Kabanata 5

Siksikan ang mga reporter sa press room. Lahat ay sabik na nakatutok sa pinakamalaking balita ngayon: ang pampublikong paghingi ng tawad nina Leopold at Elora.

"Sa tingin mo, totoo kaya 'tong pag-sorry nila?" bulong ng isang reporter.

"Aba, hindi naman siguro sila magsisinungaling sa isang opisyal na presscon, 'no?"

"Ibig sabihin, talagang siniraan lang nila si Lisbeth?"

"Naku, kung totoo 'yan, pang-front page 'to! Galingan niyo ang pagkuha ng litrato."

Unti-unting namatay ang mga bulungan nang tuluyan nang pumasok sina Leopold at Elora. Halatang-halata sa mukha ng lalaki ang pag-aatubili—bunga ito ng walang-tigil na pag-iyak at pagmamakaawa ni Elora sa kanya buong magdamag.

Sa tuwing tatanggi kasi siya, hahagulgol ng iyak ang babae. Sobrang nakakaawa ang hitsura nito kaya sa huli, bumigay rin si Leopold at hindi na nakatiis.

Ngayong nasa entablado na sila, nanatiling seryoso at matigas ang kanyang ekspresyon, at mariing nakatikom ang kanyang mga labi. Pero bago pa man siya makapagsalita, bumukas ang malaking pinto. Iniluwal nito ang dalawang taong hindi inaasahan ng lahat.

Walang iba kundi si Lisbeth, kasama ang kanyang batang assistant.

Nanatili siyang nakatayo sa may pintuan. Ramdam na ramdam niya ang bigat ng mga matang nakatitig sa kanya na tila ba mga patalim—pilit siyang sinusuri, hinuhusgahan, at hinihimay ang bawat galaw niya.

Sa labas naman, tahimik na naghihintay si Sebastian sa loob ng kotse. Simple lang ang dahilan niya kung bakit hindi siya sumama sa loob: pagkakataon ito ni Lisbeth. At bilang isang sikat na aktor, alam niyang mananakaw lang ng presensya niya ang atensyon na dapat sana'y nakatuon sa paghingi ng tawad.

Nang mamataan siya ni Leopold, agad na kumunot ang noo nito at bakas ang pandidiri sa mukha. Palihim naman siyang siniko ni Elora.

"Ipinatawag ang presscon na 'to para linawin na walang katotohanan ang mga nauna kong sinabi," labag sa loob na panimula ni Leopold. "Hindi kailanman nanloko si Lisbeth. Matapos kong magising mula sa coma, nakalimutan ko na ang lahat ng namagitan sa amin. Inaamin ko—hindi ko na siya mahal. Si Elora na ang mahal ko ngayon."

Biglang nagkagulo sa buong silid. Nag-unahan ang mga reporter palapit sa entablado, pilit na inilalapit ang mga mikropono sa mukha niya.

"Ibig sabihin, paninira lang pala ang ginagawa niyo sa kanya noon pa man? Gawa-gawa niyo lang ang lahat ng 'yun?!"

"Talaga bang mas pinipili mo si Elora kaysa sa sarili mong mag-ina?!"

"Tinalikuran mo na ang pamilya mo! Nabalitaan namin na ang mga peklat sa mukha ni Lisbeth ay nakuha niya nang iligtas niya ang buhay mo. Wala ka man lang bang nararamdamang konsensya?!"

Walang gatol na sumagot si Leopold, "Paano naman ako makokonsensya sa isang bagay na ni hindi ko nga maalala?"

Natigilan at biglang natahimik ang mga reporter. Pagkatapos ay diretsong tumingin si Leopold kay Lisbeth.

"Hindi ko ginagamit na palusot ang pagkawala ng alaala ko. Inaamin kong nagbago na ang nararamdaman ko. Siguro nga, minsan tayong nagmahalan nang tapat, pero tapos na 'yun. Nakaraan na 'yun."

Naging mas malamig at matigas ang boses niya. "Sinabi ko ang mga bagay na 'yun dahil gusto ko nang makipaghiwalay, pero hindi lang naman ako ang may kasalanan. Ayaw mo kasing bumitaw. Pinipilit mo pa ring isalba ang isang kasal na matagal nang patay. Naging desperado na ako."

Nakakakilabot ang pagiging kalmado niya habang nagsasalita, at bakas sa mukha niya ang isang pilit na pagsisisi. "Gusto ko lang namang makasama ang taong mahal ko. Tungkol naman sa bata, kung totoo mang akin 'yan gaya ng sinasabi mo, pananagutan ko siya. Pero sana naman, tigilan mo na ang paghabol sa akin. Ituring na lang nating kwits na tayo sa lahat ng utang na loob natin sa isa't isa, at huwag na tayong magpakita pa sa isa't isa kahit kailan."

"Maaaring minahal nga kita noon, pero ngayon, ang taong mahal ko ay nandito mismo sa tabi ko." Inakbayan niya si Elora, at biglang naging maamo at puno ng pagmamahal ang kanyang mukha.

Napalingon ang lahat kay Lisbeth. Kahit pa napakaganda ng kanyang suot, at kahit pa hindi naitago ng mga peklat sa mukha niya ang likas niyang ganda, nakadudurog ng puso ang sobrang pagiging kaawa-awa niya sa mga sandaling ito.

Dalawang magkaibang alaala ang biglang nag-flashback sa isipan ni Lisbeth.

Ilang taon na ang nakararaan, noong sadsad siya sa hirap at pinakamatinding pagsubok, binabato siya ng mga tao ng basura at sinasabuyan ng maruming tubig tuwing lalabas siya ng bahay.

Si Leopold ang palaging unang haharang sa harapan niya para saluhin ang lahat ng dumi at pangungutya. Ipagtatanggol siya nito at buong-pagmamalaking isisigaw sa lahat, "Si Lisbeth ang babaeng pinakamamahal ko. Wala akong hahayaang sinuman na manakit sa kanya."

Tulala at wala sa sarili, ang alaalang iyon ay tila ba unti-unting pumatong sa anyo ng Leopold na nakatayo sa harapan niya ngayon. Ang tanging pinagkaiba lang—hindi na siya ang babaeng yakap-yakap nito.

Bigla siyang napangiti—isang ngiting may bakas ng pighati, pero mas nangingibabaw ang pagtanggap.

"Leopold, simula ngayong araw, wala ka nang utang na loob sa akin, at wala rin akong utang na loob sa'yo. Quits na tayo."

Dati, tiniis ng lalaki ang sangkatutak na panghuhusga at pang-aabuso para sa kanya. Ngayon, siya naman ang sasalo sa kahihiyang iyon. At ayos lang 'yon sa kanya.

Tinitigan siya ni Leopold. May kung anong biglang sumikip sa dibdib ng lalaki na hindi niya maipaliwanag, pero nawala rin ito agad. Inisip na lang niyang nakahinga siya nang maluwag dahil sa wakas, nakawala na rin siya kay Lisbeth.

Mula nang magising siya, hindi na niya masikmurang makita ang mukha nito, kahit anong pilit niya. Pero ngayon, nakakapanibago ang gaan ng pakiramdam ng puso niya.

"Siguraduhin mo lang na paninindigan mo 'yang sinabi mo."

"Oo, paninindigan ko."

Likas na matigas ang ulo ni Lisbeth. Sabi nga ng iba, daig pa niya ang bato sa katigasan—kapag nakapagdesisyon na siya, wala nang makakapagpabago ng isip niya.

Kung paanong walang-atubili niyang tinalikuran ang kanyang karera noon para pakasalan si Leopold, ngayon naman ay gumawa siya ng isa pang desisyong hinding-hindi na niya babawiin.

Tiningnan niya si Leopold sa huling pagkakataon. Hindi ang lalaking nasa harapan niya ngayon ang nakita niya, kundi ang Leopold tatlong taon na ang nakararaan—ang lalaking nakasuot ng suit na masayang binuhat at inikot-ikot siya noong araw ng kasal nila.

"Beth, sa wakas, naiharap din kita sa dambana."

"Beth, aalagaan kita habambuhay!"

"Beth, mahal ko, asawa na kita ngayon."

"Beth, ikaw na ang pinakamahalagang yaman ko simula ngayon."

"Beth, magsasama tayo habambuhay. Mamahalin kita palagi."

Ang dami niyang binitawang matatamis na salita noong araw ng kasal nila. Pero ni minsan, hindi niya sinabing isang araw, bigla na lang siyang aalis nang walang pasabi, at iiwan siyang walang kalaban-laban.

Namuhi siya kay Leopold. Kinamuhian niya ang panlalamig nito. Nagalit siya dahil hindi man lang nito pinaniwalaang siya ang babaeng kasama nitong bumuo ng pangarap. Nagalit siya dahil porke't nawalan ito ng alaala, nagawa na nitong magmahal ng iba.

Pero ngayong araw, tahasan nitong inamin—hindi ito tungkol sa pagkawala ng alaala. Sadyang hindi na lang talaga siya nito mahal.

Naintindihan na niya sa wakas kung gaano kawalang-katwiran ang pag-ibig—ngayon andiyan, bukas wala na.

Sa kabila ng nag-aapoy niyang galit, natanto niyang sa huli, mas matimbang pa rin ang pagmamahal. Dahil ang lalaking ito ang kaisa-isang nag-abot ng kamay sa kanya noong mga panahong lugmok na lugmok siya sa buhay.

'Dati, pinagsisisihan kong naging napakapangit ng paghihiwalay natin,' isip-isip niya. 'Pero ngayon, inayos ko ang sarili ko, at nagpaalam ako sa'yo nang may natitira pang dignidad.'

"Paalam, Leopold," mahina niyang sabi. "Sana maging masaya ka."

Hindi na niya pinansin ang mga reporter na nagkakagulo sa paligid niya. Tumalikod siya at naglakad palayo. Sa pagkakataong ito, hindi na siya lumingon pa.

Natahimik ang mga mamamahayag. Matagal nilang sinundan ng tingin ang balingkinitan niyang pigura habang palayo.

Hanggang sa may isang bumulong, "Iyan ang Lisbeth na kilala natin. Hindi talaga siya nagbago." Maganda, palaban, matatag, at matapang.

Naiwang nakatulala si Leopold habang nakatitig sa papalayong pigura ni Lisbeth.

Sa isang iglap, tila biniyak ang ulo niya sa sobrang sakit, parang pinukpok ng isang malaking maso. Napayuko siya at biglang nagsuka.

Nataranta si Elora at mabilis na tumawag ng ambulansya. Wala nang nagawang magtanong ang mga reporter nang isugod si Leopold sa ospital, kaya biglaang natapos ang press conference.

Magkasalungat ang direksyong tinahak ng ambulansya at ng kotseng sinasakyan ni Lisbeth—parang dalawang landas na naghiwalay, at hinding-hindi na muling magtatagpo.

Tiningnan ng assistant niya si Lisbeth at inabutan ito ng tissue. "Ma'am Whitaker, punasan n'yo po ang mukha n'yo."

Kinuha ni Lisbeth ang tissue at hinawakan ang kanyang pisngi. Doon lang niya napagtantong ang panlalamig ng mukha niya ay hindi dahil sa ihip ng hangin, kundi dahil sa mga luha.

Bigla siyang natawa. "Nakakawala naman ng poise."

Pero patuloy pa rin sa pag-agos ang mga luha niya na parang sirang gripo.

Awang-awa ang assistant habang nakatingin sa kanya. "Ma'am Whitaker, kung gusto n'yo pong umiyak, ilabas n'yo lang po 'yan."

Ang makita itong tumatawa habang umiiyak ay sadyang nakakadurog ng puso.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata