Kabanata 3
Nang salubungin siya ng malamig na titig ni Lisbeth, may biglang pumasok sa isip ni Leopold, kasabay ng isang matalim na kirot sa kanyang dibdib.
Totoo kaya ang mga sinasabi niya?
Akma na sana siyang magsasalita nang biglang humarang si Elora sa kanyang harapan, tinatakpan ang paningin niya kay Lisbeth.
"Lisbeth, hanggang ngayon ba naman, binabaluktot mo pa rin ang kwento para siraan si Leopold? Napakawalang-puso mo naman!"
Matangkad si Lisbeth at may matapang na ganda—bago pa masira ang kanyang mukha, bawat kilos at ekspresyon niya ay talagang nakabibighani. Sa kabilang banda, si Elora ay may maamo at inosenteng mukha, ang tipikal na dalagang Pilipina na mahinhin at pino.
Nilipad ng hangin ang suot niyang puting bestida habang nakadipa ang kanyang mga braso. Nagmistula siyang tagapagtanggol ng mas matangkad na si Leopold na nasa likuran niya, habang bakas sa kanyang mukha ang pagiging kaawa-awa at tila madaling masaktan.
Agad na iwinaksi ni Leopold ang namuong pagdududa sa kanyang isip. Mahigpit at puno ng pag-iingat niyang inakbayan si Elora. "Elora, bakit mo pa pinag-aaksayahan ng laway ang isang tulad niya?"
Malamig na tumawa si Lisbeth, ni hindi na nag-abalang tapunan pa sila ng tingin. Nakipagsiksikan siya sa mga tao. "Nasabi ko na ang lahat ng gusto kong sabihin. Makikiraan nga."
"Miss Whitaker! Miss Whitaker!" habol na tawag ng mga reporter sa kanya.
"Sira na nga ang pangalan niya, ang kapal pa rin ng mukha. Ano bang ipinagmamalaki niyan?" bulong ng isang usisero.
Kahit ganoon ang mga bulung-bulungan, walang sinuman ang nangahas na harangin siya. Nang magsimulang humawi ang mga tao, biglang sumugod si Elora at mahigpit na hinawakan si Lisbeth sa braso.
"Lisbeth, pakinggan mo muna ako—"
"Wala na tayong dapat pag-usapan. Tabi!" Padabog na iwinaksi ni Lisbeth ang kamay ni Elora at tinangkang lampasan ito.
Ngunit biglang napatili si Elora at pabagsak na napaupo sa sahig.
"Lisbeth!" Nanlilisik ang mga matang binalingan siya ni Leopold bago ito nagmamadaling dinaluhan si Elora. "Ayos ka lang ba?"
Sumulyap muna si Elora kay Lisbeth habang namimilipit kunwari sa sakit. Pagkatapos ay lumingon siya kay Leopold, nangingilid ang mga luha habang pinapakalma ito. "Huwag kang mag-alala, ayos lang ako."
Maingat na hinaplos ni Leopold ang sinapupunan ni Elora bago niya ito binuhat at inalalayan paupo sa isang malapit na bangko. Pagkatapos, lumingon siya at mabibigat ang mga hakbang na sinugod si Lisbeth. Bakas ang nag-aapoy na galit sa kanyang mukha.
"Ang lakas ng loob mong sabihin na hindi ka masamang tao, pero ano 'to? Pati buntis, papatulan at sasaktan mo?!"
"Bulag ka ba?! Ni hindi ko nga siya ganoon kalakas na hinawakan! Halata namang sinadya niyang magpatumba—"
Hindi pa man siya natatapos magsalita, mahigpit nang sinunggaban ni Leopold ang kanyang pulso at kinaladkad siya sa harap ni Elora.
"Humingi ka ng tawad kay Elora. Ngayon din!" Parang kulog na sumabog ang boses nito sa mismong tainga niya, na halos makabingi sa lakas.
Muling nagkagulo at nag-unahan ang mga taga-media, pilit na inilalapit ang mga camera sa kanilang mga mukha. Sa gitna ng nakakapasong kislap ng mga flash at matinding kaguluhan, nakaramdam ng pagkahilo si Lisbeth at nawalan ng balanse.
Isang matipuno at malakas na braso ang sumalo sa kanya bago pa siya tuluyang bumagsak. Pagtingala niya, bumungad sa kanya ang seryoso at napakakalmadong mukha ni Sebastian.
Agad na pinalibutan sila ng nasa isang dosenang lalaking nakaitim na suit. Walang-awa nilang itinulak palayo at hinarangan ang mga sumisigaw at nagmumurang taga-media.
"Mr. York, kayo po..." Kinagat ni Lisbeth ang ibabang labi at napabuntong-hininga. "Hindi na po sana kayo nakialam."
Nanatiling blangko ang emosyon sa mukha ni Sebastian habang nagsasalita sa harap ng mga tao. "Magpapatawag ako ng press conference tungkol sa isyung ito sa lalong madaling panahon. Sa ngayon, inaasahan kong susundin ninyo ang tamang etika ng pamamahayag. Burahin ninyo ang lahat ng maling impormasyon at mga kuha ninyong video."
Walang nangahas na sumuway sa kanya—hindi lang dahil isa siyang sikat at tinitingalang aktor, kundi dahil siya ang tagapagmana ng pamilya York. Ang impluwensya at kapangyarihan niya sa buong alta sosyedad ng Sovereign City ay hindi matatawaran.
Wala silang nagawa kundi hayaan ang mga tauhan ni Sebastian na burahin ang lahat ng kanilang mga nakuhang video at tala.
Nang makaupo na nang ligtas si Lisbeth sa loob ng kotse ni Sebastian, saka lang siya nakahinga nang maluwag. Doon lang niya nagawang pakalmahin ang sarili at pag-isipan kung ano ang susunod niyang hakbang.
Hindi niya pwedeng hayaan na habambuhay dalhin ni Dennis ang mantsa ng pagiging "anak sa labas." Kailangan niyang patunayan sa buong mundo na hindi siya nagloko—si Leopold ang nagbago ang ihip ng ulo at humanap ng iba!
Matatagpuan ang bahay ni Sebastian sa isang eksklusibong subdivision sa gitna ng siyudad—isang malaki at tatlong-palapag na villa.
Pagkapasok na pagkapasok nila, sinalubong agad sila ng isang may-edad na babae na may napakatamis na ngiti. "Welcome back po, Sir York. At sino po itong kasama ninyo...?"
"Siya si Ms. Whitaker."
"Naku, hello po, Ms. Whitaker! Tuloy po kayo."
Halos tatlumpung taon nang naninilbihan si Manang Ava sa pamilya York. Siya na ang nag-alaga kay Sebastian mula pa noon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may iniuwing babae ang kanyang alaga, kaya halos hindi niya mapigilan ang kilig at pananabik. Inalalayan niya si Lisbeth papunta sa sala. "Dito po kayo maupo, Ms. Whitaker."
Naging abala siya agad sa pagtitimpla ng tsaa at paghihiwa ng mga prutas. Nang makakuha ng bwelo, nagtanong siya, "Sir York, dito po ba kayo manananghalian? Para makapagluto na po ako."
"Oo, salamat, Manang."
Nang tumalikod si Manang Ava papuntang kusina, agad na tumayo si Lisbeth para sundan siya. "Manang, tulungan ko na po kayo."
Sakto namang pagkaalis nila ay ang pagdating ng assistant ni Sebastian na si Noah Brown.
Magalang itong lumapit kay Sebastian. "Sir York, tapos na po ang pinapaimbestigahan ninyo. Siya nga po si Emily Foster, ang babaeng kinakasama ni Mr. Declan York ilang taon na ang nakalilipas."
Unang kita pa lang ni Sebastian kay Elora, pamilyar na agad ang mukha nito sa kanya. Ngayon, kumpirmado na ang mga hinala niya.
"Mayroon pa po." Inabot ni Noah ang isang patong ng mga litrato kay Sebastian. "Bukod kay Leopold, may tatlo pang lalaki na naging kalaguyo ni Emily."
Makikita sa mga litrato si Elora na nasa mga malagkit na sitwasyon kasama ang iba't ibang lalaki. Sa kapal ng kanyang makeup at sa mapang-akit nitong kilos, malayong-malayo siya sa mahinhin at inosenteng babaeng nakatayo sa tabi ni Leopold.
Pinadaanan ng tingin ni Sebastian ang ilang litrato, kasabay ng pagguhit ng isang malamig at mapangutyang ngiti sa kanyang mga labi.
Ibinalik niya ang mga litrato kay Noah. Pinunasan niya ng wet tissue ang kanyang mga kamay, na tila ba nandidiri dahil nakahawak siya ng isang napakaruming bagay.
"Padalhan mo rin ng kopya ng mga kawili-wiling litratong ito si Ms. Foster."
Nang makita niyang pabalik na si Lisbeth mula sa kusina, agad niyang iniba ang usapan. "Gusto kong magpatawag ng press conference bukas. Ihanda mo na ang lahat."
Bukas agad? Hindi sukat akalain ni Lisbeth na ganito kabilis makakaisip ng plano si Sebastian. "Anong balak mong gawin?" naguguluhang tanong niya.
"Sabihin ang totoo," prangkang sagot ni Sebastian. "Ipaalam natin sa buong mundo na matagal na palang nambababae si Leopold, na ang kasal ninyo ay sa papel lamang, at pineke niya ang resulta ng donor match nang walang pakialam kung mamatay man ang sarili niyang anak."
Agad na namatay ang munting kislap ng pag-asa sa mga mata ni Lisbeth. Kung ganoon lang kadaling sabihin ang totoo, sana'y hindi siya naiipit ngayon sa sitwasyong kailangan pa niyang magmakaawa para patunayang inosente siya.
"Walang maniniwala sa atin," malungkot niyang sabi.
"Iba na ngayon." Tumigil siya sandali, at sinalubong ang naguguluhang mga mata ni Lisbeth ng isang makahulugang tingin. "Sila mismo ang aamin sa mga kasalanang ginawa nila."
Sina Leopold at Elora ba ang tinutukoy niya? Ang dalawang iyon ang pasimuno ng lahat ng gulong ito! Bakit naman kaya sila aamin para lang linisin ang pangalan niya?
"Hindi nakakatawa ang birong 'yan."
Sakto namang pagkasabi nito ni Lisbeth ay ang biglang pag-ring ng cellphone ni Sebastian sa ibabaw ng coffee table.
