Kabanata 6

Biglang bumaling si Louisa sabay ngiti, "Mukhang hindi na natin makakain ang isdang 'to. Hayaan niyo na—magpapaluto na lang tayo ng bago sa restaurant.

"Kaya lang, balita ko eh malalaki raw ang huli ng restaurant ngayon. Baka hindi na magkasya sa platong ito. At malamang, wala na rin silang mas malaking bandehado para sa isda."

Malinaw ang kanyang pahiwatig: maaaring hindi ang Capulet Group ang pinakaperpektong pagpipilian ng Taylor Group, pero masyadong mabigat ang mga hinihingi ng mga ito. Bukod sa Capulet Group, wala nang ibang kumpanya ang may kakayahang saluhin ang buong proyekto.

Ito mismo ang dahilan kung bakit ang Capulet Group ang unang nilapitan ng Taylor Group.

Malinaw ang gustong iparating ni Louisa—gumawa siya ng assignment at pinag-aralang mabuti ang Taylor Group. Ang Capulet Group lang ang tanging pag-asa nila, kaya huwag na silang umabuso sa sitwasyon.

Nakahinga rin nang maluwag si George. Alam talaga ng babaeng 'to ang ginagawa niya.

Naging alanganin ang mukha ni David, at madiin siyang nagsalita habang nagngingitngit ang mga ngipin, "Mukhang ginawa mo nga nang maayos ang assignment mo."

Gumanti ng ngiti si Louisa sabay taas ng kanyang baso. "Masyado niyo naman po akong pinupuri, Mr. Foster. Cheers!"

Pagkatapos n'yon, naging tuluy-tuloy na ang takbo ng meeting nang wala nang naging sagabal, at matagumpay na napirmahan ang kontrata.

Ramdam ni Louisa na mabilis nang bumibigay ang katawan niya. Parang sinusunog ang sikmura niya sa sobrang hapdi, dahilan para mamutla siya na parang bangkay. Palabo nang palabo ang paningin niya, habang namumuo ang malalaking butil ng pawis sa kanyang noo at basang-basa na ang kanyang blusa.

Isang tagay pa, siguradong ikamamatay na niya.

Pero panay pa rin ang salin ni David sa baso niya. Halatang-halata na ang maitim nitong balak.

Dahil wala siyang nakuhang mas magandang pabor mula sa Capulet Group, pagbabayarin niya si Louisa gamit ang katawan nito.

Nabasa rin ito ni Vivian.

Napansin niya ang hirap na hirap na mukha ni Louisa at ngumiti nang nakakaloko, may masamang kislap sa kanyang mga mata. Gusto niyang makita kung paano makakalusot si Louisa sa sitwasyong ito nang wala ang proteksyon ni George.

Sa isiping iyon, bumaling siya kay George at biglang nag-anyong inosente at kaawa-awang dalaga. "George, pagod na 'ko. Nahihilo na ako sa amoy ng alak eh. Pwede bang ihatid mo na muna ako pauwi?"

"Eh..." Nag-alangan si George, at kusang napasulyap kay Louisa.

Agad na kumapit si Vivian sa braso niya, nagmamakaawang tumingin sa kanya, at sobrang lambing ng boses na nagpa-cute. "Sige na, George."

Tinimbang ni George ang sitwasyon. Baka kailanganin pa ni Louisa ng bente minutos para tapusin ang lahat—sapat na oras para maihatid niya si Vivian pauwi.

Nang makita ang pagkakataon, sumingit si David at sinabi kay George, "Mr. Capulet, sige na, ihatid mo na ang assistant mo pauwi. Pwede namang magpaiwan si Ms. Forbes para samahan pa akong uminom."

Malamig na tumango si George, at sinabi kay Louisa, "Ikaw na ang bahala rito. Ihahatid ko muna siya pauwi."

Nang hindi na hinihintay ang sagot ni Louisa, kinuha niya ang kanyang coat at umalis kasama si Vivian.

Hindi na niya napansin ang matagumpay na sulyap ni Vivian kay Louisa nang hindi siya nakatingin—isang lantarang pang-aasar: 'Louisa, atat na 'kong makita kung paano ka mamatay ngayon!'

Napakuyom nang mariin si Louisa. Pagkasara ng pinto sa likuran nila, parang naging yelo ang dugo niya sa sobrang panlalamig.

Hindi ba nakikita ni George na kanina pa siya nilalasing ni David dahil gusto siyang pagsamantalahan nito?

Bwisit! Bwisit na George 'yan!

Alang-alang kay Vivian, wala talaga siyang pakialam kahit pa sirain niya ang proyekto nito.

Kung ganoon din lang naman, ano pa ba ang dapat niyang ikatakot?

Sagad na sagad na ang katawan niya. Tila naubos na ang lahat ng kanyang lakas, at isang malansang lasa ng dugo ang umakyat mula sa kanyang sikmura patungo sa kanyang lalamunan.

Pinilit niyang lunukin pabalik ang dugo.

Nauubusan na siya ng oras. Kailangan niyang iligtas ang sarili sa lalong madaling panahon.

Pero ngayon, silang dalawa na lang ni David ang natira sa loob ng private room. Sa harap-harapang laban, wala siyang kawala.

Ngayong wala nang ibang tao, hindi na itinago ni David ang kanyang maitim na balak.

Nilapitan niya si Louisa. Malagkit ang tingin ng maliliit nitong mata sa kanya, dinilaan ang mga ngipin sa likod at ngumisi. "Bata pa man din si Mr. Capulet, pero alam na niya ang laro. Nakita niyang kursunada kita, kaya parang inihain ka na rin niya sa akin."

Nanatiling kalmado ang hitsura ni Louisa habang papalapit si David. Bumaba ang kamay niya sa kanyang pitaka, mahigpit na hinawakan ang hawakan nito habang palihim na pinasadahan ng tingin ang buong kwarto, naghahanap ng anumang posibleng matatakasan.

Sa kabila nito, nanatiling maaliwalas ang kanyang mukha, nakuha pa niyang ngumiti kay David. "Oo nga, umalis na si Mr. Capulet, pero nandito pa si Mrs. Foster."

"Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong ni David.

Lalo pang lumapad ang ngiti ni Louisa. "Hindi ba kayo nag-uusap ng asawa mo? Hindi mo ba alam na may usapan silang magkikita ng mga kumare niya dito sa Dreamscape Club para maghapunan ngayon? Inalam ko na para sa'yo—nasa floor na ito si Mrs. Foster, sa Room D. Hindi ba dapat puntahan mo siya para bumati?"

Sadyang pinili ni Louisa ang Dreamscape Club dahil nandoon ang asawa ni David—para bigyan ang sarili niya ng lusot.

Nakapangasawa ng mayaman si David at halos buong buhay niya ay naging 'ander de saya' siya, sunud-sunuran at bantay-sarado ng kanyang asawa.

Pero sa pagkakataong ito, hindi siya nagpatinag. Nanlilisik ang mga matang tiningnan niya si Louisa. "Kahit pa nandito ang matandang hukluban na 'yon ngayon, makukuha pa rin kita. Wala kang kawala!"

Akmang dadakmain niya ang dalaga.

Mabilis na umiwas si Louisa at biglang sumigaw papunta sa pinto. "Mrs. Foster!"

Si David, na nakondisyon na dahil sa ilang taong pagiging takot sa asawa, ay awtomatikong napalingon sa pinto.

Sa sandaling iyon, ginamit ni Louisa ang lahat ng natitira niyang lakas para tumakbo palabas.

Nang mapagtanto ni David na naisahan siya, napamura siya at mabilis itong hinabol.

Sa mga oras na ito, halos hindi na makatayo si Louisa, paano pa kaya ang tumakbo. Nagdasal siya nang taimtim na sana ay makasalubong siya ng kahit sinong staff na pwedeng magligtas sa kanya.

Pero sa kasamaang-palad, walang kahit isang tao ang makita nang makalabas siya. Hindi nagtagal, naabutan siya ni David.

Malagkit nitong pinasadahan ng tingin ang kanyang katawan, may nakapangingilabot na ngisi habang dinidilaan ang mga labi. "Malandi ka, tingnan natin kung makatakas ka pa ngayon."

Hindi pa man siya natatapos magsalita, hinablot na nito ang kanyang pulso at kinaladkad siya pabalik sa kwarto.

Kusa niyang ginamit ang isa niyang kamay para desperadong kumapit sa gilid ng pasamano ng bintana.

Pero masyado na siyang maraming nainom na alak ngayong gabi, at sa pag-atake ng sakit sa kanyang sikmura, pakiramdam niya'y sinusunog ang kanyang lamanloob.

Ang kakarampot na lakas na natitira sa kanyang katawan ay mabilis na naglalaho.

Wala na siyang lakas para manlaban. Isang matinding pakiramdam ng kawalan ng pag-asa ang bumalot sa kanya.

Unti-unting bumitaw ang kanyang mga daliri mula sa pasamano, at si David, na may demonyong ngisi, ay kinaladkad siya pabalik sa loob ng kwarto.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata