Kabanata 1
"Lisbeth, mas mabuti pang pumayag ka na sa diborsiyong ito, bilisan mo! Kung hindi, ikakalat ko ang mga litratong 'to. Ipapakita ko sa milyun-milyong fans mo kung paano binaboy ng isang matandang hukluban ang sikat at pinakamamahal nilang idolo!"
"Ano?" Nanlaki ang mga mata ni Lisbeth Whitaker. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig, hindi makapaniwala sa mga salitang lumabas sa bibig ng asawa.
Ito ang lalaking limang taon na niyang asawa—ang mismong lalaking nangaliwa at pumatol sa caregiver na binabayaran niya para mag-alaga rito.
At ngayon, bina-blackmail pa siya nito para piliting makipagdiborsiyo, para lang malinis ang landas nilang dalawa ng kabit niya! Walang hiya!
"Huwag ka ngang magpa-inosente diyan. Sa tingin mo ba, ang isang babaeng marumi at sirang-sira na katulad mo ay karapat-dapat maging asawa ko?" nakangising pang-iinsulto ni Leopold Hearst, sabay labas ng isang makapal na brown envelope.
Laman nito ang mga dokumento ng kaso mula sa madilim na kahapon—noong gahasain siya.
Nakadetalye roon kung paano walang-awang pinunit ng lalaking iyon ang kanyang damit, kung paano nito kinagat ang kanyang leeg at dibdib, at kung paano nito pinagsamantalahan ang kanyang pagkababae... Nandoon din ang mga litrato mula sa medico-legal na ginamit bilang ebidensya.
Noon, nagkukumahog at halos hindi matulog si Leopold makalap lang ang mga ebidensyang ito para maipakulong ang gumawa sa kanya noon.
Pero ngayon, ang mga mismong dokumentong iyon ang ginagamit nitong patalim para isalaksak sa kanyang lalamunan at pilitin siyang sumuko.
Nanginginig ang buong kalamnan ni Lisbeth sa matinding galit, halos mabulunan siya bago nakapagsalita. "Talagang ginagamit mo 'to para i-blackmail ako na makipagdiborsiyo sa'yo? Sige! Kung sabihin mong hindi mo na 'ko mahal, wala na 'kong pakialam! Eh paano naman si Dennis? Kapag kumalat 'to, paano pa haharap sa ibang tao ang anak natin?"
Laking gulat niya nang humalakhak lang nang pang-asar si Leopold. "Ang kapal din naman ng mukha mong idamay si Dennis! Alam na alam mo kung paano nabuo ang batang 'yan habang nakaratay ako at na-coma!"
Namutla si Lisbeth, tila naubusan ng dugo. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Kinuwelyuhan niya si Leopold at nanggigil na nagtanong, "Ano bang pinagsasasabi mo?!"
"Hindi ba halata, Lisbeth? Kahit katiting, walang nakuha sa mukha ko ang batang 'yan! Hindi ko lang kinikibo noon kasi naisip kong pagtakpan na lang ang kahihiyan mo dahil may pinagsamahan naman tayo. Ano sa tingin mo sa'kin, ganoon katanga?"
Padabog siyang itinulak ni Leopold palayo. Mababakas sa mga mata nito ang matinding pandidiri at pagmamaliit.
"Alam kong desperada ka na—isang inang may HIV, at may anak na may leukemia—kaya linta ka kung makakapit sa'kin. Pero bakit naman ako magpapaka-walking ATM sa inyo?"
Sa isip ng lalaki, tama lang ang mga sinasabi niya at inilalatag lang niya ang mapait na katotohanan. Lingid sa kaalaman nito, bawat salitang bitawan niya ay parang punyal na paulit-ulit na itinarak sa pinakasugat-sugatang puso ni Lisbeth.
Sukdulang pagsisisi ang naramdaman niya kung bakit pa siya pumayag sa alok na honeymoon trip noon ni Leopold.
Kung hindi sana sila nag-abroad, hindi sila maaabutan ng riot na 'yon. Hindi sana siya nababoy at nasira, at hindi sana naaksidente't nagka-amnesia si Leopold!
At higit sa lahat, hindi sana nahulog ang loob ni Leopold sa caregiver na binayaran niya nang pagkamahal-mahal para lang mag-alaga rito, at hindi sana nito tinatawag na bastardo ang sarili nitong anak!
"Tumahimik ka!" Nag-aapoy sa galit ang mga mata ni Lisbeth. Hinablot niya ang mga papeles at buong lakas na inihampas iyon sa dibdib ng asawa. "Gusto mo ng diborsiyo? Pwes, ibibigay ko sa'yo!"
Sa loob ng courthouse, walang kaemo-emosyong nagsalita ang clerk. "Para po sa pagpa-file ng diborsiyo, pakilapag po rito ang inyong divorce application at kopya ng inyong marriage certificate, kasama na rin po ng iba pang mga kaugnay na dokumento."
"Punit na ang kopya ng marriage certificate natin..." hirap na hirap na sabi ni Lisbeth.
Salubong ang kilay at halatang inip na inip si Leopold. "Saan ba tayo pwedeng kumuha ng bago?"
Nang makita niya kung gaano kadesperado si Leopold na hiwalayan siya, parang pinipino ng libo-libong karayom ang puso niya.
Naalala pa niya noong bagong kasal sila, mismong si Leopold ang pumunit sa kopya ng marriage certificate nila. Tumatawa pa ito noon habang sinasabi, "O ayan, hindi ka na pwedeng makipaghiwalay sa akin, kaya tatanda tayong magkasama."
Pero ngayon, ang mismong lalaking nangako sa kanya ang siya ring sumisira nito.
Wala pang kalahating oras, opisyal nang naaprubahan ang divorce nila.
"Sa akin mapupunta ang bahay. Siguraduhin mong hakutin lahat ng gamit mo kapag nagka-oras ka." Atat na atat nang umalis si Leopold, kaya malamig niya itong binitiwan bago tuluyang tumalikod.
Mula sa likuran, sinundan siya ng paos na bulong ni Lisbeth, "Sige. Siguraduhin mo lang na hindi ka magsisisi kapag bumalik na ang mga alaala mo balang araw."
Magsisisi? Sus, imposible! Napangisi na lang si Leopold at tuloy-tuloy na naglakad palabas nang hindi man lang lumilingon.
Paglabas ng korte, agad niyang niyakap sa baywang si Elora Foster at masayang binuhat sa ere.
Samantala, naiwang nakatayo si Lisbeth sa kabilang banda ng salaming pinto. Pinapanood niya ang asawang minsan siyang minahal nang lubos, habang masayang pinapaikot-ikot nito sa ere ang ibang babae.
Pagkatapos, magkahawak-kamay silang naglakad patungo sa parking lot. Mula sa likod ng kotse, kumuha ang lalaki ng isang napakalaking bouquet ng mga pulang-pulang rosas.
"Lora, sa wakas, malaya na ako! Mahal na mahal kita, at ipinapangako kong aalagaan kita habambuhay! Pakakasalan mo ba ako?"
Sa ilalim ng tirik na araw, lumuhod si Leopold, abot-tenga at walang pag-aalinlangan ang kanyang ngiti. Sa kanyang palad, nakabukas ang isang maliit na kahon na naglalaman ng isang nakakasilaw na diamond ring.
Napahinto ang ilang mga dumadaan para pumalakpak at kiligin, sabay sigaw ng, "Oo na 'yan! Oo na 'yan!"
Habang pinapanood ang pamilyar na eksenang iyon, isang mapait at mapangutyang ngiti na lang ang kumawala kay Lisbeth. Parang isang malaking biro ang lahat.
Nakakatawa kung gaano kadesperado si Leopold na kumawala, pero mas nakakatawa ang lahat ng taon na sinayang niya sa pagtitiis at pagpapakatanga para sa lalaking ito.
Napabuntong-hininga na lang siya nang malalim. Manhid na ang kanyang puso. Tatalikod na sana siya para umalis nang biglang tumunog ang kanyang cellphone—isang tawag mula sa ospital.
"Mabilis pong bumagsak ang kondisyon ni Dennis Hearst. Ginawa na po namin ang lahat, pero hanggang tatlong buwan na lang ang maitatagal niya. Kung hindi po tayo makakahanap agad ng suitable match para sa kanya..."
Agad na nilamon ng kaba si Lisbeth. "D-Diba po kontrolado na ang kondisyon niya? Paanong bigla na lang lumala?"
"Ang leukemia po ay isang sakit na talagang mahirap hulaan. Pakiusap po, sabihan niyo na ang ama ng bata na pumunta rito para sa compatibility testing sa lalong madaling panahon."
Ang ama? Biglang napalingon si Lisbeth, sapat lang para makita kung paano isinusuot ni Leopold ang singsing sa daliri ni Elora, bago ito tumayo at marubdob na hinalikan ang babae.
Napahalakhak nang mapait si Lisbeth. At sa bawat pagtawa niya, siya ring pag-agos ng mga luha sa kanyang pisngi.
Tinawag pa nga nitong 'bastardo' si Dennis—paano pa nito pakikialaman kung mabuhay man o mamatay ang sarili nitong anak? Bakit pa ito papayag na magpa-test bilang donor?
"Naiintindihan ko po. Aasikasuhin ko agad," sagot niya, blangko at walang buhay ang boses.
Pagkababa ng tawag, napasandal si Lisbeth sa malamig na pader hanggang sa tuluyan siyang napalugmok sa sahig.
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata, bago i-dial ang isang numerong ilang taon na niyang hindi tinatawagan. "Pumapayag na akong magpakasal sa'yo. Pero sa isang kondisyon... tulungan mo akong iligtas si Dennis!"
