Kabanata 3 Mayroong Isang Bagay na Nakakatid

[May something talaga si Mr. Williams sa babaeng 'to!]

[Kailan ba siya nakatitig nang ganyan sa iba? As in, never!]

[May chika ba mula sa kampo ni Ms. Wilson? Atat na atat na akong makita ang mukha ng misteryosang babaeng 'yan!]

Samantala, padabog na binubuklat ni Elaine ang isang salansan ng mga resume. Bakas na bakas ang pagkabanas sa mukha niya—hanggang sa may isang profile na umagaw sa atensyon niya.

Biglang nagbago ang timpla ng mukha niya.

Sakto namang tumunog ang telepono sa opisina. Matapos ang maikling pag-uusap, ibinalita ng assistant niya na hindi pa raw dumadating si Ronald sa kumpanya.

Napa-tsk siya sa inis. "Umpisahan niyo na ang meeting kahit wala ako. Susundan ko muna ang lalaking 'yon."

Pagdating sa opisina nito, padalos-dalos niyang binuksan ang pinto nang hindi man lang kumakatok. "Saan ka ba nagsuot kagabi?"

Dahil magpinsan at magkatrabaho naman sila, wala nang pormal-pormal sa kanya.

Hindi man lang nag-abalang sumagot ang lalaki. "May kailangan ka ba?"

Lalo siyang nag-init. "Yung meeting! Kahit wala kang secretary, sana naman marunong kang tumingin sa oras. At 'yang cellphone mo—naka-patay?"

Ibinaling nito ang tingin sa ibaba at kalmadong sumagot, "Sorry. Na-lowbat ako kagabi. Kumusta na pala ang paghahanap ng bagong secretary?"

Tatlong taon ding nagtrabaho ang dati nitong secretary, na naging ilusyunadang akala'y magiging asawa siya nito. Nag-eskandalo pa nga ang loka.

Mula noon, nadala na siya at tumanggi nang kumuha ng panibagong secretary.

Kaya naman napahinto si Elaine nang bigla nitong buksan ang usapan. "May napupusuan ka na ba para sa posisyon?"

Dumapo ang paningin ng lalaki sa mga resume na hawak niya. Agad na may isang umagaw sa atensyon nito. "Kahit baguhan, pwede na."

Baguhan?

Napatingin din si Elaine sa hawak niya at iniabot ang salansan. "Magaganda ang background ng mga aplikanteng 'to, pero wala ni isa sa kanila ang nag-apply bilang secretary."

Ang pinakaunang resume sa ibabaw ay pagmamay-ari ni Adeline.

Matapos ang nasaksihan niya kahapon—sabayan pa ng biglaang interes na ito ngayon—kutob niya'y may kababalaghang nangyayari.

Pasimple nitong pinasadahan ng tingin ang mga papel, habang marahang tinatapik ng daliri nito ang isang pangalan.

"Adeline. Interesante."

Walang anu-ano'y tumayo ito at tuloy-tuloy na lumabas ng kwarto.

Naiwang nakapamewang si Elaine, naniningkit ang mga mata. Kahapon pa lang, kahina-hinala na ang mga titig nito sa babaeng 'yon. Tapos ngayon, ganito? Gagawa na ba talaga siya ng move nang ganito kabilis?

Sa kabilang banda, halos manginig naman sa kaba si Adeline habang inihahatid siya paakyat sa top floor.

Pagdating sa tapat ng pinto, mabilis na nagpaalam ang staff ng HR at nagmamadaling umalis.

Mahigpit na ipinagbabawal ang mga ordinaryong empleyado sa palapag na ito.

Eksklusibo lang ito para sa dalawang pinakamataas na boss ng kumpanya.

Walang pwedeng tumuntong dito maliban na lang kung ipapatawag ka.

Mahigpit ang hawak niya sa kanyang cellphone. Nag-aalangan siya—handang-handang humingi ng saklolo kung sakaling may mangyaring masama.

"Adeline, pasok ka." Isang masiglang boses ang bumasag sa tensyon.

Pag-angat niya ng tingin, tila siya napako sa kinatatayuan niya. "Ikaw?"

"Liit ng mundo, 'no? Halika, pasok." Bahagyang napawi ang kaba niya dahil sa maaliwalas nitong ngiti.

Isang one-night stand lang naman ang nangyari kagabi. Siguro naman hindi na niya 'yon uungkatin pa.

Hindi niya alam kung ano ang relasyon ng dalawang ito, pero hindi maitatanggi ang malaking pagkakahawig sa mga mukha nila. Malamang magkamag-anak ang mga 'to.

Ang hindi niya inaasahan—

—ay ang alukin siya para sa posisyon ng executive secretary.

"Pasensya na po, pero sa design department po ako nag-apply," matatag niyang sagot. "Tsaka hindi pa po ako nakakapagtrabaho bilang secretary kahit kailan. Tingin ko po ay hindi ako pasok sa posisyong 'yan."

"Nabasa ko ang resume mo. Kayang-kaya mo 'to," kalmadong tugon nito. "Isa pa, masyadong bilib sa'yo si Mr. Williams."

"Mr. Williams?" Bakas ang pagkalito sa mukha ni Adeline. Wala siyang kilalang tao na may ganyang pangalan.

Kaswal itong nagkibit-balikat. "Desisyon niya 'yon. Pero huwag kang mag-alala—pang-senior level agad ang starting salary mo. Apat na beses na mas malaki sa sahod ng isang junior designer."

"Po?!" Halos lumuwa ang mga mata niya sa sobrang gulat.

Apat na beses? Sa ganyang rate, hindi na magtatagal bago ko maabot ang financial independence.

"Tsaka pwede ka pa ring sumali sa mga design projects, may komisyon pa 'yon."

Nakakatukso ang alok—sobra, tipong mahirap tanggihan.

Pero umiling pa rin siya. "Pasensya na ho, hindi ko—"

"Bakit hindi mo muna siya kausapin?"

Hindi pa man siya nakakatapos sa sasabihin, hinila na siya nito papunta sa opisina ng CEO.

Eksaktong pagtapat nila sa pinto—

Basag!

Umalingawngaw mula sa loob ang matalim na tunog ng nababasag na salamin.

Kumabog nang malakas ang dibdib niya.

Kaya pala. Kaya naman pala ang laki ng sahod—siguradong may mali rito.

Tatakbo ba siya? O may kailangan muna siyang patumbahin?

Bago pa siya makapagdesisyon, biglang bumukas ang pinto.

"Adeline, mag-umpisa ka na ngayon din. Ihanda mo ang sasakyan. Pupunta tayo sa Valor Auctions."

Walang puwang para tumanggi sa malamig at awtoritaryong boses na iyon.

"Ha? Ako po?"

Nanlalaki ang mga matang nakatitig siya rito, nanginginig ang boses.

Siya ang CEO?!

Ang naka-one-night stand niya... ay boss niya?!

Bahagyang bumaba ang tingin ng lalaki. Napansin nito ang gulat at kaba sa mukha niya—pati na rin ang maninipis na marka sa kanyang leeg.

Saglit itong natigilan.

Nang mapansin ang nakakabinging katahimikan, sumingit si Elaine para magpaliwanag. "Ang highlight ng auction ngayon ay ang sapphire necklace ni Queen Valorian XII. 'Yan ang target nating mabili."

"Ang Nebula's Heart?" Biglang nagningning ang mga mata niya.

Ilang buwan na ring usap-usapan ang auction na ito. Royal jewelry design kasi ang focus ng thesis niya.

Sa sobrang sabik na makita nang malapitan ang ganoong klaseng maalamat na alahas, bigla niyang nakalimutan ang anumang kaba o problemang kinakaharap niya.

Nagmamadali siyang naglakad papuntang elevator, pero bigla siyang napahinto at nahihiyang lumingon. "Mr. Williams, hindi po ako marunong mag-drive."

"Ako na ang magda-drive. Tara na." Dire-diretso itong naglakad at nilagpasan siya.

Sa likuran nila, naiwang nakanganga si Elaine, nanlalaki ang mga mata. Isang bagay lang ang tumatakbo sa isip niya—siguradong may namamagitan sa dalawang 'to.

Pagkaalis ng dalawa, nanatili siyang nakatayo roon hanggang sa lapitan siya ng assistant niya. "Ms. Wilson, okay lang po ba kayo?"

"Gusto kong alamin mo ang lahat ng impormasyon tungkol sa babaeng 'yon. Lahat-lahat."

Bahagyang nakuyom ang mga kamao niya.

Posible kayang… natutunaw na ang puso ng tinagurian nilang ice king?

Sa loob ng kotse, panay ang lipat ng pwesto ni Adeline, halatang hindi mapakali sa passenger seat.

Unang araw sa trabaho—tapos ang CEO pa ang nagda-drive para sa kanya?!

Sino namang maniniwala roon?

Pero ang mas nakakakilabot sa lahat, ang boss niya ay mismong lalaking naka-one-night stand niya.

Mas lalo pang naging awkward ang sitwasyon dahil ramdam pa rin niya ang pamimitig at sakit ng katawan niya.

Habang hinihilot ang sariling sentido, pakiramdam niya nababaliw na ang takbo ng mundo.

Makalipas ang ilang sandali, maingat siyang nagsalita, "Mr. Williams, tungkol po kagabi… isa lang po 'yong malaking hindi pagkakaintindihan."

"Ako dapat ang humingi ng tawad," kalmado nitong sagot. "Hindi ko alam na first time mo pala. Sana hindi kita masyadong nasaktan."

Biglang nag-init at namula ang buong mukha niya.

Nanatiling nakatutok ang mga mata nito sa kalsada, pero bahagyang lumambot ang tono ng boses nito.

Habang papunta siya sa opisina kanina, napag-isip-isip niya ang mga nangyari. Sa naging kilos kasi ng babae—agresibo pero halatang walang karanasan—masyadong naging halata ang lahat.

At kinumpirma pa 'yon ng ebidensyang nakita niya.

Ibinuka niya ang kanyang bibig, akmang idedenay sana ang sinabi nito—

—pero biglang lumiko ang sasakyan.

"Mr. Williams, dapat po diretso lang tayo rito," mahina niyang paalala, habang sumusulyap sa GPS.

"Dadalhin muna kita sa ospital."

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Adeline sa kaswal nitong sinabi; bigla siyang kinabahan.

Ospital?!

Ipapa-check ba nito ang kondisyon niya? May pinaghihinalaan ba ito? O baka naman mas malala—iniisip nitong baka sinusubukan niya itong i-trap?

Nagkagulo-gulo na ang isip niya. "Mr. Williams, sinabi ko na po kahapon—"

"Na wala kang balak na panagutan ako." Unti-unting huminto ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Tumama ang anino ng mga puno sa mukha nito, kaya hindi niya mabasa ang ekspresyon nito.

Sandaling bumalot ang nakakabinging katahimikan. Tapos, sa mahinang boses—

"Kaya… wala ka talagang balak na panagutan ako?"

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata