Kabanata 3
"Mommy, pupuntahan na po ba natin si Tito Frank ngayon?" tanong ni Timothy. Nakatingala siya, at ang mga bilog at inosenteng mata niya na animo'y ubas ay punong-puno ng pag-uusisa.
"Sabi po ni Tito Frank, may sorpresa raw siya para sa atin!" sabik na dagdag ni Thomas.
Masuyong ngumiti si Sophie sa kaniyang mga anak. "Opo, pupunta tayo. Pero dadaan muna tayo sa bago kong photography studio, ha?"
Mahigpit na magkalaban sa negosyo sina Frank Turner at Benjamin, pero naging isa si Frank sa mga pinakamatalik na kaibigan ni Sophie.
Noong mga panahong bingit na siya sa kamatayan sa loob ng kulungan, si Frank ang gumamit ng impluwensiya nito para itakas siya. Pinalabas nitong siya ang presong namatay para lang mailigtas siya.
Kung hindi dahil kay Frank, malamang ay matagal na silang wala sa mundong ito ng kaniyang mga anak.
"Yehey! Makakapaglaro na kami ni Tito Frank!" bulalas ni Thomas na tuwang-tuwa at halos magtatalon sa galak.
Lalo pang lumapad ang ngiti ni Sophie habang pinagmamasdan ang kaniyang mga anak.
Wala sa hinagap niya na kambal pala ang dinadala niya sa sinapupunan noong tumakas siya patungong ibang bansa.
Habang lumalaki ang mga bata, palakas nang palakas ang kamukha nila kay Benjamin—ang matipunong hugis ng panga, at ang malalalim at asul na mga mata.
Subalit malayo sa malamig at walang-pakialam na ugali ni Benjamin, si Thomas ay sobrang bibo at masigla. Si Timothy naman ang mas malalim mag-isip at tahimik.
Binuksan ni Sophie ang pinto ng sasakyan. Sumakay si Thomas sa passenger seat sa unahan, habang pumwesto naman si Timothy sa likod.
Matapos isilang ang kambal sa ibang bansa, muling binalikan ni Sophie ang kaniyang unang pag-ibig—ang potograpiya.
Noong panahong gumagawa pa lang ng pangalan si Sophie sa mundo ng potograpiya dahil sa kaniyang sikat na litrato ng isang cheetah na mabilis na tumatakbo sa ilang, bukambibig ng lahat na biniyayaan talaga siya ng Diyos ng pambihirang talento.
Kahit nga ang mga simpleng pitik niya ng camera ay may taglay na kakaiba at natatanging ganda.
Ngunit naging bulag siya noon at tinalikuran ang kaniyang pangarap para lang kay Benjamin. Dahil doon, ang dating tinitingalang henyo sa potograpiya ay bigla na lang naglaho na parang bula sa industriya.
Kapag inaalala niya ang mga panahong iyon, iisa lang ang naiisip ni Sophie—naging isa siyang malaking tanga na nabuhay sa ilusyon.
Ang pinakamalaking pagkakamaling nagawa niya sa buhay ay ang isakripisyo ang lahat-lahat para sa pesteng pag-ibig na iyon. Salamat na lang sa Diyos at hindi siya nawalan ng lakas ng loob na magsimulang muli. Kahit pa nadurog nang pino ang kaniyang pagkatao, gumawa siya ng paraan para muling bumangon at buuin ang sarili.
Dahan-dahan lang ang pagmamaneho ni Sophie. Ibinaba niya ang mga bintana ng sasakyan para ma-enjoy ng mga bata ang magandang tanawin at simoy ng hangin sa Luminous City.
Abala naman si Thomas sa pag-scroll ng mga balita sa kaniyang cellphone.
Nang huminto sila sa red light, sumulyap si Sophie sa screen ng anak at napansing nanonood ito ng isang interview tungkol sa balitang pangnegosyo.
Masiglang ipinapakilala ng host ang kanilang bisita, "Isang malaking karangalan po na makasama natin ngayon ang CEO ng sikat at tanyag na Brown Group, walang iba kundi si Mr. Benjamin Brown..."
Hindi pa man natatapos magsalita ang host, isang maliit na kamay mula sa likuran ang biglang umabot sa cellphone at ini-swipe paalis ang video.
Agad na napanguso si Thomas. Naiinis siyang lumingon sa kaniyang kapatid. "Timothy, bakit mo naman ginawa 'yon?"
"Galit ako sa kaniya," mabilis at walang kagat-tulak na sagot ni Timothy.
Napataas ng kilay si Sophie, halatang nagtataka. "Timothy, anak, hindi mo pa naman siya nakikita nang personal. Bakit ganoon na lang ang galit mo sa kaniya?"
"Dahil sinaktan ka niya," sagot ni Timothy na puno ng paninindigan. "Ipinanganak po kami ni Thomas sa mundong ito para protektahan ka. Kaya kung sino man ang manakit sa 'yo, kaaway namin siya."
Sunod-sunod na tumango si Thomas bilang pagsang-ayon. "Tama po! Walang sinuman ang pwedeng manakit sa Mommy namin habang nandito kami."
Napakurap si Sophie. Biglang may mainit na pakiramdam na binalot ang kaniyang puso, tila natutunaw sa sobrang pagmamahal.
Ang kaniyang mga pinakamamahal na anak ay lumaki na hindi lang nagsisilbing kahinaan niya, kundi sila rin ang naging lakas niya—ang kaniyang matibay at hindi matitibag na sandata.
"Alam ko mga anak. Pero..."
Unti-unting humina ang boses ni Sophie dahil sa pag-aalinlangan. Hindi pa niya kailanman napag-usapan sa mga bata kung sino ang kanilang ama, kahit pa nagtanong na sila noon.
Matapos niyang iwasan ang kanilang mga tanong nang ilang beses, tila naramdaman nina Timothy at Thomas ang kanyang pagkailang at hindi na nila ito inungkat pa.
Ngayon, dahil sa mga sinabi nila, napaisip tuloy siya kung may alam na ba sila nang higit pa sa inaakala niya.
Kinumpirma ng mga sumunod na salita ni Timothy ang kanyang hinala.
"Mommy, alam na po namin ni Thomas ang itinatago niyo."
Itinuro ni Thomas ang sarili niyang mukha. "Mommy, hindi po kami tanga."
Sandaling natameme si Sophie.
Umabot na sa rurok ang impluwensya ni Benjamin. Kahit hindi sila nakatira sa Luminous City, madalas pa ring lumabas ang mga balita tungkol sa kanya sa kanilang mga feed.
Dahil sadyang matatalino ang mga bata, paano nga ba naman nila hindi mapapansin ang matinding pagkakapareho ng kanilang mga mukha sa lalaking nasa mga balita?
Nag-berde ang traffic light, at muling nagmaneho si Sophie.
Hawak niya ang manibela ng isang kamay, iniisip pa rin ang kanilang pinag-usapan.
"Thomas, Timothy, kung balang araw..." Maingat na pinili ni Sophie ang kanyang mga salita.
Ngunit bago pa siya matapos, walang pag-aalinlangang sumingit ang dalawang bata. "Mommy, hindi po darating ang araw na iyon. Palagi lang po kaming nasa tabi niyo."
Nanginig ang mga mata ni Sophie dahil sa matinding emosyon. Minsan, may mga bagay na hindi na kailangan pang sabihin nang diretsahan.
"Sige," sabi niya, ang kanyang mga mata ay puno ng kaligayahan at kapanatagan.
Papalapit na sila sa kanto pakaliwa. Inikot ni Sophie ang manibela at nagpatuloy sa pag-andar, walang kamalay-malay sa sakay ng Rolls-Royce na naghihintay sa kalapit na traffic light.
Hindi makapaniwalang napatitig si Benjamin sa mukha ni Sophie habang dumaraan ang sasakyan nito.
Sandali niyang pinagdudahan ang sarili niyang mga mata. Hindi ba't namatay na si Sophie sa loob ng kulungan? Paanong buhay pa siya?
Ngunit ang nakita niya ay tila totoong-totoo.
Ang Sophie na nahagip ng kanyang paningin ay mayroon pa ring magagandang katangian na natatandaan niya, ngunit mas mukha na itong mature ngayon, at may lalim sa kanyang pagkatao na hindi maipaliwanag.
Agad siyang nag-utos sa kanyang driver, "Sundan mo ang kotseng kakaliko lang sa kaliwa."
Nag-alangan ang driver. "Pasensya na po, Mr. Brown, pero nakalayo na po ang kotse. Hindi na po natin sila maaabutan."
Unti-unting nakahinga nang maluwag ang naninigas na katawan ni Benjamin. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sinabi, "Tumuloy na tayo sa orihinal nating pupuntahan. Tingnan natin ang bagong site ng kumpanya."
"Masusunod po, Mr. Brown."
Samantala, huminto si Sophie sa harap ng kanyang photography studio.
Tinulungan siya ni Frank na itayo ang negosyo gamit ang isang pekeng pagkakakilanlan. Sa paglipas ng mga taon, lumago ito at nakahikayat ng maraming sikat at mayayamang kliyente.
Pagbaba ni Sophie sa kotse, napansin niyang halos tapos na ang renobasyon sa katabing pwesto, bagaman wala pa itong mga dekorasyon sa labas. Hindi pa niya matukoy kung anong negosyo ang uupa rito.
Naisip na niya noon na palawakin ang kanyang studio sa pwestong iyon kung patuloy na lalago ang negosyo, ngunit may nauna na pala sa kanya.
Hinawakan ni Sophie ang mga kamay ng kanyang mga anak. "Halina kayo sa loob at tingnan natin."
Hindi nagtagal matapos nilang pumasok, huminto ang kotse ni Benjamin sa mismong lugar na iyon.
Malalim na pinagmasdan niya ang itim na SUV na nakaparada sa tabi ng gusali, na tila pamilyar na pamilyar sa kanya.
Kamukhang-kamukha ito ng sasakyang nakita niyang minamaneho ni Sophie kanina lang.
Posible kaya...?
