Kabanata 34:Wala sa Mood para sa Pakikipag-usap sa Negosyo Ngayon
Tahimik na pinakalma ni Stella ang sarili. Kailangan niyang magpaka-normal, kaya umasta siyang parang wala siyang alam at nagtanong kay Alexander, “Alexander, hindi maganda ang pakiramdam ni Mrs. Smith ngayon, kaya dinala ko na po siya pauwi.”
Kalmado lang na tumango si Alexander at sinulyapan si Bertha. Halatang pagod na pagod ito, magulo ang buhok, at tuluyang naglaho ang dati nitong mataas at makapangyarihang aura.
Bahagyang kumunot ang noo ni Alexander. “Mom, ano nang nangyari sa inyo?”
“Kasalanan kasi ng…” Magsasalita na sana si Bertha pero naalala niyang ayaw na ayaw ni Alexander na nakikialam siya sa personal na buhay nito. Ayaw din niyang malaman ng anak na pinuntahan niya si Monica kanina, kaya pinigilan niya ang sarili niyang magsalita.
Hindi na nang-usisa pa si Alexander. “Kung masama ang pakiramdam niyo, magpahinga na lang kayo rito sa bahay. Aalis na ako.”
Pagod na pagod na si Bertha at wala na siyang ganang makipag-usap.
Pero hindi puwedeng hayaang umalis na lang si Alexander para makipag-dinner kay Monica. Alam ni Stella na nagngingitngit pa rin si Bertha sa inis, kaya mabilis siyang sumabat, “Alexander, narinig ko may deal ang CLOUD at ang Smith Group. Makikipagkita ka kay Monica para pumirma ng kontrata, ‘di ba? Congrats ha!”
Gusto na sanang linawin ni Alexander na hindi niya dapat pinakikialaman ang mga ganitong bagay. Pero bago pa siya makasagot, sumabog na si Bertha nang marinig ang pangalan ni Monica. “Alexander, hindi ka puwedeng pumirma ng kahit anong kontrata sa malanding ‘yon. Hindi ko papayagan.”
“Mom!” matigas ang boses ni Alexander. “Sinabi ko na sa inyo dati pa, ayokong may kahit sinong bumabastos kay Monica sa loob ng bahay na ‘to. Malinaw na hindi kayo nakikinig.”
Sawang-sawa na siya. “Joseph, tawagan mo ‘yong mga tauhan. Ihatid si Mrs. Smith pabalik sa Smith Mansion.”
“Okay po, sir,” sagot ni Joseph.
“Alexander, ano bang ginagawa mo? Palalabasin mo talaga ako ng bahay dahil lang sa babaeng ‘yon?” Hindi makapaniwala si Bertha habang nakatingin sa kanya. “Wala ka na sa tamang pag-iisip, inuuna mo pa ‘yang walang kwentang babae kaysa sa sarili mong ina.”
Lalong nanlamig ang ekspresyon ni Alexander.
Hindi niya ito ginagawa para kay Monica, kundi para sa mga anak niya. Ayaw niyang may kahit sino—kahit pa nanay niya—na magsasalita ng masama tungkol kay Monica sa harap ng mga bata.
Pero wala siyang gana magpaliwanag. Tiningnan lang niya si Bertha nang malamig. “Mom, mas mabuti pong bumalik na kayo sa Smith Mansion.”
Lantad ang galit ni Bertha habang nanginginig ang buong katawan niya, iniunat ang nanginginig na daliri kay Alexander. “Ikaw…”
Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil pumungay ang mga mata niya, at bigla siyang nawalan ng malay.
Napakunot ang noo ni Alexander at sumulyap sa relo niya, pero nilapitan pa rin niya ang ina at inutusan si Joseph, “Tawag ka ng doktor.”
Pagdating ni Monica sa lugar ng kanilang tagpuan, eksaktong alas-siyete na.
Alam niyang laging nasa oras si Alexander, pero sampung minuto na siyang naghihintay sa loob ng private room, wala pa rin ito.
“Niloloko ba niya ako?” bulong ni Monica sa sarili.
Wala naman siyang kailangang asikasuhin na mas urgent, kaya tinawagan niya si Linda para siguraduhing maayos ang hapunan ng mga bata, saka siya nagpatuloy sa paghihintay.
Makalipas ang isa pang kalahating oras, wala pa ring Alexander.
Sawa na si Monica sa paandar ni Alexander, kaya nagdesisyon na siyang umalis. Pero pagkapihit niya ng door knob at pagbukas ng pinto, siya mismo ang bumangga sa kanya.
Sinamantala ni Alexander ang pagkakataon, inakbayan siya sa bewang at tumingin pababa sa kanya. “Ms. Brown, kakaiba naman yata ’yang paraan mo ng pagbati.”
Iniisip ba niyang nagpapapansin na naman siya rito?
Nakaramdam si Monica ng halong inis at natatawa, at sandaling nakalimutang kumawala. “Mr. Smith, kuwarenta minutos ka nang late. Hindi mo ba nakita na paalis na ako?”
Hindi sumagot si Alexander; nakatitig lang siya sa mga labi ni Monica habang nagsasalita ito. Naalala niya kung gaano kalambot ang mga iyon at bigla siyang natukso na halikan siya.
Nakita ni Monica ang pagnanasa sa mga mata nito, saka niya naalalang nasa bisig pa rin siya ni Alexander. Kumawala siya at mariing sinabi, “Mr. Smith, kung hindi ka seryoso, sabihin mo na lang. Hindi kailangang makipagtrabaho ng CLOUD sa Smith Group. Bitawan mo ako.”
“Pasensya na, may bigla lang na nangyari.” Sa unang pagkakataon, hindi na siya nakipagtalo. Hinawakan niya si Monica at inalalayan papasok, pinaupo sa sofa. “Joseph, ilabas mo na ’yong pagkain.”
“Opo, Mr. Smith,” sagot ni Joseph bago umalis.
Napakunot ang noo ni Monica. Balak ba talaga nitong makipag-dinner sa kanya?
Hindi nga siya kayang tiisin nito, tapos gusto pa siyang kasabay kumain? Malamang may iba pa itong lakad pagkatapos.
Ayaw nang mag-aksaya ni Monica ng oras. Dinukot niya ang kontrata mula sa kanyang bag at inilapag ito sa harap ni Alexander. “Mr. Smith, sigurado akong may iba ka pang pupuntahan, kaya pirmahan na lang natin agad ang kontrata.”
Iniabot niya rito ang ballpen, malamig ang tono. “Pirma ka na, alis na ako. Hindi ko na aabusuhin ang mahal mong oras.”
Hindi kumibo si Alexander. Nakatitig lang siya sa dokumento na parang istorbo.
Talaga bang ayaw nitong magtagal kasama siya?
Umusod siya pabalik sa upuan at malamig na tumingin kay Monica. “Wala ako sa mood na pag-usapan ang negosyo ngayon.”
Napanganga na lang si Monica, walang maisagot.
Hindi niya ma-gets kung ano ba ang trip ni Alexander.
Nagtyaga na nga siyang maghintay nang kuwarenta minutos; ayaw na niyang paikut-ikutin pa siya. Pero ayaw din niyang makipagsigawan, kaya tumango siya nang malamig. “Mr. Smith, laki rin ng kumpiyansa niyo sa sarili, ano? Nakalimutan niyo yatang kayo ang lumapit sa amin para pumirma ng kontrata. Kung nagbago na kayo ng isip, hindi namin kayo pipilitin.”
Aabutin na sana niya ang kontrata, handang ipasok ulit sa bag at umalis.
Pero pinigil iyon ni Alexander, pinatong ang kamay sa papel, halatang naiinis ang tono. “Saan mo nakuha ’yang ideyang hindi ako pipirma? Bawal ba akong kumain muna?”
Sumagi sa isip niya ang gulong nangyari sa bahay kanina, at lalo lang siyang sumakit ang ulo sa lamig ng pakikitungo ni Monica.
Doon lang na-realize ni Monica na gusto pala nitong kumain muna.
Pagkatapos maghintay nang kuwarenta minutos, parang walang saysay kung aalis pa siya ngayon.
Tumango siya, umupo ulit, at sakto namang tumunog ang cellphone niya.
Kinuha niya ang phone at nakita ang message ni Sophia. Unti-unting nawala ang inis niya, at napangiti siyang marahan habang nagre-reply.
Pinanood siya ni Alexander nang ilang minuto. Nagsimula nang magsilbi ng pagkain ang waiter, pero hindi pa rin ito tumitingin sa kanya.
Sino ba ’yang katext niya at ganyan siya kasaya?
Napasinghal siya. “Nakalimutan mo na ba kung paano makisalo sa hapag?”
