Kabanata 2

Maagang dumating si Beatrice sa Echo Coffee House. Pinili niya ang puwesto sa tabi ng bintana, nakatingin sa mga taong nagdaraan sa labas habang malalim ang iniisip at tila lumilipad ang diwa.

"Bea." Isang boses na pamilyar pero tila naninibago siya ang narinig niya mula sa kanyang ulunan.

Pag-angat ng kanyang paningin, bumungad sa kanya si Lucius. Limang taon na ang lumipas mula nang huli silang magkita, at bakas na bakas ang paglipas ng panahon sa binata. Ang dating mahiyain at torpeng lalaki ay nakatayo ngayon sa kanyang harapan, suot ang isang mamahaling tailored suit, at may tindig na malamig at tila kay hirap abutin. Tanging ang mga mata lang nito ang hindi nagbago mula sa kanyang alaala.

Dumukot si Lucius ng isang maliit at eleganteng kahon mula sa loobang bulsa ng kanyang suit at marahang ipinatong ito sa mesa, sa mismong harapan ni Bea. Nang buksan ito, tumambad ang isang singsing na diyamante—isang nakasisilaw na batong napalilibutan ng maliliit at hugis-pusong pink crystals.

Napasinghap siya. Hinding-hindi siya maaaring magkamali sa disenyong iyon. Ito ang mismong sketch ng kuwintas na iginuhit niya para sa kanyang "Eternity" collection noong junior year niya sa kolehiyo.

Naalala pa niya noon, sabi ni Lucius ay isasali raw nito ang gawa niya sa isang design competition. Huli na nang matuklasan niyang ipinagbili pala ng binata ang lahat ng kanyang mga sketches kay Frederick kapalit ng sampung milyong dolyar at isang recommendation letter.

"Paano mo ito—"

"Ipinabili ko ito sa iba para maibalik sa akin," malumanay na tugon ni Lucius. "Bea, kaya na kitang protektahan ngayon. Makipaghiwalay ka na sa kanya at sumama ka na sa akin. Pangako, paliligayahin kita."

Marahang isinara ni Beatrice ang kahon at dahan-dahan itong itinulak pabalik sa binata.

Pagkatapos ay may kinuha siyang isa pang maliit na kahon mula sa kanyang bag at ibinuhos ang laman nito sa mesa—ang Cartier bracelet, isang maliit na pigurin, ilang lumang litrato, at mga love letters na ipinagpalitan nila bago pa man naging sila noong kolehiyo. Mga alaalang naiwan ng isang pag-ibig na matagal na palang naglaho.

"Isinasauli ko na ang mga ito sa 'yo."

Tinitigan ni Lucius ang mga gamit na nakakalat sa mesa, at biglang nagdilim ang kanyang mukha. "Bea, masama pa rin ba ang loob mo sa pag-iwan ko sa 'yo noon?"

"Hindi," umiling si Beatrice. "Ang totoo niyan, kasal na ako kay Frederick ngayon."

"Mahal mo ba siya?" biglang usisa ni Lucius. "Beatrice, sabihin mo nga sa akin, mahal mo ba talaga si Frederick?"

Hindi nakakibo si Beatrice; napayuko na lamang siya at tinitigan ang kanyang mga kamay. "Ibang-iba ka na," mahina niyang usal.

"Walang patutunguhan ang isang kasal na walang pag-ibig!" giit ni Lucius. "Hindi ba't sinusubukan mong iparehistro ang jewelry brand mo? Laging nadedelay ang proseso, pero ni hindi ka man lang makahingi ng tulong kay Frederick. Kung pakakasalan mo ako, ako ang aayos ng lahat ng problemang 'yan para sa 'yo. Walang ibang taong tunay na tutulong sa 'yo kundi ako lang."

Napatingala si Beatrice dahil sa mga sinabi nito. Bigla tuloy nanumbalik sa kanyang alaala ang mga nangyari ilang taon na ang nakararaan. Tuwing binubugbog siya ng kanyang kinagisnang ama, palihim na umaakyat si Lucius sa kanyang bintana para gamutin ang mga pasa at sugat niya, at sinasamahan siya nito hanggang sa magbukang-liwayway. Naalala pa niya ang madalas nitong sabihin noon, "Tahan na, Bea. Nandito pa naman ako para sa 'yo."

Pero ngayon? Kahit ang pagtatapat nito ng pag-ibig ay tila naging isang business proposal na lang. Kaya lang naman hindi niya mabanggit-banggit kay Frederick ang tungkol sa pagpaparehistro ng kanyang brand ay dahil ayaw na niyang makadagdag pa sa mga intindihin nito. Napakarami na nitong naitulong at nagawa para sa kanya.

Napabuntong-hininga na lamang si Beatrice at tuluyang tumayo. "Lucius, naisauli ko na ang mga gamit mo. Sana ay hindi na magkrus pa ang mga landas natin."

Mabilis na napatayo si Lucius at akmang aabutin ang kamay niya, ngunit maagap na umiwas si Beatrice.

"Beatrice!"

Naputol ang sigaw nito nang sumara ang mabigat na salamin na pinto ng coffee shop. Ni hindi na lumingon pa si Beatrice, at nagmamadaling naglakad palayo na tila may iniiwasang multo.

...

Gabi na at balot na ng dilim ang paligid nang makauwi siya sa villa. Pagkabukas pa lang niya ng pinto, sumalubong na agad sa kanya ang katakam-takam na amoy ng lutong-bahay. Agad nitong pinawi ang panlalamig na dala niya mula sa labas.

Natigilan si Beatrice sa may pintuan. Bihirang-bihira kasing magluto si Frederick, kaya nakapagtataka kung bakit ngayon ay...

"Nandiyan ka na pala?" narinig niya ang malalim na boses ni Frederick mula sa kusina.

Napalingon si Beatrice sa pinanggalingan ng boses. Palabas na ng kusina si Frederick, suot ang isang kulay-abong apron na nakapatong sa kanyang mamahaling tailored pants—isang hitsurang hindi mo aakalaing babagay sa kanya. Medyo nakakatawa itong tingnan, ngunit sapat na iyon para biglang bumilis ang tibok ng puso niya.

"Nagluto ka?" parang wala sa sariling tanong ni Beatrice, na tila nag-aalinlangan pa kung maling bahay ba ang napasukan niya.

Kinalas ni Frederick ang tali ng apron at isinampay ito sa sandalan ng silya. "Oo. Maghugas ka na ng kamay. Handa na ang hapunan."

Nakahain na sa hapag-kainan ang apat na klase ng ulam at isang sopas—na pawang mga paborito niya.

Umupo si Beatrice at sumubo ng sweet and sour meatballs. Ang saktong timpla ng asim at tamis ay manuot sa kanyang panlasa. Tandang-tanda pa rin pala ng asawa niya na ayaw niya ng sibuyas na mura, at iniluto nito ang lahat ng mga pagkaing nabanggit lang naman niya nang pahapyaw noon.

"Masarap ba?" nakatitig na tanong ni Frederick, habang ang mga emosyon nito ay nananatiling nakakubli sa likod ng kanyang salamin.

"Ang sarap!" patango-tango niyang sagot, hanggang sa may bigla siyang naalala. "Nga pala, kanina kasi—"

Pinutol ni Frederick ang sasabihin niya. "Kumain ka muna," anito sa kalmadong tono, habang nilalagyan pa ng karagdagang ulam ang plato niya. "May selebrasyon tayo ngayon."

"Magce-celebrate?" Kunot-noong napatingin si Beatrice. "Para saan?"

"Para sa personal jewelry brand mo. Lusot na ang registration." Kaswal na sabi ni Frederick, na parang nagkukwento lang tungkol sa magandang panahon.

Nabitawan ni Beatrice ang kanyang kutsara't tinidor sa plato. Titig na titig siya sa asawa. "Ano kamo? Paanong nangyari 'yon? Nagtanong-tanong ako, at ang sabi nila ay sobrang usad-pagong at komplikado raw ng proseso. Ayaw na kitang abalahin pa, kaya hindi ko na nabanggit sa'yo..."

"Hindi naman naging komplikado. Isang tawag lang 'yon." Nagsandok si Frederick ng sabaw sa mangkok at inilapag ito sa harapan niya.

Nanlabo ang paningin ni Beatrice dahil sa usok ng mainit na sabaw, kasabay ng pangingilid ng kanyang luha. Napakabuti talaga ng asawa niya, tahimik nitong sinosolusyunan ang lahat ng problema niya. Tapos, ano namang ginawa niya? Ngayong araw, nakipagkita siya kay Lucius—ang mismong lalakeng ginamit ang mga obra niya bilang pambala para sa sarili nitong interes.

Paano kung malaman ito ni Frederick? Ano na lang ang iisipin nito? Iisipin kaya nitong kasing-ugali rin siya ni Lucius—isang taong kayang manira ng tiwala para lang umangat? Kilabot ang gumapang sa buong katawan niya nang maisip iyon.

"Saan ka nga pala nagpunta ngayong araw?" biglang tanong ni Frederick.

Biglang kumabog nang mabilis ang dibdib ni Beatrice. Nanatili siyang nakayuko at mahinang sumagot, "Nag-aayos ako para sa design competition, naging masyadong busy sa studio. Wala na akong ibang pinuntahan."

Halatang natigilan si Frederick sa ginagawa nito, pero nagpatuloy lang ito sa pagkain at hindi na nagtanong pa.

Ramdam ni Beatrice ang biglang panlalamig ng hangin sa paligid. Ang hindi niya alam, nakatanggap na pala ng report si Frederick mula sa assistant nito at alam na alam nitong nakipagkita siya kay Lucius.

Matapos maghapunan, sinimulang iligpit ni Frederick ang mga pinagkainan. Nang akmang tutulong si Beatrice, tinanggihan siya nito.

"May video conference pa akong a-attend-an. Magpahinga ka na," sabi nito matapos ilapag sa lababo ang mga hugasin.

"May meeting pa nang ganitong oras?"

"Oo, dahil sa time difference sa Sovereign City." Kinalag ni Frederick ang tali ng kanyang apron. "Baka abutin ako ng madaling-araw. Mauna ka nang matulog, huwag mo na akong hintayin."

Pagkasabi niyon, dumiretso na ito sa itaas papunta sa kanyang study room. Naiwang nakaupo si Beatrice sa sala, balisa at nakatingin lang sa siwang ng ilaw mula sa kwarto sa itaas.

Galit si Frederick. Wala man itong sinasabi, ramdam na ramdam niya iyon.

Pagsapit ng alas onse, umakyat na si Beatrice matapos maghilamos at magsipilyo. Pagdaan niya sa tapat ng study room, naririnig pa rin niya sa loob ang malamig at kalmadong boses ni Frederick.

Saglit siyang tumayo sa tapat ng pinto pero sa huli ay hindi na rin siya kumatok, at nagdesisyon na lang na bumalik sa master bedroom.

Pagkahiga sa kama, paling nang paling si Beatrice, hindi siya dalawin ng antok.

Pagsapit ng hatinggabi, narinig niyang bumukas ang pinto ng study room, kasunod ang mga yabag ni Frederick—pero hindi ito papunta sa master bedroom, kundi sa guest room.

Nagulat si Beatrice. Sa buong pagsasama nila bilang mag-asawa, maliban na lang kapag umuuwi sila sa Stuart Manor, palaging siya ang natutulog sa guest room. Ni minsan ay hindi pa natulog doon si Frederick.

Napakaasikaso at maunawain nito sa kanya. Binili pa nga nito ang bahay na ito para hindi na siya mahirapan sa byahe papunta sa studio niya. Kumuha rin ito ng mga kasambahay para may mag-asikaso ng mga pagkain at paglilinis ng bahay.

Bilang asawa, pakiramdam niya ay marami na siyang pagkukulang—paano niya masisikmurang hayaan itong matulog sa guest room?

Nagpatong si Beatrice ng cardigan at dahan-dahang naglakad papunta sa pinto ng guest room. Nang makita ni Frederick ang medyo nangingitim na mga mata ni Beatrice dahil sa puyat, agad na kumunot ang noo nito.

"Bakit gising ka pa?"

Lumapit si Beatrice sa kama at hinawakan ang kamay ng asawa. "Doon ka na sa master bedroom. Ako na lang ang matutulog dito."

Saglit na nanigas ang kamay ni Frederick bago dahan-dahan nitong binawi iyon. "Huwag na."

"Frederick, nagagalit ka ba?" diretsahang tanong ni Beatrice. "Kung dahil ito sa nangyari ngayong araw na—"

"Na ano?" Tiningnan siya ni Frederick, at may kung anong lalim sa mga mata nito na hindi niya matukoy.

Ibinuka ni Beatrice ang kanyang bibig pero umurong ang dila niya at hindi naituloy ang sasabihin. Yumuko siya, halos pabulong na ang boses. "Basta, ako na ang matutulog dito. Pagod na pagod ka sa trabaho—mas makakapagpahinga ka nang maayos sa master bedroom."

Nang makita ang pag-aatubili nito, naintindihan ni Frederick na wala pa rin itong balak na aminin ang pakikipagkita kay Lucius. Hinawakan nito ang kamay ni Beatrice at malamig siyang inilabas mula sa guest room. "Good night."

Sumara ang pinto sa mismong harapan ni Beatrice, at kasunod nito'y narinig niya ang lagitik ng lock.

Gulong-gulo ang isip ni Beatrice. Kinuha niya ang kanyang cellphone para sana i-text si Frederick at humingi ng tawad. Pero pagka-unlock pa lang niya ng screen, tumambad agad sa kanya ang isang breaking news notification:

#NAKAKAGULAT: Public Proposal ng Aktres na si Letitia Morgan sa Financial Prodigy na si Lucius Jones, Basted! Sabi ni Jones, Reserbado Raw Siya Para sa Kanyang First Love.

Sa sobrang gulat ni Beatrice, muntik na niyang maibato ang hawak na cellphone.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata