Kabanata 12 Katotohanan at Kahinatnan
Kusa na lang humakbang si Aiden patungo sa operating room.
"Huwag kang lalapit!" hinarang siya ni Sean, tila yelo sa lamig ang mga titig nito.
"Aiden, hindi mo ba talaga maintindihan? Mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa bumalik sa piling mo. Ang pagpapakita mo rito ang lalong magpapabilis sa kamatayan niya. Kung may natitira ka pang konsensya, huwag na huwag ka nang magpapakita sa kanya kahit kailan! Parang awa mo na, lubayan mo na siya!"
Parang mga punyal na tumarak sa puso ni Aiden ang mga binitawang salita ni Sean.
Napako sa kinatatayuan si Aiden, hindi maalis ang paningin sa nakakapasong pulang ilaw sa ibabaw ng pintuan ng operating room.
Kaya pala sa tuwing namumutla siya at nanginginig ang buong katawan, hindi pala iyon pag-iinarte lang.
Talagang dusa't pasakit ang tinitiis niya.
At ano ang ginawa niya? Pinagbantaan niya ito at pinahiya nang sagad sa buto.
Kahit pa nagmakaawa na ito nang wagas sa kanya, buong lupit pa rin niya itong kinaladkad pabalik sa impyernong mas gugustuhin pa nitong ikamatay kaysa balikan.
Isang matinding alon ng pagsisisi at takot ang biglang sumikip sa kanyang dibdib.
Wala sa sariling humakbang siya pasulong, gustong makalapit sa pinto ng operating room.
"Lumayas ka rito!" lumingon si Sean, bakas sa kanyang namumulang mga mata ang nag-aalab at walang-kupas na poot.
"Nag-aagaw-buhay na siya. Kaya parang awa mo na, lumayo ka na sa kanya!"
Muling napahinto si Aiden.
Tiningnan niya ang matatag at maprotektang tindig ni Sean, at nang ikumpara niya ito sa mga pananakit na ginawa niya kay Keira, isang nakapanlulumong pakiramdam ng pagkatalo ang bumalot sa kanyang pagkatao.
Bigla siyang tumalikod at halos magkandarapang lumabas ng ospital.
Nagtungo si Aiden sa madalas niyang tambayang club. Bote-boteng alak ang nilagok niya, umaasang lulunurin nito ang nagwawalang isipan.
Napaliligiran siya ng mga taong panay ang sipsip sa kanya, habang nakabibingi ang tugtugan sa paligid.
Ngunit tila napakalayo at hindi totoo ng lahat ng nangyayari sa paligid niya, na para bang may makapal na ulap na nakaharang sa kanyang paningin.
Para sa kanya, ang gabing iyon ay tila inabot ng isang siglo sa haba.
Samantala, sa loob ng operating room, isang desperadong pakikipagpatintero kay kamatayan ang kasalukuyang nagaganap.
Ang patalim na iyon, na kargado ng buong pighati at determinasyon ni Keira, ay hindi nag-iwan ng kahit anong puwang para sa awa—diretso itong itinarak sa kanyang puso.
Sa awa ng Diyos, bahagyang sumala ang talim sa mismong puso niya.
Nakikipaghabulan sa oras ang mga doktor mailigtas lamang ang kanyang buhay.
Walang-katinag-tinag na nagbantay si Sean sa labas, tila isang rebultong nakatanod.
Pagsapit ng madaling-araw, tuluyan nang namatay ang pulang ilaw sa ibabaw ng operating room.
Lumabas ang punong siruhano, bakas ang matinding pagod sa mukha nito.
Matamlay itong tumango kay Sean, na agad namang napabikwas ng tayo.
"Naging matagumpay ang operasyon, pero nasa kritikal na kondisyon pa rin siya. Napakaselan ng susunod na bente-kuwatro oras."
Kahit papaano'y nabunutan ng tinik sa dibdib si Sean—buhay pa siya, at iyon ang mahalaga.
Isang buong araw at gabi na nanatiling walang malay si Keira sa loob ng ICU.
Ginamit ni Sean ang lahat ng kanyang koneksyon at yaman, kinukuha ang pinakamagaling na pangkat ng mga doktor upang magbantay rito bente-kuwatro oras.
Marahil ay naawa na rin ang tadhana at hindi na nito kayang dagdagan pa ang pagdurusa niya.
O baka naman ang matapang na munting anghel sa kanyang sinapupunan ang nagbigay sa kanya ng rason para kumapit pa sa buhay.
Isang himalang nalagpasan niya ang pinakakritikal na yugto, at unti-unti na ring naging maayos ang kanyang vital signs.
Nang sa wakas ay pilit niyang idinilat ang kanyang mga mata, bagama't balot pa rin ng kadiliman at matinding kirot sa dibdib ang kanyang nararamdaman, alam niyang nanalo siya sa kanyang sugal.
"Ang anak ko..." paos na bulong niya, halos hindi na makapa ang sariling boses.
Agad na yumuko si Sean papalapit sa kanya at malumanay siyang inalo.
"Huwag ka nang mag-alala. Na-check na siya ng doktor. Matapang ang bata—ligtas siya sa ngayon."
Nang marinig na ligtas ang kanyang anak, tahimik na tumulo ang mga luha mula sa walang-kabuhay-buhay na mga mata ni Keira.
Subalit, ang panandaliang ginhawang iyon ay agad napalitan ng isang mas matinding kilabot.
Kapag nalaman ni Aiden na buhay pa siya, hinding-hindi siya nito lulubayan.
Nakawala nga siya ngayon, pero paano sa susunod?
Hinding-hindi na siya papayag na mahulog muli sa mga kamay nito, at hindi na rin niya pwedeng patuloy na idamay si Sean sa gulo niya.
Huminga siya nang malalim at inipon ang natitirang lakas para mahigpit na hawakan ang kamay ni Sean.
"Mr. O'Neill... tulungan niyo po ako. Tulungan niyo po akong makalayo nang tuluyan. Palabasin po nating patay na ako. Parang awa niyo na po."
Agad na nakuha ni Sean ang ibig nitong sabihin.
Palabasing patay na siya para tuluyang makatakas.
Ito na ang pinakadesperadong hakbang, ngunit ito rin ang tanging paraan para tuldukan ang lahat.
Tinitigan niya si Keira, na kakawala lang sa kuko ng kamatayan. Mas matatag siya kaysa sa inaakala ng lahat.
"Sige," mabigat at seryoso ang kanyang boses. "Ako na ang bahala sa lahat."
Makalipas ang dalawang araw.
Nang bumalik si Aiden sa ospital—amoy alak pa rin at nilalamon ng kanyang kahibangan—sinalubong siya ng malamig at walang kabuhay-buhay na mga salita ni Sean.
"Wala na siya. Bumigay ang mga organo niya dahil sa matinding pagdurugo. Pumanaw siya kahapon ng madaling-araw."
Parang tinamaan ng kidlat si Aiden sa kinatatayuan niya.
Marahas niyang kwinelyuhan si Sean. "Imposible! Nagsisinungaling ka! Hindi siya pwedeng mamatay. Anong bagong panlilinlang na naman 'to?!"
Walang pakialam na iwinaksi ni Sean ang kamay niya, bakas sa mga mata nito ang matinding pandidiri at galit.
"Panlilinlang? Sus, Aiden, hanggang sa huling hininga niya, nagmamakaawa siyang pakawalan mo na siya. Ang tanging huling hiling niya ay ang huwag ka nang makita kahit kailan! Heto ang death certificate niya, heto ang cremation certificate!"
Padabog niyang ibinato kay Aiden ang ilang dokumentong may mga opisyal na selyo.
Nanginginig ang mga kamay na pinulot ni Aiden ang mga papel.
Nang mabasa niya ang pangalan ni Keira at ang malamig na katotohanan ng pagpanaw nito, tila biglang gumuho ang mundo niya.
"Hindi... hindi totoo 'to! Nasaan siya?! Nasaan ang bangkay niya?!" desperado at paos niyang sigaw.
"Bilang pagsunod sa huling habilin niya, na-cremate na siya," sagot ni Sean, kalmado ngunit may talim ang boses.
"Ano, Mr. Coleman, masaya ka na ba ngayon? Tuluyan mo na siyang itinulak sa kamatayan."
Kasabay nito, may inutusan siyang ilabas ang isang maliit na urno.
Napako ang tingin ni Aiden sa maliit na kahon, na tila ba ito na ang pinakanakakakilabot na bagay sa buong mundo.
Napapaatras siya, halos matumba sa panginginig ng mga tuhod.
"Hindi... hindi 'to pwede."
Wala sa sariling bulong niya bago tulirong tumakbo palabas ng ospital.
Pagbalik sa kumpanya, nagkulong si Aiden sa kanyang opisina sa buong maghapon.
Pagkatapos ay ginamit niya ang lahat ng kanyang koneksyon at yaman, baliw na baliw na pinaiimbestigahan ang buong katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Keira.
Paulit-ulit niyang kinukumbinsi ang sarili na hindi pwedeng basta na lang mamatay si Keira nang ganoon—siguradong pakulo lang 'to ni Sean!
Ilang araw ang lumipas, nanginginig na inabot ni Justin sa kanya ang resulta ng imbestigasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na sa mismong araw na nakasaad sa death certificate, totoong may ibinyaheng bangkay si Sean mula sa ospital patungong crematorium. Isang bangkay na tugmang-tugma sa pisikal na anyo ni Keira.
Kumpleto ang lahat ng papeles. Napakalinaw ng buong proseso, at walang kahit anong kahina-hinalang butas.
Maging ang mga tauhan mismo ng crematorium ay pinatunayan ito.
Lahat ng ebidensya ay tumutumbok sa iisang malupit na katotohanan.
Wala na talaga si Keira—siya ang mismong nagtulak dito sa kamatayan.
Nangatal nang husto ang mga daliri ni Aiden. Halos mabitawan niya ang malamig at walang-awang papel na hawak niya.
Hindi na niya kayang lokohin ang sarili niya.
Ang Keira na laging nag-iingat sa bawat kilos kapag kasama siya... Ang Keira na tumitingin sa kanya nang may wagas ngunit nagmamakaawang pagmamahal.
Ang Keira na walang-awa niyang hiniya at pinahirapan nang paulit-ulit.
Ang Keira na lumuhod sa sahig, humahagulgol, at nagmamakaawang pakawalan na siya.
Tuluyan na niya itong winasak. Ang lahat ng galit niya, ang lahat ng paghihiganti niya—lahat ng iyon ay nauwi sa wala, naging isang malaking kahangalan.
Bumalik si Aiden sa ospital, ang huling lugar kung saan naroon si Keira.
Normal ang takbo ng lahat, na tila ba walang trahedyang nangyari.
Habang unti-unting nilalamon si Aiden ng matinding pagsisisi at pighati, dumating si Sean.
"Aiden, kung may natitira ka pang konsensya, alamin mo ang buong katotohanan sa mga nangyari noon! Alamin mo kung sino ba talaga ang nagligtas sa'yo sa pinakamadilim na yugto ng buhay mo. Huwag kang magpakatanga! Nagpabulag ka sa kasinungalingan, kaya heto, pinatay mo ng sarili mong mga kamay ang kaisa-isang taong nagmahal sa'yo nang totoo!"
Nanlilisik at namumula ang mga matang tiningnan ni Aiden si Sean. "Anong ibig mong sabihin?"
"Anong ibig kong sabihin?" Mapaklang tumawa si Sean, bakas sa mga mata nito ang matinding pangungutya at awa.
"Ang ibig kong sabihin, sa sobrang galing mo, hindi mo man lang makilala kung sino ang tagapagligtas mo sa tunay mong kaaway! Ang taong sumalo ng bala para sa'yo noon ay hindi si Zoey—hindi ang babaeng inalagaan at sinamba mo sa loob ng maraming taon. Si Keira 'yon! Ang Keira na pinahirapan at tinortiyur mo hanggang sa piliin na lang niyang mamatay!"
