Kabanata 1 Nakatutuwang Gabi

Sa loob ng isang marangyang presidential suite, nakahiga si Elena Reed sa ilalim ng isang matangkad at matipunong lalaki, mahigpit na magkayakap at halos magkapos ng hininga. Ang mga bago at kakaibang sensasyong iyon ay nagpalutang sa kanyang isipan, tila ba nawawala siya sa sarili.

Pilit na inimulat ni Elena ang kanyang mga mata, gustong-gustong makita ang mukha ng lalaki, ngunit sa bawat alon ng matinding pag-init ng kanyang katawan, lalo lamang siyang nalulunod sa dagat ng kaligayahan.

Ilang oras ang lumipas, sagad hanggang buto ang pagod na bumagsak si Elena sa malaking kama. Sa kanyang pag-aagaw-tulog, may naramdaman siyang malamig na dumampi sa kanyang leeg—isang kwintas na may palawit na rubi na maingat na isinuot sa kanya ng lalaki bago ito tuluyang naglaho na parang bula.

Tanghali na kinabukasan nang siya'y magising, lantang-lanta ang buong katawan. Pagdilat niya, bumungad sa kanya ang kapatid niya sa madrasta na si Mandy Reed, nakahalukipkip sa tabi ng kama at nanlilisik ang mga matang puno ng pandidiri.

Agad na hinila ni Elena ang kumot para takpan ang kanyang katawan, pilit itinatago ang mga mapupulang marka sa kanyang balat. Nang magtama ang kanyang nanginginig na mga mata sa nanlalamig na tingin ni Mandy, umirap lang ito. Dinampot ni Mandy ang kanyang bag mula sa side table, humugot ng isang tseke, at padabog na ibinato iyon sa kama sa tabi ni Elena.

"Tapos na ang trabaho mo rito. Heto ang 800,000 dolyar. Kunin mo 'yan at lumayas ka sa Pinewood City ngayong araw din," malamig at mataray na utos ni Mandy.

"Tungkol naman sa nangyari kagabi, itikom mo 'yang bibig mo at magpanggap kang walang nangyari," patuloy niya. "Dahil kung hindi, kaya kitang ipatumba nang walang nakakaalam. At kaya kong tupukin hanggang maging abo ang lahat ng ipinamana sa 'yo ng nanay mo. Kaya Elena, umayos ka."

Matapos bitawan ang banta, pinukol muna ni Mandy si Elena ng isang nag-aalab na tingin ng pandidiri bago naglakad paalis. Pagtalikod niya, nahagip ng kanyang mga mata ang patak ng pulang dugo sa puting kumot.

Kung hindi na birhen si Elena, bakit pa magwawaldas si Mandy ng 800,000 dolyar para lang pasipingan siya sa lalaking iyon?

Mabuti na lang at nilagyan niya ng pampatulog ang inumin ni Elena kagabi, kaya siguradong hindi nito namukhaan ang lalaki. Hinding-hindi nito malalaman na ang lalaking nakasiping niya kagabi ay walang iba kundi si Harrison Frost—ang tinitingalang higante sa negosyo na nagpapanginig sa buong Pinewood City sa pangalan pa lang.

Pagkaalis ni Mandy, naiwang nakatulala si Elena sa kama, walang kurap na nakatitig sa tsekeng hawak niya.

Ito ang naging kapalit ng kanyang dignidad at pagkababae—800,000 dolyar. Sapat na ang halagang ito para makapangibang-bansa at maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa medisina.

Kung hindi lang sana pumanaw nang maaga ang kanyang ina, kung hindi lang sana nagpakasal ang kanyang ama kay Christine Hayes, hahantong ba siya sa ganitong kawalan? Na aabot sa puntong ibebenta niya ang sariling katawan para lang matustusan ang kanyang pag-aaral?

Napangiti nang mapait si Elena. Ngunit sa likod ng pait na iyon ay may kaunting ginhawa—kahit paano, wala na siyang utang na loob sa pamilya Reed.

Matapos itabing maigi ang tseke, isinuot niya ang kanyang medyo gusot na damit mula kagabi,

Makalipas ang dalawang araw, sumakay si Elena ng eroplano patungo sa ibang bansa.

Isang buwan ang lumipas, sa isang dayuhang bansa, parang binuhusan ng malamig na tubig si Elena nang iabot sa kanya ng doktor ang resulta ng kanyang pregnancy test.

Sa hinagap ay hindi niya inakalang ang isang gabi ng kapusukan ay magbubunga. Ni hindi niya kilala kung sino ang ama ng dinadala niya—halos wala siyang maalala sa pagkatao ng lalaki. Ang tanging natatandaan lang niya ay hindi ito naging maramot—mukhang mamahalin at malaki ang halaga ng kwintas na may palawit na rubi na isinuot nito sa kanyang leeg.Makalipas ang siyam na buwan, nakahiga si Elena sa operating table at isinilang ang kanyang triplets. Sa kasamaang-palad, nang manumbalik ang kanyang lakas para sana silipin ang mga anak, isang nakakapanlulumong balita ang ibinungad ng mga doktor—misteryosong nawala ang isa sa kanyang mga sanggol.

Makalipas ang limang taon, sa Pinewood International Airport, naglalakad si Elena palabas ng arrival gate. Magkahawak-kamay nilang binabagtas ang daan ng kanyang halos magkaparehong kambal—isang lalaki at isang babae—bitbit ang iilang bagahe.

Ang pagbabalik sa siyudad na ito ay nagdulot ng halu-halong emosyon sa puso ni Elena.

Tumingala ang anak niyang si Connor at nagtanong, "Mommy, dito po ba kayo lumaki?"

Marahang hinaplos ni Elena ang ulo ni Connor at malambing na sumagot, "Oo, anak, dito ako tumira noon."

"Pero Mommy, sigurado po ba kayong mahahanap natin ang nawawala naming kapatid dito sa siyudad na 'to?" tanong ng anak niyang si Mia, na may himig ng pag-uusisa sa kanyang munting boses.

Marahang napabuntong-hininga si Elena, ang kanyang mga mata ay tila nangungulila habang nakatingin sa malayo. Makalipas ang ilang sandali, sumagot siya, "May mga nakuhang impormasyon ang ninang ninyo. Kung walang magiging aberya, sa awa ng Diyos, mahahanap din natin siya agad."

Kasabay ng pagtatapos ng usapan nila ni Mia ay ang pagtunog ng kanyang telepono. Pagtingin niya sa screen, nakita niyang tumatawag ang dati niyang schoolmate na si Dr. Nathan Parker.

"Elena, naku, pasensya na talaga. Susunduin sana kita diyan sa airport pagdating mo, kaso nagkaroon ng emergency surgery. Ginabi na ako ng labas kaya hindi na ako nakaabot," nag-aalalang paliwanag ni Nathan.

Bise presidente si Nathan sa Westland General Hospital. Sa dami ng kanyang inaasikaso at sunud-sunod na operasyon, naiintindihan naman ni Elena kung bakit hindi ito nakahanap ng oras para salubungin siya.

"Sus, wala 'yun, ano ka ba. Magta-taxi na lang kami. Magkita na lang tayo sa ospital," magaan na sagot niya.

"Sige. Salamat sa pag-intindi, Elena. Naghihintay na ang operasyon ng tatay ni Zander para ikaw ang manguna."

Matapos ibaba ang tawag kay Nathan, mabilis na pumara ng taxi si Elena kasama ang mga bata at umalis na ng airport.

Sa mga sandali ring iyon, isang convoy ng mga agara at mamahaling sasakyan ang pumarada sa entrance ng airport.

Nagmamadaling bumaba si Mandy mula sa isa sa mga kotse, kasunod ang ilang mga assistant, at patakbong tinungo ang exit area.

Inutusan ni Mandy ang lahat na mag-abang sa exit ng airport habang may bitbit na mga welcome sign. Nang bigla siyang mapalingon, nahagip ng kanyang mga mata ang pagdaan ng taxi na sinasakyan nina Elena at ng mga bata.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Mandy sa gulat, at tila tumalon ang puso niya sa kaba. Nakabalik na ba si Elena?

Humakbang siya ng ilang beses para sana silipin itong maigi, ngunit biglang sumulpot sa tabi niya si Harrison. Karga-karga nito ang isang namumutlang batang babae na nasa apat na taong gulang. Ang kanyang matangkad na bulto at nakakaintimidang presensya ay sapat na para agawin ang atensyon ng lahat, sa kabila ng kargang bata sa kanyang mga bisig.

Pagkakita sa papalapit na si Harrison, mabilis siyang sinalubong ni Mandy.

"Harrison," malambing niyang bati.

Tiningnan lang siya ni Harrison nang may napakalamig na titig. Makalipas ang ilang sandali, bahagyang gumalaw ang maninipis nitong labi at nagsalita sa isang walang-emosyong tono.

"Nakakasiguro ka ba na nasa flight na 'to si Dr. Ella Johnson papuntang Pinewood City?" tanong niya.

Tumango si Mandy. "Oo, kinumpirma ko na sa mga koneksyon ko. Siguradong nasa flight na 'to si Dr. Johnson. Napakagaling na doktor ni Dr. Johnson. Kapag nahanap natin siya, siguradong gagaling din si Lily."

Matapos sabihin iyon, malambing na tiningnan ni Mandy ang munting bata sa mga bisig ni Harrison.

Nang mapansin ni Lily ang mga titig ni Mandy, bigla siyang nanigas dahil sa isang hindi maipaliwanag na takot. Kusa siyang nagsiksik at nagpakaliit sa mapagkalingang yakap ng kanyang ama.

Susunod na Kabanata