Kabanata 2: Pagbalik
Parang binuksang muli ang isang lumang sugat at bumaha ang mga alaala kay Charlotte nang marinig niya ang pangalang Eldoria. Tila ba may puwersahang sumira sa kandado ng nakaraang matagal na niyang ibinaon sa limot. Bakas ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata nang salubungin niya ang tingin ni Brad. "Puwede bang iba na lang ang gumawa ng trabahong 'to?" mahinang tanong niya. Ngunit seryoso at walang bahid ng pagbibiro ang mukha ni Brad. "Nakasalalay rito ang kinabukasan ng research institute. Ikaw ang pinakapinagkakatiwalaan ko sa bagay na 'to." Samantala, palihim namang lumapit sina Noah at Andy. Nanlalaki ang mga inosenteng mata at matamang nakikinig, sinasalo ang bawat salitang binibitawan ng mga matatanda na tila ba may malalim silang naiintindihan.
Nagkatinginan ang kambal, nagkakaunawaan nang walang salita. Kislap pa lang ng kanilang mga mata, halata na ang nag-uumapaw na pananabik. Eldoria—hindi ba't diyan nakatira ang matagal na nilang nawawalang ama? Biglang nanlamig ang sikmura ni Charlotte. Ginawa na niya ang lahat-lahat maibaon lang sa limot ang bahaging iyon ng kanyang nakaraan. Ngunit sadyang napakatalino nina Noah at Andy. Matagal na nilang pinagdugtong-dugtong ang mga detalye nang mapanood nila sa TV ang imperyo ng negosyo ni James. Pinagbiyak na bunga sila ng lalaki, tila ba literal na kinopya at idinikit ang mga mukha nila rito. Nang mga sandaling iyon, napakuyom ng kamao si Charlotte. Gusto pa sana niyang umapela, ngunit nagpakawala ng malalim na buntonghininga si Brad.
"Ipadadala kita pabalik sa Eldoria para magpokus sa mga tradisyonal na halamang gamot," patuloy ng lalaki. "Malaki ang maitutulong nito sa kasalukuyan mong pananaliksik sa lunas ng kanser. Baka ito na rin ang susi para malampasan mo ang hadlang na pumipigil sa pag-usad ng pag-aaral mo." Napakagat-labi na lamang si Charlotte. Sa mga sandaling iyon, yumakap si Andy sa kanyang binti. Tumingala ang bata, nagniningning ang malalaki at inosenteng mga mata. “Mommy, gusto rin po naming makita ang probinsya ninyo. Uwi na po tayo sa Eldoria nang magkakasama.” Yumakap naman si Noah sa kanang binti niya at malambing na nag-amo, "Mommy, huwag po kayong mag-alala. Hindi po kami magiging pasaway. Pramis po."
Muling nabakas ang pag-aalinlangan sa mukha ni Charlotte. Kahit kailan talaga, kahinaan niya ang pagmamakaawa nina Noah at Andy. Nang muli niyang sulyapan ang seryosong mukha ni Brad, tuluyan na siyang bumigay. Lumambot ang kanyang mga mata—isang pinaghalong labis na pagmamahal sa mga anak at pagod na pagtanggap sa tadhana. Lumuhod siya upang pantayan ang mga bata at malumanay na sinabi, “O sige na nga. Pero tandaan niyo ang pangako niyo, ha? Walang pasaway ngayong araw. Deal?”
Nanliit sa tuwa ang mga mata ni Noah na tila naging hugis-buwan, at masiglang tumango. "Mommy, magpapakabait po kami." Pilit na ngumiti si Charlotte habang palihim na napabuntonghininga. 'James, magtatagpo kaya muli ang mga landas natin?'
Tinulungan ni Charlotte sina Noah at Andy na mag-impake ng kanilang mga maleta. Pagsapit ng tanghali, sumakay na sila sa eroplano patungong Eldoria. Hindi magkamayaw sa tuwa sina Noah at Andy; buong biyahe silang nakadungaw sa bintana ng eroplano.
Lumapag ang eroplano kasabay ng pag-aagaw-dilim. Pagkatapak na pagkatapak ni Charlotte sa terminal, agad siyang niyakap ng pamilyar na simoy ng hangin ng kanyang kinagisnan. Bumaha sa kanyang dibdib ang sari-saring emosyon—pangungulila, ginhawa, at kaba. Isa itong pag-uwi na nagbibigay ng kapanatagan, ngunit may halong kakaibang panlalamig.
Hila-hila ang maleta sa isang kamay, yumuko siya upang paalalahanan ang kambal. "Maraming tao rito sa airport. Huwag kayong lalayo sa akin, baka maligaw kayo." Sunod-sunod namang tumango si Andy. Iginala ng bata ang kanyang inosenteng paningin, puno ng pagkamangha. Hinila niya ang laylayan ng damit ng kanyang ina at itinuro ang maingay at nagkakagulong mga tao sa unahan. “Mommy, ano po'ng ginagawa ng mga tao roon?” tanong niya, bakas ang labis na pag-uusisa sa kanyang munting boses. Awtomatikong napatingin si Charlotte sa itinuro ng anak. Ngunit sa isang iglap, tila napako ang ngiti sa kanyang mga labi. Kahit pa gaano karami ang tao, agad niyang namukhaan ang lalaking pinagkakaguluhan sa gitna.
Si James! Sa loob ng anim na taon, malaki ang ipinagbago ng lalaki. Naroon pa rin ang pamilyar at matikas niyang tindig, ngunit ngayon ay mas pinatalim pa ng kumpiyansa at ng lalim ng kanyang mga karanasan. Hindi lang siya basta guwapo ngayon; may taglay siyang awtoridad na nakakapanliit. Tila ba hindi siya pinatanda ng panahon, kundi mas pinulido pa upang maging isang perpektong obra.
Kung noon ay para siyang isang matalas na patalim, ngayon ay tila isa siyang espadang nasa kaluban, itinatago ang tunay niyang talim. Suot niya ang isang itim na trench coat. Pinalibutan sila ng mga reporter, sunod-sunod ang nakakabulag na kislap ng mga camera. Sa tabi ni James ay nakatayo si Daisy na suot ang isang mapusyaw na pink na bestida, ang kanyang maamong ngiti ay sapul sa bawat lente. Tingnan man mula saang anggulo, mukha silang perpekto—masyadong perpekto, na tila ba bahagi ng isang palabas ang pagiging walang-dungis nila—isang nakakabighaning pares. Sabik na nagtanong ang isang reporter, "Mr. Martin, may mga bali-balita po na malapit na kayong ikasal ni Ms. Lynn. Kailan po ang kasal?"
Sa narinig na komento, namula ang mga pisngi ni Daisy, at kusa siyang akmang kakapit sa braso ni James—pero umiwas ang lalaki bago pa man siya makahawak. Isang saglit na pagkailang ang dumaan sa kanyang mga mata, ngunit mabilis din itong nawala. Nakabawi siya agad sa kanyang poise at magalang na sumagot, "Konting pasensya lang po tayo. Bata pa po kami ni James; sa ngayon, naka-focus muna kami sa aming mga career. Pero huwag po kayong mag-alala, balitaan namin kayo kapag plantsado na ang kasal." Nanatiling parang bato ang mukha ni James, hindi mabasa ang iniisip sa tabi ni Daisy, na walang-kahirap-hirap na binobola ang mga reporter. Ang sanay na sanay na ngiti ng babae ang nagtatakip sa mga bagay na hindi kayang itago ng pananahimik ni James.
Nakatayo lang sa hindi kalayuan si Charlotte, pinagmamasdan ang lahat habang unti-unting gumagapang ang pait sa kanyang dibdib.
Tuloy na ba talaga ang kasal nila?
Kahit nasa abroad na siya, hindi pa rin matakasan ni Charlotte ang anino ni James—paminsan-minsan ay lumilitaw pa rin ang pangalan at mukha nito sa mga balita. Sa bawat gala at interview, laging nasa tabi niya si Daisy, perpekto ang mga ngiti, ang paboritong mukha ng pag-ibig sa mata ng media. Lahat ay abang na abang sa engrande nilang kasal. Samantalang si Charlotte, na naging Mrs. Martin sa loob ng tatlong taon, ay ni minsan hindi nakitang kasama ni James sa publiko.
Napakuyom nang mariin si Charlotte, bumaon ang mga kuko sa kanyang mga palad. Bawat paghinga niya ay mabigat, punong-puno ng hinanakit na akala niya'y matagal na niyang binitawan. Kung naka-move on na talaga siya, bakit may kumikirot pa ring galit sa kaibuturan ng puso niya?
Napatingin si Charlotte sa ibaba at nakita sina Noah at Andy, tutok na tutok ang mga mata kay James. Biglang dinalaw ng matinding kaba at pag-aalala si Charlotte. "Noah, Andy, tara na!"
Mabilis niyang hinila ang dalawang bata bago pa sila makapag-reklamo, nagmamadali at tila may hinahabol. Sumikip ang dibdib ni Charlotte—hindi niya kayang isipin kung gaano karami sa usapang iyon ang narinig ng kanilang mga inosenteng tainga.
Ang masaksihan ang sarili nilang ama na naghahandang magpakasal sa ibang babae ay isang napakabigat na pasanin para sa musmos nilang mga puso.
Palingon-lingon sina Noah at Andy, pilit na kinakabisado ang mukha ni James. Samantala, nakaramdam ng matinding pagkabanas si James, umay na umay na sa atensyon ng media. Inilibot niya ang kanyang paningin sa mga tao nang biglang mahagip ng kanyang mga mata ang isang babaeng nagmamadaling umalis. Agad na nanlaki ang kanyang mga mata sa gulat.
Ang hubog na iyon—sobrang pamilyar na nagpakabog nang matindi sa kanyang dibdib—kamukhang-kamukha ni Charlotte. Bago pa man siya makapag-isip nang matino, nakikipagsiksikan na si James sa kapal ng tao, dala ng bugso ng damdamin kaysa sa rason, para habulin si Charlotte. Pero masyadong malawak ang airport, at paglabas niya, naglaho na si Charlotte sa gitna ng kaguluhan—tanging dagat ng mga hindi pamilyar na mukha ang sumalubong sa kanyang paghahanap. Ang panandaliang kinang sa kanyang mga mata ay napalitan ng malamig at blangkong tingin, may halong mapait na panunuya sa sarili.
Ano ba 'tong iniisip niya? Paano naman biglang babalik si Charlotte? Napakawalang-puso ng babaeng 'yon para iwan ang sarili niyang mga anak!
