Kabanata 3 Larawan ng Salamin
Tumayo si Mandy sa tabi ni Harrison at malambing na nagsalita, "Harrison, sige na, asikasuhin mo na ang trabaho mo sa kumpanya. Ako na ang maiiwan dito para mag-alaga kay Lily. Pagkalabas na pagkalabas ni Dra. Johnson, ipapasuri ko agad siya sa kanya."
Dahil sa mga apurahang gawain sa negosyo, nagmamadali na ring umalis si Harrison. Matapos mag-isip nang sandali, sumang-ayon siya sa mungkahi ni Mandy at ipinagkatiwala sa kanya si Lily, bago umalis kasama si Simon at ang kanyang grupo.
Samantala, naiwan si Mandy kasama si Lily, naghihintay sa labas ng operating room.
Sa loob ng operating room, kasalukuyang ginagawa ang operasyon, kung saan buong-buong nakatutok sina Elena at Nathan sa kanilang trabaho.
Ang batang si Connor, habang hawak ang kanyang laptop, ay mabilis na nagta-type habang kinakausap si Mia na naglalaro naman ng mobile game.
"Mia," sabi ni Connor, "sabi ni Mommy, nandito raw sa Pinewood City ang kapatid natin. Paano ko kaya siya hahanapin?"
Saglit na sumulyap si Mia kay Connor, bagaman nakatutok pa rin ang mga mata sa nilalaro.
"Ano ka ba, Connor, 'di ba ikaw ang pinakabatang hacker sa buong mundo? Hindi na dapat mahirap sa'yo ang maghanap ng tao. Dahil isa siya sa ating triplets, paniguradong kamukhang-kamukha natin siya. Bakit hindi ka gumamit ng big data comparison? Baka doon mo siya mahanap."
Dahil sa mungkahi ni Mia, biglang nabuhayan ng loob si Connor.
Pinuri niya ito. "Ang talino mo talaga, Mia!"
Nahihiyang ngumiti si Mia at bumalik sa kanyang seryosong paglalaro.
Sa loob ng laro, inutusan niya ang isa pang manlalaro. "Hoy duwag, bilisan mo at sumunod ka kay The Boss! Ako ang bahala sa'yo, poprotektahan kita."
Totoo nga, "The Boss" ang username ni Mia sa laro. Hindi naman maintindihan ni Connor, na patuloy pa rin sa pagta-type sa kanyang laptop, kung paano nagkaroon ng ganoong kalakas na loob ang isang limang taong gulang na bata para tawagin ang sarili niya na "The Boss" sa ibang tao.
Dahil lang ba magaling siyang maglaro?
Masyadong komplikado ang operasyon ng tatay ni Zander kaya aabutin ito ng ilang oras.
Nanatili sina Connor at Mia sa waiting room sa labas ng operating room, parehong abala sa kani-kanilang ginagawa. Kahit mga bata pa, matagal na nilang tanggap ang pagiging palaging abala ng kanilang ina.
Kasabay nito, naghihintay rin si Lily sa labas ng operating room, takot na pasulyap-sulyap kay Mandy na nasa kanyang tabi.
Tutok na tutok si Mandy sa kanyang cellphone, mukhang may ka-chat na kung sino.
Hindi nangahas si Lily na istorbuhin siya kaya mahina lang siyang tumawag, "Mommy."
Sa unang tawag, walang naging reaksyon si Mandy.
Bahagyang nilakasan ni Lily ang kanyang boses at tumawag ulit, "Mommy."
Nang marinig ang tawag ni Lily, naiinis na bumulyaw si Mandy.
"Ano bang problema mo? Para kang nangtatawag ng kaluluwa diyan. Kung may sasabihin ka, sabihin mo na agad. Nakakairita 'yang pagtawag-tawag mo eh."
Napayuko sa takot si Lily matapos siyang sigawan. Balisang napahawak siya sa kanyang tiyan at nanginginig na nagtanong kay Mandy.
"Mommy, masakit po ang tiyan ko. Gustong-gusto ko na po sanang mag-CR. Pwede po ba ninyo akong samahan?"
Pagkarinig sa pakiusap ni Lily na samahan itong mag-CR, biglang nagbago ang timpla ng mukha ni Mandy. Ano'ng gusto nitong palabasin? Na gusto siyang pasamahin para lang magpunas ng puwet nito?
Nagsalubong ang mga kilay ni Mandy.
Pinagalitan niya si Lily. "Lily, limang taong gulang ka na. Hindi ka ba marunong mag-CR mag-isa? Bakit kailangan pa kitang samahan? Ano bang nasa isip mo? Hindi ba itinuro 'yan ng mga teacher mo sa preschool? Sawang-sawa na ako sa'yo! Puro ka na lang perwisyo."
Si Lily, na sadyang mahiyain at nanginginig sa takot kay Mandy, ay napaiyak na lang nang masigawan. Agad na nag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha.
"A-ako, a-ako..." nauutal niyang sabi, ni hindi makabuo ng isang tuwid na pangungusap.
Nang makita ang reaksyon ni Lily, lalong nag-init ang ulo ni Mandy.
"Buong maghapon, wala ka nang ginawa kundi umiyak, akala mo naman may ginagawa akong masama sa 'yo! O sige, pumunta ka sa banyo mag-isa. Subukan mo lang pumatak ulit 'yang luha mo, makakatikim ka talaga ng sampal sa akin. Pigilan mo 'yan!"
Pagkasabi nito, mahigpit na hinablot ni Mandy ang braso ni Lily at halos kaladkarin na ang bata papunta sa banyo. Sa lakas ng pagkakabatak niya, mabilis na nagpasa at nangitim ang maliit na braso ni Lily.
Kahit na sobrang sakit ng braso niya, hindi magawang dumaing ni Lily dahil wala ang kanyang Papa. Wala siyang lakas ng loob na magsalita.
Kinagat na lamang niya ang kanyang ibabang labi at nagpatianod kay Mandy papunta sa banyo.
Pagdating sa tapat ng banyo, padabog na itinulak ni Mandy si Lily sa loob. Pagkatapos ay inilabas niya ang kanyang cellphone at nagsimula na namang mag-scroll at maglaro.
"Bilisan mo, ha! Huwag mo akong paghintayin nang matagal. Kung hindi, baka kunin ka ng mga kidnapper diyan, sige ka, ikaw rin ang kawawa."
Dahil sa masungit na tabas ng dila ni Mandy, hindi na nangahas si Lily na umimik pa. Dahan-dahan at maingat siyang humakbang papasok sa banyo.
Sadyang sakitin na siya simula pa nang ipanganak. Bago pa man siya mag-isang taong gulang, na-diagnose na siyang may malubhang sakit sa puso. Dahil dito, parang itlog na binabantayan ng buong pamilya Frost si Lily.
Kahit sa pagpunta lang ni Lily sa banyo, palaging may nakabuntot sa kanya para tulungan siyang magtaas ng pantalon. Takot kasi silang baka sa maling pagyuko niya ay maipit ang kanyang puso at magdulot ito ng pinsalang hindi na maaayos pa.
Dahil sa sobrang pag-iingat na ito, hindi masyadong natutong asikasuhin ni Lily ang kanyang sarili. Bukod pa rito, kapansin-pansin ding mas maliit ang kanyang pangangatawan kumpara sa mga batang kaedad niya.
Pahakbang-hakbang na pumasok si Lily sa banyo ng mga babae at buong hirap na itinulak pabukas ang pinto ng isang cubicle.
Sakto namang si Mia, na kanina pa nawiwili sa paglalaro sa kanyang cellphone, ay tinawag din ng kalikasan dahil sa dami ng nainom na tubig.
Nagkataon pa na ang waiting area kung saan sila nakapuwesto ni Connor ay may isa pang pintuan na diretsong nakakonekta sa banyo.
Kaya naman, matapos ibaba ang kanyang cellphone at magpaalam kay Connor, dumiretso na si Mia sa banyo.
Pagkapasok na pagkapasok niya, tumambad sa kanya ang isang batang babae na bahagyang mas maliit sa kanya, lumuluha habang hirap na hirap na hinihila pataas ang kanyang pantalon.
Nang titigan ni Mia ang bata, napansin niyang parang pinagbiyak na bunga ang kanilang mga mukha.
Mali, hindi lang basta may hawig—kamukhang-kamukha niya talaga ito!
Pakiramdam ni Mia ay nananalamin siya. Sa kabilang banda, nang makita rin ni Lily si Mia, bakas din ang matinding pagkalito sa mukha nito.
Natigilan ang dalawa at nagkatinginan, parehong hindi makapaniwala sa nakikita.
Ang mas nakakagulat pa, tila pinagkopya ang suot nila nang araw na iyon: puting t-shirt, mahabang pantalon, at parehong naka-ipit nang pa-bun ang kanilang buhok. Pati ang kulay ng kanilang balat ay walang ipinagkaiba.
Mabilis na gumana ang isip ni Mia. Posible kayang ang batang ito ang nawawala nilang kapatid?
Kaso, kapansin-pansing mas maliit ito kaysa sa kanya.
Hindi pwede, kailangan niyang alamin kung ano ba talaga ang nangyayari.
Walang atubiling inabot ni Mia ang kamay ni Lily at hinila siya palapit sa salamin ng banyo. Itinuro niya ang magkamukha nilang repleksyon sa salamin at nagtanong, "Kamukhang-kamukha natin ang isa't isa, 'di ba?"
Dahan-dahang tumango si Lily. "O-oo."
"Kung gano'n, baka magkapatid tayo?"
