Kabanata 056 Doon ang Iyong Minamahal
Namumutla na parang multo ang mukha ni Stella. Noon, siya mismo ang nahulog sa hagdan at ibinintang lahat kay Monica. Dahil walang nakakita, wala nang nagawa si Monica kundi tiisin ang paratang nang halos siyam na taon.
Pero hindi basta-bastang naloloko sina Alexander at Preston. Hangga’t may duda sila, hindi matatapos ang isyung ito sa ilang salita lang ni Stella.
Si Bertha lang ang nagngangalit sa galit sa prangkahang pananalita ni Monica. Nanginginig siya sa inis at napasigaw, “Walanghiya kang bata ka, ikaw—”
“Bertha!”
“Mom!”
Sabay na pinutol nina Preston at Alexander ang sasabihin pa niya, hindi na hinayaang lumala ang bibitawan niyang salita.
Nababahala na si Stella. Kapag mas humaba pa ang usapan, baka tuluyang makapaglinis ng pangalan si Monica. Agad niyang hinawakan ang kamay ni Bertha at nagsumamo, “Mrs. Smith, huwag na po kayong magalit. Sigurado po akong hindi sinasadya ni Monica. Nandito tayo para ipagdiwang ang paglabas ni Mr. Smith sa ospital. Dahil ayaw po niya sa ’kin, ako na po ang unang aalis. Ayokong ako pa ang maging dahilan ng inis niya at lalo pang lumala ang lahat.”
Sa isang tingin, parang napakabait niya—para bang siya ang marunong rumespeto—samantalang lumalabas si Preston na parang hindi marunong kumilatis ng tama at mali.
Pero kita-kita ni Monica ang palabas ni Stella kaya napatawa siya nang mapait. “Uy, bakit parang ang bilis mo namang mag-empake? Natatakot ka bang mabuking na ikaw ang may pakana ng lahat at ako ang nagdusa nang siyam na taon?”
“Monica, mali ang iniisip mo. Hindi ko naman ’yon ibig sabihin,” sagot ni Stella, nanginginig ang boses, parang anytime iiyak.
“Ah gano’n? Ano nga bang ibig mong sabihin?” Biglang tumayo si Monica at naglakad papalapit kay Stella, bawat hakbang ay may tanong. “Hindi mo ba ibig sabihing aalis ka? O hindi mo ibig sabihing ginagamit mo ang pag-alis para takpan ang ginawa mo noon?”
“Hindi ko sinasadyang takpan—”
“Ah, so inaamin mo na sinadya mong mahulog sa hagdan dati para ibintang sa ’kin?”
Sunod-sunod ang banat ni Monica. Hindi siya bumibitaw.
Na-out of guard si Stella; hindi niya namalayang hinihila na siya ni Monica sa sariling bitag. Pakiramdam niya, kahit ano ang isagot niya, mali.
Sa harap ng tuloy-tuloy na pang-uusig ni Monica, napaatras na lang siya at napasigaw habang umiiyak, “Hindi! Hindi kita kailanman pinagplanuhan! Ikaw ang tumulak sa ’kin sa hagdan…”
Habang nagsasalita, napasquat siya sa sahig, niyakap ang sarili, tinakpan ang ulo gamit ang dalawang kamay at humagulgol, “Monica, huwag mo ’kong itulak. Ayokong agawin ang bahay mo, ayokong agawin ang mga magulang mo, ayokong agawin si Alexander. Huwag mo ’kong saktan, huwag, please, huwag mo ’kong saktan.”
Umiyak siya na parang kawawang-kawawa, eksaktong eksena siyam na taon na ang nakakaraan—siya ang api, siya ang biktima sa harap ng lahat.
Halos matawa na lang si Monica sa sobrang pagkadismaya. Hindi niya naisip na gano’n kabilis makakabaligtad ng kuwento si Stella.
Pero kung tutuusin, hindi na rin nakagugulat. Kung wala itong mga ganitong pakulo si Stella, hindi sana ganito katagal ang paghihirap ni Monica.
Tinitigan siya ni Monica mula sa itaas, handa na sanang magsalita, nang biglang may malalim na boses na umalingawngaw mula sa likuran, “Tama na.”
Si Alexander iyon.
Sa iisang utos na iyon, natahimik si Monica—at bigla ring naputol ang nakakairitang hagulgol ni Stella.
Mabilis umeksena si Bertha. Nagmamadali siyang sumugod at itinulak si Monica palayo, matalim ang tinig sa galit. “Monica, wala ka na bang hiya? Ganyan na katindi ang ginawa mo kay Stella—ano pa bang gusto mong mangyari, ha?”
Hindi inasahan ni Monica ang lakas ng tulak. Napatras siya, muntik nang matisod at mawalan ng balanse—Nahagip siya ng isang kamay, sakto bago siya bumagsak.
Hindi na niya kailangang lumingon. Kilala na niya agad ang amoy na iyon.
Bumagsak ang puso niya.
Itinaas ni Monica ang ulo niya, nagyeyelong malamig ang tingin, mas malamig pa ang boses. “Mr. Smith, nandoon ang mahal mong prinsesa.”
Sa loob niya, umapaw ang galit na parang sasabog. Putsa naman… Kanina pa siya pinipigilan nito harapin si Stella, tapos ngayon, may gana pa siyang hawakan?
Ni hindi niya alam kung saan nanggagaling ang galit—pero sobrang talim ng hapdi nito sa dibdib niya.
Hindi na siya nagdalawang-isip. Itinulak niya ito palayo gamit ang buong lakas niya.
Napakunot ang noo ni Alexander, bahagyang kumitid ang mga mata habang pinagmamasdan ang galit niya.
May hindi ba ito naintindihan?
Pero lalo lang sumakit ang ulo niya sa iyak ni Stella.
Hawak-hawak ni Bertha si Stella, walang tigil sa pag-alo at pag-comfort dito.
Hindi makapaniwala si Monica habang pinanonood ang eksena. Ang galing talagang umarte ni Stella na parang kawawa. Hindi na nakapagtataka kung bakit siya ilang taon na rin naagrabyado dahil sa drama nito.
Wala na siyang ganang magtagal pa roon. Lumingon siya kay Preston, balak magpaalam, pero naunahan siya ni Alexander na naiinis nang sabihing, “Ma, kakalabas lang ni Lolo sa ospital ngayon. Tama na po ang eskandalo, isama n’yo na si Stella. Baka maospital ulit si Lolo.”
Galit pa rin si Bertha kay Monica at ayaw talagang magpatalo, pero naisip niya si Preston kaya hindi siya makapang-ingay nang todo. Baling niya kay Preston, “Hindi ako ang nang-eeskandalo. Pumunta kami rito para ipagdiwang ang paglabas mo sa ospital, tapos si Monica pa ang gagawa ng gulo.”
“Si Monica ba ang nanggugulo, o ikaw? Akala mo ba tanga ako?” walang pakundangang balik ni Preston.
Namula nang todo ang mukha ni Bertha sa hiya at inis. Buka na sana ang bibig niya para sumagot, pero inunahan na siya ni Preston, halatang naiinip. “Tama na. Kung gusto mong umiyak o magdrama, sa bahay mo gawin. Hindi ito peryahan. Mason, ihatid mo na sila palabas.”
Hindi man lang siya nilingon ulit. Tumayo siya, lumapit kay Monica, at marahang hinawakan ang kamay nito. Biglang lumambot ang boses niya. “Monica, halika. Kumain na tayo.”
Sa sandaling iyon, hindi na nagawa ni Monica na tumanggi.
Wala nang nagawa si Bertha kundi isama palabas si Stella.
Habang naglalakad sila paalis, napalingon pa si Stella pabalik sa dining area. Sa loob, nakaupo ang tatlo na parang walang nangyari—kalma, mahinahon, halos parang magkakasundo. Pumunta siya roon na ang kinatatakutan, baka samantalahin ni Monica ang presensiya ni Preston para muli na namang mapalapit kay Alexander. Siya pa mismo ang nagpumilit kay Bertha na isama siya. Pero kahit pala ganoon, hindi pa rin niya napigil.
Pagbalik sa dining room, walang tigil si Preston sa pagsandok ng pagkain sa plato ni Monica. “Lahat ’yan paborito mo. Kumain ka pa.”
“Salamat,” sagot ni Monica, may banayad na ngiti sa labi.
Sinulyapan ni Preston si Alexander nang matalim. Tahimik lang ang lalaki, nakatutok sa pagkain na para bang wala siyang kinalaman sa kahit anong kaguluhan.
Nainis si Preston, kaya palihim niya itong sinipa sa ilalim ng mesa—sobrang klaro ng mensahe.
Nanigas si Alexander, napailing sa inis, pero inabot pa rin ang bandehado at inihahanda nang magsandok ng pagkain para kay Monica.
Bago pa siya makasandok, itinaas ni Monica ang kamay niya at marahang hinarang ang gilid ng plato. Humarap siya kay Preston at nginitian ito nang mainit. “Kumain ka pa, ikaw rin.”
Agad na dumilim ang ekspresyon ni Alexander.
