Kabanata 7
Sa loob ng mansiyon ng mga York.
Nakahiga si Laura sa kanyang kama at blangkong nakatulala sa kisame, habang walang-tigil ang pag-agos ng mga luha sa kanyang pisngi.
"Ma, bakit ba kailangan akong siraan at hiyain nang ganun ni Aria?" humahagulgol na sumbong ni Laura, halos hindi na makahinga sa kakaiyak.
"Anak, alam kasi niyang wala tayong kakampi at aping-api tayo rito, kaya ganoon na lang kung tapak-tapakan niya tayo!" mahigpit na niyakap ni Ruth si Laura.
Sabay nilang pinunasan ang kanilang mga luha, na animo'y sila ang mga tunay na biktima sa sitwasyon.
Humakbang palapit ang ama ni Aria na si Ian York. Madilim ang kanyang mukha at nag-aapoy sa galit ang mga matang nakatitig sa anak.
"Tingnan mo nga 'yang ginawa mo!" bulyaw ni Ian kay Aria.
"Bakit ako ang sinisisi niyo? Ano bang kinalaman ko riyan?" inis na sagot ni Aria, halatang nauubusan na ng pasensya.
"Kung hindi dahil sa ideya mong hanapin ng lahat si Laura, lalaki ba nang ganito ang isyu? Ngayon, dinalhan mo ng malaking kahihiyan ang pamilya natin!" nanlilisik ang mga matang tiningnan ni Ian si Aria.
"Si Laura naman talaga ang may gawa niyan, tapos sa akin niyo isisisi?!" matapang na itinaas ni Aria ang kanyang noo.
Sinalubong niya ang tingin ni Ian. Bakas sa kanyang mga mata ang matinding hinanakit at pagtutol sa hindi makatarungang paratang.
Malinaw pa sa sikat ng araw na si Laura ang may kasalanan. Bakit siya ang pinagbubuntungan ni Ian ng galit nang hindi man lang inaalam ang buong katotohanan?
"Aba't sasagot ka pa? Mabait na bata si Laura, paano niya magagawa ang ganoong bagay? Sigurado akong naiinggit ka lang sa kanya kaya sinadya mo siyang siraan!"
Sarado ang isip ni Ian sa anumang paliwanag. Ipinilit niyang si Aria talaga ang may sala, at hindi na mababago ang desisyon niya.
"Wala nga po akong ginawa!" malakas na ganti ni Aria.
"Tama na, ayoko nang makarinig ng kahit ano. Para pagbayaran ang kasalanan mo, gagawan mo ng kanta si Laura para manalo siya sa Dream Awards." Tumigil nang saglit si Ian bago nagpatuloy. "At bukod pa roon, ibibigay mo kay Laura ang limang porsyentong share mo sa kumpanya bilang danyos." Napakalamig ng tono ni Ian, nagpapahiwatig na pinal na ang desisyon niya at hindi na ito pwedeng tutulan.
Pagkarinig sa mga binitawang salita ng ama, tila binuhusan ng malamig na tubig si Aria. Gumapang ang matinding panlalamig mula sa kanyang dibdib patungo sa buong katawan niya, dahilan para manginig siya nang bahagya.
Masakit na ngang isipin na pinalitan ang pangalan ng Russell Group at ginawang York Group. Pero mas hindi niya lubos akalain ang kasakiman ni Ian—na pag-iinteresan pa nito ang tatlumpung porsyentong share na pamana sa kanya ng sarili niyang ina.
Paanong hindi madudurog ang puso niya sa ganitong kawalang-puso ng sarili niyang ama?
Ngunit batid ni Aria ang mapait na katotohanan. Dito sa loob ng pamilya York, mag-isa lang siya at wala siyang kalaban-laban.
Matagal nang itinaboy ang lahat ng mga tapat na tagasuporta ng dating Russell Group. At sa kasalukuyan, ni isa sa mga matataas na opisyal ng board ay walang papanig sa kanya.
Hawak niya nga ang tatlumpung porsyentong share ng York Group, pero wala naman siyang anumang kapangyarihan para magdesisyon.
Kung tuluyan siyang babangga kay Ian ngayon, lalo lang niyang ilalagay ang sarili niya sa alanganin at mas delikadong sitwasyon.
Nang maisip ito, huminga nang malalim si Aria. Pilit niyang nilunok ang galit at pait na nag-uumapaw sa kanyang dibdib.
Tumingin si Aria kay Ian, at ibinalik sa kanyang mga mata ang anyo ng pagiging mahina at inosente. "Dad, wala po talaga akong alam. Mamatay man ako, hinding-hindi ko po sinira ang pangalan niya."
Nang makitang hindi man lang natinag si Ian, nagpatuloy si Aria, "Hindi po ba may CCTV sa labas ng lounge? I-check na lang po natin ang footage para lumabas ang totoo. Kapag napatunayang ako nga ang may gawa, kusa kong ibibigay ang lahat ng shares ko kay Laura bilang paghingi ng tawad."
Dahil sa pagpaparayang ito ni Aria, bahagyang lumambot ang reaksyon sa mukha ni Ian. Nilingon niya si Laura para hingin ang opinyon nito.
Ngunit si Laura, na kanina pa inuusig ng sariling konsensya, ay biglang namutla. Bakas ang matinding kaba sa mukha niya nang marinig ang tungkol sa pag-check ng CCTV.
Balisang-balisa siya dahil alam na alam niyang kapag napanood ang CCTV, mabubuko ang lahat ng mga kawalang-hiyaang ginawa niya.
"H-huwag na nating i-check! Sabi naman ni Aria hindi siya, kaya paniguradong may ibang taong nananadya na gumawa ng gulo sa likod ng lahat ng ito," natataranta at nauutal na palusot ni Laura.
"Baka may gusto lang manira sa aming magkapatid. Saka kahit i-check pa natin ang CCTV, baka wala rin naman tayong mapala." Mabilis na inangat ni Laura ang kanyang ulo mula sa pagkakayakap ni Ruth, habang patuloy na humihikbi at nagpapaawa ang boses.
Ngunit halatang-halata sa mga ikinikilos niya na pilit lamang siyang naghuhugas-kamay para pagtakpan ang sarili niyang kasalanan.
"Laura, para mapatunayang inosente ka, kailangan nating malaman ang buong katotohanan," makahulugang tiningnan ni Aria si Laura.
Kung paliwanag din lang naman ang gusto nila, pwes, aalamin nila kung sino talaga ang tunay na masama ang ugali at walang konsensya.
"Aria, gusto mo ba akong patayin sa kunsumisyon? Hirap na hirap na nga ako sa nangyayari, ano pa bang gusto mo?!" tili ni Laura, halos mapaos na ang boses kakasigaw.
"Tama na," pigil ni Ian sabay taas ng kamay nang akma pa sanang magsasalita si Aria. "Dahil ayaw na rin namang palakihin pa ni Laura ang kasalanan mo, kalimutan na natin ang isyung ito."
Pagkasabi nito, tumayo na si Ian at tuluyang umalis.
Nanlalamig ang mga mata ni Aria. Nang mahalata nitong dehado si Laura sa sitwasyon, bigla siyang nagmalinis at sinabing huwag na raw palakihin ang isyu. Nakakatawa talaga.
Pagkatapos ng sagutan, bumalik si Aria sa kanyang kwarto. Pabagsak siyang humiga sa kama, sagad hanggang buto ang pagod ng kanyang katawan at isipan.
Tulala at blangko ang kanyang mga tingin. Sariwa pa kasi ang sakit ng pagtataksil ng kanyang nobyo at kapatid sa labas na dati'y malapit sa kanya. Bukod pa rito, kapa-resign lang din niya sa trabaho.
Sa mga sandaling iyon, para bang nawawala siya sa sarili at hindi alam kung saan pupulutin ang kanyang kinabukasan.
Sakto namang tumunog ang kanyang cellphone. May mensahe mula kay Lewis.
Dahan-dahang binuksan ni Aria ang mensahe. Habang binabasa ang nilalaman sa screen, hindi niya maiwasang manlaki ang mga mata sa gulat.
Laman kasi nito ang mga ebidensya ng mga kawalang-hiyaang ginawa ng pamilya York. May isang detalye roon na labis na nagpayanig sa kanyang mundo, kaya matagal siyang hindi nakapagsalita.
Lumalabas na hindi pala siya ang dahilan ng atake ng kanyang Lolo. Isa pala itong sinadyang patibong nina Ian at Ruth.
Sukdulan ang kasamaan ng ginawa nilang ito! Nakakapanggigil!
Ang kakapal ng mukha nilang lokohin siya. Pinalabas pa nilang siya ang may kasalanan kaya na-coma at na-confine sa ICU ang kanyang Lolo.
Kaya nga hanggang ngayon, wala man lang siyang lakas ng loob na dalawin ang matanda.
Sa sobrang higpit ng hawak ni Aria sa kanyang cellphone, namuti na ang kanyang mga buko.
Sukdulang poot ang nararamdaman niya para sa pamilyang ito. Para sa pera at kapangyarihan, handa silang managasa ng kahit na sino. Kayang-kaya nilang gumawa ng kahit anong kademonyohan, wala na silang itinitirang konsensya.
Pero ang masaklap, wala siyang kalaban-laban.
Halos hawak na ni Ian sa leeg ang buong pamilya York at ang York Group. Nauto rin siya nina Billy at Laura. Akala niya, sila na ang pinakamabubuting tao sa buhay niya. Dahil doon, ibinigay niya sa kanila ang mga pinakamagagandang proyekto at mga sikat na kanta nang walang pag-aalinlangan, kahit pa dehado siya.
Ngayon, parang suntok sa buwan na maipaghiganti niya ang kanyang Lolo at mabawi ang mga bagay na dapat ay sa kanya.
Sa gitna ng kanyang pag-iisip, pumasok ang isa pang mensahe mula kay Lewis.
[Bukas, pumunta ka kay Brett para ipagamot ang sugat mo sa mukha. Binibigyan kita ng isang linggo para ayusin ang isyu sa engagement mo. Pagkatapos niyan, magpaparehistro na tayo ng kasal agad.]
Natulala si Aria nang mabasa ang mensahe. Pagkuwa'y may isang kakaibang emosyon ang umapaw sa kanyang dibdib.
Pakiramdam niya, masyadong mapang-utos at dominante si Lewis.
Kasal naman iyon ng pamangkin niya, kaya bakit siya ang atat na atat? Daig pa niya ang ikakasal.
Pero sabagay, binigyan naman siya nito ng isang linggo. Sakto rin iyon sa palugit na naisip niya para pormal na tapusin ang engagement.
Sa yaman at impluwensya ni Lewis, kayang-kaya sana nitong makialam at sapilitang ipabuwag ang engagement. Pero pinili nitong irespeto siya at hayaang siya mismo ang umayos ng sarili niyang gulo.
Dahil dito, nakaramdam siya ng gaan at init sa kanyang puso.
Samantala, pagbalik naman ni Laura sa kanyang kwarto, lalo lang siyang nagngingitngit sa inis habang inaalala ang mga nangyari. Kaya naman kinuha niya ang kanyang cellphone at tinawagan si Billy.
"Billy, maniwala ka sa akin, sinet-up lang ako ni Aria!" Pagkasagot pa lang ng kabilang linya, humagulgol na agad si Laura.
"Oo na." Matamlay ang boses ni Billy.
Ayaw na sana niyang pag-usapan ang isyung iyon dahil naaalala lang niya ang eksena kung saan nakahubad si Laura sa tabi ng ibang lalaki.
Matalas ang pakiramdam ni Laura, at iyon din ang mismong dahilan kung bakit patay na patay sa kanya si Billy.
Ginamitan niya ng lambing si Billy hanggang sa kumalma ito at muling maniwala sa kanya.
Nang makumbinsi ang lalaki, tsaka lang muling umiyak at nagmaktol si Laura, "Sigurado akong naiinggit lang sa akin si Aria, kaya sinubukan niya akong ipahiya. Hindi mo pwedeng balewalain na lang ako dahil dito."
"Laura, siyempre naman naniniwala ako sa'yo. Pero ang pinaka-importante ngayon ay mapanatili natin si Aria sa panig natin. May singing competition na sa susunod na mga araw, at kailangan natin ang tulong niya," malambing na pag-alo ni Billy sa kanya.
Nang marinig ito, tumigil sa pag-iyak si Laura at malanding sumagot, "Billy, tama ka. Sige na, tawagan mo na agad si Aria at siguraduhin mong papayag siyang tulungan ako."
