Kabanata 2 Ang Pagbabalik ng Doktor

Hindi maitago ni Mandy ang pandidiri sa kanyang mga mata habang nakatingin kay Lily. Kahit ilang taon na siyang nagpapakahirap, hinding-hindi niya makuha-kuha ang loob ng bata.

Sa nakalipas na apat na taon, nagkunwari si Mandy na may malasakit siya sa kapakanan ni Lily. Inasikaso niya ang mga pang-araw-araw na pangangailangan nito at madalas pa siyang sumasama sa mga check-up ng bata. Kung hindi lang sana naging tulay si Lily para maging Misis Frost siya, hinding-hindi mag-aaksaya ng panahon si Mandy na suyuin ito.

Kahit halatang ayaw sa kanya ni Lily, pilit pa ring ngumiti si Mandy at nilahad ang kanyang mga braso para yakapin ang bata.

"Lily, halika rito kay mommy, payakap nga," malambing niyang sabi.

Pagkasabi nito ni Mandy, agad na umiwas si Lily at mahigpit na pumulupot sa leeg ni Harrison.

"Gusto ko si Daddy ang magbuhat sa akin eh," sabi niya sa kanyang maliit at inosenteng boses. "Daddy, pabuhat."

Nang makita ang reaksyon ni Lily, malambing na hinagod ni Harrison ang likod ng anak.

"Tahan na, anak. Huwag ka nang matakot. Nandito lang si Daddy. Buhat ka na ni Daddy," pag-aalo niya rito bago bumaling kay Mandy nang may nanlalamig na tingin.

"Bata pa masyado si Lily. Kung ayaw niyang magpabuhat sa'yo, huwag mong pilitin," madiin niyang sabi. "Sa ngayon, ang paghahanap kay Dr. Johnson ang pinakamahalagang maitutulong mo."

Kakasabi pa lang nito ni Harrison nang lumapit ang assistant niyang si Simon na may hawak na cellphone.

"Mr. Frost, tumawag po ang contact natin sa ospital. Dumating na raw po si Dr. Johnson sa Westland General Hospital."

Pagkarinig dito, biglang nagbago ang timpla ng mukha ni Mandy.

"Ano? Kanina pa tayo nakatayo rito at may hawak na welcome sign, tapos dumiretso na pala siya sa ospital?" Pinangakuan pa naman ni Mandy si Harrison na siguradong sakay ng flight na ito si Ella. Ngayong na-miss nila ito, paniguradong iinit ang ulo ni Harrison.

Alanganing sumulyap si Simon kay Mandy, naghihintay sa isasagot ni Harrison.

Makalipas ang ilang sandali, nag-utos si Harrison. "Dumiretso tayo sa ospital."

Samantala, si Elena na nakarating na sa ospital ay abala sa pagsusuri ng mga test result at plano sa operasyon ng ama ni Zander kasama si Nathan.

Nakatayo si Nathan sa tabi niya habang ipinapaliwanag ang sitwasyon. "Elena, hindi pa masyadong sapat ang kakayahan ko para sa ganito kakumplikadong operasyon. Lalo pa't may edad na ang pasyente, hindi ako kumpyansang kakayanin ko 'to. Kaya kita tinawagan—kailangan namin ang husay mo."

Habang tinitingnan ang mga dokumento, propesyonal na sumagot si Elena, "Walang problema. Bihira nga talaga ang ganitong kaso rito sa bansa, at sadyang mabusisi ang operasyon. Sabihan mo ang operating room na magsisimula tayo sa loob ng tatlumpung minuto. Kailangan kita bilang surgical assistant ko."

Walang pag-aalinlangang tumango si Nathan. "Aba, oo naman. Isang malaking karangalan na tulungan ka."

Sa totoo lang, ilang taon ding namalagi si Elena sa ibang bansa para hasain ang kanyang galing sa pag-oopera. Ang husay niya sa medisina ay hindi lamang walang katapat dito sa bansa, kundi tinitingala rin sa buong mundo. Gayunpaman, mas pinili niyang maging low-profile. Nagpapraktis siya gamit ang pangalang Ella Johnson, kaya naging isa siyang misteryosong personalidad sa larangan ng medisina.

Kung hindi lang dahil sa pinagsamahan nila ni Nathan bilang dating magkaklase, hindi sana siya maglalakas-loob na tanggapin ang kaso ng ama ni Zander.

Nang makumpleto na ang lahat ng paghahanda para sa operasyon, kinausap muna ni Elena ang dalawa niyang anak bago siya pumasok sa operating room.

"Connor, Mia, mga anak, kailangan ninyong maghintay nang tahimik sa waiting area, ha? Medyo matatagalan ang operasyong ito, kaya magpakabait kayo rito," malumanay niyang paalala. "Pagkatapos na pagkatapos nito, susunduin tayo ng Ninang ninyo rito sa ospital. Kung may kailangan kayo, lumapit lang kayo sa mga staff ng ospital—tutulungan nila kayo."

Masunuring tumango ang dalawang bata. Karga-karga ni Connor ang isang laptop habang hawak naman ni Mia ang isang high-end na smartphone, parehong tutok na tutok sa kani-kanilang gadget.

Kumaway si Connor kay Elena paalis. "Mommy, huwag na po kayong mag-alala sa amin. Ako na po ang bahalang mag-alaga kay Mia."

Punong-puno ng pagmamalaki ang mga mata ni Elena habang nakatingin sa kanyang mga anak. Sa paglipas ng mga taon, sa kabila ng kanyang patong-patong na trabaho at mga problema sa pinansyal, lumaki ang dalawang bata na marunong tumayo sa sariling mga paa—isang bagay na itinuturing niyang hulog ng langit.

Matapos masigurong maayos at ligtas ang mga bata, pumasok na si Elena sa operating room.

Eksakto namang pagdating nina Harrison at Mandy sa ospital kasama ang kanilang mga tauhan. Nang malaman nila mula sa kanilang contact na pumasok na sa operasyon si Dr. Johnson, biglang hindi mapakali si Harrison.

Ipinanganak ang anak niyang si Lily na may sakit sa puso. Sa loob ng maraming taon, pabalik-balik niya itong dinala sa iba't ibang ospital sa loob at labas ng bansa, ngunit walang doktor ang nangahas na operahan ang bata. Nang mabalitaan niya ang pambihirang galing ni Ella, umasa siyang mahihingi niya ang tulong nito para kay Lily, pero palagi silang nagkakasalisi.

Dahil napansin ang labis na pag-aalala ni Harrison, nagtanong si Mandy, "Harrison, paano na 'yan? Ano nang gagawin natin ngayon?"

Naiinis siyang tiningnan ni Harrison. "Wala na tayong ibang magagawa kundi ang maghintay."

"Eh paano kung abutin siya ng siyam-siyam sa loob? Talaga bang maghihintay tayo rito nang ganoon katagal? Doktor lang naman siya—hindi ba't ang taas naman yata ng tingin niya sa sarili niya?" pagmamaktol ni Mandy.

Salubong ang kilay na hinarap siya ni Harrison. "Mandy, mag-ingat ka nga sa mga binibitawan mong salita. Hindi siya 'doktor lang'—isa siya sa mga pinakamagaling na surgeon sa buong mundo. Nakasalalay nang buong-buo sa desisyon niya ang operasyon ni Lily," seryosong paalala ng lalaki. "Buhay at kalusugan ng anak natin ang pinag-uusapan dito. Wala ka ba talagang pakialam doon?"

Dahil sa matatalim na tanong ni Harrison, napilitang ngumiti nang alanganin si Mandy. Upang makuha ang kanyang gusto, ibinaba niya ang kanyang pride at nagpakumbaba ang tono ng kanyang pananalita.

"Harrison, hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. Nadala lang ako ng emosyon ko dahil sa sobrang pag-aalala kay Lily," pagdadahilan niya. "Nanay niya ako—paanong hindi ako mag-aalala sa kalagayan niya? Kahit ang sarili kong puso, ibibigay ko sa kanya kung pwede lang."

Halatang paimbabaw lang ang kanyang mga salita; isang malaking kalokohan ang ideyang isasakripisyo niya ang sarili niyang puso para kay Lily.

Hindi na nakipagtalo pa si Harrison. Humanap na lamang siya ng upuan at naupo habang kalong-kalong si Lily.

Habang naghihintay, buong pagmamahal niyang inasikaso si Lily. Sinusubuan pa niya ito ng maliliit na hiwa ng prutas upang makasigurong hindi ito mabubulunan.

Habang pinapanood ang malambing na pag-aasikaso ni Harrison kay Lily, nakaramdam ng matinding selos si Mandy. Napakaswerte naman ng bwisit na batang ito—ano ba ang ginawa nito para makuha ang ganitong klaseng pagmamahal mula kay Harrison?

Binalak sana ni Harrison na maghintay sa labas ng operating room hanggang sa lumabas si Ella. Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang paghihintay, nakatanggap siya ng isang mahalagang tawag tungkol sa isang biglaang aberya sa kumpanya na kailangan niyang asikasuhin agad-agad.

Nang makita ang alanganing sitwasyon ni Harrison, sinamantala ni Mandy ang pagkakataon upang umeksena.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata