Kabanata 9 Gusto ng Lahat ng Mga Pakinabang

Nagkatinginan sina Andy at Noah, napabuntong-hininga, at sabay na tumalikod, pero nanatiling nakakawit ang mga hiniliit nila sa hiniliit ni Emma.

Sa buong maghapon, nakadikit si Emma kina Andy at Noah na parang tuko.

Kahit pa may gulo na kinasasangkutan ni James, totoong magaan ang loob nina Andy at Noah kay Emma.

Lalo na nang makita nilang naisantabi ito kanina, siniguro nilang kasali siya sa mga laro nila, at tuwang-tuwa ang tatlo habang magkakasama.

Mabilis na lumipas ang oras, at uwian na sa kindergarten. Si James mismo ang sumundo kay Emma.

“Emma, uwian na tayo.” Akmang yayakapin sana niya ang bata, pero mabilis itong umiwas at halos hindi man lang siya tiningnan.

Sa halip, sumiksik ito kina Andy at Noah, bakas sa mukha ang matinding pag-aatubili na sumama sa kanya.

Kilala nina Andy at Noah si James bilang ang walang-kwenta nilang ama. Pinandilatan nila ito nang may matinding pandidiri, lalo na kapag naiisip nila ang mga ginawa nito kay Charlotte.

Sinundan ni James ang tingin ni Emma at napansin sina Andy at Noah. Pamilyar ang mukha ng mga bata, pero hindi niya maipaliwanag kung bakit.

Isang kakaibang tuwa ang biglang sumibol sa puso niya, parang kuryenteng dumaloy, na nagtulak sa kanyang lumapit kina Andy at Noah.

Pero nang makita ang pandidiri sa mga mata ng dalawa, medyo napahiya si James kaya pinili na lang niyang huwag silang pansinin, bagama't halatang nag-iba ang timpla ng mood niya.

Kanina pa naglalaro ng water gun si Andy. Nang makita niya si James, may kalokohang pumasok sa isip niya. Walang sabi-sabing pinaputukan niya ng tubig ang mukha ni James, kaya nagmukha itong basang sisiw at sobrang katawa-tawa.

Habang nagpapa-cute at kinukurap-kurap ang malalaki at inosenteng mga mata, pabalat-bungang humingi ng dispensa si Andy, “Hala, sorry po. Hindi ko po sinasadya. Hindi naman po siguro kayo magtatanim ng galit sa isang bata, 'di ba?”

Eksaktong mag-iinit na sana ang ulo ni James, nang biglang humagalpak ng tawa si Emma.

Napakadalang makitaan si Emma ng ganitong kalinaw na emosyon, kaya naman parang bulang naglaho ang inis ni James.

Isa pa, dahil humingi naman na ng dispensa si Andy, wala siyang naging choice kundi palampasin na lang ang nangyari.

Sa totoo lang, habang nakatingin kina Andy at Noah, wala namang intensyon si James na parusahan sila. Higit sa anupaman, ang lantarang pagkamuhi ng mga bata ang nagbibigay sa kanya ng matinding pagkailang.

Dahil nakita niyang ang saya-saya ni Emma, nagpasya si James na magtagal-tagal pa nang kaunti.

Pagdating ni Charlotte, naabutan niya ang eksenang ito.

Kumaba nang matindi ang dibdib niya kaya nagmamadali siyang lumapit, at agad na humarang sa harap nina Andy at Noah para protektahan sila. “Ayos lang ba kayo? Pasensya na, na-late ako. Tara, umuwi na tayo,” sabi niya, habang matalim at nagmamatyag ang mga matang nakatingin kay James.

Hindi rin naman siya masisisi kung bakit ganoon na lang siya kapraning. Pinagbiyak na bunga kasi ang itsura nina Andy at Noah at ang hitsura ni James noong bata pa ito.

Hindi pa ito napapansin ni James sa ngayon, pero kung may makakakita sa kanila na nakakakilala kay James noong kabataan nito, siguradong mabubuko ang tunay na pagkatao nina Andy at Noah.

Kapag nangyari iyon, walang dudang gagawin ng pamilya Martin ang lahat para mabawi ang mga bata.

Hinding-hindi papayag si Charlotte na mangyari iyon.

Walang kaide-ideya si James sa mga nangyayari, pero nang makita niya ang pagiging tensyonado ni Charlotte, lalo lang siyang nabanas.

Napakasarap ng naging buhay nito sa paglipas ng mga taon, habang iniwan naman sila ni Emma.

Tapos ngayon, may iba na itong mga anak at kung makaprotekta ay wagas.

Tiningnan niya si Emma, na nanatiling tahimik, at nakaramdam siya ng kirot sa dibdib. Kasabay nito, tumalim ang mga titig niya kay Charlotte dahil sa nag-iinit na galit.

Pero dahil kaharap ang mga bata, kailangan niyang magtimpi at itago ang nararamdaman.

Habang naglalakad sila palabas ng eskwelahan, dedma lang si Charlotte kay James. Nang makarating sila sa pinto, nakahinga siya nang maluwag.

Bumaling siya kina Andy at Noah, “O sige na, mag-ba-bye na kayo kay Emma.”

Masunuring nag-ba-bye sina Andy at Noah sa bata.

Paalis na sana sila nang tuluyang sumabog ang galit ni James at kinompronta si Charlotte. “Ang tigas talaga ng puso mo, Charlotte. Masarap ba ang naging buhay mo sa lahat ng taong lumipas?”

Hindi maintindihan ni Charlotte kung ano ang pinuputok ng butse ni James at inisip na nababaliw na naman ito.

Tinalikuran niya si James at tuloy-tuloy na sumakay sa kotse.

Habang nagmamaneho, nilunok niya ang namumuong lungkot at itinuon na lang ang atensyon sa kalsada.

Nagkatinginan sina Andy at Noah, mas tumindi pa ang inis nila sa kanilang ama. Malinaw na hindi pa sapat ang maliit na leksyong ibinigay nila kay James kanina. Sa susunod, sisiguraduhin nilang mas matinding kalbaryo ang aabutin nito sa kanila.

Habang pauwi, nakaisip si Charlotte ng paraan para iwasan na ang sakit ng ulo sa hinaharap. "Mga anak, ano kaya kung ilipat ko na lang kayo sa ibang kindergarten?"

Pero pumasok agad sa isip nina Andy at Noah si Emma. Kapag umalis sila, siguradong malulungkot ito at patuloy na pag-iinitan ng iba.

Isa pa, may plano pa silang turuan ng leksyon si James. Hindi pwedeng palagpasin na lang nila ang mga nangyari nang ganoon-ganoon na lang.

Kaya naman buong-tigas nilang tinanggihan ang suhestiyon ng kanilang ina.

Sabi ni Andy, "Mommy, gustong-gusto po namin sa kindergarten na 'to. Ayaw po naming lumipat. Huwag niyo na po intindihin ang mga sinabi ng papa ni Emma. Huwag na po kayong malungkot. Walang kwenta ang lalakeng 'yon, hindi po siya dapat iniiyakan."

Dahil nirerespeto ni Charlotte ang kanilang opinyon, nang hindi sila pumayag ay malumanay na lamang siyang sumagot, "Sige, kung saan kayo masaya, doon din ako. 'Yan ang pinakamahalaga."

Pumayag man si Charlotte, ngunit nang maalala niya ang mga pambabastos at pagkuwestiyon ni James kanina, unti-unting kumulo ang dugo niya.

Nagkaanak nga si James sa ibang babae, kaya anong karapatan ng lalakeng iyon na kuwestiyunin siya? Ang kapal ng mukha!

Naisip ni Charlotte, 'Napakawalang-hiya niya talaga, gusto niya sa kanya lang lahat ng pabor! Nananaginip siya nang gising!'

Pagdating sa bahay, kailangan pa ring asikasuhin ni Charlotte ang mga supplier ng mga kagamitan at halamang gamot.

Nangangailangan ng sangkatutak na kagamitan at halamang gamot ang bago nilang proyekto at pananaliksik. Ibang-iba ito sa dating direksyon ng Veritas Institute for Medical Innovation. Hindi na kinakaya ng mga dati nilang kinukuhanan ang demand, lalong-lalo na sa mga halamang gamot.

Katas lang ng mga halamang gamot ang kayang i-supply ng orihinal na supplier ng Veritas Institute for Medical Innovation. Kailangan pa nilang humanap ng mga hilaw na sangkap mula sa ibang mga tagagawa.

Nakipag-usap na si Alex sa kanila noon, pero masyadong palpak ang kalidad ng mga halamang gamot para magamit sa kanilang pananaliksik.

Inilabas ni Charlotte ang kanyang laptop at sinimulan na ang pagtatrabaho.

Kung supplier din lang ng halamang gamot ang pag-uusapan, nangunguna sa buong Eldoria ang Lynn Group—ang negosyo ng pamilya ni Daisy.

Pero sa tuwing maaalala niya ang mga mapapait na nangyari sa nakaraan, kusang umaatras ang isip ni Charlotte. Hinding-hindi siya makikipagtulungan sa Lynn Group.

Ayaw ibaba ni Charlotte ang kanyang pamantayan at prinsipyo, kaya naghanap siya ng ibang opsyon. Hindi niya kinahon ang sarili sa Eldoria lamang.

Hawak man ng Lynn Group ang monopolyo sa lungsod, siguradong may mas magagandang supplier sa labas ng Eldoria.

Isa pa, may sariling koneksyon si Charlotte pagdating sa mga kagamitan. Tutal, bihasang-bihasa sina Andy at Noah sa larangang ito.

Bata pa lang ay kakikitaan na sila ng pambihirang galing sa bagay na ito. Sa katunayan nga, nakuha na nila ang suporta ng ilang dambuhalang internasyonal na kumpanya na gumagawa ng mga kagamitang medikal.

Habang abala at maingat na namimili si Charlotte ng mga supplier ng halamang gamot, biglang nag-ring ang kanyang telepono.

Dahil sa nakasanayan, sinagot niya ito nang hindi man lang tinitingnan ang screen. "Hello, si Charlotte ito. Sino po sila?"

Walang umimik sa kabilang linya. Tanging katahimikan lang ang sumagot sa kanya.

Nagtaka si Charlotte kaya tiningnan niya ang screen ng telepono. Hindi pa naman napuputol ang tawag.

Akmang magtatanong sana siya ulit nang biglang mapako ang mga mata niya sa numero ng caller.

Lumipas man ang anim na taon, nakatatak pa rin nang malinaw sa isip niya ang numerong ito.

Numero ito ni James.

Hindi niya lubos akalain na makalipas ang anim na taon, hindi pa rin pala nito pinapalitan ang numero nito.

Nang mapansin ang matagal na pananahimik ni Charlotte, nahulaan na ni James na nakilala na siya nito.

Tumawa ito nang nakapanghihilakbot, bakas ang panlilibak sa malamig nitong boses. "Charlotte, sino sa akala mo ang kausap mo?"

Akalain mo nga namang tatawagan siya nito.

Saglit siyang dinalaw ng pait at kalungkutan, ngunit mabilis din itong napalitan ng panunuya.

Malamig na tumugon si Charlotte, "James, may kasabihan tayong siguradong narinig mo na noon pa."

Bago pa man sila maghiwalay, ilang libong beses niya itong tinawagan. Ni minsan ay hindi nito sinagot ang mga tawag niya, at lalong hindi siya kinamusta man lang.

Ngayon, umikot na ang mundo. Wala na siyang obligasyong magpakumbaba o mag-adjust para kay James.

Kalokohan na lang kung magpapaalipin pa siya sa gusto nito!

"Ang mga ex, dapat tinuturing na parang patay na. Kaya naman, James..." Mariing binigkas ni Charlotte ang bawat salita, ipinapamukhang wala na itong halaga sa kanya.

"Para sa akin, matagal ka nang patay. At ang mga patay, hindi na dapat gumagapang palabas ng hukay!" Pagkasabi nito, walang-atubili niyang ibinaba ang telepono.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata