabas ng ospital, pumara si Ella ng taxi para umuwi.

Dumiretso siya sa mansiyon. Naabutan niya roon ang isang kasambahay na nagpupunas ng sahig sa sala.

Pagkakita sa kanya, nanlaki ang mga mata ni Yasmin sa labis na gulat at napabulalas. "Mrs. Raymond, a-anong ginagawa ninyo rito?"

Hindi umimik si Ella. Maya-maya pa'y tila may napagtanto si Yasmin. Napalitan ng alanganing ngiti ang mukha nito at pabulong na sinabi, "Nandito na po pala kayo..."

"Bakit? Nadismaya ka ba dahil hindi bangkay ko ang inuwi rito?" malamig at matalim na sagot ni Ella.

"Hala, ano po bang sinasabi ninyo? Wala po akong maintindihan," maang-maangan ni Yasmin, pilit na pinapakalma ang sarili.

Mas lalong tumalim ang mga mata ni Ella. "Paano mo nakilala si Dr. Hoffman ng Peaceful Wellness Clinic? Umamin ka."

"S-sinong doktor po? Wala po talaga akong alam diyan," sagot nito. Nag-iwas ito ng tingin, halatang-halata ang kaba at pagkakasala sa mukha.

Isang nakakakilabot na ngisi ang pinakawalan ni Ella. Walang sabi-sabing hinablot niya ang pulso ni Yasmin at marahas itong pinilipit hanggang sa lumagutok ang mga buto nito.

Napalahaw ito sa sakit. "Mr. Raymond! Tulong! Nababaliw na po si Mrs. Raymond! Papatayin niya po ako!"

Dahil sa eskandalo, nagmamadaling lumabas si Austin mula sa kanyang opisina. Bakas ang pagkagulat sa mukha nito nang makita si Ella—at tila may bahid pa ng ginhawa—ngunit mabilis din itong naglaho.

Tumambad kay Austin ang eksena: walang-awang pinipilipit ni Ella ang pulso ni Yasmin habang humahagulgol sa sakit ang kasambahay.

Mabilis siyang bumaba ng hagdan at dumagundong ang boses. "Ella! Kababalik mo lang pero nagmamaldita ka na naman! Bitiwan mo si Yasmin!"

"Kababalik? Ibig sabihin, alam mong nawawala ako?" Tiningnan ni Ella nang may matinding pandidiri ang lalaking nang-iwan sa kanya sa oras ng kagipitan—ang asawang ni hindi man lang nag-abalang hanapin siya.

Sabagay, bakit nga ba siya mag-aaksaya ng panahon na hanapin siya? Paniguradong laking tuwa pa ni Austin kung natuluyan na siya.

Para nga naman malaya na siyang makapiling si Judith, hindi ba?

Sasagot sana si Austin, ngunit mabilis na sumingit si Yasmin para gatungan ang sitwasyon. "Pagkapasok na pagkapasok po ni Mrs. Raymond, bigla na lang po niya akong sinaktan! Wala naman po akong ginagawang masama para magalit siya nang ganito."

"Mr. Raymond, maawa po kayo, tulungan niyo po ako. Sampung taon po akong naging tapat na nanilbihan sa pamilya ninyo. Wala po akong ginagawang palpak, tapos ngayon, pinagbibintangan po ako ni Mrs. Raymond ng kung anu-ano!"

Pagkasabi nito, nag-inarte na itong humagulgol nang napakalakas, daig pa ang artista sa pelikula.

Napailing na lang si Ella sa nasasaksihang palabas. Kulang na lang ay bigyan ito ng award sa galing nitong mag-drama habang nakasalampak sa sahig at nag-iiiyak.

Kanino pa ba niya mamanahin ang ganitong pag-iinarte? Kay Judith kaya?

Nagdilim ang paningin ni Austin habang nakatitig kay Ella. Wala siyang kaide-ideya kung ano ang pinapalabas ng asawa.

"Hanggang dito ka na lang ba talaga, Ella? Ibinubunton mo ang init ng ulo mo kay Yasmin?"

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata