Kabanata 1
[Bea, limang taon na. Kumusta ka na? Gusto sana kitang makita.]
Mula ang mensahe kay Lucius Jones, ang first love ni Beatrice Jennings.
Nanatiling nakalutang ang mga daliri ni Beatrice sa ibabaw ng screen. Natigilan siya nang halos kalahating minuto habang unti-unting nanikip ang kanyang dibdib na tila ba nawawalan siya ng hininga. Maraming pwedeng magbago sa loob ng limang taon, tulad ng katotohanang may asawa na siya ngayon.
Nag-type siya ng [May asawa na ako] pero hindi niya magawang i-send. Matapos ang matagal na pag-aalinlangan, binura niya iyon at tipid na nag-reply: [Sige.]
Isang kasunduan lang ng pamilya ang kasal niya. Walang bahid ng pag-ibig mula't sapul, at hanggang ngayon ay ganoon pa rin.
Bigla niyang naalala, marami pa pala siyang regalong galing kay Lucius na hindi niya naisauli—ang Cartier bracelet, ang ginawa nitong model, at maging ang mga love letters nila. Lahat ng iyon ay nakatago pa rin sa loob ng kanyang graduation box.
Napakabilis ng mga pangyayari. Parang noong limang taon lang na nakalipas, nang tanggapin nito ang tseke na nagkakahalagang sampung milyong dolyar mula sa pamilya Stuart. Iniwan siya nito nang hindi man lang lumilingon pabalik, at tinalikuran ang lahat ng mga pangako nila sa isa't isa. Sa sobrang bilis ng lahat, hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong itapon ang mga regalong iyon. Pati nga ang mga matatamis nilang usapan ay nakatago pa rin sa phone niya.
Habang nalulunod si Beatrice sa mga alaala ng nakaraan, biglang may malalakas na brasong pumulupot sa kanyang baywang. Naramdaman niya ang pagdampi ng isang mainit na dibdib sa kanyang likuran. Agad siyang binalot ng pamilyar at mabangong amoy ng cedar ng kanyang asawa.
Napapitlag si Beatrice. Sa sobrang gulat, mabilis niyang pinatay ang screen at mahigpit na kinuyom ang kanyang phone.
"D-di ba nasa business trip ka?" kinakabahan niyang tanong. "Kailan ka pa nakauwi?"
Kanina pa ba siya rito? Nakita kaya niya ang mga messages ko?
Hindi agad sumagot ang lalaking nasa likuran niya. Sa halip, ipinatong nito ang baba sa leeg niya. Ang mainit nitong hininga na tumatama sa kanyang balat ay nagdulot ng kilabot sa buong katawan niya.
"Ano ba 'yang tinitingnan mo at parang tutok na tutok ka?" malambing ngunit mababang bulong nito.
Kumabog nang malakas ang dibdib ni Beatrice. "W-wala naman. May tinitingnan lang akong mga work emails."
Hindi siya magawang lumingon. Natatakot siyang baka may mahalata itong kakaiba sa mukha niya.
Ang lalaking ito ay ang asawa niya, si Frederick Stuart. Ang mismong lalaking nagbayad ng sampung milyong dolyar para lang tapusin ang relasyon nila ni Lucius.
Mas lalong humigpit ang pagkakayakap ni Frederick sa kanya. Nag-iwan ito ng maiinit na halik sa likuran ng kanyang tainga na naging dahilan para manghina ang kanyang mga tuhod. Gumapang pababa ang mga labi nito, mas mapusok at tila uhaw na uhaw kaysa sa nakasanayan.
Masyado itong agresibo ngayon, kaya halos hindi na siya makasabay.
Mula sa pagkalunod sa halik, biglang nakaramdam ng pagkailang ang naninigas na katawan ni Beatrice nang bigla niyang mapagtanto ang isang bagay. Pagkuwenta niya sa mga araw, ngayon pala ang ovulation period niya.
Kaya naman pala. Hindi na nakapagtataka kung bakit napaaga ang uwi nito mula sa business trip. Kaya pala ganito na lang katindi ang pagnanasa nito sa kanya ngayon.
Hay, oras na naman para subukan kong bigyan siya ng anak, mapait na naisip ni Beatrice, tanggap na ang kanyang kapalaran.
Limang taon na ang nakalipas nang bumagsak ang negosyo ng pamilya Jennings. Para makabawi sa utang, tinangka siyang ibenta ng kanyang mga kinagisnang magulang sa pamamagitan ng pagpapakasal sa isang nakakalbong CEO na nasa edad singkuwenta na. Doon umeksena si Frederick para iligtas siya.
Nakatayo lang ito noon sa gitna ng maraming tao, mukhang kagalang-galang ngunit walang emosyon ang mukha, at simpleng sinabi, "Ako ang papakasalan niya."
Nang nag-aayos na sila ng marriage contract, nilakasan niya ang kanyang loob at nagtanong, "Bakit ako?"
Nagsindi lang ng sigarilyo si Frederick. Bahagyang natakpan ng usok ang gwapo nitong mukha. "Matanda na ang lola ko at gusto na niyang magkaapo," sagot nito. "Matagal na rin naman nating kilala ang isa't isa. Ikaw ang pinakabagay na maging asawa ko at ina ng mga magiging anak ko."
Mula't sapul, anak lang naman talaga ang habol nito. At siya? Si Beatrice ay isa lamang mamahaling sinapupunan na binili nito para magluwal ng kanyang mga anak. Ang "pagnanasa" nito sa kanya ay para lamang matupad ang hiling ng lola nito na magkaapo.
...
Pagkatapos ng lahat, basang-basa ng pawis si Beatrice, na tila ba bagong ahon lang sa tubig. Tahimik siyang bumangon mula sa kama, pinulot ang kanyang nightgown sa sahig, at naghandang lumipat sa guest room.
Ito ang kanilang hindi binibigkas na patakaran. Noong gabi ng kanilang kasal, hindi umuwi ang lalaki. Mag-isa siyang naghintay sa napakalawak nilang silid-tulugan mula paglubog ng araw hanggang mag-umaga.
Naisip niya na baka labag pa rin sa kalooban nito ang minadaling kasal nilang ito.
Upang hindi ito mailang at para na rin isalba ang natitira niyang dignidad, simula noon, maliban na lang kapag umuuwi sila sa Stuart Manor, lumilipat na siya sa kabilang kwarto tuwing tapos na silang magtalik.
Naging napakabuti sa kanya ni Frederick. Inalok siya nitong maging asawa noong panahong nasa pinakasadlak siyang kalagayan, at iniligtas siya upang hindi maibenta na parang isang ordinaryong kalakal. Malaki ang utang na loob niya rito, kaya natural lang na ayaw niya itong bigyan ng sakit ng ulo.
Ngunit dalawang hakbang pa lang ang nagagawa niya, biglang nangatog at bumigay ang kanyang mga tuhod. Nawalan siya ng balanse at tuluy-tuloy na sumubsob paharap.
Hindi dumating ang sakit na inaasahan niya. Agad na sumalo sa kanyang baywang ang malalakas na braso ni Frederick at binuhat siya. Laking gulat na lang ni Beatrice nang maramdaman niyang inihagis siya nito pabalik sa malambot na kama.
Kinulong siya ng matikas na pangangatawan ni Frederick, piniit siya nang mahigpit sa ilalim nito. "Beatrice," malamig at malalim ang boses nito, "ganyan ka ba kadesperadang iwasan na makatabi akong matulog?"
Sa gitna ng dilim, umugong ang kanang tainga ni Beatrice dahil sa isang nakakabinging katahimikan.
Ito ang kanyang panghabambuhay na lihim. Noong bata pa siya, sinampal siya nang napakalakas ng lasing na amang kumupkop sa kanya, na naging dahilan ng permanenteng pagkabingi ng kanyang kanang tainga.
Hindi niya masyadong naintindihan ang galit na tanong ni Frederick. Naramdaman na lang niya ang inis nito mula sa nanlalamig nitong presensya.
Galit ba siya? Kulang ba ang ipinakita niya kaya hindi ito nakuntento? O baka naman iniisip nitong nagkunwari lang siyang madapa dahil gusto niyang magpaiwan sa kwarto?
Sa isang iglap, nilamon siya ng kaba at pag-aalala. Isa lang siyang asawang binayaran nito, na ang tanging silbi ay paligayahin ito sa lahat ng bagay, pero heto't lagi na lang niya itong binibigyan ng dahilan para magalit.
Bahagyang inangat ni Beatrice ang kanyang paningin, umaasa sa mapusyaw na liwanag ng buwan mula sa bintana upang maaninag ang madilim na pigura ng lalakeng nasa ibabaw niya.
Dahan-dahan niyang inabot at maingat na hinawakan ang braso nito. "Galit ka ba?" tanong niya sa mahina at nag-aamong boses.
Kapansin-pansing nanigas ang buong katawan ni Frederick.
Sa pag-aakalang umepekto ang kanyang pag-aamo, mas lalo pa niyang pinalambing ang kanyang boses. "Pasensya na. Huwag ka na sanang magalit."
Lingid sa kanyang kaalaman, ang inakala niyang pag-aamo ay parang pagbubuhos ng gas sa nag-aapoy na galit ni Frederick. Kailanman ay hindi nito ginusto ang kanyang walang-katapusang paghingi ng tawad at pagiging sunud-sunuran.
Biglang naikuyom ni Frederick ang kanyang mga daliri. Yumuko ito, at ramdam na ramdam ni Beatrice ang mainit nitong hininga na tumatama sa kanyang mukha, ngunit nanatili itong walang imik.
Matapos ang tila napakahabang sandali, at kung kailan inakala ni Beatrice na makakatulog na sila sa ganoong posisyon, biglang gumulong si Frederick paalis sa ibabaw niya at sa halip ay humiga sa kanyang tabi.
Tumalikod ito sa kanya, nag-iwan lamang ng malamig at matigas na anino. "Matulog ka na."
Ang maiikling salitang iyon, na malalim at napakalamig, ay walang ni katiting na bakas ng lambing.
Halos malaglag ang puso ni Beatrice sa tindi ng kaba. Galit nga talaga ito. Damang-dama niya ang panlalamig na nagmumula rito, kaya napilitan siyang bumaluktot papunta sa gilid ng kama para panatilihin ang malaking distansya sa pagitan nilang dalawa.
Nang tuluyan na siyang makatulog nang mababaw at hindi mapakali, biglang umilaw ang screen ng kanyang cellphone, nagpapakita ng isang address.
Kinaumagahan na nakita ni Beatrice ang mensahe. Wala sa sariling bumaba siya ng hagdan at nadatnan si Frederick na nakaupo na sa hapag-kainan. Nakasuot ito ng napakagara at pasadyang suit, nagbabasa ng pahayagang pang-negosyo, at hindi mababakasan ng anumang emosyon sa likod ng salamin nitong may gintong frame.
Tila ba isang panaginip lang ang nagwala at galit na galit na Frederick kagabi.
Tulad ng nakagawian, tahimik silang kumain. May sinagot na tawag si Frederick at pagkatapos ay umalis, nang hindi man lang tinatanong ni Beatrice kung saan ito pupunta o kung anong oras ito uuwi.
Ang hindi pakikialam sa personal nitong buhay ay isa rin sa mga patakaran ng kanilang kasunduan sa kasal. Sa loob ng maraming taon, mahigpit siyang sumunod sa mga patakarang ito bilang asawa nito.
Ngunit sa pagkakataong ito, mukhang hindi niya matutupad ang mga napagkasunduan sa kanilang kontrata.
