Kabanata 2
Pagkatapos ay kinuha niya ang maletang inimpake niya kahapon at umalis, mag-isa, tulad noong una siyang dumating.
Palubog na ang araw nang tuluyang makauwi si Arthur kasama ang dalawang bata.
Tahimik ang buong mansiyon. Si Layla, na sobrang pagod, ay nakatulog na sa loob ng kotse, ang kanyang maliit na ulo ay nakasandal sa malapad na balikat ng kanyang ama.
"Daddy, gusto pa po naming makipaglaro kay Ms. White," sabi ni Logan, nakasimangot ang kanyang matambok na mukha sa pagkadismaya.
"Sa susunod na lang," sagot ni Arthur.
Pinagbuksan sila ng pinto ng drayber, at bumaba si Arthur na karga ang dalawang bata sa magkabilang braso.
Tumingala si Logan at inosenteng nagtanong, "Daddy! Pwede po ba nating dalawin nang madalas si Ms. White? O baka pwede po siyang tumira kasama natin? Gusto po namin ni Layla na tumira kasama siya."
Natigilan si Arthur, bago dahan-dahang ginulo ang buhok ni Logan. "Kahit kailan niyo mamiss si Ms. White, dadalhin ko kayo para makita siya."
Nagliwanag ang mukha ni Logan dahil dito. Naisip niya kung gaano kasaya kung si Heidi ang magiging nanay niya...
Ilang sandali pa, umiling si Logan. Palaging malambing, maasikaso, at maingat si Caroline. Kapag nasa labas ang kanyang ama para sa mga business dinner, hindi lang sila pinapatulog ng kanyang ina kundi nagpupuyat din ito para hintayin at asikasuhin ang kanyang ama.
Kailangan pa rin nila si Caroline minsan.
"Tulog na po ba si Mommy? Bakit walang nakasinding ilaw?" Tumingala si Logan sa bahay. Kahit gaano pa gabi, palaging naghihintay si Caroline sa pinto para salubungin sila.
Pero ngayon, hindi siya lumabas.
Hindi sumagot si Arthur. Lumapit sa kanila si Nina, magalang na hinawakan ang mga kamay ng mga bata, at mahinang sinabi, "Sir Windsor, umalis na po si Ma'am Windsor."
Umalis?
Bahagyang kumunot ang noo ni Arthur, ngunit agad ding bumalik sa normal ang kanyang ekspresyon. Baka may kinalaman lang sa pamilya Hamilton, naisip niya at binalewala ito. Hindi kailanman nagbigay ng dahilan si Caroline para mag-alala siya.
Matapos ibilin ang mga bata kay Nina para ihanda sa pagtulog, mag-isang umakyat si Arthur sa kanyang kwarto. Sobrang pagod niya ngayong araw. Nagpumilit ang mga bata na makipaglaro kay Heidi, kaya mas ginabi sila kaysa sa inaasahan.
Malalim na ang gabi nang buksan ni Arthur ang ilaw at napansin ang isang sobre sa ibabaw ng nightstand. Malinis at maganda ang sulat-kamay rito: [Para kay Arthur.]
Akmang bubuksan na niya ito nang kumatok si Nina sa pinto na may halong paghingi ng paumanhin. "Sir Arthur, nagpupumilit po sina Logan at Layla na kayo ang magpatulog sa kanila."
Karaniwan ay si Caroline ang nagpapatulog sa mga bata, o kahit papaano ay tumatawag siya kahit gaano pa gabi.
Si Layla, na bagong ligo at may maliliit na kulot sa buhok, ay nakaupo sa gilid ng kanyang kama habang ikinakawag ang kanyang maiikling binti.
Itinaas niya ang kanyang watch-phone, nag-iisip kung tatawagan ba ang kanyang ina, nang tumakbo palapit si Logan, na bagong ligo rin, at pinigilan siya.
"Layla, 'wag mo na muna siyang tawagan. Baka nakalimutan lang ni Mommy."
Pero gusto pa rin marinig ni Layla ang malambing na boses ng kanyang ina na nagkukuwento bago sila matulog.
Umakyat si Logan sa sarili niyang kama, ikinakawag ang maliliit niyang braso habang bumubulong, "Kung tatawag ka, baka umuwi agad si Mommy, paano na si Ms. White? Nangako siyang ihahatid niya tayo sa school bukas."
Matapos mag-isip nang sandali, pinatay ni Layla ang screen ng kanyang relo at nagbalot sa kanyang kumot. "Kung gano'n, si Daddy na lang ang magpatulog sa'tin," mahina niyang sabi.
Kaya napilitan si Arthur na isantabi muna ang sobre. Matapos patulugin ang mga bata, pabalik na sana si Arthur sa kanyang kwarto nang makatanggap siya ng tawag mula sa opisina para bumalik sa trabaho. Hindi na siya nakauwi buong gabi.
Kinagabihan, bumaba si Caroline mula sa taxi sa tapat ng isang apartment. Ito ang maliit na inuupahan niya noong kapanahunan pa ng kanyang pag-aaral.
Mula nang magpakasal sila ni Arthur, tinalikuran na niya ang kanyang propesyon. Ang lahat ng ari-ariang nakapangalan sa kanya ay pawang mga binili ni Arthur para sa kanilang mga anak. Ang apartment na ito na naipundar niya bago pa man siya ikasal ang nag-iisang pag-aari na maituturing niyang sariling kanya.
Ilang taon na ring hindi nalilinisan ang apartment. Nakakalat sa sahig ang patong-patong na mga experimental report, at binalot na ng makapal na alikabok ang mga academic journal sa estante. Nagligpit-ligpit nang kaunti si Caroline bago niya napagtantong kumakalam na pala ang kanyang sikmura; buong araw pa nga pala siyang walang laman ang tiyan.
Kinuha niya ang kanyang cellphone upang magpa-deliver ng pagkain. Nang magbabayad na sana siya, napukaw ang atensyon niya sa mga bank card na naka-link sa kanyang account.
Ang isang card ay regular na pinapasukan ng pera ni Arthur para sa pag-aaral ng mga bata. Ang isa naman ay para sa panggastos ni Caroline sa araw-araw—tatlumpung libong dolyar buwan-buwan para sa badyet sa bahay. Ngunit ni singkong duling ay hindi ito ginalaw ni Caroline; ang palagi niyang ginagamit ay ang katas ng sarili niyang ipon bago pa man siya nag-asawa.
Basta na lamang naghuhulog ng pera si Arthur; ni minsan ay hindi nito sinilip ang mga account. Wala itong kaalam-alam sa totoong nangyayari.
Tahimik na napatitig si Caroline sa dalawang card. Mapait siyang napangiti sabay tanggal sa pagkakakonekta ng mga ito sa kanyang account. Tutal, hindi na rin naman niya kakailanganin pa ang mga iyon.
Pagsapit ng gabi, nakahiga lamang si Caroline sa kama, pabaling-baling at pilit na dinadalaw ng antok ngunit hindi makatulog.
Ganitong oras sana niya karaniwang tinatawagan ang mga bata upang kausapin at hehelein bago matulog. Paulit-ulit na nag-uunahan sa kanyang isipan ang mga alaalang iyon. Nag-atubili ang kanyang mga daliri sa ibabaw ng pangalan ng mga anak sa kanyang contacts, bago niya tuluyang ibinaba ang cellphone.
Maya-maya pa'y nakatanggap siya ng isang mensahe: [May libreng oras ka ba sa mga susunod na araw?]
Nang makita ang pamilyar ngunit tila kay tagal nang profile picture, nanumbalik sa alaala ni Caroline si Alton Brooks, ang nakatataas na kasamahan niya noong kumukuha pa siya ng doktorado.
Mabait at maginoo si Alton, at dalubhasa ito sa cancer research. Mula nang mag-asawa si Caroline at tumalikod sa mundo ng akademya, tuluyan na silang nawalan ng komunikasyon.
Nang mabalitaan nito ang nalalapit niyang pakikipagdiborsyo, inanyayahan siya ni Alton kung nais ba niyang bumalik at dumalo sa isang academic conference sa susunod na buwan.
Nag-atubili si Caroline. Bukod kasi sa may pinsala ang kanyang kamay at palala nang palala ang kanyang kanser, sadyang napakatagal na rin niyang nabakante sa akademya kaya't hindi siya sigurado kung makasasabay pa ba siyang muli.
Hindi siya umoo ngunit hindi rin naman siya humindi; humingi lamang siya ng ilang araw na palugit upang pag-isipan ito. Maluwag naman itong sinang-ayunan ni Alton.
Kinabukasan, bandang tanghali, nakipagkita si Caroline sa kanyang abogado sa isang restawran.
Paborito niya ang kainang ito, isang lugar na madalas nilang tambayan ni Arthur noong hindi pa sila kasal. Malamyos na dilaw na liwanag ang tumatanglaw sa kanilang mesa habang binubuksan ni Caroline ang leather na menu.
Ang kanyang abogado na si Terry Morales ay kaibigan niya noong kolehiyo. Saksi ito sa kung paanong nauwi lamang sa masaklap na kabiguan ang lahat ng isinakripisyo ni Caroline.
"Diyos ko, tingnan mo nga ang itsura mo! Masyado mo namang pinabayaan ang sarili mo sa sakit!" wika nito na bakas ang matinding pag-aalala.
Isang tipid at malungkot na ngiti lamang ang itinugon ni Caroline sabay salin ng white wine sa kopa ni Terry.
Mula sa aninag ng liwanag na tumatagos sa kopa, nahagip ng kanyang paningin ang mga pamilyar na bulto ng tao sa may spiral na hagdanan. Tila nanigas sa ere ang kamay niyang may hawak ng baso.
"Uy, bakit? Anong problema?"
"Wala naman."
Sinundan ni Terry ang kanyang paningin at biglang nagdilim ang mukha nito. "Sa dinami-dami ba naman ng lugar na puwedeng makasalubong ang mga 'yan, dito pa talaga. Bwisit, ang malas naman."
Ang mga iyon ay ilang pamilyar na mukha mula sa Windsor Group, na tila ba may malaking ipinagdiriwang. Nag-aakyat ang mga waiter ng mga ice bucket na naglalaman ng mga mamahaling champagne, na animo'y parang tubig lang sa kanila ang pera.
Ang lalaking nakaupo sa kabisera ng mesa ay marahang pinaiikot ang alak sa kanyang kopa. Gaya ng dati, malamig ang aura nito at tila walang pakialam sa mundo, ngunit may isang babaeng bukod-tanging pinahintulutang makatabi sa kanya.
"Congrats, Heidi! Nakuha natin ang proyektong ito nang dahil sa 'yo! Isang tagay para kay Heidi!"
