Kabanata 4
Nilampasan niya ang asawa at malamig na nagwika, "Sa study room na 'ko matutulog." Tuloy-tuloy siyang bumaba ng hagdan, tila naglalagay ng mataas na pader sa pagitan nilang dalawa. Obligasyon lang ang turing niya kay Caroline, at kailanman ay hindi pag-ibig.
Habang pinagmamasdan ang dati nilang silid-tulugan sa Windsor Manor, nagpasya si Caroline na lisanin ang bahay sakay ng kanyang kotse sa kalagitnaan ng gabi. Parang sinasakal ang puso niya sa lugar na iyon; hindi na siya makahinga.
Nagpaalam siya kay Manang, ang katiwala ng bahay. Sinabi niyang may kailangan lang asikasuhin ang pamilya Hamilton, pero nangakong babalik bago ang kaarawan ni Isaac. Hindi na siya pinigilan pa ni Manang.
Kinabukasan ng madaling-araw, patakbong nagtungo si Layla sa kwarto ng kanyang mga magulang, ngunit nadatnan niya itong walang tao. Madaling-araw pa lang kasi ay pinatawag na si Arthur pabalik sa kumpanya.
Nagmaktol ang bata at umiiyak na hinahanap ang kanyang ina. Subalit, ipinaliwanag ni Manang na umalis si Caroline noong dis-oras ng gabi.
Gising na rin si Logan nang mga oras na iyon. Nang malaman ang balita, bigla siyang nakaramdam ng matinding inis. Bakit ba laging parang kabuteng sumusulpot at nawawala ang Mommy niya kamakailan?
Inutusan niya si Manang na tawagan si Caroline, ngunit walang sumasagot. Naka-silent kasi ang telepono ni Caroline habang siya ay natutulog.
Dati-rati, palagi siyang praning at aligaga sa lahat ng bagay. Laging nasa mga bata ang isip niya, at kaunting tunog lang ng telepono ay hindi na siya makatulog. Ngayong binitawan na niya si Arthur, sa wakas ay nakatulog din siya nang mahimbing.
Wala tuloy nagawa ang mga bata kundi pumasok sa eskwela sakay ng kotse ni Arthur. Pero naisip nila, dahil wala ang kanilang ina, bukas ay pwede nilang pasamahan kay Heidi ang paghatid sa kanila.
Sa isiping iyon, biglang gumaan ang kanilang pakiramdam at nanumbalik ang sigla nila.
Sumilip ang liwanag ng umaga mula sa puwang ng makakapal na kurtina. Gumuhit ang sinag ng araw sa sahig ng kwarto.
Bagsak ang mga balikat na naupo si Caroline sa gilid ng kama. Dahan-dahang hinaplos ng kanyang mga daliri ang screen ng telepono kung saan nakarehistro ang numero ni Alton. Kanina pa siya nag-aalangan kung tatawag ba o hindi.
Sariwang-sariwa pa rin sa isip niya ang nangyari sa dinner party kagabi. Napakatanga niya para talikuran ang propesyong ipinagmamalaki niya, para lang sa kanyang asawa.
Napaisip tuloy si Caroline. Kung hindi ko kaya pinalampas ang pagkakataong iyon noon, mas igagalang kaya nila ako ngayon?
Huminga siya nang malalim at pinindot ang call button. Tama na ang pag-aalinlangan.
"Hello, Alton," bungad niya. May bahagyang paos sa kanyang boses, at mababakas ang pilit itinatagong panghihina.
"Caroline?" tugon ng malumanay na boses ni Alton sa kabilang linya. "Nakapagdesisyon ka na ba? Tatanggapin mo ba ang alok ko?"
Huminga nang malalim si Caroline, pinipilit na maging normal ang tono ng pananalita. "Oo. Kaya lang... hindi na kasing-gaan at kasing-bilis ng dati ang mga kamay ko. Hindi ko sigurado kung kakayanin ko pa ang mga mas mabusising eksperimento."
"Naku, academic conference lang naman ito, kaya huwag kang masyadong kabahan. Tsaka, normal lang na kalawangin ang kahit na sino kapag matagal na napalayo sa industriya."
Dahil sa nakakapanatag na pananalita ni Alton, medyo bumalik ang kumpiyansa ni Caroline kaya napangiti siya at marahang natawa. "Sige, aasa ako sa tulong mo para sa conference natin sa susunod na buwan."
Mabilis na napansin ni Alton na tila may kakaiba sa boses ng kausap. "Walang problema 'yon. Pero teka, ayos ka lang ba? Parang ang hina mo yata."
Nang maalala ang kanyang kanser, isang pilit na tawa na lamang ang nakawala sa mga labi ni Caroline. "Ayos lang ako, puyat lang siguro kagabi. Huwag kang mag-alala, kaya ko 'to."
Pagkababa ng telepono, dahan-dahang isinandal ni Caroline ang kanyang likod sa headboard ng kama. Unti-unting namutla ang kanyang mukha, tila nawalan ng dugo.
Sumapit din ang araw ng kaarawan ni Isaac. Nagbihis si Caroline ng isang napaka-eleganteng kasuotan at nagtungo sa Windsor Manor.
Paghakbang niya papasok sa ballroom, pansamantalang natigilan si Caroline sa bumungad sa kanya.
Kumikislap nang buong ningning ang mga crystal chandelier, na nagbibigay-liwanag sa malawak na bulwagan na tila ba katanghaliang-tapat.
Napupuno ang bulwagan ng mga kilalang personalidad at maiimpluwensyang tao ng Sovereign City. Ang buong paligid ay amoy pera at kapangyarihan—isang mundong naging ganap na banyaga kay Caroline matapos ang pitong taong pag-ikot ng kanyang mundo sa pag-aalaga ng pamilya.
Hindi nagtagal, lumapit sa kanya si Arthur kasama sina Layla at Logan.
"Mommy," malambing na bati ni Layla, bagama't ni hindi man lang ito humakbang palapit sa kanya.
"Siguradong nasabihan ka na ni Lolo," wika ni Arthur, at bakas ang matinding kalamigan sa kanyang mga titig kay Caroline.
Wala na siyang inaasahan pa; ang tanging dasal na lang ni Caroline ay matapos nang maayos ang gabing iyon. Dahil mataas ang tingin ni Isaac kay Caroline bilang isang edukada at marunong makihalubilo, hiniling nitong manatili siya sa tabi ni Arthur upang gampanan ang papel bilang asawa nito.
Pilit na nginitian ni Caroline si Arthur. Matapos ang ilang sandaling pag-aalinlangan, inabot niya ang braso ng asawa at kumapit dito.
Eksaktong pagdating nila sa gitna ng bulwagan, pumasok naman si Heidi na suot ang isang napaka-eleganteng puting evening gown.
"Miss White!" Umalingawngaw ang masisiglang boses ng mga bata. Tuwang-tuwang tumakbo sina Layla at Logan papunta kay Heidi, na tila ba mga ibong sabik na sabik makawala sa hawla.
Nang masaksihan ito, hindi mapigilan ni Caroline na mapangiti nang mapait sa kanyang sarili. Hay, nakapanlulumo.
Ngumiti si Heidi at yumuko upang salubungin ng yakap ang mga bata. Tumingala siya kay Caroline at binigyan ito ng isang pormal na ngiti. "Aba, anong pagkakataon, nandito rin pala si Caroline."
Tumayo siya at pinasadahan ng tingin ang mga naguguluhang bisita. "Kung tutuusin, para na rin kaming magkapatid ni Caroline."
Bakas ang gulat sa mukha ng lahat, at nagsimula silang magbulung-bulungan.
Nagpatuloy si Heidi, "Kung hindi ako nagkakamali, nag-asawa ulit ang nanay ni Caroline at napabilang sa pamilya namin noong mga bata pa kami. Kaya pamilya na rin ang turingan namin, kahit pa hindi talaga naging malapit sa akin si Caroline. Siguro nga ay ayaw niya lang talaga sa akin."
Ang bahagyang pagkunot ng kanyang noo ay may malinaw na ipinapahiwatig na pagpapaawa.
Agad na umugong ang mga bulungan sa buong bulwagan. Marami ang nagpukol ng mapanghusga at pandidiring tingin kay Caroline.
"Kaya pala. Hindi na nakapagtataka kung bakit ang layo ng agwat nilang dalawa."
"Sinabi mo pa. Halatang laking-mayaman at may pinag-aralan talaga itong si Ms. White."
"Nabalitaan ko nga na sumama kamakailan si Ms. White sa isang business trip kasama si Mr. Windsor at nakasungkit ng isang malaking kontrata. Ang bata-bata pa niya pero ang layo na ng narating."
Nakisawsaw na rin ang iba, walang patid ang papuri kay Heidi habang itinataas ang kanilang mga baso para mag-toast.
Akma na sanang itataas ni Heidi ang kanyang baso nang pumagitna si Arthur. "Hindi siya pwedeng uminom. Ako na ang iinom para sa kanya." Kasabay nito, kinuha niya ang baso at tinungga ang laman nito nang isang lagukan.
Nabaling naman ang atensyon ng karamihan kay Caroline na nakatayo sa tabi ni Arthur. May isang lumapit na may dalang baso. "Ms. Hamilton, bilang maybahay ni Mr. Windsor, siguro naman ay pagbibigyan mo kami ng isang tagay?"
Mahina talaga ang sikmura ni Caroline sa alak. Ngunit nang makita niya ang nag-aabang na mga mata sa paligid, alam niyang wala siyang kawala.
Itinaas niya ang baso at sumimsim nang kaunti. Agad na nag-iwan ng guhit sa kanyang lalamunan ang alak na naging sanhi ng pag-ikot ng kanyang sikmura, dahilan para lalong kumirot ang kanyang puson.
Sakto namang nagsalita si Arthur. "Kung hindi mo kayang uminom, huwag mong pilitin. Iuwi mo na ang mga bata at magpahinga ka na."
May halong panunukso ang naging reaksyon ni Heidi, "Mr. Windsor, ang sweet mo naman pala talaga sa asawa mo."
Ni hindi man lang tinapunan ng tingin ni Arthur si Caroline. Malamig siyang nagsalita, "Masyadong masalimuot ang mga negosyo ng Windsor Group at hindi ito kayang intindihin ng isang simpleng maybahay lang. Mas makabubuti sa kanya ang manatili na lang sa bahay at mag-alaga ng mga bata."
Parang mga karayom na tumusok sa puso ni Caroline ang mga binitiwang salita ng asawa. Mahigpit niyang naikuyom ang kanyang mga kamao, hanggang sa bumaon ang kanyang mga kuko sa sariling palad.
"Arthur, ganyan ba dapat magsalita ang isang lalaking nagdadala ng apelyidong Windsor?" Hindi namalayan ng lahat ang pagdating ni Isaac sa bungad ng bulwagan.
Nakaupo ito sa kanyang wheelchair, bakas ang awtoridad sa kanyang boses. "Napalaki nang maayos ni Caroline ang mga bata, at patunay iyan ng kanyang kakayahan. Walang rason para isipin mong hindi niya kayang humawak ng mga usapin sa kumpanya."
Akmang sasagot sana si Arthur, ngunit agad siyang napatahimik ng isang matalim na tingin mula kay Isaac.
Dahil sa pagdating ng pinakamahalagang panauhin, sabay-sabay na itinaas ng lahat ang kanilang mga baso at lumapit sa gawing pintuan.
"Mr. Isaac Windsor, nawa'y mas humaba pa ang inyong buhay!"
"Mr. Isaac Windsor, napakaganda po ng inyong aura ngayon. Isang tagay po para sa inyo!"
Sa gitna ng kalansing ng mga baso, bahagyang umikot si Heidi at pumwesto sa tabi ni Arthur habang may hawak na inumin. Sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla siyang natapilok. Agad na kumalat ang mapulang alak at bumakat sa puting polo ni Arthur.
"Hala, pasensya na!" Nagmamadali siyang kumuha ng panyo upang punasan ito, ngunit marahang tinabig ni Arthur ang kanyang pulso.
"Ayos lang."
"Samahan na kitang kumuha ng pamalit na damit. Alam ko kung saan ang cloakroom." Pasimple siyang sumulyap kay Caroline—isang tingin na tila nang-aasar at nagmamalaki—ngunit ni hindi man lang nag-abala si Caroline na tapunan siya ng tingin.
Wala talagang gana si Caroline na patulan ang mga ganitong klaseng kaartehan at pagpapapansin.
"Teka lang." Dahan-dahang ipinihit ni Isaac ang kanyang wheelchair. "Hindi ba't nandito naman ang asawa ni Arthur? Bakit kailangang ibang tao pa ang gumawa ng ganyang bagay?"
Tumango siya kay Caroline. "Caroline, samahan mo si Arthur sa pagpapalit ng kanyang damit."
Agad na napawi ang ngiti sa mga labi ni Heidi. Namuti ang kanyang mga buko sa higpit ng pagkakahawak niya sa kanyang panyo.
Napabuntong-hininga na lamang si Caroline tsaka tumayo upang sundan si Arthur.
Balot ng nakakapasong lamig at tensyon ang buong suite. Inalis ni Arthur ang mga butones ng kanyang jacket at padabog itong ibinato sa sofa. "Makakaalis ka na. Hindi ko kailangan ng tulong mo."
Alam ni Caroline na suklam na suklam sa kanya si Arthur, at nandidiri itong makasama siya. Kung hindi lang talaga nagpumilit si Isaac, hinding-hindi siya pupunta sa lugar na ito.
Pagbalik nila sa bulwagan, marahang tinapik ni Isaac ang kamay ni Caroline. "Hija, itulak mo nga ang wheelchair ko papunta roon para makita ko."
Halos walang ingay ang pag-usad ng wheelchair sa ibabaw ng makapal na carpet. Mula sa malayo, pinagmasdan ni Caroline sina Arthur at Heidi na masayang nag-uusap. Kaunti na lang ay bubulwak na mula sa kanyang mga labi ang salitang pakikipaghiwalay.
"Nabanggit sa akin nina Layla at Logan kahapon na gusto raw nilang masahihin ang likod ko," biglang basag ni Isaac sa katahimikan. "Napakabait ng pagkakapalaki mo sa dalawang batang iyon—mas maalalahanin pa nga sila kaysa kay Arthur noong kaedad niya ang mga ito."
Bahagyang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Caroline. Pagkatapos ay narinig niya ang tanong ni Isaac, "Umuwi ka raw sa Hamilton Villa kamakailan. May nangyari ba, hija?"
Napahigpit ang hawak niya sa mga hawakan ng wheelchair, at marahan siyang umiling. "Wala naman po, dumalaw lang."
Lihim na napabuntong-hininga si Caroline dahil sa kawalan ng pag-asa. Napakabuti sa kanya ni Isaac. Maaari namang ipagpaliban na lang muna sa ibang araw ang usapin tungkol sa pakikipaghiwalay.
