Kabanata 5 Pinakamainam na Huwag Magkagambala

Halos malaglag ang panga ni Charlotte sa matinding gulat.

Nang makita ang natutulalang mukha ng kaibigan, mabilis na nakatunog si Ava at biglang kinutuban.

"Charlotte, huwag mong sabihing... hindi kaya ang lalakeng 'yon ang dating asawa mo?" usisa ni Ava.

Hindi agad ito itinanggi ni Charlotte. Sa halip, inusisa pa niya ang bawat detalye ng hitsura ni James.

Isinantabi muna ni Ava ang kanyang inis at himay-himay na ikinuwento ang buong pangyayari kay Charlotte.

Habang nagsasalita si Ava, lalong sumeseryoso ang timpla ng mukha ni Charlotte.

Pilit na inisa-isang alalahanin ni Charlotte ang bawat detalye ng hitsura ni Emma.

Habang mas iniisip niya ito, lalo siyang kinikilabutan. Nanggigil siya sa sarili kung bakit hindi niya agad napansin—pinagbiyak na bunga nga sina Emma at James. Ngayong nawawala si Emma at kakaalis lang din ni James, parang hindi na lang ito basta nagkataon.

Sigurado na ngayon si Charlotte na anak nga ni James si Emma, pero wala siyang kaide-ideya kung bakit ito nawawala. Kaya pala pakiramdam niya ay pamilyar na pamilyar ang bata sa kanya.

Nang maisip niyang muntik na silang magpang-abot ni James kanina, biglang nanlamig sa matinding kaba si Charlotte.

Nag-ingat naman siyang mabuti at sumiksik pa sa mga gilid-gilid. Hindi naman siguro siya napansin ni James, 'di ba?

Naibulong na lamang niya sa sarili, "Totoo nga siguro. Si James ang tatay ni Emma."

Akmang magsasalita si Ava, pero hindi niya alam kung anong sasabihin para aluin ang kaibigan.

Pero marahang ikinaway ni Charlotte ang kanyang kamay, nagkukunwaring balewala na lang ang lahat sa kanya.

Dugtong pa niya, "Ayos lang 'yan. Matagal nang tapos ang kabanatang 'yon. Nandiyan naman sina Andy at Noah, at sapat na sapat na sila para sa akin."

Nang marinig ito, napabuntonghininga na lang si Ava at hindi na muling kumibo.

"Mommy, kailangan n'yo po ba ng tulong namin?" bibong tanong ni Noah. "Kung ayaw n'yo po sa lalakeng 'yon kanina, pwede po naming alamin ang lahat tungkol sa kanya at turuan siya ng leksiyon!"

Aaminin niyang napakaganda talaga ng lahi ni James.

Patunay na rito ang pagiging mga batang henyo nina Noah at Andy. Sa edad na tatlong taon, gamay na nila ang pag-hack.

Ang pinakamatindi pa nilang ginawa ay nang subukan nilang pasukin ang firewall ng Mirathia Defense Department.

Siyempre, hindi sila nagtagumpay at muntik pang matunton kung nasaan sila.

Nang malaman ito ni Charlotte, seryoso niya silang pinangaralan. "Wala namang kaso sa akin kung gusto n'yong mas paghusayin pa ang mga kakayahan n'yo, pero dapat siguraduhin n'yo muna ang kaligtasan n'yo. Kahit paano, kung sakaling sinusubaybayan nila ang lokasyon n'yo, dapat libo-libong milya ang layo n'yo sa kanila," paalala niya.

Mula noon, mas naging maingat na ang dalawang bata.

Kinalaunan, matagumpay rin nilang napasok ang network system ng Mirathia Defense Department. Nang subukang gumanti ng ahensya, natunton nila ang lokasyon ng mga bata—sa mga polar region.

Sa mga sandaling iyon, napayuko na lang si Charlotte at tumango, nakakaramdam ng halo-halong emosyon habang naiisip si Emma.

Napagtanto niyang siguradong anak nina James at Daisy si Emma.

Dahil dito, sinabi ni Charlotte sa mga bata, "Huwag na. Ilang beses ko na bang sinabi sa inyo na huwag ninyong gagamitin ang mga kakayahan n'yo kung saan-saan lang, lalo na sa maling paraan. Maliwanag ba?"

Kung iha-hack man nila ang network ng Martin Group, sigurado sanang makakabawi sila, pero hindi naman iyon kailangan.

Naisip ni Charlotte, 'Dahil pare-pareho na kaming may kanya-kanyang bagong buhay, mas mabuting huwag na kaming manggulo sa isa't isa.'

Samantala, nanatiling walang kibo si Emma simula nang isakay siya ni James sa kotse.

Kahit anong gawing panunuyo ni James, nanatili siyang nakasimangot, halatang-halatang nagtatampo. Kapag sinusubukan siyang kausapin ni James, umiiwas siya ng tingin at talagang ayaw siyang pansinin.

"Emma, bakit ka ba tumakas kanina?" tanong niya.

Pero nakatulala lang sa unahan si Emma, nagbibingi-bingihan.

Walang kaalam-alam si James sa tumatakbo sa isip ng bata, pero nang makitang nagtatampo ito, mabilis siyang humingi ng tawad. "Emma, pasensya na. Hindi ko sinadyang paiyakin ka. Sobrang nag-alala lang talaga ako na baka maligaw ka. Bati na tayo, please?"

Si James, na palaging tinitingala at punong-puno ng kumpiyansa sa mundo ng negosyo, ay tila nawalan ng diskarte sa unang pagkakataon.

Ito kasi ang unang beses na nagalit nang ganito sa kanya si Emma.

Sinulyapan ni Emma si James pero mabilis din siyang umiwas ng tingin, patuloy itong dinededma.

Mukhang wala itong balak na patawarin siya.

Ubos na ang diskarte ni James. Wala siyang kaide-ideya kung paano susuyuin si Emma.

Matapos mag-isip nang malalim, sinabi niya, "Bibilhin ko na lang 'yung gusto mong model set, ano sa tingin mo? Bati na tayo pagkatapos, ah?"

Nanatiling seryoso ang mukha ni Emma, habang napakunot-noo naman si James sa sobrang pagkadismaya.

Sa buong byahe pabalik sa Martin Villa, ni isang salita ay walang imik si Emma kay James.

Hindi mapakali si James pero pilit niya itong tinatago. Panay ang sulyap niya kay Emma, bakas ang labis na pag-aalala sa kanyang mukha.

Pagkapasok na pagkapasok nila sa sala, agad silang sinalubong ni Daisy.

Nang mapansin nitong nakasimangot si Emma, naisip ni Daisy na heto na ang pagkakataon niya.

Lumapit siya kay James at sinubukang kunin si Emma mula sa pagkakakarga nito.

"Anong problema, prinsesa ko? Dinala ko rito 'yung paborito mong Barbie doll. Laro tayo, gusto mo?" malambing na sabi niya.

Tiningnan ni James si Daisy. Naisip niya na dahil si Daisy naman ang madalas na kasama ni Emma, baka alam nito kung paano patawanin ang bata.

Ibibigay na sana niya si Emma nang biglang humigpit ang yakap ng bata sa kanyang leeg.

Napatingin nang may pagdududa si James kay Daisy. Bakit parang ayaw na ayaw ni Emma sa kanya?

Isang saglit na dumaan ang inis sa mga mata ni Daisy nang mapansin ang reaksyon ni James, pero mabilis niya itong itinago.

Baling niya kay James, "Nagtatampo si Emma. Mas kailangan ka niya ngayon."

Nang marinig ito, bakas ang pagkalito kay James. Hindi talaga siya sanay bumasa ng emosyon ng mga bata, kaya tumango na lang siya. "Sige, ako na muna ang magkakarga sa kanya."

Tumango si Daisy at bumaling kay Emma, malumanay na nag-alok, "Emma, ngiti ka na. Gusto mo bang lumabas at maglaro? Sasamahan kita, ano?"

Sa halip na gumaan ang loob, tila lalo pang natakot at umatras si Emma. Ibinabaon niya ang kanyang mukha sa dibdib ni James at bumulong, "Ospital... Tita..."

Dahil sa ilang taon nilang pagsasama, mabilis na naintindihan ni James kung ano ang ibig sabihin ni Emma.

Tanong niya, "Gusto mo bang makita 'yung tita na nagdala sa'yo sa ospital? Gusto mo ba siya?"

Tumango si Emma, at bakas sa kanyang mukha ang munting pag-asa.

Nang makita ito, nagulat si James. Pero dahil ito ang unang beses na nagpakita ng pagkagusto si Emma sa ibang tao, agad siyang pumayag, "Sige, hahanapin natin 'yung tita para sa'yo."

Nang marinig ito, sa wakas ay ngumiti si Emma at nagpakarga na sa yaya para kumain.

Pagkatapos ay nag-text si James sa kanyang assistant na si Dean Palmer, inuutusang ipasuri ang CCTV footage ng ospital.

Mula sa kinilos ni Emma, naintindihan ni James na malamang ay isang hindi pagkakaunawaan lang ang nangyari kanina.

Tumakas si Emma, nailigtas, at dinala sa ospital. Napagtanto ni James na namali siya ng akala at may malaking utang na loob siya sa taong iyon na dapat pasalamatan.

Hindi nagtagal, dumating ang footage mula sa ospital. Pero sa kasamaang-palad, masyado itong malabo para makita nang malinaw ang mga mukha.

Gayunpaman, habang pinapanood ni James ang bulto ng babae, hindi niya maiwasang maalala si Charlotte!

Sobrang magkahawig sila!

Sumidhi ang emosyon sa mga mata ni James habang nakatitig sa bulto sa video.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata