Kabanata 5

"Aba, oo naman po." Walang atubiling inisang-lagok ni Louisa ang alak sa baso niya, saka nagsalin pa ng dalawa at tinungga rin pareho. "Okey na po ba 'to, Mr. Foster?" Pilit siyang ngumiti.

Sa di-kalayuan, napansin ni Vivian na parang hangin lang siya habang pinapanood kung gaano kasanay makisama si Louisa sa mga tusong negosyanteng ito.

Dahil ayaw magpatalo, itinaas din niya ang kanyang baso sabay ngiti nang alanganin. "Mr. Foster, pasensya na po sa nangyari noon. Nadala lang po ako ng emosyon. Para sa inyo po ang tagay na 'to—bilang paghingi ko na rin ng dispensa."

Kahit na nagso-sorry siya, bakas pa rin sa tono niya ang pagiging matapobre at mataas ang tingin sa sarili.

Bilang isang senyoritang lumaking nakapaligid sa yaman at walang kamuwang-muwang sa mga inuman sa negosyo, inakala niyang sapat na ang simpleng pag-imik niya para makuha ang respeto ng kaharap.

Kaso, nakalimutan niyang si David nga pala ang taong binastos niya noon.

Noong sinusubukan nilang magkapirmahan ng kontrata, nang subukan siyang chansingin ni David, ipinahiya niya ito nang sagad sa buto.

Kaya ngayon, ni hindi man lang siya tapunan ng tingin ni David, lalo pa't pansinin ang pag-aalok niya ng tagay.

Sobrang naiilang na siya, pero dahil nasabi na niya, paninindigan na lang niya.

Nabigla siya sa pagtungga—gumuhit sa lalamunan niya ang tapang ng alak, kaya nabulunan siya at napauko sa ubo.

Agad siyang hinagod sa likod ni George na nakaupo sa tabi niya.

Kinuha nito ang baso mula sa kamay niya at malamig na tiningnan si David. "Kaka-graduate lang ng assistant ko at hindi pa sanay uminom. Mr. Foster, ako na ang sasalo sa tagay niya. Pagpasensyahan niyo na po ang bata."

Pagkasabi nito, isang lagukan lang ay inubos niya ang natirang alak sa baso ni Vivian.

Malinaw ang mensahe ng ginawa niyang ito—nasa ilalim ng proteksyon niya si Vivian. Kahit sinong may tamang pakiramdam ay palalampasin na ang atraso ni Vivian bilang pagbibigay-galang sa kanya.

Kaso, nakalimutan niyang nandiyan pa rin si Louisa sa hapag.

Nang masaksihan ang eksenang iyon, tila biglang nag-apoy sa sikmura ni Louisa ang tatlong basong tinungga niya. Halo-halong pait, sakit, at matinding pagduduwal ang naramdaman niya.

Ang masaklap pa, panay ang salin ni David sa baso niya, halatang pursigidong lasingin siya.

Nang makita ito, sa wakas ay kinakitaan din ng pag-aalala si George. Tinakpan nito ng kamay ang baso ni Louisa. "Ako na rin ang sasalo sa tagay ni Ms. Forbes."

"Mr. Capulet, napakaginoo niyo naman," nakangiting sabi ni David.

"Oo nga naman, Mr. Capulet. Sinasalo niyo ang tagay ng assistant at ng secretary niyo. Hindi po ba parang sobra na 'yan?" sabat pa ng isang kasamahan nito.

Kahit na hamak na mas mababa ang posisyon nila kumpara kay George, dala-dala nila ang pangalan ng Taylor Group at hindi nila pwedeng ipahiya ang kumpanya.

Isa pa, sa ganitong inuman pang-negosyo, ang inaasal ni George ay lantarang pambabastos sa Taylor Group.

Nasa tama sila—kaya wala silang dapat ikatakot.

Sumegunda pa ang pangatlong kasamahan, "Kaya nga po. Kung kayo ang sasalo sa lahat, paano pa tayo mag-iinuman dito? Ganito na lang—pumili po kayo ng isang sasaluhin niyo, hindi pwedeng pareho. Ano po sa tingin niyo?"

Hindi pa man natatapos magsalita ang lalaki, nagdilim na ang mukha ni George at naging nakakapanindig-balahibo ang lamig ng titig nito.

Binalot ng nakakabinging katahimikan ang buong private room.

Nanatiling walang kibo si Louisa. Alam niyang kung ipipilit ni George na saluhin ang tagay niya, hindi na rin naman mangungulit pa ang mga taga-Taylor Group. Ang pinakamasaklap na lang na pwedeng mangyari ay ang hindi matuloy ang pirmahan ng kontrata.

Pero gusto niyang manahimik na lang muna at tingnan kung ano ang magiging desisyon ni George.

Nang sandaling iyon, tumingin si Vivian sa kanya na may nagmamakaawang mga mata. "George, ayoko sanang uminom eh."

Habang nagsasalita, palihim niyang pinulupot ang daliri niya sa kamay ng binata sa ilalim ng mesa.

Pinisil ni George ang kamay niya, sabay bigay ng tingin na nagsasabing: Huwag ka nang pasaway.

Sa paningin ng mga nakapaligid sa kanila, ang palitan nilang ito ay mukhang napakatamis at parang naglalambingan.

Nagkatinginan at ngumiti nang makahulugan ang mga lalaki sa mesa. "Mukhang malinaw na kung ano ang desisyon mo, ah."

Sa totoo lang, ang nasa isip ni George ay sanay sa layaw si Vivian buong buhay niya, kaya hindi nito kakayanin ang ganitong klaseng sitwasyon.

Iba naman si Louisa—sanay na sanay na siyang humarap sa kahit anong klaseng kliyente. Kahit gaano pa man sila kahirap kausap, palagi siyang nakakahanap ng paraan.

Ngayong araw, kailangan niyang ipaubaya kay Louisa ang sitwasyon.

Babawi na lang siya rito pagkatapos.

Lingid sa kaalaman niya, may malalang sakit sa sikmura si Louisa. Kapag uminom siya ng alak, magdudugo ang tiyan niya at maaari itong mauwi sa malagim na trahedya.

Mariin niyang kinagat ang kanyang labi at nanatiling tahimik, habang isang mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.

Tila ba ang lahat ng paghihirap niya ay balewala kumpara sa isang simpleng "George" ni Vivian.

Ang nakakabasag-taingang tawanan sa paligid ay nagpaugong sa kanyang ulo at nagpalabo ng kanyang paningin.

Pagkatapos ay umabot si David para muling punuin ang kanyang baso. "Ms. Forbes, tagay pa tayo!"

Saglit na ipinikit ni Louisa ang kanyang mga mata, pinipilit na panatilihin ang kanyang pagiging kalmado. Ngumiti siya kay David, "Kung gusto niyo pong uminom, sasamahan ko ho kayo. Pero bago tayo mag-inuman, hindi po ba dapat pag-usapan muna natin ang proyekto?"

Binalewala ni David ang mungkahi niya. Matapos punuin ang kanyang baso, sumandal ito at ngumiti, "Bakit ba nagmamadali kayo, Ms. Forbes? Wala pa nga kayong nakakain eh. Naisip ko lang na medyo matabang ang isda. Dapat niyo itong tikman."

Matalas ang pakiramdam ng lahat ng naroroon para makuha ang ipinapahiwatig niya: kung gusto nilang makuha ang kontrata, kailangang magbigay ng mas magandang alok ang Capulet Group.

Plantsado na sana ang kontrata—ang biglaang demandang ito ay tila ba isang pangingikil.

Nagdilim ang mukha ni George.

Kaya naman sana niyang bawasan ang kikitain nila, pero kapag ginawa niya iyon, malalagay sa alanganin ang Capulet Group.

Paano pa mapapanatili ng kumpanya niya ang reputasyon nito pagkatapos ng ganoong klaseng pagpaparaya?

Binigyan niya si Louisa ng isang makahulugang tingin—kahit hindi nila mapirmahan ang kontrata ngayong araw, hinding-hindi sila pwedeng magpatalo sa mga kundisyon.

Saglit na sinuklian ni Louisa ang tingin niya, bago kalmadong ngumiti kay David. "Kung gayon, Mr. Foster, gaano karaming 'asin' pa ho ba ang tingin ninyo'y nararapat? Baka naman po may eksaktong porsyento kayong naiisip?"

Nakisakay siya sa patalinghagang salita ni David, sinusubukan kung hanggang saan ang hangganan nito.

Ang tanging tao sa mesa na walang kaalam-alam sa malalim nilang usapan ay si Vivian.

Lumapit siya kay George at bumulong, "George, tanga ba si Ms. Forbes? Paano naman masusukat sa porsyento ang asin?"

Hindi sumagot si George, bagkus ay pinukol lang ng masamang tingin si Louisa.

Hindi siya pinansin ni Louisa.

Nang marinig ni David ang tanong niya, ngumiti ito nang malapad. "Sapat na siguro ang dagdag na bente porsyento."

Tumango si Louisa nang may ngiti. "Kayang-kaya po ang bente porsyento."

Pagkabitaw niya ng mga salitang iyon, nag-iba ang timpla ng mukha ng lahat.

Pinandilatan siya ni George nang matalim. Nilinaw na niya ang gusto niyang mangyari—ano ba itong ginagawa ng babae?

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata