Kabanata 4

"Hindi na kailangan!" walang pag-aalinlangang tanggi ni Louisa.

Magsasalita na sana si George nang sumingit si Vivian mula sa passenger seat, "Ms. Forbes, pasensya na po. Kasalanan ko 'to, at ikaw pa tuloy ang namomroblema sa kalat ko.

"Konsensyang-konsensya po talaga ako, kaya gusto kong humingi ng tawad nang personal. Nag-alala naman si George kaya nagpumilit siyang samahan ako.

"Sakay na po kayo. Sabay-sabay na tayong pumunta. Dahil nandito si George para protektahan tayo, walang mangangahas na isahan tayo."

Sa pakinggan, napakainosente ng mga salita niya.

Pero hindi nakaligtas kay Louisa ang nakakainsultong ngiti sa gilid ng mga labi ni Vivian—isang lantarang pagyayabang na malayong-malayo sa pag-iyak-iyak niya sa opisina kanina.

Halatang naging napakaepektibo ng pag-alo sa kanya ni George.

Ngumiti rin si Louisa. Hindi na siya nag-abalang sumagot at naglakad na lang papunta sa sarili niyang kotse.

Gayunpaman, nahagip ni Vivian ang bahid ng panghahamak sa ngiting iyon.

Bilang isang laki-sa-layaw na senyorita na laging nakasandal sa impluwensya ng kanyang pamilya, hindi sanay si Vivian na minamaliit.

Agad siyang napikon. "Louisa, ano bang problema mo? Taos-puso na nga akong humihingi ng tawad, tapos ganyan pa ang isasagot mo?"

"Tama na 'yan. Tumigil na kayo sa pagtatalo."

Saway ni George sa kanilang dalawa, bago binigyan si Vivian ng isang nagpapanatag na tingin.

Pagbaling niya kay Louisa, sinabi niya, "Bata pa siya at wala pang karanasan. Maiintindihan naman kung pumalpak siya sa proyekto. Hindi ba't masyado kang malupit? Humingi ka na lang ng tawad sa kanya para matapos na 'to."

Sandaling inisip ni Louisa kung mali ba ang pagkakarinig niya. Siraulo ba siya para magbiro ng ganito?

Humarap siya kay George na nasa loob ng kotse. "Sus, ako? Hihingi ng tawad sa kanya? Dahil ba siya ang paboritong prinsesa ng pamilya Price? O dahil ninakaw niya ang proyekto ko? O baka naman dahil sinira niya ang proyekto ko at ako ngayon ang kailangang maglinis ng kalat niya?"

Matapos ang tatlong matatalim na tanong na ito, nakakatakot na dumilim ang mukha ni George. Pinipigilan niya ang kanyang galit. "Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo? Isa lang siyang laki-sa-layaw na bata na sanay magpadalos-dalos. Bakit ba pinalalaki mo ang isyung 'to?"

Kaya ayon sa kanya, kahit gaano pa kasama ang ugali ni Vivian, dala lang iyon ng pagiging "padalos-dalos" niya.

Habang si Louisa, na wala namang ginawang masama, ang pinalalabas na mababaw at walang unawa. Napangisi si Louisa. Namamalayan ba nito kung gaano na ito kumikiling sa babaeng 'yan?

Sa tabi nito, halatang tuwang-tuwa si Vivian, na nakatingin kay Louisa nang may halong pagmamataas.

Malamig na tumawa si Louisa. "Mr. Capulet, wala naman yata akong sinabing nakakasakit. Pwedeng maging padalos-dalos ang bata mo hangga't gusto niya—huwag lang sa akin."

Lalong dumilim ang mukha ni George.

Wala nang gana si Louisa na ipagpatuloy ang walang-kwentang usapang ito. Sumulyap siya sa kanyang relo, sinadyang gawing kaswal ang tono. "May labinlimang minuto pa tayo bago ang hapunan kasama ang Taylor Group. Mr. Capulet, sigurado ka bang gusto mong humingi ako ng tawad sa bata mo?"

Wala nang sinabi si George. Tinitigan na lang niya ito nang malamig at matalim, na tila nagpababa ng temperatura sa paligid nila.

Tuluyang binalewala siya ni Louisa at sumakay na sa sarili nitong kotse.

Habang nagmamaneho, mariin niyang pinagdikit ang kanyang mapupulang labi, habang mababakas sa kanyang mga mata ang namumuong yelo.

Pilit niyang binalewala ang matinding kirot sa kanyang dibdib.

Ayaw na niyang isipin ang pagtatanggol ni George kay Vivian.

Ayaw na niyang alalahanin ang tingin ng pandidiri na ibinigay nito sa kanya.

Wala na itong halaga. Wala na.

Tutal, 29 na araw na lang naman ang natitira.

Kakaiba ang bilis ng pagpapatakbo niya papunta sa parking lot ng Dreamscape Club—kaunti pa at siguradong mahuhuli na siya ng traffic enforcer at matitiketan.

Pagkaparada, sumandal siya sa upuan at pumikit.

Matapos ang ilang sandaling pananahimik, pilit niyang nilunok ang lahat ng emosyon at pinakalma ang sarili. Kinuha niya ang kanyang makeup bag para mag-retouch, bago tuluyang bumaba ng sasakyan.

Sakto namang dumating na rin sina George at Vivian. Pumarada na naman ang sasakyan nila sa mismong tabi ng kotse ni Louisa.

Hindi man lang sila tinapunan ng tingin ni Louisa.

Lalo namang nagdilim ang mukha ni George.

Kahit walang umiimik sa kanila, damang-dama ng sinumang makakakita ang matinding tensyon sa pagitan nila.

Gatong pa ni Vivian kay George, "George, ikaw ang direct superior niya. Isa lang siyang personal secretary—mas mababa pa nga ang posisyon niya kay Jared. Ano'ng karapatan niyang bastusin ka nang ganyan?"

Dahil mga sampung talampakan lang ang layo niya sa unahan, malinaw na narinig ni Louisa ang mga sinabi nito, pero hindi siya lumingon.

Pinukol ni George ng masamang tingin si Vivian bilang babala. Napilitan itong manahimik, kahit halatang labag sa loob niya.

Dumiretso silang tatlo sa naka-reserve na private room sa Dreamscape Club.

Naunang pumasok si Louisa.

Naroon na ang kinatawan ng Taylor Group kasama ang dalawang katrabaho nito.

Ang kinatawan ay si David Foster, isang department director sa Taylor Group at bayaw ng CEO ng kumpanya—isang lalaking nasa kwarenta anyos na may kalakihan ang tiyan.

Pinadaanan ng tingin ni David, na usli ang malaking tiyan, si Louisa mula ulo hanggang paa. Malagkit ang mga tingin nito kahit na may talim ang mga salita. "Ms. Forbes, sa wakas! Akala ko ba naman iindiyanin mo na naman ako ngayon eh!"

Inaasahan na ito ni Louisa. Alam niyang nainsulto si David nang biglaang ipalit si Vivian sa kanya noong huli, at tiyak na sa kanya ito maniningil.

Sa halip na magdahilan, ngumiti lang si Louisa. "Pasensya na po talaga, Mr. Foster. Huwag po sana kayong magtampo, hayaan niyo pong bumawi ako sa inyo."

Dahil siya na mismo ang kusang humingi ng paumanhin, at lalo pa't isa siyang babae, hindi na magawang palakihin pa ng lalaki ang isyu.

Binalingan ni David ang mga kasamahan, "Ano'ng sabi ko sa inyo? Walang paligoy-ligoy itong si Ms. Forbes."

Tinapik nito ang upuan sa tabi niya. "Ms. Forbes, halika, dito ka umupo."

Halatang-halata ang motibo niya.

Alam ni Louisa na hindi lang sa alak mahilig si David—kilala rin itong mabilis ang mga kamay at mahilig mang-chansing.

Kung tatabi siya rito, siguradong makiki-chansing ito sa kanya.

Kaya naman nagkunwari siyang hindi napansin ang alok nito at umupo nang may isang upuang pagitan mula sa lalaki.

Agad na nagdilim ang mukha ni David. May sasabihin pa sana siya nang biglang pumasok sina George at Vivian.

Bahagyang nagulat si David noong una, pero mabilis din siyang nakabawi. Humakbang siya palapit para makipagkamay kay George, at biglang naging maingat at magalang ang tono niya. "Mr. Capulet! Anong laking gulat ko naman! David Foster po. Isang karangalan na makilala kayo."

Siyempre, hindi naman ibababa ni George ang sarili niya sa lebel nito.

Binalewala niya ang masiglang pagbati ni David, at tanging malamig na tingin lang ang isinukli rito.

Napahiya si David, pero mabilis na nakabawi at ipinaghila ito ng upuan. "Mr. Capulet, maupo po kayo."

Umupo si George, habang ang malamig niyang mga mata ay nagmasid sa lahat ng naroon.

Umasta si Louisa na parang hangin lang si George. Sa halip, binati niya ang iba pa at masiglang nakipagkwentuhan kay David.

Personal na sinalinan ni David ng alak ang baso niya nang may nakakalokong ngiti. "Ms. Forbes, nangako ka kanina na babawi ka, 'di ba? O, simulan natin sa isang tagay."

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata