Kabanata 1

"Pasensya na, ang numerong tinatawagan mo ay hindi maabot sa ngayon."

Habang pinakikinggan ang malamig at parang robot na boses ng babae sa kabilang linya, nakagat ni Elaine Brown ang kanyang labi. Pakiramdam niya'y lalo pang bumigat ang kanyang dibdib.

Ilang hibla ng kanyang tuwid na buhok ang nakawala at tumabing sa kanyang mukha habang nakakunot ang kanyang noo. Mababakas sa kanyang mga mata ang labis na pag-aalala na hindi niya maitago.

Walang tigil sa pagsusuka ang anak niyang si Vera Smith. Natiyak na nilang hindi ito food poisoning, at kahit anong gamot ang ipainom niya ay tila walang epekto. Ngayon, bigla na lang itong nawalan ng malay.

Pang-apat na tawag na ito ni Elaine sa asawang si Arthur Smith.

Ngunit sa tuwing tatawag siya, agad itong binababa ni Arthur.

Biglang umubo nang dalawang beses si Vera mula sa kama.

Agad na nabitawan ni Elaine ang kanyang cellphone at nagmamadaling lumapit sa anak. "Vera, anak," nag-aalalang tawag niya.

Namumutla ang mukha ni Vera nang dahan-dahan niyang imulat ang kanyang mga mata. Hirap siyang magsalita, "Gusto ko pong pumunta kay Tita Emily. May celebration party po siya ngayon dahil nanalo siya ng design award. Gusto ko po siyang makita."

Tila may biglang napagtanto si Elaine.

Bigla niyang naintindihan kung bakit hindi sinasagot ni Arthur ang mga tawag niya—ngayon nga pala ang celebration party ni Emily Jones.

Kaya pala hindi pa siya umuuwi, kahit na nag-text na siya na walang tigil sa pagsusuka si Vera.

Nakaramdam siya ng matinding pait sa kanyang lalamunan.

Sabagay, si Emily naman kasi ang ultimate crush niya mula pa noon.

Ilang taon na ang nakalilipas, namatay ang mga magulang ni Emily para iligtas si Arthur, kaya kinupkop ng pamilya Smith ang noo'y 16-anyos na si Emily.

Kung hindi lang sana napakasal si Elaine kay Arthur, malamang ay si Emily na ang Gng. Smith ngayon.

Sakto namang biglang pumasok mula sa labas si Julius Smith. Kumapit ito sa binti ni Elaine at nagmaktol.

"Mommy, gusto ko rin pong pumunta sa party ni Tita Emily! Kailan niyo po kami dadalhin doon?"

Yumuko si Elaine para tingnan si Julius at malumanay na sinabi, "Kailangan munang dalhin ni Mommy si Ate Vera sa ospital ngayon. Dito ka muna sa bahay kasama ng yaya mo, ha? Huwag kang aalis."

Hindi na pwedeng ipagpaliban ang pagsusuka ni Vera.

Dahil hindi maasahan si Arthur, wala siyang magagawa kundi dalhin nang mag-isa ang bata sa ospital.

Kumuha si Elaine ng jacket mula sa aparador, mahigpit na binalot si Vera, at mabilis na binuhat ang anak pababa ng hagdan.

Hindi niya nakalimutang magbilin sa yaya, "Masyadong malikot si Julius—huwag mong aalisin ang paningin mo sa kanya, ha."

Agad na tumango ang yaya, "Opo, Ma'am."

Sa likuran nila, naiwang nakasimangot si Julius at hinabol sila habang sumisigaw, "Ayoko pong mag-stay sa bahay! Gusto kong pumunta kay Tita Emily!"

"Magpakabait ka muna, walang oras si Mommy para diyan ngayon!"

Nang hindi lumilingon, nagmamadaling lumabas si Elaine para pumara ng taxi papuntang ospital.

Karaniwang inaabot lang ng kalahating oras ang biyahe mula sa bahay nila papuntang ospital, pero tila napakabigat ng trapik ngayon.

Habang tinitingnan si Vera na muling nawalan ng malay sa kanyang mga bisig, lalong tumindi ang kaba at pag-aalala ni Elaine.

May background siya sa medisina.

Alam niyang ang matinding pagsusuka ay maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa katawan.

Matapos ang matagtag at ma-trapik na biyahe, nakarating din sa wakas si Elaine at ang kanyang anak sa ospital. Ngunit lalong nanlumo ang kanyang puso nang makita niya ang siksikan ng mga tao sa lobby.

Saang sulok man siya lumingon, may mga taong nagsusuka o nilalagnat—bata man o matanda. Ang iba ay nanghihinang nakasandal sa isa't isa, at paminsan-minsa'y inuubo.

Halatang hirap na hirap na ang mga medical staff, kaya napipilitan na silang sumigaw para lang makadaan sa gitna ng siksikan.

Isang nakakakilabot na hinala ang nabuo sa isip ni Elaine—hindi ito ordinaryong pagsusuka lang, kundi isang viral outbreak.

Base sa dami ng mga taong apektado, ang pangunahing katangian ng virus na ito ay ang pagiging labis na nakakahawa at mabilis na pagkalat.

Agad niyang hinila at hinigpitan ang suot na mask ni Vera.

Kapag mas maraming tao, mas mabilis ang hawaan ng virus.

Siguradong hindi pa alam ni Arthur na may kumakalat na virus!

Dahil dito, kinarga ni Elaine si Vera gamit ang isang braso habang ang kabilang kamay naman ay nag-text kay Arthur. Binalaan niya ito tungkol sa virus at sinabihang mag-ingat.

Ngunit walang naging tugon sa kanyang mensahe, tila ba isang batong inihagis sa dagat.

Sa mga oras na ito, ang bilang ng mga pasyenteng nagpapagamot ay higit na sa kapasidad ng ospital, at marami na ang nagsisimulang mawalan ng pasensya at maging iritable.

"Nasaan na ba ang mga doktor?! Lumabas kayo at asikasuhin niyo kami! Dalawang araw nang walang tigil sa pagsusuka ang misis ko—naghihingalo na siya!"

"Wala man lang bang pwedeng mag-asikaso sa amin dito?!"

"Diyos ko, tulong! Nawalan ng malay ang anak ko!"

Lalo pang nagkagulo ang sitwasyon dahil sa sigaw ng isang tao mula sa nagkukumahog na madla.

Dali-daling sumiksik si Elaine sa isang tabi karga-karga si Vera, pilit iniiwasan ang nagsisiksikang mga tao.

Luminga-linga siya sa paligid. Sa loob lamang ng ilang minuto, sunod-sunod na bumagsak ang ilang mga pasyente. Halos lumabas na ang puso niya sa kaba habang pilit na inaalo si Vera.

"Vera, anak, kapit lang. Parating na ang doktor!"

Nanatiling nakapikit si Vera, ni walang kakibo-kibo.

"Vera, naririnig mo ba si Mommy? Vera!"

Nanlaki ang mga mata ni Elaine sa matinding takot habang natataranta siyang nagsasalita. Nanginginig ang mga kamay na kinapa niya ang hininga ni Vera.

Buhay pa ang bata, pero halos hindi na ito humihinga. Kung magtatagal pa sila rito...

Hindi na kaya pang isipin ni Elaine kung ano ang maaaring mangyari.

Punung-puno ng tao ang ospital at wala na ni isang bakanteng kama. Sa tindi ng virus na ito, kailangan ng agarang lunas.

Si Arthur lang ang tanging makakatawag ng pribadong doktor.

Nagtiim-bagang si Elaine at sinubukan siyang tawagan muli.

Sa paligid niya, naghihiyawan ang mga pasyente habang pilit silang pinapakalma ng mga doktor. Sa kanyang mga bisig, nakahandusay ang anak niyang halos wala nang buhay. Pakiramdam ni Elaine, parang iniihaw sa nagbabagang bakal ang kanyang puso sa sobrang pag-aalala.

Nang sa wakas ay sumagot sa kabilang linya, natataranta at nagmamadaling nagtanong si Elaine, "Hon, nasaan ka ba ngayon?"

Laking gulat ni Elaine nang marinig ang sumagot. Hindi ang malamig na boses ni Arthur ang narinig niya, kundi ang boses ni Emily.

"Elaine, ako 'to."

Rela-relaks lang ang boses ni Emily.

"Hindi makausap si Arthur ngayon eh. Sabihin mo na lang sa akin kung anong kailangan mo."

Sa matinding desperasyon, sumagot si Elaine, "Parang awa mo na, ibigay mo kay Arthur ang telepono. Kailangan kong matawagan niya ang private doctor niya. Tinamaan ng virus si Vera at walang tigil sa pagsusuka. Kailangan niya ng agarang lunas."

"Ano kamo?"

Sa wakas, si Arthur na ang nasa kabilang linya, bakas ang pag-aalala sa kanyang boses.

"Bakit biglang tinamaan ng virus si Vera?"

Dahil walang oras para magpaliwanag, nagmamakaawang sinabi ni Elaine, "Nandito kami ni Vera sa ospital ngayon. Papuntahin mo na agad ang private doctor mo diretso sa bahay. Malala ang lagay niya—kapag hindi siya tumigil sa pagsusuka, manganganib ang buhay ng anak natin."

Agad namang sumagot si Arthur, "Sige, papupuntahin ko na agad diyan ang assistant ko."

Napahigpit ang hawak ni Elaine sa telepono, bakas sa kanyang mga mata ang matinding pagkadismaya at hindi makapaniwala.

"Eh ikaw?"

Nag-aagaw-buhay na ang anak niyang si Vera.

May balak pa ba siyang mag-stay sa celebration party ni Emily?!

"Wala akong oras ngayon. Kung may kailangan ka pa, sa assistant ko na lang sabihin."

Ang malamig na tono ni Arthur ay parang isang baldeng yelo na ibinuhos sa buong pagkatao niya.

Bigla niyang naalala kung paanong nag-aral sa ibang bansa si Emily, at biglang umuwi noong panahong nagbuntis si Elaine.

Sa loob ng apat na taon nilang pagsasama bilang mag-asawa, hindi na namatay-matay ang mga tsismis tungkol sa dalawa.

Alang-alang sa mga bata at sa lola ni Arthur, palagi na lang siyang nagtitimpi at nagpapakumbaba. Nagpaliwanag naman si Arthur noon na ang mga tsismis na iyon ay gawa-gawa lang daw ng media para sa publicity.

At naniwala naman siya.

Sabi pa nga nito, ang mga bata raw ang pinakamahalaga sa lahat.

Pero ngayon, sampal sa mukha niya ang mapait na katotohanan.

Mas mahalaga pa ba ang isang walang kwentang celebration party kaysa sa buhay ni Vera?!

Nakakatawa. Nakakapanlumo.

Hindi na namalayan ni Elaine na naputol na pala ang tawag, ngunit agad namang pumasok ang tawag ng yaya ng mga bata.

"Ma'am, may emergency po tayo—nawawala po si Julius!"

"Ano kamo?!"

Bakas ang matinding gulat at kaba sa mga mata ni Elaine, at sa udyok ng taranta ay gusto na sana niyang kumaripas ng uwi.

Ngunit nang maalala niyang karga-karga pa niya si Vera, wala siyang nagawa kundi pigilan ang sarili.

"Hindi ba't sinabi ko sa iyong bantayan mo siyang mabuti?!" galit niyang sumbat.

Nanginginig sa takot at kaba na sumagot ang yaya, "Eh kasi po, iyak nang iyak si Julius at naghahanap ng egg tart. Pumunta lang po ako sa kusina para ipagluto siya, tapos pagbalik ko po, wala na siya."

Huminga nang malalim si Elaine, pilit kinakalma ang sarili kahit gusto na niyang sumabog. "Hanapin niyo siya ngayon din. Magpatulong ka sa iba. Iuuwi ko na agad si Vera diyan."

"Opo."

Susunod na Kabanata