Kabanata 9
May kutob si George na may mali, pero nang makita niya ang napakatamis nitong ngiti, hindi niya matukoy kung ano ba talaga ang kakaiba.
Sabagay, mabuti na lang at hindi na ito galit.
"Saan ang lakad mo?" kaswal niyang tanong.
"May usapan kami nina Sadie at Flora na mag-shopping. Aalis na ako."
"Sige lang. Bilhin mo lahat ng gusto mo—huwag kang magtipid."
Palihim na napatawa si Louisa sa isip niya. Siyempre hindi siya magtitipid—milyun-milyong dolyar ang ipinapasok niyang kita para sa asawa taun-taon. Bakit naman siya maghihigpit ng sinturon para lang waldasin ng ibang mga babae ang pera?
Umalis siya ng bahay, sumakay sa kanyang kotse, at dumiretso para makipagkita sa dalawang kaibigan.
Kahit na ang usapan nila ay mag-shopping, may mas mahalaga siyang sadya ngayong araw: ang magpa-interview para sa isang bagong trabaho.
Pagdating niya sa pinag-usapang café, nandoon na sina Sadie at Flora Young.
Naka-order na sila ng kani-kanilang inumin at nakaupo sa isang bilog na mesa. Magkaharap ang dalawa, hawak ang mga cellphone, at nagkukuwentuhan habang nag-i-scroll.
Umupo si Louisa sa bakanteng upuan sa pagitan nila.
Inusog ni Sadie ang isang tasa ng kape papunta sa kanya. "Latte, walang asukal."
"Kilalang-kilala mo talaga ako." Tinanggal ni Louisa ang takip at humigop ng kape.
Nang mapansin niyang nakatutok pa rin ang dalawa sa mga cellphone nila, kaswal siyang nagtanong, "Ano bang tinitingnan niyo riyan? Anong chika ngayon?"
Iniharap ni Flora ang cellphone niya para makita ni Louisa. "Si David Foster, 'yung bayaw ng CEO ng Taylor Group, idinemanda raw ng Dreamscape Club."
Natigilan sandali si Louisa. Idinemanda si David?
Dahil kaya ito sa nangyari kagabi?
Agad niyang hinablot ang cellphone ni Flora para basahin ito. Nakasaad sa headline: #Bayaw ng CEO ng Taylor Group na si David Foster, Idinemanda ng Dreamscape Club Dahil sa Tangkang Panghahalay.
Walang masyadong detalye ang artikulo. Hindi nito inilarawan kung ano ang eksaktong nangyari at hindi rin binanggit ang pangalan ni Louisa—puro mga haka-haka at opinyon lang ng editor ang nakasulat.
Walang kamalay-malay sina Flora at Sadie na si Louisa ang bida sa isyung ito, kaya patuloy lang sila sa kaswal na pagpapalitan ng kuro-kuro.
"Tarantado talaga ang hayop na 'yan," pagmumura ni Flora. "Nabalitaan ko na ilang beses na raw 'yang namimilit ng mga babaeng kliyente para makakuha ng sexual favors. Sa wakas, may naglakas-loob ding turuan siya ng leksiyon."
Tumango si Sadie. "Nakakadiri naman talaga ang mga ganyang manyak, pero isipin natin nang maigi. Kapag may nangyayaring ganito sa loob ng isang club at hindi naman natuluyan ang biktima, madalas ay nananahimik na lang ang management para protektahan ang reputasyon nila. Bakit kaya kabaligtaran ang ginawa ng club na 'to at sila pa mismo ang nagdemanda sa kliyente?"
Sumagot si Flora, "Ganyan ang gagawin ng mga pipitsuging club. Pero ang Dreamscape Club ay isang high-end na lugar na pag-aari ng Tudor Group. Kabilang ang pamilya Tudor sa mga pinaka-elite sa Silverlight City at kilala silang makatao. Siguro hindi sila bababa sa lebel ng mga maduduming kalakaran ng mga ordinaryong club."
Kumontra si Sadie, "Kung ganyan ang lohika mo, hindi ba dapat inilabas na ng Tudor Group ang buong katotohanan? Bakit ang labo ng mga pahayag nila at hinahayaan pa nilang mabatikos sila ng publiko?"
Umiling si Flora. "Aba, ewan ko."
Habang nakikinig sa usapan ng dalawa, biglang naalala ni Louisa na ang Dreamscape Club ay pag-aari nga pala ng Tudor Group.
Kahit hindi na niya masyadong maaninag ang mukha ng lalaking iyon, tandang-tanda niya kung paano ito lumapit sa kanya na may awrang umaapaw sa kapangyarihan at pagiging kagalang-galang.
Isa kaya siya sa mga boss ng Tudor Group?
Magtatanong na sana siya kay Flora nang magkataong napatingin ito sa kanya.
Nang mapansin ang suot ni Louisa, naiinis na hinipo ni Flora ang tela ng damit nito. "Diba ang sabi ko sa 'yo magsuot ka ng cute at kaswal na dress? Ano ba 'tong suot mo?"
Dumepensa si Louisa, "Grabe, ito na nga ang pinakasimple kong damit, at sa interview ang punta ko. Hindi ba 'to pwede?"
Napanganga na lang si Flora. "Bes, sa paningin nadadala ang mga lalaki, lalo na sa isang golf club. Wala tayo sa opisina ng Tudor Group."
Hindi kasi babagay kay Louisa ang mga bakanteng posisyon ngayon sa Tudor Group—masyadong mababa ang mga iyon kumpara sa kakayahan niya.
Nabalitaan ni Flora mula sa kaibigan niyang si Wallace Morgan na naghahanap daw si Julian ng chief secretary at wala pa itong napipisil na tamang tao.
Sakto naman, may usapan sina Wallace at Julian na maglaro ng golf ngayong araw.
Ginamit ni Flora ang koneksyon niya at humingi ng pabor. Binalak niyang isama si Louisa deretso sa golf course.
Pinasadahan niya ng matalim na tingin si Louisa. "Puhunan ko ang ganda ko para lang makuha ang opurtunidad na 'to para sa'yo. Kaya umayos ka at galingan mo, maliwanag?"
Natatawang sumagot si Louisa, "Salamat po, Ms. Young. Pangako, hindi ko sasayangin ang 'ganda' mo."
Mabuti na lang at nasa mall sila, kaya naging madali ang pagbili ng bagong isusuot.
Matapos iyon, hinayaan na lang ni Louisa na si Flora ang pumili at mag-ayos sa kanya.
Sa huli, napili ni Flora ang isang astig na golf outfit para sa kanya—isang puting sleeveless shirt na hapit sa katawan, na lalong nagpatingkad sa kanyang balingkinitan at perpektong baywang. Pinatungan ito ng dark gray na pleated skirt na naglantad sa kanyang mahahaba at mapuputing binti.
Simpleng nakatali ng ponytail ang mahaba niyang buhok, na nakalusot sa butas sa likod ng suot niyang baseball cap.
Mukha siyang presko at parang diwata sa ganda—talagang nakakabighani.
Bumulong si Flora kay Sadie, "Tingnan mo 'tong si Louisa natin—parang hunyango. Kahit anong look, kayang dalhin! Maging artistic, professional, mature, o inosente man—kuhang-kuha niya lahat nang perpekto.
"Ewan ko ba kung nabulag na 'yong si George. Paano naman maikukumpara ang Vivian na 'yon sa Louisa natin, aber?"
Sumenyas si Sadie na hinaan niya ang boses niya.
Pero huli na, narinig na ito ni Louisa; nagbingi-bingihan na lang siya.
Matapos magbayad, lumabas na ang tatlo mula sa boutique.
Bumalik si Sadie sa kanyang law firm, habang magkasama namang bumiyahe sina Flora at Louisa papunta sa Golden Tee Golf Club.
Pabalik-balik ang tingin ni Louisa sa suot niya. "Sigurado ka ba talagang okay lang 'to?"
Habang tinitingnan niya ang sarili, lalo siyang naiilang.
Pinasadahan ng tingin ni Flora ang makikinis at seksing binti ni Louisa habang nagmamaneho. "Sa ganda ng mga binti mong 'yan, mamatay-matay ako sa inggit. Paniguradong magkakandarapa ang mga lalaki makasama ka lang. Lakasan mo nga ang loob mo, ano ba!"
Napabuntong-hininga na lang si Louisa sabay tawa. "Mag-i-interview po ako, hindi mang-aakit."
Ganti naman ni Flora, "Julian Tudor 'yan, ang ikatlong anak ng pamilya Tudor. Isang elite, aristokrata, at boss ng Tudor Group—halos parang alamat na ang lalakeng 'yan sa perpekto. Ano naman ang masama kung akitin mo siya para magkaroon kayo ng matamis na love life?"
"Hep, tama na!" mabilis na angal ni Louisa. "Career lang ang focus ko ngayon. Pass muna ako sa mga lalaki."
Isa pa, hindi ba't sa umpisa lang naman matamis ang lahat ng relasyon?
Matapos ang naging karanasan niya kay George, pakiramdam ni Louisa ay nadala na siya at namulat sa mga mapanlinlang na ilusyon ng pag-ibig.
Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, nakarating na sila sa parking lot ng club.
Ipinark ni Flora ang kotse at nakaangkla ang braso kay Louisa habang naglalakad sila papunta sa entrance.
Ang dalawang magagandang babae—ang isa ay presko at parang diwata, habang ang isa naman ay masigla at kaakit-akit—ay agad na nakawaglit sa atensyon ng maraming kalalakihan.
Naglakad sila papunta sa napag-usapang tagpuan.
Pagdating nila sa gitna ng golf course, naaninag nila ang isang matangkad na bulto ng lalaki na nakatayo sa ilalim ng sikat ng araw.
