Kabanata 4: Maaari ba itong maging isang pagkakataon?

Tinitigan ng batang babae si Charlotte nang nanlalaki at hindi kumukurap ang mga mata.

Mahigpit na nakakapit ang maliliit niyang kamay sa damit ni Charlotte, na parang takot siyang iwanan nito.

Mukhang gustong-gusto niya si Charlotte.

Nang salubungin ni Charlotte ang malalim na titig ng bata, nakaramdam siya ng kakaibang sikip sa kanyang dibdib. Tinignan niya ang bata, hindi sigurado kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Pinigil ni Charlotte ang biglaang emosyon, yumuko siya at binuhat ang batang babae.

Matapos mag-alangan nang sandali, isinakay niya ang bata sa kotse.

Sabi niya, "Ava, pupunta tayo sa ospital."

Naisip niya, 'Maselan ang mga bata; mabuti nang mapatingnan siya.'

Walang sinabi ang batang babae, pero mahigpit na nakapulupot ang mga kamay niya sa leeg ni Charlotte, at nakadiin ang maliit niyang mukha sa pisngi nito.

Mabilis na sumilay ang ngiti sa mga mata ni Charlotte habang marahan niyang tinatapik ang likod ng bata para patahanin ito.

Sabi ni Charlotte, "Hija, ayos lang. Huwag kang matakot. Dadalhin kita sa ospital, ha?"

Hindi pa rin nagsalita ang bata, pero unti-unting kumalma ang katawan niya.

Nang maramdamang kumalma na ang bata, niluwagan ni Charlotte ang pagkakayakap niya, pinaupo ito sa kanyang kandungan, at binigyan ng malambing na ngiti habang mahinang nagsasalita. "Hija, anong pangalan mo? Pwede ba nating tawagan ang nanay at tatay mo?"

Ibinuka ng bata ang kanyang bibig pero walang lumabas na salita, at nagbabadya ang mga luha ng pagkadismaya sa kanyang mga mata.

Nang makita ito, mabilis siyang inalo ni Charlotte, at matiyaga siyang pinapanatag. "Ayos lang 'yan, huwag kang magmadali. Dahan-dahan lang tayo, okay?"

Tumingin ang bata kay Charlotte at matapos ang mahabang sandali ay masunuring tumango.

Sinubukan niyang magsalitang muli, halos pabulong ang kanyang boses. "Em... Emma..." Napakahina nito — na parang ang tagal na niyang hindi nagsasalita — kaya halos hindi maintindihan ni Charlotte ang sinabi niya.

Dahil may background sa medisina, nakagawa si Charlotte ng paunang pagsusuri sa kalagayan ni Emma.

Naisip ni Charlotte na baka may autism ito, bagama't hindi siya sigurado kung inborn ito o nadebelop lang kinalaunan.

Nakatayo sa malapit sina Noah at Andy, pinapanood si Emma nang may kuryosidad, at nakaramdam ng likas na pagiging malapit sa kanya.

Tiningnan ni Noah si Emma at pinalakas ang loob nito. "Hi, ako si Noah. Anong pangalan mo?" Habang nagsasalita siya, lumipat ang tingin ni Emma mula kay Charlotte papunta kay Noah.

Mukhang gusto rin niya si Noah, at sinubukan niyang magsalitang muli, medyo mas malakas na ang boses niya ngayon habang inuulit ang, "Emma."

Sa pagkakataong ito, handa na si Charlotte, at lumapit siya para marinig ang sasabihin ni Emma.

Sa wakas ay naintindihan ni Charlotte na Emma ang pangalan niya.

Marahang hinaplos ni Noah ang buhok ni Emma, nagpapanggap na matanda na. Sabi niya, "Good girl!"

Dahil ayaw magpatalo, iniabot ni Andy ang kamay niya kay Emma, at ipinakita ang isang kendi sa kanyang palad.

Binigyan niya si Emma ng matamis na ngiti. "Heto oh, ang tamis niyan."

Tumingin si Emma kay Noah at pagkatapos ay kay Andy bago maingat na inabot ang kendi, at mahigpit itong hinawakan sa kanyang kamay.

Tapos, na parang nahihiya, ibinaon niya ulit ang kanyang mukha sa yakap ni Charlotte, at naisip, Ang lambot, ang init—siguro ganitong-ganito ang nanay ko.

Ngumiti si Charlotte, marahang hinahaplos ang buhok ni Emma, at muling nagtanong, "Emma, nasaan ang mga magulang mo? Alam ba nilang nandito ka sa labas? Pwede ba natin silang tawagan?"

Matapos ang mahabang katahimikan, narinig ang garalgal na boses ni Emma: "Si Papa, nasa trabaho. Si Mama, wala na."

Naging tahimik sa loob ng kotse; narinig ng lahat ang sinabi ni Emma. Nagkatinginan sina Noah at Andy, tapos ay dahan-dahang hinawakan ng bawat isa ang mga kamay ni Emma.

Hindi na pumalag si Emma, at sa halip ay marahan ding hinawakan ang kanilang mga kamay.

Bakas ang labis na pagmamahal sa mga mata nina Charlotte at Ava habang nakatingin kay Emma. Minabuti na lang ni Charlotte na huwag nang pilitin pa ang bata.

Napadako ang paningin niya kina Noah at Andy, tila may malalim na iniisip.

Dahil kasama sina Noah at Andy, mas naging palagay ang loob ni Emma. Paminsan-minsan ay nakikipagkulitan pa siya sa dalawa.

Hindi naglaon, nakarating din sila sa ospital.

Matapos ang masusing check-up, nagreseta ang doktor ng mga gamot at inutusan si Charlotte na magbayad sa cashier.

Tumango naman si Charlotte. Hawak ang reseta, ipinagkatiwala muna niya ang mga bata kay Ava.

Kaso, nagpumilit sina Noah at Andy na sumama sa kanya.

Wala nang nagawa si Charlotte kundi isama ang dalawa. Samantala, nakatingin naman sa kanya si Emma na tila nagmamakaawa, habang mahigpit na nakakapit ang maliliit nitong kamay sa laylayan ng kanyang damit.

Nag-alangan man, napagtanto ni Charlotte na hindi ligtas kung isasama pa niya si Emma. Yumuko siya at malambing na kinausap ang bata, "Emma, magbabayad lang ako saglit, babalik din ako agad ha? Magpakabait ka at maghintay ka lang muna rito, okay ba 'yon?"

Nag-atubili pa noong una si Emma, pero kalaunan ay dahan-dahan din itong bumitaw.

Napangiti si Charlotte nang makita ito. "Ang bait naman talaga," malambing niyang sabi.

Sa kabilang banda, mabilis namang natunton ng mga tauhan ni James kung nasaan si Emma.

Pagkabalita rito, agad na sumugod si James sa ospital. Nang makitang ligtas at walang galos si Emma, nakahinga siya nang maluwag at mabilis na kinarga ang bata.

Pero pumalag si Emma, halatang ayaw nitong sumama sa kanya. Sinubukan siyang aluin ni James, “Emma, magpakabait ka ha, kung hindi, baka ikulong na kita sa susunod.”

Nang marinig ito, biglang kumulo ang dugo ni Ava kay James. Agad siyang humarang upang pigilan ang lalaki at mataray na nagsalita. "Teka nga, sino ka ba? Ibalik mo sa akin si Emma!"

Hinarap ni James si Ava, nagngingitngit sa galit sa isiping muntik na niyang mawala si Emma. Nanlilisik ang kanyang mga mata na may halong matinding pag-aalala habang masamang nakatingin kay Ava. "Anak ko si Emma. Ano bang binabalak mo, ha?"

Pinandilatan siya ni Ava at mapangutyang ngumisi. "Aba, porket sinabi mo? Hindi mo ba nakikitang ayaw ngang sumama ng bata sa'yo? Baka nga kidnapper ka eh!"

Napahalakhak si James dahil sa sobrang inis; ngayon lang may nangahas na tawagin siyang kidnapper.

"Ikaw pa lang ang kauna-unahang nagtangkang galawin ang anak ko. Wala akong pakialam kung paano mo siya nakuha, pero subukan mo lang na may mangyaring masama sa kanya, ipapalasap ko sa'yo ang impiyerno. Malaglagan lang ng kahit isang hibla ng buhok ang anak ko, kakalbuhin kita. Magalusan lang siya kahit konti, sisiguraduhin kong may mapuputol na parte ng katawan mo." Puno ng poot ang boses niya, at nakatitig siya kay Ava na tila ba isang bangkay na ito. Sa pinaghalong galit at takot, nanigas sa kinatatayuan si Ava, halos umurong ang dila at hindi makapagsalita.

Sakto namang pabalik na si Charlotte mula sa pagbabayad sa cashier nang mapansin niyang nakatingin ang mga tao sa iisang direksyon.

Nang magtanong-tanong siya, nalaman niyang may nagkakagulo pala. Makalipas ang ilang segundo, umalingawngaw ang boses ni James—at bigla siyang napako sa kinatatayuan.

Nawawala ang anak ni James?

Saglit na nagulat si Charlotte, pero agad din niya itong isinantabi sa isip niya.

Nagtago siya, inakay sina Noah at Andy sa gilid ng pader, at palihim na dumaan sa ibang ruta.

Dahil dito, hindi na niya nakitang karga-karga ni James si Emma.

Pagbalik sa kwarto sa ospital, usok ang ilong ni Ava sa galit, pabulong na sinusumpa si James. "Bwisit na lalaking 'yon! Kung talagang mahalaga sa kanya ang anak niya, eh bakit nawala? Tapos may gana pa siyang pagbantaan ako? Ano'ng akala niya sa sarili niya, hari noong unang panahon?!"

Nang mapansin ang labis na inis ni Ava, biglang nanumbalik sa isip ni Charlotte ang nangyari kanina. Biglang kumabog nang mabilis ang dibdib niya sa kaba.

Posible kayang nagkataon lang ang lahat?

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata