Kabanata 6: Pagkakasama Pagkatapos ng Mahabang Paghihiwalay

Walang kamalay-malay si Daisy sa mga nangyayari. Nang makita niyang tutok na tutok si James sa babae sa screen, kumirot ang dibdib niya sa matinding selos at nagkunwaring nagtatampo. "Hindi kailanman nagustuhan ni Emma ang mga estranghero. Kung gusto niyang makita ang babaeng ito, tiyak na may ginawa siyang masama sa bata!"

Dahil sa kakaibang reaksyon ni James, tinitigan nang maigi ni Daisy ang babae sa video at nanlaki ang kanyang mga mata. Bumulong siya, "Kamukha ni Charlotte ang babaeng 'to."

Habang lalo siyang tumititig, lalo siyang hindi mapakali. Kinabahan siya nang matindi kaya sinubukan niyang gatungan ang sitwasyon. "Sinasadya niya 'to para paglaruan ka, James. Kailangan mo siyang turuan ng leksyon!"

Sa isip-isip ni Daisy, 'Sana mapalayas ulit ang babaeng 'yan.'

Ngunit mabilis na binara ni James ang hinala ni Daisy, matigas ang kanyang boses. "Tama na. Hindi lahat ng babae ay si Charlotte. Nababaliw ka na yata. Baka kailangan mo nang magpatingin ng mata. Lumabas ka na, wala kang pakialam dito." Agad na itinanggi ni James na si Charlotte ang babae sa video at pinagalitan si Daisy para paalisin ito.

Nabigla si Daisy sa matinding reaksyon nito at nakaramdam ng kaunting hinanakit, ngunit marahan pa rin siyang humingi ng tawad. "Sorry. Baka nagkamali lang ako. 'Wag mo naman sana akong paalisin."

Gayunpaman, walang awang ipinakita si James. Matalim ang mga matang nakatitig kay Daisy habang malamig na ngumisi. "'Wag mo nang hintaying ulitin ko pa."

Natakot si Daisy sa tono niya at dahil alam niyang hindi nagbibiro si James, nag-isip-isip siya at pilit na ngumiti. "Sige, 'wag ka nang magalit. Aalis na ako." Pagkasabi nito, tumalikod siya at umalis, nag-aapoy ang mga mata sa malisya at matinding poot para kay Charlotte.

Sa tuwing babanggitin niya si Charlotte, laging nag-iinit ang ulo ni James.

Nang makaalis si Daisy, ibinalik ni James ang kanyang paningin sa surveillance video.

Sigurado siyang si Charlotte ang babaeng iyon.

Nang maisip ito, napakuyom siya ng kamao, at mababakas sa kanyang mga mata ang nag-uumapaw na sakit at pagpipigil.

Maya-maya pa'y nag-text siya kay Dean, inuutusan itong ipasuri ang surveillance ng ospital para hanapin si Charlotte.

Ngunit matapos maghintay ng tatlong oras, sumagot din sa wakas si Dean, "Mr. Martin, hindi po namin siya mahanap. Mukhang sinadyang itago kung nasaan siya."

Walang reaksyong ibinaba ni James ang tawag, habang nag-aalburoto ang inis sa kanyang dibdib. Tinitigan niya muli ang babae sa video, at mas naging desidido ang kanyang mga mata.

Sa isip niya, 'Charlotte. Kahit saan ka pa magtago, hahanapin kita.'

Pagkatapos ay lumabas si James sa kanyang study room at nagpunta sa kwarto ni Emma.

Pagkakita sa kanya, patakbong lumapit si Emma, nagniningning ang mga mata sa pananabik. "Daddy!"

Mahigpit na niyakap ni James si Emma, basag ang kanyang boses. "Sorry, anak. Hindi ko mahanap kung nasaan siya."

Pagkarinig dito, malungkot na tumango si Emma at pagkatapos ay buong lakas na itinulak si James palabas ng kwarto.

Samantala, nakauwi na si Charlotte kasama sina Andy at Noah. Nang makapag-ayos na sila, binalak niyang ipasok na ulit ang mga bata sa eskwelahan.

Sinulyapan ni Charlotte si Ava na nakaupo sa tabi niya para humingi ng tulong. "Ava, hindi pa kasi ako masyadong sanay sa pasikot-sikot dito. Pwede mo ba akong tulungang ihanap ng magandang kindergarten sina Andy at Noah? Nasa edad na sila para mag-aral, at kailangan din nilang makihalubilo sa mga batang kasing-edad nila."

Hindi na nagulat si Ava nang marinig ito at masayang sumagot, "Ako na'ng bahala diyan. Hahanapan ko sila ng pinakamagandang kindergarten."

Tumango si Charlotte, nakahinga nang maluwag.

Kinabukasan, nakatanggap si Charlotte ng abiso na pumunta sa Veritas Institute for Medical Innovation.

Nasabihan na ang mga tao sa Veritas, kaya naging madali at maayos ang pag-take over ni Charlotte sa pamamahala.

Sinamahan siya ni Alex Cooper sa handover ceremony. Puno ng mga kabataan ang Veritas Institute.

Nang ipaalam ni Brad kay Charlotte ang tungkol sa paghawak sa Veritas, maaga niyang pinauwi si Alex para asikasuhin ang mga bagay-bagay, kaya mas naging madali para kay Charlotte na pamunuan ito.

Isang taon ang tanda ni Alex kay Charlotte sa kolehiyo, at katuwang na niya si Brad sa pananaliksik simula pa nang makapagtapos siya. Matapos magpakasal ni Charlotte kay James, paminsan-minsan ay kinakamusta siya ni Alex para iparating ang mga mensahe ni Brad at ipahayag ang panghihinayang nito sa kanyang sinapit. Nang tuluyang makipaghiwalay si Charlotte, si Alex ang unang nag-abot ng kamay, at sinamahan pa siyang makipagkita kay Brad.

Sa nakalipas na anim na taon, naging malaking sandalan niya si Alex, hindi lang sa trabaho kundi pati na rin sa personal niyang buhay.

Bukod pa rito, madalas ding tuksuhin nina Noah at Andy kung may lihim bang pagtingin si Alex sa kanya.

Nang tumayo silang magkatabi, kapansin-pansin na bagay na bagay sina Alex at Charlotte. Isang masayahing dalaga ang hindi nakapagpigil na manukso, "Grabe, ang lakas ng chemistry niyo, Charlotte at Alex! Bagay na bagay talaga kayo, parang pinagbiyak na bunga."

Sumegunda naman ang isa pang babae, "Korek! Yung isa tahimik, tapos yung isa naman ang lambing. Tadhana na talaga ang naglapit sa inyo. Sayang naman kung hindi kayo magkakatuluyan."

Narinig ni Charlotte ang tuksuhan pero tinawanan niya lang ito. "Naku, mga bata pa kayo, dapat sa career muna kayo naka-focus," natatawang saway niya. "Dapat pagyaman ang nagpapasaya sa inyo, hindi ang pagiging marites!"

Subalit hindi man lang naalis ang paningin ni Alex kay Charlotte. Pagkarinig sa kanyang sinabi, saglit na nawala ang kinang sa mga mata ng binata, ngunit mabilis din itong bumalik sa dating sigla.

Unang araw ni Charlotte sa trabaho, kaya naman bilang nakasanayan na, may inihandang pa-welcome party para sa kanya nang gabing iyon.

Ilang beses sinubukan ni Charlotte na tumanggi, pero dahil mapilit ang lahat, napilitan din siyang sumama sa isang bar para magdiwang.

Nagsalo-salo sila sa pagkain at inuman, at naging napakagaan ng usapan at tawanan.

Tahimik lang na pinagmamasdan ni Charlotte ang kulitan nila, may matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Nang medyo lumalim na ang gabi, nagpaalam muna siyang pumunta sa banyo para mag-retouch.

Epekto na rin siguro ng alak, o baka sadyang maingay lang talaga sa bar, kaya hindi na masyadong napansin ni Charlotte ang mga taong labas-masok sa paligid.

Naisip niya, 'Hindi naman ganoon kasosyal ang bar na 'to, kaya imposibleng makita ko si James dito.'

Pagpasok niya sa banyo, sumalubong sa kanya ang nakakasilaw na dilaw na ilaw, na nakatulong para medyo mahimasmasan siya sa kalasingan.

Pailing-iling na lang si Charlotte.

Bakit ba kasi bigla na lang sumagi sa isip niya ang lalaking 'yon?

Ngunit bigla na lang may mahigpit na humablot sa pulso niya.

Nanlaki ang mga mata ni Charlotte. Akmang sisigaw na sana siya nang bumulong ang isang pamilyar na boses sa kanyang tainga. "Ako 'to. Huwag kang sisigaw."

Tila nanigas ang buong katawan ni Charlotte. Dahan-dahan siyang lumingon, at bumungad sa kanya ang mukhang kabisadong-kabisado niya noon.

Isang saglit na dumaan ang sakit sa kanyang mga mata, subalit nanatiling blangko at malamig ang kanyang ekspresyon.

"James, bitawan mo nga ako. Ano bang kailangan mo?" madiin niyang sabi.

May pribadong meeting si James sa bar na iyon nang gabing iyon. Matapos makarami ng inom, nakaramdam siya ng pagkahilo kaya naisipan niyang pumunta sa banyo para mahimasmasan. Pagkatulak niya sa pinto ng banyo, maghuhugas na sana siya ng kamay nang mahagip ng kanyang paningin ang isang pamilyar na bulto sa salamin. Tila lumukso ang puso niya. Ilang beses nang pinangarap at inisip ni James ang mga posibleng mangyari kung sakaling magkrus muli ang landas nila ni Charlotte.

Pinag-isipan na niya kung ano ang unang sasabihin, ngunit nang marinig ang malamig na pakikitungo ni Charlotte sa reyalidad, biglang nag-init ang ulo niya.

Hinawakan niya nang mahigpit si Charlotte sa magkabilang balikat at idiniin sa pader. Namumula ang kanyang mga mata sa pinaghalong galit at pananabik.

Pabulyaw siyang sumagot, "Charlotte, wala kang puso!"

Pilit na nagpumiglas si Charlotte at sinabing, "Hindi ko alam kung anong pinagsasasabi mo. Tapos na tayo, kaya pwede ba, bitawan mo ako!"

Ayaw magpaawat ni James, at mas lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakakapit sa kanya. Nang maramdaman ang sakit sa pagkakahawak nito, biglang dumapo ang palad ni Charlotte sa pisngi ni James.

Pagkatapos noon, pareho silang natigilan, at tila ba huminto ang pag-ikot ng mundo sa mga sandaling iyon.

Ang kirot sa kanyang kamay ang nagpabalik kay Charlotte sa reyalidad. Sinamantala niya ang pagkagulat ni James at mabilis na kumaripas ng takbo palabas.

Pagbalik sa private room, halos kumawala ang puso niya sa kaba. Nang maalala ang nangyari kanina, bigla siyang kinilabutan at hindi mapakali.

Dali-dali niyang dinampot ang kanyang bag at nagpaalam. "Hala, pasensya na po, bigla kasing sumama ang pakiramdam ko. Kailangan ko na yatang mauna. Babawi na lang ako, ililibre ko kayo ng kain sa ibang araw!"

Hindi na siya naghintay pa ng sagot at nagmamadaling lumabas.

Wala siyang balak magtagal doon para lang abutan pa siya ni James.

Agad namang sumunod si Alex kay Charlotte.

Habang pinapanood silang umalis, kinilig naman ang mga katrabaho nila.

"Ang obvious naman masyado ni Alex. Halatang-halata na may tama siya kay Charlotte."

"Sinabi mo pa! Bagay na bagay talaga silang dalawa."

Samantala, nagkukumahog na tumakas si Charlotte, bakas ang labis na pagkataranta at gulo sa kanyang hitsura.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata