Kabanata 3 Ang Nawalang Maliit na Babae
Nagmamadaling inakay ni Charlotte sina Noah at Andy palabas ng airport.
Nasa exit na ang matalik niyang kaibigan na si Ava Davis, at wagas makakaway nang mamataan si Charlotte. "Charlotte!"
"Ava!" Maaliwalas at abot-tenga ang ngiti ni Charlotte sa sobrang tuwa.
Patakbong sumugod sina Noah at Andy, at mahigpit na yumakap kay Ava. "Tita Ava, na-miss n'yo po ba kami?"
Lumuhod nang bahagya si Ava at pinanggigilan ng halik sa pisngi ang dalawang bata. "Siyempre naman! Ibinili ko pa nga kayo ng mga paborito ninyong airplane models, eh."
Nagningning ang mga mata ni Noah. "Astig naman po!"
Napatalon-talon sa tuwa si Andy. "Iyan po ba 'yung aircraft carrier model na gustong-gusto namin? Ayaw po kasing ibili ni Mommy dati, eh!"
Sa totoo lang, ang nasabing laruan ay isang aircraft carrier na katutak ang maliliit na piyesa.
Kabisado na ni Charlotte ang dalawa—anumang laruan na may maliliit na piyesa na mapunta sa mga kamay nina Noah at Andy ay tiyak na mababaklas sa loob lang ng ilang minuto. Bukod pa rito, palagi siyang praning na baka malunok ng mga bata ang mga ito, kaya laging "hindi" ang sagot niya.
Ngumisi si Ava. "Aba, oo naman, 'yun nga. May tig-isa kayo."
Abot-tenga ang ngiti ni Noah. "Kaya the best ka talaga, Tita Ava, eh!"
Sinamaan nang bahagya ni Charlotte ng tingin si Ava. "Naku, Ava, masyado mo namang ini-spoil ang mga 'yan. Baka lumaking sanay sa layaw."
Nagkibit-balikat lang si Ava. "Sus, hayaan mo na. Tiwala naman ako sa mga bata na alam nila ang limitasyon nila. Tara na, uwi na tayo."
"Sige na nga." Isinakay ni Charlotte ang mga bagahe sa kotse ni Ava at sumunod sa loob kasama sina Noah at Andy.
Dahil hindi na siya lumingon, hindi niya napansin si James na nakatayo pa rin malapit sa exit at tila may hinahanap.
Pilit ang ngiting humabol si Daisy at agad na kumapit sa kamay ni James.
"James, may nakita ka ba? Baka nakakalimutan mo, kai-interview lang sa atin ng mga reporter."
Padabog na binawi ni James ang kanyang kamay, mababakas ang matinding inis at panlalamig sa kanyang mga mata.
"Daisy, huwag mong kakalimutan ang usapan natin. Subukan mo lang ulit mag-book sa parehong flight ko at maghakot ng mga reporter para lang ipilit ang kasal na 'to, sinasabi ko sa'yo, hindi ko na 'to palalampasin!"
Kilala si James sa pagiging pribadong tao. Paanong lumabas ang impormasyon tungkol sa kinaroroonan niya at pinagkaguluhan pa siya ng media?
Kinagat ni Daisy ang ibabang labi niya, nagpapaawa at tila nasasaktan. "James, mali ang iniisip mo. Hindi ako ang tumawag sa kanila."
Nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata, ang kanyang kaawa-awang hitsura ay mistulang nagmamakaawa ng simpatiya. Ngunit nanatiling kasinglamig ng yelo ang mga titig ni James.
"Ikaw lang ang nakakaalam kung ginawa mo nga o hindi. Pwes, ayoko sa mga ganitong klaseng laro."
Habang umaagos ang mga luha, nagmamakaawang sinabi ni Daisy, "Hindi talaga ako 'yon. Ayoko namang puro maling akala at hinala na lang ang isipin mo sa akin."
Bakas ang matinding pandidiri sa mga mata ni James nang talikuran niya ito upang umalis, ngunit mabilis na nakabuntot si Daisy.
Dahil hindi umubra ang pag-iyak niya kay James, mabilis na pinunasan ni Daisy ang kanyang mga luha. Pinalitan niya ito ng isang pilit at nagpapalapad-papel na ngiti.
"James, may time ka ba mamayang gabi? May alam kasi akong bagong restaurant na masarap ang pagkain."
Sasalubungin sana siya ni James ng nakakunot na noo nang biglang tumunog nang sunod-sunod ang kanyang cellphone.
Pagsagot niya, bumungad ang natataranta at nanginginig na boses ng kanilang mayordomo. "Sir Martin, nawawala po si Emma!"
Nanlaki ang mga mata ni James sa matinding galit. "Ano kamo?! Ang dami-daming matatanda riyan, tapos isang bata lang, hindi niyo pa mabantayan?!" singhal niya.
Pinagpapawisan nang malapot ang mayordomo habang nagpapaliwanag, "Lumabas po siya ng backyard nang mag-isa. Hinahanap na po namin siya ngayon."
Pinasadahan ni James ng masamang tingin si Daisy bago muling suminghal sa kabilang linya, "Pahanap niyo siya sa lahat! Kapag hindi niyo nahanap si Emma, huwag na kayong magpapakita sa akin!"
Mabilis na sumagot ang mayordomo, "Masusunod po."
Pagkababa ng telepono, tinawagan ni James ang kanyang assistant. "Kanselahin mo lahat ng meeting ko ngayong araw at magbuo ka ng team para hanapin si Emma."
Sumagot ang assistant, "Masusunod po, sir."
Nang maayos na ang lahat, binuksan ni James ang surveillance system sa Martin Villa.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang batang babae na nakasuot ng princess dress. Tumakbo siya sa may mga tanim na rosas sa likod-bahay bago tuluyang nawala sa paningin. Siya ang kanyang anak, si Emma Martin.
Pagkakita rito, napakuyom nang mahigpit si James.
Ang bata-bata pa niya—saan naman kaya napadpad si Emma?
Kahit anong mangyari, kailangang mahanap ni James ang anak niya.
Sinubukan siyang aluhin ni Daisy, "James, huwag kang mag-alala. Tutulungan kitang hanapin si Emma."
Hindi sumagot si James. Mabilis siyang humakbang palabas, at bakas sa kanyang nagmamadaling kilos ang matinding kaba sa kanyang dibdib.
Samantala, nagmamaneho naman si Ava pauwi.
Nakaupo si Charlotte sa front passenger seat, habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan ang mga bata sa likod. Napakagaan at masaya ng atmospera sa loob ng sasakyan.
Pero biglang napapreno nang malakas si Ava. Nagulat si Charlotte at napatili naman sina Andy at Noah.
Nagtanong si Charlotte, "Ava, anong nangyari?"
Pinakalma ni Ava ang paghinga niya at sumagot, "May bata sa kalsada."
Mabuti na lang at nakapreno siya agad, kundi ay nabangga na ang batang babae.
Hindi na nag-atubili si Charlotte. Binuksan niya ang pinto at patakbong lumapit sa batang tumatawid sa kalsada.
Nasa pinaka-abalang kalye sila ng Thaloria, at green light noon kaya ang daming sasakyan.
Nakasuot ng magandang kulay-ubeng princess dress ang bata. Mukha siyang manika sa ganda, pero blangko ang kanyang mga mata.
Tila hindi niya naririnig ang malalakas na busina ng mga sasakyan sa paligid, at parang nawawala siya sa sarili niyang mundo.
"Hala, mag-ingat ka!" sigaw ni Charlotte nang makita niyang may isang puting kotseng humaharurot papunta sa bata. Wala nang isip-isip, tumalon siya at mabilis na hinablot ang bata.
Umalingawngaw ang matinis na tunog ng preno nang biglang huminto ang kotse.
Ginamit ni Charlotte ang sariling katawan para protektahan ang bata. Ilang beses silang gumulong sa kalsada bago tuluyang huminto.
Nakaramdam ng matinding kirot si Charlotte sa kanyang bukong-bukong, pero binalewala niya ito at agad na tiningnan ang bata. "Baby, ayos ka lang ba?"
Luminga-linga si Charlotte at nagtanong ulit, "Bakit mag-isa kang tumatawid? Nasaan ang mga magulang mo?"
Ilang beses siyang nagtanong, pero hindi sumagot ang bata.
Para siyang isang manikang walang kaluluwa.
Kahit nang hawakan ni Charlotte ang kamay niya, wala pa rin siyang reaksyon.
Pagkakita rito, nakaramdam ng kaba at pag-aalala si Charlotte.
Napagtanto niyang mukhang may autism ang bata.
Nagmamadaling lumapit si Ava kasama sina Noah at Andy. Napansin agad nito ang gasgas sa tuhod ni Charlotte. "Diyos ko, Charlotte, nasugatan ka!" bulalas niya.
Pagkarinig dito, napatingin sa ibaba si Charlotte at napakagat-labi sa sakit. "Ayos lang ako. Dalhin muna natin siya sa ligtas na lugar. Ang daming sasakyan dito, masyadong delikado," sabi niya.
Seryosong sinabi ni Noah, "Ma, kailangang gamutin ang binti niyo, baka lumala pa po 'yan!"
Nang sandaling iyon, tila may kislap na dumaan sa mga mata ng batang babae, at unti-unti siyang napatingala.
