Kabanata 4: Ang pangalan ko ay Ronald
"Ha?" Nanlaki ang mga mata ni Adeline, halos lumuwa ito habang hindi makapaniwalang nakatitig kay Ronald.
Ang lalaking nakasiping niya ng isang gabi, na sa hindi inaasahang pagkakataon ay boss pala niya, tapos ngayon ay gusto na panagutan niya ito?
Hinilot ni Adeline ang kumikirot niyang sintido. "Mr. Williams, akala ko po nang umalis kayo, ibig sabihin ay tapos na tayo at hindi na magkikita pa."
"Hindi ako umalis. Pumunta ako para tawagin ang family doctor namin," tugon ni Ronald, na hindi inaalis ang seryosong titig sa kanya.
Totoo ngang hindi ito umalis. Na-lowbat kasi ang cellphone niya, at dahil walang charger sa kwarto, napilitan siyang bumaba para humiram ng power bank sa front desk.
Pagkatapos niyang matawagan ang kanilang family doctor at makabalik sa kwarto, parang bulang nawala na si Adeline.
Para mahanap ang dalaga, sinadya pa ni Ronald na ipa-check ang booking information. Kaso, nalaman niyang ang sarili pala niyang ID ang ginamit sa pag-check-in, kaya walang naiwang kahit anong bakas ng pagkakakilanlan nito.
Nang maisip niyang baka hindi na talaga sila pinagtadhana pang magkita muli, bigla na lang sumulpot si Adeline sa sarili niyang kumpanya.
Bahagyang umangat ang gilid ng labi ni Ronald, bumuo ng isang tipid na ngiti. "Kaya pumunta muna tayo sa ospital para magpa-check-up, okay ba 'yon?"
Napakalambing ng boses nito, at may himig ng pag-aalaga. Bago pa man makapag-isip nang maayos, napatango na lang si Adeline na parang na-hypnotize.
Pero pagsapit na pagsapit nila sa ospital, bigla siyang kinain ng pagsisisi. Paano ba naman, dinala siya ni Ronald diretso sa department ng obstetrics and gynecology (OB-GYN).
Dahil pag-aari ng pamilya Williams ang ospital, natural lang na VIP treatment ang nakuha niya—tatlong batikan at matataas na doktor ang nakangiting nag-aabang sa kanya.
Pagkatapos siyang suriin, namula ang mukha ni Adeline hanggang sa dulo ng kanyang mga tainga. Para siyang kamatis sa sobrang pula. Nakayuko lang siya at kulang na lang ay hilingin niyang lamunin siya ng lupa sa sobrang hiya.
"May kaunting punit, pero hindi naman ganoon kalala. Ipahid mo lang itong gamot tuwing umaga at gabi," malumanay na bilin ng doktor, bago makahulugang sumulyap kay Ronald. "Dapat ay hindi masyadong mapusok kapag unang beses. Iwasan niyo muna ang pakikipagtalik sa ngayon."
Mariing napapikit si Adeline. Diyos ko, gusto na lang niyang himatayin doon mismo sa kinatatayuan niya!
Nanatiling kalmado at walang reaksyon ang mukha ni Ronald. "May kailangan ba siyang inumin na gamot? May mga bawal ba siyang kainin?"
"Iwasan muna niya ang mga malamig, maanghang, at mga pagkaing nakaka-irita sa tiyan. Maghintay hanggang sa bumuti na ang pakiramdam niya. Nagreseta rin ako ng anti-inflammatory na gamot—ipapainom mo ito sa kanya."
Pagkatapos magbilin ay bumaling ang doktor kay Adeline. "May ininom ka bang kahit anong gamot kamakailan lang?"
"Emergency contraceptive pill po," halos pabulong na sagot ni Adeline, na halos hindi na marinig ang sariling boses.
Napaisip sandali ang doktor. "Anong brand? Kailangan ko kasing i-check muna bago kita resetahan ng iba pang gamot."
Wala nang nagawa si Adeline kundi ilabas mula sa kanyang bag ang pakete ng morning-after pill at iabot ito sa doktor. Nang makita ni Ronald ang kahon, biglang nanlamig ang mga titig nito.
'Yun pala ang gamot na iniinom nito kanina sa elevator, tapos inabutan pa niya ito ng sarili niyang tubig para makainom?
Nang maramdaman ang namumuong galit ni Ronald, inakala ni Adeline na ayaw lang nitong magkaroon ng pananagutan. "Sabi po sa instructions, epektibo raw 'yan kapag ininom sa loob ng 24 hours. Kaya huwag po kayong mag-alala, imposibleng mabuntis ako!"
Nang makita ang pamumutla at kaba sa mukha ng dalaga, umiwas na lang ng tingin si Ronald at hindi na kumibo.
Nagbigay pa ng ilang karagdagang paalala ang doktor bago sila tuluyang lumabas ng ospital.
Siguro dahil sa gamot kaya naramdaman ni Adeline na medyo humupa na ang kirot, pero ang pagharap sa nanlalamig na ekspresyon ni Ronald ay lalong nagpatindi ng kaba sa dibdib niya.
Huwag mong sabihing iniisip ng lalaking ito na nagpapabuntis siya para perahan ito, o kaya naman ay alam niya kung sino talaga ito kaya sinadya niyang lumapit dito?
Inaamin naman ni Adeline na napansin na niya kahapon na mukhang bigatin at mayaman ang lalaki. Kaso, nilamon na ng alak ang katinuan niya—ang tanging gusto lang naman niya noong oras na iyon ay ibigay ang virginity niya sa isang guwapong lalaki, at wala nang iba pa.
Sa isipin pa lang na araw-araw niyang makakaharap sa trabaho ang lalaking naka-one-night stand niya, kinikilabutan na siya hanggang buto.
Pagdating nila sa parking lot, bigla siyang napahinto at nag-atubiling sumakay sa kotse.
Nilingon siya ni Ronald, bakas ang pagtataka sa mukha. "Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?"
"Naku, hindi po sa ganoon." Mabilis na umiling si Adeline, saka humugot ng malalim na hininga. "Mr. Williams, hindi po ako nag-apply bilang sekretarya."
"Eh ano ngayon?" Binuksan ni Ronald ang pinto ng passenger seat, kalmadong nakatitig sa dalaga.
Nanliit si Adeline sa kaba at hindi namalayang napadila siya sa sariling labi.
Nang mapansin ang namumula at bahagyang bitak-bitak na labi ng dalaga, saglit na nawala sa sarili si Ronald nang manariwa sa isip niya ang tamis ng paghalik dito.
Dahil nanatili itong tahimik, lalong kinabahan si Adeline. "Kung tatanggapin niyo po ako, mas gusto ko po sanang mapunta sa design department. Jewelry design po kasi ang tinapos ko."
"Alam ko, Adeline." Sumenyas si Ronald na sumakay na siya sa kotse.
"Ano po'ng alam ninyo?" Nagtatakang napatingin sa kanya si Adeline.
Bukod sa nangyari sa kanila kagabi, halos hindi pa nga yata umaabot ng tatlong minuto ang naging pag-uusap nila sa opisina kanina. Ano naman kaya ang alam nito tungkol sa kanya?
"Adeline, 23 years old, graduating student ng jewelry design, dalawang beses nag-uwi ng first prize sa national jewelry design competition, at nanalo rin ng grand prize sa isang international student jewelry contest."
Malumanay ang boses ni Ronald, tila ba natutuwa pa ito.
Nang makita niya si Adeline sa opisina kanina na may dalang portfolio, nahulaan na niyang nandun ito para magpa-interview.
Resume lang ni Adeline ang hawak ni Elaine, pero halos nahalukay na ni Ronald ang buong pagkatao ng dalaga.
Hindi niya rin maintindihan kung bakit niya sinundan ang babaeng ito kahapon, pero alam niyang may kakaiba rito na nakapukaw ng atensyon niya.
Halos malaglag ang panga ni Adeline sa mga narinig.
Alam pa nito ang ilang detalye ng mga napanalunan niya sa unibersidad na hindi naman nakasulat sa resume niya.
Pero nang maisip ang posisyon ng binata, medyo nakahinga siya nang maluwag.
Siguro nga'y napapaligiran ito ng mga babaeng may maiitim na motibo, kaya natural lang na paimbestigahan nito ang background ng nakasama niya sa isang one-night stand.
Kinuhanan lang din siya ng dalawang vial ng dugo sa ospital kanina—siguradong para i-check kung may nakakahawa siyang sakit. Ibig sabihin ba no'n, malinis din si Ronald?
"Ano'ng pangalan ko?"
Habang malalim ang iniisip ni Adeline, biglang nagtanong si Ronald.
Alanganing napangiti si Adeline. "Mr. Williams po?"
"Nagpa-interview ka nang hindi man lang alam ang pangalan ng may-ari ng kumpanya?" Hindi napigilan ni Ronald na matawa sa naging sagot ng dalaga.
Lalo namang namula sa hiya si Adeline.
Ang tanging alam lang niya ay Williams ang apelyido ng CEO ng Opulent Treasures, pero wala siyang ideya sa buong pangalan nito.
Wala rin namang tumawag sa pangalan nito kanina sa opisina. Pakiramdam tuloy ni Adeline ay nakatapak siya ng buntot ng tigre—katapusan na niya.
"Ronald. Ronald ang pangalan ko. Maliwanag?"
Muling umalingawngaw ang malumanay na boses ng binata, kaya sunud-sunod na napatango si Adeline. "Opo, maliwanag po, Ronald—ay mali, Mr. Williams po pala!"
Agad siyang umayos ng tayo na parang sundalo at inulit, "Mr. Williams po."
Napabuntong-hininga na lang sa isip si Ronald, saka hinawakan ang braso ng dalaga para alalayan itong makapasok sa kotse.
"Mr. Williams, a-ano po—" Magsasalita pa sana si Adeline nang biglang yumuko palapit sa kanya si Ronald. Agad siyang binalot ng pamilyar na pabango nito mula kagabi, dahilan para manigas siya sa kinauupuan dahil sa gulat.
Napigil niya ang sariling hininga, habang nakapako ang paningin sa papalapit na mukha ng binata. Kitang-kita niya ang mahahaba nitong pilikmata at ang kislap ng panunukso sa mga mata nito.
Hinila ni Ronald ang seatbelt at ikinabit iyon sa dalaga, saka mahinang napahalakhak. "Huhulihin tayo kapag hindi ka naka-seatbelt diyan sa passenger seat."
Nakahinga nang maluwag si Adeline, sabay ayos ng kanyang buhok.
Parang nakasakay sa rollercoaster ang puso niya sa sobrang bilis ng kabog nito sa kanyang dibdib.
Makalipas ang ilang sandali, bigla niyang na-realize na kakausapin niya nga pala sana ito tungkol sa paglipat ng departamento, pero naudlot siya kanina.
Nang huminto sila sa red light, nilingon niya si Ronald. "Mr. Williams, tungkol po sa posisyon bilang sekretarya—"
"Magsisimula na ang auction. Tingnan muna natin ang mga items at ilista kung ano ang mga target natin."
Inabutan siya ni Ronald ng isang tablet. Ang unang bumungad na larawan ay ang Nebula's Heart, kaya napalunok na lang si Adeline at hindi na natuloy ang sasabihin.
Ilang tao kaya sa mundo ang mamamatay na lang nang hindi man lang nasisilayan ang ganitong klaseng mga royal treasure? Kailangan niyang samantalahin ang pagkakataong ito para maranasan iyon.
