Kabanata 1

"Emily Windsor, noong pinatay mo ang lalaking iyon, nakapanlaban pa ba siya? Nalagay ba sa matinding panganib ang buhay mo?"

"Kailangan mong pag-isipang mabuti bago mo sagutin ang mga tanong na ito. Dito nakasalalay ang magiging takbo ng kaso mo—isa ba itong pagtatanggol sa sarili o sadyang pagpatay?"

Sa loob ng interrogation room, nakaupo si Emily Windsor sa silya ng nasasakdal. Bakas ang kawalan ng pag-asa sa kanyang mga mata habang nakatingala sa nakakapasong liwanag ng desk lamp na nakatutok sa kanyang mukha, gayundin sa dalawang istriktong imbestigador sa kanyang harapan.

Nanginginig ang kanyang mga daliri, ngunit pinipigilan ang kanyang paggalaw ng malamig na posas sa kanyang mga pulso. Tuyo at bitak-bitak ang kanyang mga labi, at hirap na hirap siyang ibuka ang kanyang bibig, "A-ako..."

Kay tagal na niyang hindi nagsasalita. Halatang-halata ang pagka-trauma sa kanyang isipan—buhaghag at nakadikit sa kanyang mukha ang kanyang buhok, punit-punit at butas-butas ang kanyang mga damit. Ang kanyang balat ay tadtad ng nagpapatong-patong na mga pasa at langib, isang malinaw na ebidensya ng walang-awang pagpapahirap na sinapit niya.

Kung hindi lang siya nakaposas sa silya, sigurado ay kanina pa siya sumiksik sa isang sulok upang magtago, tulad ng ginagawa niya sa tuwing nakakatikim siya ng walang-katapusang pambubugbog noon.

Dinampot ng lalaking imbestigador ang isang folder at seryosong nagsalita, "Hawak ko ngayon ang autopsy report ng lalaking pinatay mo. Karumal-dumal ang sinapit niya. Sa tingin namin, lumampas ka sa limitasyon ng pagtatanggol sa sarili. Kapag napatunayan namin ang takbo ng kaso, kailangan mong panagutan ito sa batas."

Bago pa man makasagot si Emily, hindi na nakapagtimpi ang babaeng imbestigador at galit na sumingit.

"Hayop ang lalaking 'yon—isang demonyong nag-aanyong tao! Sa dami ng mga karumal-dumal at kasuklam-suklam na ginawa niya, kulang pa ang mamatay siya nang isandaang beses!"

Malamig naman siyang sinaway ng lalaking imbestigador, "Kumahanahon ka nga. Nagtatrabaho tayo rito. Huwag mong pairalin ang personal mong emosyon sa kasong ito."

"Paano ako kakalma?! Napakaraming inosenteng tao ang sinira ng tarantado na 'yon; nararapat lang siyang mabulok sa impiyerno!"

Dahil sa mainit nilang pagtatalo, bahagyang napayuko si Emily. Tinitigan niya ang mga natuyong dugo na nakamantsa sa kanyang mga kamay. Bigla niyang naalala ang babaeng nalagutan ng hininga sa mismong lawa ng dugong iyon.

Dahan-dahan niyang sinimulang sariwain at ikuwento ang malagim na karanasang iyon.

Lahat sila ay naging mga bihag sa madilim na underground cellar na iyon.

Daan-daang mga kababaihan ang pinagsiksikan sa isang masikip na espasyong hindi nasisinagan ng araw—madilim, maalinsangan, at lubhang nakapanlulumo.

Tinrato sila ng sindikato na parang mga hayop sa katayan, binubugbog at inaabuso nang walang kalaban-laban. Nakasabit sa mga dingding ang mga latigong may mga tinik, kasama ang sangkatutak na mga electric baton.

Bawat taong nakakulong doon ay bakas sa mukha ang pagkamangmang at pagmamanhid. Ang kanilang mga mata ay lunod sa kawalan ng pag-asa.

Nakulong siya kasama ng mga babaeng ito.

Araw-araw, nilalatigo sila hanggang sa magkasugat-sugat. Gusto silang durugin ng sindikato hanggang sa maging kasing-sunud-sunuran sila ng mga aso.

Tanging isang tao lamang ang nagpakita ng kabutihan sa kanya—isang payat at mahinang babae na palihim na nagtatabi ng kakarampot na pagkain para sa kanya araw-araw. Kung hindi dahil sa kanya, matagal na sanang binawian ng buhay si Emily.

Ngunit ang babaeng iyon ay namatay dahil sa saksak ng kutsilyo.

Ano ang nangyari pagkatapos niyon? Hindi na ito masyadong maalala ni Emily.

Ang tanging naalala na lang niya ay ang pulang kulay sa paligid—ang malansang amoy ng dugo na nanunuot sa kanyang ilong mula sa lahat ng direksyon, tila nagbabantang lamunin siya nang buo.

Nang muli siyang matauhan, nakita na lang niya ang lalaking tadtad ng daan-daang saksak, at wala nang buhay.

Ang kutsilyong hawak niya ay inagaw niya mismo mula sa lalaking iyon.

Habang nakikinig sa mga salaysay ni Emily, lalong bumigat ang dibdib ng babaeng imbestigador dahil sa labis na lungkot at awa.

"Nakuha na namin ang mga detalye ng nangyari. Maaari ka nang umuwi. Kung may kakailanganin pa kami, tatawagan ka na lang namin."

Nanatiling tahimik si Emily habang dahan-dahang tumatayo mula sa silya. Tinanggal naman ng babaeng imbestigador ang kanyang posas.

Paghakbang niya palabas ng presinto, sumalubong sa kanya ang matinding sikat ng araw. Awtomatikong naiangat ni Emily ang kanyang kamay upang silungan ang kanyang mga mata.

Dahil sa napakatagal na pagkakakulong sa madilim na lugar, hindi na siya sanay sa liwanag ng araw.

Nang makapag-adjust na ang kanyang paningin, ibinaba niya ang kanyang kamay at napansin ang isang kotseng Maybach na papalayo mula sa presinto.

Namukhaan niya ang kotseng iyon.

Ang taong sakay ng kotseng iyon ang humango sa kanya mula sa impiyerno. Pagkatapos ay ligtas siyang inihatid sa presinto.

Nakatayo sa tabi niya ang babaeng imbestigador at malumanay na nagtanong, "Ang dami mong tuyong dugo sa katawan. Gusto mo bang maghilamos muna? Ipaghahanap kita ng banyo."

Dahan-dahang umiling si Emily, garalgal ang boses. "Sa bahay na po ako maglilinis. Salamat po."

Tumango ang imbestigador. "Siguradong tuwang-tuwa ang mga magulang mo kapag nakita nilang nakauwi ka na."

Bahagyang sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga labi ni Emily.

Ang makapiling muli ang kanyang pamilya ang tanging rason kung bakit siya patuloy na lumaban sa buhay.

Habang nasa biyahe pabalik sa mansiyon ng mga Windsor, gumaan nang husto ang pakiramdam ni Emily. Para siyang isang ibong nakawala sa hawla matapos ang mahabang panahon.

Sa wakas, makakapiling na rin niya ang kanyang pamilya.

Subalit parang bulang naglaho ang kanyang masasayang pangarap. Ito ay nang bumungad sa kanya ang nagkakaguluhang selebrasyon sa mansiyon ng mga Windsor.

Tila may engrandeng handaan ang pamilya Windsor nang araw na iyon.

Hindi niya sinasadyang mapatingin sa kanyang mga braso. Bakas pa rin doon ang mga namamagang latay ng latigo.

Bahay niya ito, pero biglang pinanghinaan ng loob si Emily na pumasok. Parang nakapako sa lupa ang kanyang mga paa.

Napakagarbo ng piging, at walang patid ang pagdating at pag-alis ng mga naglalakihang bisita.

Hindi nagtagal, may isang nakapansin kay Emily.

"Hala, pamilyar ang mukha niya—kamukha niya 'yong panganay ng mga Windsor na nakidnap ilang taon na ang nakalipas!"

"Oo nga 'no, kamukhang-kamukha niya! Pero 'di ba patay na 'yon?"

"Kaya nga, ang balita ko namatay daw siya sa sakit matapos pahirapan ng sindikatong dumukot sa kanya."

Kumalat na parang apoy ang mga bulung-bulungan.

Maya-maya pa'y lumabas ng bahay sina Wayne at Bianca Windsor. Pagkakita nila kay Emily, bakas na bakas ang matinding pagkabigla sa kanilang mga mukha.

Walang ni isang humakbang palapit sa kanya. Nanigas sila sa kinatatayuan nila, walang imik na nakatitig kay Emily.

"Mama... Papa..." Nilunok ni Emily ang nagbabadyang iyak at pinilit silang tawagin.

Si Bianca ang unang nakabawi sa pagkagulat. Alanganin siyang sumagot, "Emily, buhay ka pala at nakauwi na. Akala talaga namin ay hindi na tayo magkikita pang muli."

Kahit iyon ang sinabi ni Bianca, ni hindi man lang siya humakbang palapit sa anak.

Ilang hakbang lang sana ang pagitan nilang mag-ina. Subalit pakiramdam ni Emily, may isang malalim at hindi nakikitang bangin na naghihiwalay sa kanila.

Tiningnan naman ni Wayne si Emily, halu-halo ang emosyon sa kanyang mga mata.

"Mabuti naman at nakauwi ka na. Mabuti naman."

Pormal ang kanyang pananalita—malamig, walang gana, at parang napilitan lang.

Umasa sana si Emily na sasalubungin siya ng tuwa at pananabik. Subalit pandidiri ang nakita niyang sumilip sa kanilang mga mata, at isang matinding kahihiyan na pilit nilang itinatago.

Dati-rati, siya ang paboritong anak, ang prinsesa ng kanilang tahanan.

Pero ngayon, isa na lamang siyang malaking kahihiyan—isang mantsa na sisira sa pangalan ng pamilya Windsor.

Sakto namang lumabas din ng bahay sina Laura Windsor at Lucas Smith.

Nakasuot si Laura ng isang maganda at mamahaling bestida. Ampon man siya, halatang-halatang itinuring siyang parang isang tunay na kadugo.

"Mama, Papa, bakit po kayo nakatayo diyan sa labas? Ang dami po nating bisita, hindi na po namin magawang asikasuhin ni Lucas."

Saka lang napansin ni Laura si Emily matapos siyang magsalita. Bakas ang matinding gulat sa kanyang boses. "Emily?"

Mas lalo pang lumakas ang bulung-bulungan sa paligid.

"Siya nga talaga 'yong panganay na nakidnap noon! Diyos ko, sa tagal niyang binihag, paniguradong kung kani-kaninong lalaki na siya napunta!"

"Kadiri, tingnan niyo nga ang balat niya! Lumayo tayo, baka may nakakahawang sakit 'yan."

"Pumunta lang tayo rito para makipag-party. Mahirap na, baka mahawa pa tayo sa kung anong dumi niya."

"Mas nakakahiya pa yatang umuwing buhay ang ganyang klaseng anak kaysa namatay na lang sana siya roon."

Dahil sa mga narinig, tila namutla nang namutla si Emily hanggang sa mawalan ng kulay ang kanyang mukha.

Binalingan niya si Lucas, kumakapit sa kahuli-hulihang hibla ng pag-asa. Sila ang magkababata at unang nag-ibigan—nangako pa nga silang magpapakasal pagdating ng tamang panahon.

Subalit nag-iwas lamang ng tingin si Lucas.

Susunod na Kabanata