Kabanata 2
"Ano kamo?"
Gumaralgal ang matinding kaba sa mga mata ni Elaine, at ang unang pumasok sa isip niya ay ang kumaripas ng takbo pauwi.
Subalit, nang maalala niyang karga-karga pa niya si Vera, wala siyang magawa kundi ang manatili.
"Hindi ba't ibinilin ko sa'yong bantayan mo siyang maigi?" may diin niyang sita.
Nanginginig na humingi ng paumanhin ang yaya, "Ma'am, panay po kasi ang hingi ni Julius ng egg tart, kaya pumunta po ako sa kusina para ipagluto siya. Pero pagbalik ko po, bigla na lang po siyang nawala na parang bula."
Huminga nang malalim si Elaine, pilit pinapakalma ang sarili kahit gusto na siyang panawan ng ulirat. "Hanapin niyo siya ngayon din. Magpatulong ka sa iba. Iuuwi ko na agad si Vera."
"Opo, Ma'am."
Pagkababa ng telepono, pakiramdam ni Elaine ay naubos ang lahat ng lakas niya.
Kailangang tutukan si Vera, at kailangan ding mahanap si Julius.
Pero iisa lang ang katawan niya—hindi niya kayang hatiin ang sarili niya. Sa huli, siya lang mag-isa ang kailangang pumasan sa lahat ng responsibilidad na ito.
Hindi magkandaugaga si Elaine, tila nakatapak sa baga sa sobrang taranta't pag-aalala.
Sumagi sa isip niyang tawagan si Arthur, pero agad din niya itong iwinaksi.
Siguradong hindi naman sasagutin ni Arthur ang tawag niya.
Para kasi sa lalaking iyon, si Emily ang pinakamahalaga sa lahat.
Nagmamadaling inuwi ni Elaine si Vera.
Kaka-text lang ng assistant na si Barry Wilson na papunta na ang kanilang family doctor.
Dahan-dahang inihiga ni Elaine si Vera sa kama at malambing na kinausap, "Vera, anak, paparating na ang doktor. Kailangan lang munang hanapin ni Mommy ang kapatid mo, ha?"
Kahit nagdedeliryo sa taas ng lagnat, pilit na iminulat ni Vera ang kanyang mga mata at umuungol na binanggit ang pangalang, "Emily..."
Tila piniga ang puso ni Elaine sa sobrang sakit.
Kahit sa ganitong kalagayan, si Emily pa rin ang hinahanap ng anak niya.
"Magpakabait ka muna, Vera. Makikita mo rin siya kapag magaling ka na."
Matapos aluin si Vera, dali-daling lumabas si Elaine para hanapin si Julius.
"Julius!"
"Julius, anak, nasaan ka?"
"Huwag mo namang takutin si Mommy nang ganito!"
Hinalughog ni Elaine ang bawat sulok ng kanilang malawak na mansyon.
Kahit hindi sila nakatira sa sentro ng siyudad, napaliligiran pa rin ang lugar nila ng mga abalang kalsada at nagkakarerang mga sasakyan.
Diyos ko, kung may masamang mangyari kay Julius...
Halos mamatay-matay sa pag-aalala si Elaine, at hindi na niya kayang isipin pa ang mga posibleng mangyari.
"Julius!"
Halos baligtarin na niya ang buong mansyon. Nang patapos na siyang maghanap sa isa sa mga kwarto, bigla siyang nakarinig ng pamilyar at mahinang tunog ng isang electronic game mula sa ilalim ng kama.
Agad siyang napalingon sa pinanggalingan ng tunog.
Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang tunog ng laro sa smartwatch na niregalo niya kay Julius.
Mabilis na hinawi ni Elaine ang laylayan ng kobrekama, at laking gulat niya nang tumambad doon si Julius na prenteng nakahiga.
Naghalo-halo ang galit, kaba, at matinding ginhawa sa dibdib niya dahil walang masamang nangyari sa bata. Nanlilisik ang mga matang tinitigan niya si Julius, "Julius, bakit ka nagtatago rito?! Alam mo ba kung gaano ako nag-alala sa paghahanap sa'yo?!"
Walang pakialam na ngumuso lang si Julius. "Ayaw mo kasi akong payagang puntahan si Emily."
Hindi makapaniwalang napanganga si Elaine. Mababakas sa mga mata niya ang matinding pagkadismaya.
Napakarami sana niyang gustong isumbat, pero tila may nakabara sa lalamunan niya at wala siyang maapuhap na salita.
Ang inasal at tabas ng dila ni Julius ay parang patalim na ibinaon at pinilipit sa mismong puso niya. Tila may malamig na hanging umihip sa sugat na iyon, nanunuot ang panginginig hanggang sa kanyang mga buto.
Sarili niya itong kadugo't laman!
Biglang nawalan ng ganang magsalita si Elaine. Binigyan niya ng isang naguguluhang tingin si Julius bago siya tuluyang tumalikod at umalis.
Pagbaba niya, dumating na ang assistant na si Barry kasama ang kanilang family doctor.
"Mrs. Smith, nandito na po ang doktor."
Agad na isinantabi ni Elaine ang sama ng loob at nagmamadaling sumagot, "Nasa kwarto si Vera. Halikayo, sasamahan ko na kayo roon."
Agad na sinuri nang maigi ng doktor si Vera, habang hindi magkandaugaga sa pag-aalala si Elaine na naghihintay sa tabi.
Pagtingin sa thermometer, dahan-dahang napailing ang doktor. "Misis Smith, tinamaan po si Vera ng pinakabagong mutation ng virus. Sa ngayon ho, wala pang mabisang lunas para rito."
"A-Ano ho'ng sabi ninyo?" Napaatras si Elaine, pakiramdam niya'y biglang gumuho ang mundo niya.
Walang lunas? Diyos ko, ano na lang ang mangyayari sa anak niyang si Vera?
Nanginginig ang mga kamay na nilabas ni Elaine ang kanyang cellphone para tawagan ang asawang si Arthur. Sa dami ng koneksyon nito, paniguradong may magagawa itong paraan.
Pero gaya ng inaasahan, walang sumasagot.
Nang mapansin ni Barry ang namumutlang mukha ni Elaine, nag-atubili siya noong una pero sa huli'y ginamit ang sarili niyang cellphone para tumawag. Wala pang isang minuto, sumagot agad ang kabilang linya.
Mabilis na napaangat ang tingin ni Elaine mula sa screen ng cellphone niya, at hindi sinasadyang napahigpit ang hawak niya rito.
Siya na asawa, hindi man lang makontak si Arthur, samantalang si Barry na isang assistant lang, sinagot agad. Nakakapanlumo.
Para na lang talaga silang mga estrangherong nakatira sa iisang bubong!
Sabagay, hindi naman ganoon kalalim ang pagmamahalan nila nang una silang ikasal, pero naging maalaga naman si Arthur noong ipinagbubuntis niya si Vera. Tandang-tanda pa nito ang mga paborito niya, ipinagluluto pa siya, at palagi siyang inuulanan ng regalo tuwing may okasyon.
Sabay nilang pinanabikan ang pagdating ng kanilang mga anak—namili ng mga pangalan at gamit. Si Arthur pa nga mismo ang nagbuo ng mga kuna ng mga bata.
Dati, pinapangarap niya na sana'y ganito na lang palagi ang buhay nila. Na balang araw, matututunan din siyang mahalin ni Arthur at magiging isa silang masayang pamilya.
Pero gumuho ang lahat ng mga pangarap at ilusyong iyon nang araw na umuwi si Emily mula sa ibang bansa.
"Nariyan na ba ang doktor?" Umalingawngaw ang boses ni Arthur mula sa kabilang linya, na nagpabalik sa kanya sa reyalidad.
Kinuha ni Elaine ang cellphone. Basag ang boses niya nang magtanong, "Tinamaan si Vera ng bagong virus, at sabi ng doktor... wala raw lunas. Nasaan ka ba? Kailan ka uuwi?"
Nanatiling kalmado ang boses ni Arthur, "Nandito ako sa pinakasentro ng outbreak ng virus. Naka-quarantine kami rito ni Emily."
"E, paano naman si Vera?! Wala na siyang malay!"
Pilit na pinipigilan ni Elaine ang panginginig ng kanyang boses.
Dapat sana'y tulong silang dalawa sa pag-aalaga ng mga anak nila.
Pero heto siya ngayon, mag-isang pinapasan ang lahat.
Ang pakiramdam na mag-isa siyang lumalaban ay unti-unting umuubos at dumudurog sa pagkatao niya.
Napakunot-noo si Arthur, "Magpapadala ako ng karagdagang medical team diyan. Alagaan mong mabuti si Vera."
Mahigpit na napakuyom si Elaine sa hawak niyang cellphone, pilit na nilulunok ang pait na bumabara sa kanyang lalamunan.
"Kailangan ka ni Vera ngayon mismo."
Lalong kumunot ang noo ni Arthur, at tahimik na naglapat ang kanyang maninipis na labi.
Naghintay si Elaine ng isasagot nito, pero boses ni Emily ang umalingawngaw mula sa kabilang linya, "Arthur, naimpake ko na ang lahat ng gamit. Pwede na tayong umalis anumang oras."
Agad na nahagip ng pandinig ni Elaine ang sinabi nito kaya tarantang nagtanong, "Saan kayo pupunta?"
Malamig na sumagot si Arthur, "Mabilis na kumakalat ang virus sa buong siyudad. Sakitin si Emily, kaya dadalhin ko siya sa ibang bansa."
Ang sagot na iyon ang tuluyang pumatay sa kakarampot na pag-asang natitira sa mga mata ni Elaine.
Si Emily ang inaalala niya, pero paano naman si Vera? Paano naman ang sarili niyang mag-ina sa gitna ng krisis na ito?
Bakas ang matinding hinanakit sa boses ni Elaine.
"Paano naman kami ng mga anak mo?"
