Kabanata 4 Maling Pagkakilanlan
Napakamot sa kanyang maliit na ulo si Lily, nag-isip nang ilang segundo bago sumagot, "Pero ako lang naman ang naging anak ni Mommy."
Napataas ng kilay si Mia sa sinabi niya.
"Sure ka bang tunay mo siyang nanay? Nagpa-DNA test na ba kayong dalawa?"
Natameme si Lily nang mabanggit ang DNA test.
Sa tindi ng pagmamalupit sa kanya ni Mandy, baka nga kaya hindi niya ito tunay na ina? Ang ideyang ito ay tila isang malakas na along biglang yumanig sa musmos na isipan ni Lily.
Dahil puno na ng pagdududa kung totoong nanay nga niya si Mandy, pakiramdam ni Lily ay kailangan niyang patunayan na may magulang pa rin siyang nagmamahal sa kanya. Kaya ibinida niya si Harrison.
"Nagpa-DNA test na kami ng Daddy ko. Tunay niya talaga akong anak," giit niya. "Sobrang mahal na mahal ako ni Daddy. Tuwang-tuwa siya sa akin."
Muling napataas ng kilay si Mia dahil dito.
"Parang hindi naman ganoon ka-okey ang Daddy mo para sa akin," sabi niya. "Kung talagang mahal ka niya, eh 'di sana hindi ka niya iniwang umiiyak dito nang mag-isa."
Napayuko na lamang si Lily, bakas ang lungkot at sakit sa kanyang mukha, at tuluyan nang nanahimik.
Sinamantala ni Mia ang pagkakataon para lalong guluhin ang isip ni Lily. "Tingnan mo nga, sobrang magkamukha tayo. Malay mo, ikaw pala 'yung matagal ko nang nawawalang kapatid? Paano kaya kung magpa-DNA test din tayo?"
Napaisip nang malalim si Lily, tila ba nadadala na sa suhestiyon ni Mia.
Gusto pa sanang usisain ni Mia si Lily tungkol sa kalagayan nito, pero biglang umalingawngaw ang boses ng iritableng si Mandy mula sa labas ng pinto ng banyo.
"Lily, ano ba, nahulog ka na ba sa inidoro?! Lumabas ka na nga diyan!" bulyaw ni Mandy. "Kapag hindi ka pa lumabas diyan ngayon din, diyan ka na tumira habambuhay!"
Pagkarinig pa lang sa boses ni Mandy, awtomatikong napaurong sa takot si Lily. Binigyan niya ng isang huling makahulugang tingin si Mia bago sana akmang lalabas..
Ngunit biglang may naisip na kalokohan si Mia. Mabilis niyang itinulak si Lily papunta sa kabilang sulok ng banyo, at siya mismo ang kumaripas ng takbo papunta sa pinto.
Bago pa man ma-gets ni Lily kung ano ang nangyayari, nakaharap na ni Mia si Mandy sa labas.
Kahit bata pa, palaban na at may pagkamaldita si Mia. Kapag may nakaharap siyang taong hindi niya bet, diretsahan niya itong binabangga. Kaya nga binansagan siyang "Miss Palaban" ng mga taong nakakakilala sa kanya.
At dahil nga sa kanyang likas na pagkapalasagot, hindi niya pinalagpas si Mandy.
"Mommy, na-try niyo na po bang mahulog sa inidoro dati? O baka naman po doon kayo nakatira noon?" seryosong-seryosong tanong ni Mia kay Mandy..
Agad na nagdilim ang paningin ni Mandy na kanina pa nakatutok sa kanyang cellphone. Nagtaka siya kung bakit biglang nagbago ang timpla ni Lily—ito pa ba 'yung dating duwag na batang laging bahag ang buntot sa harap niya?
Salubong ang mga kilay at umuusok sa galit, sinita niya si Mia.
"Lily, aba't ang kapal ng mukha mong sagot-sagutin ako?!"
Napaingos si Mia at mabilis na gumanti ng sagot. "Kayo kaya ang unang nagsalita sa akin nang ganyan. Bakit, bawal ko po ba kayong kausapin nang ganoon din?"
"Aba't talagang—!"
Pumutok ang butse ni Mandy sa sobrang galit. Hindi siya ang tipo ng tao na basta-basta na lang magpapatalo at lulunok ng kanyang pride.
Nang makasigurong walang ibang tao sa paligid, mabilis niyang dinakma ang braso ni Mia. Ang kanyang mga kuko na may makukulay na nail polish ay matutulis at tila nanlilisik na mga patalim. Walang awa niya itong ibinaon sa braso ng bata.
Napangiwi si Mia sa matinding sakit, at mabilis na nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata.
Kulang pa ito para makuntento si Mandy, kaya patuloy niya itong tinalakan. "Bwisit na batang 'to! Leksyon pa lang 'yan. Subukan mong sumagot-sagot pa sa akin, baka masakal na kita nang tuluyan!"
Kinimkim ni Mia ang kanyang galit at piniling huwag nang patulan pa si Mandy.
May sarili siyang diskarte. Kanina kasi, narinig niyang ipinagmamalaki ni Lily kung gaano siya kamahal ng kanyang tatay. Plano ni Mia na gamitin ang ama ni Lily para turuan ng matinding leksyon ang bruhang ito na nangahas na manakit sa kanya.
Nang makitang hindi na makapalag si Mia, ngumisi si Mandy nang may halong kayabangan at pagkakuntento.
Salbaheng bata. Talagang anak nga siya ng walanghiyang babaeng 'yon, manang-mana sa ina! Kung hindi pa dadaanin sa santong paspasan, hindi pa matututong lumugar.
Kinaladkad ni Mandy si Mia pabalik sa waiting area sa labas ng operating room.
Lumipas ang mga minuto, at ang maselan na operasyon sa loob ay malapit na ring matapos.
Bakas ang matinding pagod kay Elena nang humakbang siya palayo sa operating table.
Nakabuntot naman sa kanya si Nathan, na parang isang masunuring assistant, at panay ang hingi ng dispensa.
"Pasensya na talaga, Elena. Dahil sa kakulangan ko sa karanasan, napilitan ka tuloy mag-opera agad-agad pagkababa mo pa lang ng eroplano."
Hinubad ni Elena ang kanyang surgical gloves at pinunasan ang pawis na namumuo sa kanyang noo. "Sus, wala 'yon. Nandito naman tayong lahat para magligtas ng buhay."
"Bukas na bukas din, papasok na sa account mo ang bayad para sa operasyon ng tatay ni Zander," panigurado ni Nathan. "Ipinag-book na rin kita ng kwarto sa hotel. Ite-text ko na lang sa'yo ang address mamaya."
Tumango lang si Elena.
Sakto namang nagmamadaling lumapit ang assistant ni Nathan.
"Doc Parker, tumawag po sa akin si Mr. Harrison Frost ng Frost Industries. Gusto raw po sana niyang makausap si Doc Johnson."
Pagkarinig sa pangalan ni Harrison, agad na kumunot ang noo ni Nathan.
"Anong kailangan niya sa kanya?" tanong nito.
Nagpaliwanag ang assistant, "May sakit po kasi ang anak niya. Gusto po sana niyang ipasuri kay Doc Johnson."
Natahimik nang saglit si Nathan bago sumagot, "Kung gusto niyang magpakonsulta, dumaan siya sa tamang proseso. Ano 'to, aabangan na lang niya si Doc Johnson sa labas ng operating room para harangin?"
"Sabihin mo sa kanila na umalis na. Kakatapos lang ni Doc Johnson sa isang napakaselang operasyon at pagod na pagod 'yung tao."
"'Yun lang."
Mariing ibinasura ni Nathan ang pakiusap ng kanyang assistant.
Naiwang nakatayo roon ang assistant, hindi alam ang gagawin. Kung direkta lang sanang nakontak ng pamilya Frost si Ella, eh 'di sana hindi na sila naghintay sa labas ng operating room nang kalahating araw.
Sa pag-aalalang baka inip na inip na ang mga anak niya sa paghihintay sa lounge, nagbihis na si Elena at nagmamadaling pumunta roon.
Sakto namang tumawag ang kaibigan at assistant niyang si Charlotte Rose.
"Elena, nandito na 'ko sa baba ng ospital. Ayaw nila akong paparadahin dito eh. Ibaba mo na agad 'yung mga bata."
Sumagot ng oo si Elena at nagmamadaling pumasok sa lounge.
Nang makita niyang mag-isang nakaupo si Connor at naglalaro sa computer, agad siyang nagtanong, "Connor, nasaan si Mia?"
