Kabanata 10
Nakatayo roon si Julian, ang lakas ng porma sa kaniyang dark gray na suit na bagama't casual ay bakas ang pagka-elegante. Iba ang lakas ng presensya niya, 'yung tipong mapapahinto ka talaga para mapatitig—gwapong mukha, pino kumilos, na tila ba mismong Diyos ang maingat na lumilok sa kaniya.
Pasimple siyang sumulyap kay Louisa, isang mabilis na tingin lang.
Nagtama ang paningin nila, at biglang bumuhos sa isip ng dalaga ang lahat ng nangyari kagabi. Ang lalaking sumagip sa kaniya sa Dreamscape Club? Walang iba kundi siya.
Tandang-tanda niya ang mga matang iyon—kalmado, seryoso, na tila isang malinaw na batis. Sa hindi malamang dahilan, pakiramdam niya'y ligtas siya sa piling nito.
Sinukahan niya pa nga ito kinalaunan, pero imbes na magwala sa galit, dinala pa siya nito sa ospital at sinagot ang lahat ng gastusin. Isang tunay na maginoo.
Wala sa hinagap niya na ang lalaking ito pala ang mag-i-interview sa kaniya ngayong araw.
Napansin ni Flora na nakatulala si Louisa kaya siniko niya ito at pasimpleng bumulong, "Uy, alam kong ang sarap sa matang titigan ni Mr. Tudor, pero huwag ka namang masyadong pahalata. Hindi niya type ang mga babaeng may lihim na motibo. Kalmahan mo lang.
"At para sabihin ko sa 'yo, hindi kami ganoon ka-close, kaya kapag pumalpak ka, bahala ka sa buhay mo. Galingan mo para maganda ang impresyon niya sa 'yo."
Bahagyang napakunot-noo si Louisa pero pinili na lang manahimik. Hindi naman kasi ang itsura nito ang nakapagpatulala sa kaniya; sadyang hindi lang talaga niya inasahan na ang lalaking sumagip sa kaniya ay nasa harapan niya ngayon.
Habang nag-iisip pa siya kung paano magpapasalamat, kinakaladkad na siya ni Flora palapit sa mga ito.
Ngumiti nang malapad si Flora kina Julian at Wallace, at bumati, "Mr. Tudor, Mr. Morgan, hello po. Siya nga po pala ang kaibigan kong si Louisa Forbes. Naisip ko kasing baka gusto niyang makilala si Mr. Tudor nang personal."
Napataas ng kilay si Julian, mabilis na dumapo ang paningin kay Louisa at pasimpleng pinasadahan ng tingin ang mahahabang binti nito sa loob ng isang iglap bago nag-iwas ng tingin. Tipid lang itong sumagot, "Okay."
Medyo nanibago si Louisa sa malamig nitong tono. Baka nga nakalimutan na nito ang nangyari kagabi. Sabagay, bakit naman nito maaalala? Sabog na sabog siya noon, at paniguradong isa lang iyon sa mga ordinaryong gabi para sa isang tulad nito.
Kabaligtaran naman nito si Wallace na abot-tenga ang ngiti. Inakbayan pa nito si Flora na parang matagal na silang magtropa, bago pinasadahan ng tingin si Louisa sabay ngisi, "Ms. Forbes, ang ganda natin ngayon, ah! Ano bang sikreto at lalo kang gumaganda?"
Dahil may partnership ang Morgan Group at ang Capulet Group, pamilyar na sila sa isa't isa.
Magalang na ngumiti si Louisa. "Naku, Mr. Morgan, binobola niyo naman po ako."
Dadaldal pa sana si Wallace nang biglang ihagis sa kaniya ni Julian ang isang tako ng bilyar.
"Tira mo na."
Naglakad si Julian papunta sa lounge area, at biglang naalala ni Louisa na hindi pa nga pala siya nakakapagpasalamat. Sumunod siya rito, at sa sobrang pagmamadali ay hindi niya napansing masyado na pala siyang nakadikit.
Bigla itong huminto sa paglalakad.
Dahil hindi na siya nakapagpreno, saktong bumangga ang pisngi niya sa malapad nitong balikat.
Nilingon siya ni Julian. Ang boses nitong madalas ay malalim at malamig, ngayon ay may bahagyang himig ng panunukso, "Hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo, 'no?"
Biglang namula sa matinding hiya si Louisa at nagkukumahog na humingi ng paumanhin, "Hala, sorry po!"
Wala nang sinabi pa si Julian.
Lumapit ang kanyang assistant na si Teddy Young at inabutan siya ng maayos na nakatuping basang tuwalya. Kinuha ito ni Julian at pinunasan ang kanyang mga kamay, ang bawat galaw ay kalkulado at maingat.
Pinagmasdan siya ni Louisa, manghang-mangha sa matitipuno nitong mga kamay habang nagpupunas ng tuwalya. Bihira ang mga lalaking tulad niya na napakagaling magtago ng damdamin. Blangko ang kanyang mukha at walang mababakas na kahit anong emosyon.
Bigla na lang siyang napabulalas, "Mr. Tudor, pwede ko po ba kayong i-add sa WhatsApp?"
Napatigil si Julian at napataas ng kilay. Pagkatapos ay ibinalik niya ang tuwalya kay Teddy, tiningnan siya, at mahinahong sinabi, "Pumunta ka rito para lang i-add ako sa WhatsApp?"
Biglang naalala ni Louisa na ang bigating lalaking ito ay walang kahit anong iskandalo at kilalang mailap sa mga babae.
Agad siyang umatras ng ilang hakbang para dumistansya sa kanya. Pilit niyang pinakalma ang kanyang boses, "Mr. Tudor, nagkakamali po kayo ng iniisip. Ngayon ko lang po kasi nalaman na kayo pala ang tumulong sa akin kagabi. Gusto ko po sana kayong i-add sa WhatsApp para mabayaran ko ang mga ginastos niyo sa ospital at sa mga damit ko. Sisiguraduhin ko po na makakabawi ako sa kabutihan ninyo. At tungkol naman po sa dahilan kung bakit ako nandito,"
Tiningala niya ito at nagpatuloy, "Sadya po talaga kitang pinuntahan. Gusto ko po sanang mag-apply bilang secretary ninyo."
Hindi na nagulat si Julian, tila ba inaasahan na niya ang pakay nito. Nagtagal ang kanyang paningin sa napakaganda nitong mukha, at makalipas ang ilang sandali, tipid siyang sumagot, "Hindi ka bagay sa posisyon."
Inaasahan na ni Louisa na hindi magiging madali ang makapasok sa Tudor Group. Pero hindi naman siya ganoon kadesperada para makuha ang trabaho.
Malamig siyang tumango. "Pasensya na po sa abala, mauuna na po ako."
Walang ano-ano'y tumalikod na siya para umalis.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, dalawang hakbang pa lang ang nagagawa niya nang marinig niya ang boses nito mula sa likuran, "Akala ko ba i-a-add mo ako sa WhatsApp?"
Biglang naalala ni Louisa na nakalimutan niya nga palang bayaran ito. Alanganin siyang napalingon dito, at nakita niyang nailabas na nito ang kanyang cellphone at nakabukas na ang QR code.
Kusa siyang lumapit, ini-scan ang code nito, at in-add siya. Wala siyang kaide-ideya na nakatitig na pala ito sa kanya.
Ngunit napansin ito ng isang taong nagkataong napadaan at napasulyap sa kanila.
Si George.
Nagkataon na naroon siya kasama ng kanyang barkada para maglaro, at nakita niya ang babaeng nakatayo sa harapan ni Julian. Pasimple lang sana siyang titingin, pero habang tumatagal, lalong nagiging pamilyar sa kanya ang likod ng babae—kamukhang-kamukha ito ni Louisa.
At nang yumuko ito, nahagip ng kanyang paningin ang napakapamilyar at magandang gilid ng mukha nito.
Siya nga ba talaga 'yon? 'Di ba ang sabi niya ay nasa mall siya at nakikipag-shopping kasama ng mga kaibigan niya? Bakit siya nandito kasama ang isang lalaki? Nagsinungaling ba siya sa kanya?
Dahil sa isiping iyon, nagdilim ang mukha ni George, at mabilis siyang naglakad palapit sa kanila.
