Kabanata 070 Nag-aalala Ka Ba Tungkol sa Akin?
Nag-eskandalo ang mga lalaki sa kakatawa. Dumilim ang mukha ni Monica at pasigaw niyang sabi, “Lumayas kayo!” Tatalikod na sana siya nang biglang abutin ng isa sa mga lalaki ang braso niya.
Sa loob ng kotse, nanlamig ang mga mata ni Alexander at agad siyang bumaba.
Pero bago pa siya makialam, nakita niyang inihagis ni Monica ang lalaki sa balikat niya, saka ibinagsak nang malakas sa semento.
Sunod-sunod, isa-isa ring napahandusay sa kalsada ang lahat ng lalaki sa kamay ni Monica.
Napahinto si Alexander, nakasandal sa pinto ng kotse habang nagsisindi ng sigarilyo. Hindi niya inalis ang tingin kay Monica na nasa ilalim ng ilaw ng kotse. Maputla ang mukha nito, gusot ang buhok, pero may kakaiba pa rin itong gandang umaangat kahit sa gitna ng gulo.
Nilingon ni Monica ang tatlong lalaking nakabulagta sa lupa at mapang-asar na ngumisi. “Naglakas-loob pa kayong mangbastos? Kung matitigas kayo, sige, tumayo kayo!”
“Putang ina mo! Gusto mo kaming kalabanin? Sige, laro tayo.” Pinahid ng tila lider ang dugo sa gilid ng bibig niya, kinuha ang cellphone, at tumawag ng backup. “Oy, mga tol, dito na kayong lahat!”
Maya-maya, may mga ilaw na lumitaw sa dulo ng kalye, at hindi nagtagal, mga isang dosenang lalaki na ang nakapalibot kay Monica.
Bumaba sila sa mga motor at dahan-dahang lumapit sa kanya.
Kalma lang si Monica, sinisipat ang bawat isa sa grupo, habang unti-unting sumasayad sa labi niya ang isang ngiting parang uhaw sa gulo.
Humupa na ang hilo niya sa alak, pero hindi pa ang inis niya. Sakto, dumating ang grupong ’to para paglabasan niya ng sama ng loob.
“Paano mo nagawang saktan ang tropa namin?” Sigaw ng isa, sabay suntok kay Monica.
Hinawakan ni Monica ang pulso nito at malakas na sinipa ang tiyan niya.
Lumapit pa ang iba, sabay-sabay na nagpapakawala ng suntok. Hindi natinag si Monica; kalmado niyang pinabagsak ang mga ito, isa-isa, parang sanay na sanay.
’Di kalayuan, napatulala si Joseph, nakatingin kay Monica na parang hindi makapaniwala. “Tama ba ’yung nakikita ko? Siya pa rin ba ’yon, si Mrs. Smith? Parang pambato sa martial arts, ah!”
Tahimik lang si Alexander, nakasandal sa pinto ng kotse, pinapanood ang malilinis na galaw ni Monica sa likod ng usok ng sigarilyo.
Tatlong taon na silang kasal, pero ni hindi niya alam na may ganito pala itong kakayahan. Mukhang nagpaubaya lang siya kay Layla sa resto kanina.
Natuto na ba siya nito noong bata pa? O nadala niya ’to mula noong mga taon na nasa abroad siya?
Doon niya na-realize na kahit tatlong taon na silang mag-asawa, bihira siyang umuwi. At kahit umuuwi siya, halos hindi niya ito tinitingnan. Wala talaga siyang alam tungkol sa kanya.
‘Ano pa kayang mga bagay tungkol sa kanya ang hindi ko pa alam?’ Lalong tumindi ang titig niya rito.
Makalipas ang ilang sandali, lahat ng lalaki ay bagsak na sa kalsada. Tiningnan ni Monica ang mga nakahandusay sa paligid at malamig na ngumisi. “Imbes na matuto ng matinong bagay, pambabastos sa babae sa kalye ang ginagagawa n’yo. Wala ba kayong hiya?”
“Oo na, miss, maawa na po kayo!” Nag-echo sa paligid ang mga pakiusap ng awa.
Medyo humupa na ang galit ni Monica at wala na siyang balak pang patulan sila. Tatalikod na sana siya para umalis.
Pero biglang may isa sa mga siga sa lupa na bumunot ng baril at itinutok ito kay Monica, sabay sigaw, “Putang ina mo, mamatay ka na!”
May hindi magandang kutob si Monica. Paglingon niya, sakto niyang nakita ang pagsagad ng daliri ng lalaki sa gatilyo. Hindi na siya umabot para umiwas, at kasunod noon, umalingawngaw ang putok ng baril.
Pero hindi dumating ang sakit na inaasahan niya. Sa halip, nakita niyang nabitawan ng siga ang baril, dumurugo nang todo ang pulso nito, at napasigaw ito sa tindi ng kirot.
Saka niya nakita si Alexander.
Sa madilim na paligid, papalapit sa kanya ang matangkad nitong katawan, may hawak na baril. Sinagip siya nito sa huling segundo.
Masyado siyang natigilan para makakilos, hanggang sa nasa harap na niya ito.
Nakakunot ang mga kilay nito, malamig ang tingin, at mas malamig pa ang boses nang tanungin siya, “Ayos ka lang ba?”
Umiling siya, wala pa rin sa sarili. Biglang may isa pang siga na tumayo malapit sa kanila, nasa likuran ni Alexander, may hawak na patalim at sumugod papunta sa lalaki.
Nanlaki ang mga mata ni Monica at napasigaw siya, kusa na lang lumabas sa bibig, “Alexander, sa likod mo!”
Aakma sana siyang gagalaw, pero may umatake rin mula sa likuran niya. Agad siyang hinila ni Alexander papasok sa mga bisig nito, tumalikod, at saka sumipa.
Pero may isa pang siga sa gilid ng kumpol ng mga tao ang biglang naglabas ng baril at nagpaputok habang gumagalaw si Alexander. Hindi na ito nakailag dahil ang una nitong naging instinct ay protektahan siya, kaya sa braso nito tumama ang bala.
Matingkad na pulang dugo ang unti-unting bumasa sa puti nitong polo, mabilis na kumalat ang mantsa.
Namuti ang mukha ni Monica, at nagmamadaling nagtanong, “Ayos ka lang ba?”
Nakita ni Alexander ang pag-aalala sa mga mata niya, at dahan-dahang lumuwag ang mahigpit na pagkakunot ng mga kilay nito. Bahagya itong ngumiti. “Ms. Brown, nag-aalala ka ba para sa ’kin?”
“Sinong nag-aalala sa’yo? Kung hindi ka nakisawsaw, kanina ko pa natapos ’tong mga ’to.”
“Nakisawsaw?” Muling dumilim ang mukha ni Alexander. “Kung hindi ako nakisawsaw, nakahandusay ka na rito ngayon.”
“ Kahit mamatay pa ako rito, wala kang pakialam dapat.”
“Monica, iniligtas kita. Paano mo nagagawang magsalita nang ganyan?” nagngingitngit na sabi ni Alexander.
Napabuka ang bibig ni Monica pero wala siyang nasabi.
Alam niyang kung hindi ito dumating sa oras, siya sana ang tinamaan ng bala.
Nakita niya ang patuloy na pag-agos ng dugo mula sa braso nito, kaya pinisil niya iyon gamit ang palad niya at sinabi, “Sumakay muna tayo sa kotse. Aayusin ko ’yang sugat mo.”
Dumating si Joseph kasama ang mga pulis. Nanlaki ang mga mata nito nang makita ang sugat ni Alexander. “Mr. Smith, sugatan po kayo.”
“Wala ’to.”
“Pero malala po ang tama ninyo. Dapat po muna kayong pumunta sa ospital.” Hindi niya magawang maging kampante.
Hindi man lang binigyan ni Alexander ng bigat ang sugat niya. Walang emosyon sa mukha, hinila niya si Monica papunta sa kotse.
Hindi na siya nagpumiglas ngayon.
Pinaupo niya muna ito sa loob, tapos siya naman ay pumunta sa likod ng sasakyan para kunin ang first aid kit. Pagbukas niya, nakita niyang kumpleto iyon sa mga kailangan na gamit, kaya hindi na talaga kailangang pumunta sa ospital. Kaya na niyang gamutin mag-isa ang sugat.
Isinara niya ang first aid kit at sumakay sa kotse, dala-dala ito.
Pagtingin niya sa sugat sa braso ni Alexander, napansin niyang gasgas lang ng bala ang tumama—nabutas lang ang ibabaw ng balat. Mukha itong malala sa dugo, pero wala namang tinamang mahalagang bahagi.
“Hubarin mo ’yong polo mo,” sabi niya, sabay talikod para kunin ang mga kailangan na gamit at pang-disinfect sa kit.
Pagharap niya ulit, nakita niyang hindi ito kumilos ni kaunti, suot pa rin ang polo, at nakapirmi sa mukha niya ang malalim at matalim nitong tingin.
