Kabanata 2
Napahinto si Louisa sa paghakbang nang hindi man lang lumilingon. Wala siyang sikmurang panoorin ang nakakadiring eksenang iyon.
Sa tabi nila, nakaramdam ng inis si Vivian nang mapansing na kay Louisa lang ang buong atensyon ni George. Nagpa-cute siya at ngumuso na parang bata. "George, 'di ba sabi mo ako ang magre-represent ng kumpanya mo sa contract signing sa Taylor Group mamayang hapon? Sinadya ko pang agahan para pag-aralan ang project mo. Hindi ka man lang ba na-touch?"
Tapos, may pagka-aroganteng inutusan niya si Louisa, "Ms. Forbes, kunin mo na 'yung mga dokumento at kontrata ng project."
Agad na nagdilim at nanlamig ang timpla ng mukha ni Louisa.
Tuluyan niyang binalewala si Vivian. Tinitigan niya nang diretso si George, walang kakapiranggot na emosyon ang kanyang mga mata. "Ibibigay mo sa kanya ang project ko?"
Hindi ba nito alam kung gaano kalaki ang isinakripisyo niya para lang sa proyektong ito?
Isang buwan na ang nakalipas nang magkandarapa si George na makuha ang AI project ng Taylor Group. Kumilos ang buong marketing department, pero lahat sila ay umuwing luhaan.
Sa huli, lumapit sila sa kanya at nagmakaawang humingi ng saklolo.
Walang pag-aalinlangang hinarap ni Louisa ang hamon.
Para lang makuha ang deal, nakipag-inuman siya sa mga kliyente hanggang sa magdugo ang sikmura niya.
Nang magkasakit at maospital ang nanay ng CEO ng Taylor Group, labintatlong araw na nagbantay at nag-alaga si Louisa sa ospital, hanggang sa tuluyan niyang mapasagot ang mga ito para sa project.
Tapos ngayon, basta-basta na lang nitong ibibigay ang project sa kerida niya?
Kaya niyang palampasin at bitawan ang lalaking ito kung tutuusin. Pero ang karerang pinaghirapan niyang itayo gamit ang sarili niyang dugo't pawis—hinding-hindi niya iyon isusuko nang ganoon na lang.
Nagdilim ang mukha ni George. Pero imbes na sagutin si Louisa, binalingan niya si Vivian. "Maghintay ka sa labas."
"At bakit? Ikaw ang CEO ng The Capulet Group—kailan ka pa naging tagapagpaliwanag sa isang hamak na secretary?" pagmamaktol nito.
"Sabi ko, lumabas ka muna." May diin at nagbabantang lamig sa boses ng lalaki.
Nasindak si Vivian kaya hindi na siya naglakas-loob pang sumagot. Pinukol muna niya ng matalim na tingin si Louisa bago padabog na lumabas.
Naiwang magkasama sina George at Louisa sa loob ng opisina.
Isinara ni George ang pinto, lumapit sa kanya, at seryosong nagpaliwanag. "Huwag mong masamain, Louisa. Walang namamagitan sa amin ni Vivian. Siya ang tagapagmana ng pamilya Price, at may inaasikaso akong project kasama ang kuya niyang si Caden. Kaya hindi maiwasang madalas kaming magkasama nitong mga nakaraang araw."
Ang mambabae ay masama na, pero ang gawing palusot ang negosyo para pagtakpan ang kalokohan niya? Mas nakakasuka iyon.
Sa tingin ba talaga niya ay napaniwala niya si Louisa sa mga palusot niya?
Mapaklang natawa si Louisa habang nakatingala sa lalaki. "Kung may collaboration kayo ng Price Group, si Caden lang ang kailangan mong kausapin... o baka naman sinasabi mong hindi siya pipirma ng kontrata sa'yo kapag hindi mo inaliw ang kapatid niya?"
Ang kaninang malumanay na boses ni George ay muling naging matigas. "Louisa, nagpapaliwanag na nga ako nang maayos. Kailangan ba talagang ganyan ka kasarkastiko?"
Natahimik nang ilang sandali si Louisa. Pagkatapos ay tumango siya, kalmado na ang boses. "Sige, isantabi muna natin 'yan. Pero 'yung ipamigay mo nang ganoon-ganoon na lang ang project na pinaghirapan kong makuha—ano namang ibig sabihin nu'n?"
Sumagot si George, "Hindi ko ipinamimigay sa kanya ang project. Gusto lang ng kuya niya na magkaroon siya ng experience. At saka, plantsado na ang deal sa Taylor Group—pirmahan na lang ang kulang. Ipinapaubaya ko lang sa kanya ang contract signing bilang pabor kay Caden. Sa'yo pa rin naman mapupunta ang bonus. Hindi mo ba kayang pagbigyan ang The Capulet Group kahit ngayon lang—para sa ating dalawa?"
Lumapit siya, mukhang balak siyang yakapin tulad ng nakasanayan niya.
Malamig na lumayo si Louisa. Binalak pa naman sana niyang palipasin ang buwang ito nang payapa bago sila maghiwalay ng landas.
Pero ngayon...
Tumango siya, ang tono niya'y bumalik sa nakasanayang kalamigan. "Sige, ibibigay ko na sa kanya 'to, o baka higit pa."
"Anong sinasabi mo?"
"Divorce. Ipapamigay ko na rin sa kanya ang asawa ko."
Mas mabuti na 'to—hindi na niya kailangang magpanggap pa para sa huling buwan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang nanlamig ang mukha ni George habang matalim na nakatitig sa kanya. "Huwag mo na 'yang isipin. Walang divorce na mangyayari sa atin."
Buo ang desisyon sa tono niya, walang bahid ng pag-aalinlangan.
Biglang natawa si Louisa, isang malamig na halakhak. Ano, gusto niya ng masunuring asawa sa bahay habang nagpapakasarap siya sa kabit niya sa labas?
Nang marinig ang tawang iyon, lalong nagdilim ang mukha ni George.
Pero nang makitang hindi na nito binanggit ang divorce, inisip niyang nagmamaktol lang ito. Pinalambot niya ang kanyang diskarte, handang suyuin siya.
Bigla niyang sinabi, "Magre-resign na 'ko."
Walang pag-aalinlangan ang mga salitang iyon.
Kumunot ang noo ni George. Dati na niyang iminungkahi na mag-resign ito at maging full-time na maybahay, pero palagi itong tumatanggi.
Mas gusto pa nitong pagsabayin ang trabaho at bahay kaysa huminto.
Kalaunan, hindi na niya ito binanggit pa.
Tapos ngayon, pinag-uusapan niya ang pagre-resign sa ganitong kritikal na panahon?
"Dahil lang kay Vivian?" May halong inis ang tono niya. "Louisa, hindi ka naman ganyang klase ng tao na nagdedemand nang wala sa lugar. Itigil mo na 'yang kakasabi ng resign. Kapag natapos ko na 'tong busy period na 'to, dadalhin kita sa bakasyon. 'Di ba matagal mo nang gustong pumunta sa Snowlandia? Pwede tayong umalis sa susunod na mga araw, okay?"
Tiningnan siya ni Louisa. Nang marinig ang naiinis nitong tono, bigla siyang gustong matawa. Ang bilis talagang magbago ng puso ng isang lalaki.
Walang ano-ano, tumalikod siya at lumabas ng opisina nito.
Pagsapit ng alas-dos ng hapon, nalaman niyang mag-isang pumunta si Vivian sa Taylor Group dala ang mga kontrata ng proyekto.
Dapat ay sasamahan siya ni George pero kinailangan nitong mag-cancel dahil sa isang biglaang problema.
Hindi na ito pinagkaabalahan pa ni Louisa. Tutal, kung pakakawalan na rin lang niya mismo si George, ano pa bang halaga ng isang proyekto?
Pinatigas niya ang kanyang puso at hinayaan na lang ito.
Nag-ayos siya ng kanyang mga gamit at umalis bago pa man matapos ang oras ng trabaho.
Nagmaneho siya nang walang tiyak na patutunguhan sa mga kalsada, pinagmamasdan ang mga nagdaraan, at nakaramdam ng kakaibang puwang sa kanyang dibdib dahil wala siyang mapuntahan.
Sa huli, pumunta siya sa bahay ng matalik niyang kaibigang si Sadie Watson.
Isang abogado si Sadie. Siya ang tumulong kay Louisa na gumawa ng kanilang divorce agreement.
Ngayon, nang marinig ang balak ni Louisa na mag-resign, tuwang-tuwang sumang-ayon si Sadie, "Kung ako ang tatanungin mo, matagal ka na dapat umalis sa trabahong 'yan. Alam mo ba kung sino ka? Isang prodigy sa business school, isang henyo sa negosyo!
"Kung hindi dahil sa napakagaling mong presentation sa world-famous summit na 'yon, na nakakuha sa proyektong pinag-aagawan ng lahat ng korporasyon, magiging public ba ang The Capulet Group sa loob lang ng ilang taon at maaabot ang tuktok ng industriya?
"Tapos ngayon, sisirain niya ang lahat? Puputulan ka niya ng pakpak? Papayagan niyang ang isang henyo sa negosyo ay manatili sa bahay para lang labhan ang mga damit niya at ipagluto siya ng pagkain? Pinasok ba ng tubig 'yang utak niya o sinipa ng kabayo?"
