Kabanata 8
Nakipagharutan muna nang sandali si Billy kay Laura sa telepono.
Pagkababa niya ng linya, tinawagan naman niya si Aria. "Aria, huwag ka nang magtampo. Ikaw lang naman ang mahal ko, eh," malambing na sabi ni Billy, kahit na sa totoo lang ay bwisit na bwisit na siya.
Ano'ng akala niya sa kanya, uto-uto?
Napairap na lang si Aria sa hangin at nanatiling tahimik. Gusto niyang makita kung ano na naman ang pakulo ng lalakeng ito.
"Napaka-superficial ng mga tao ngayon. Pero ako? Kahit gaano ka pa kapangit, ikaw pa rin ang pipiliin ko," sabi ni Billy, na pilit pinapatunog na seryoso siya.
"Talaga lang, ha? Tumawag ka lang ba para sabihin 'yan?" Malamig pa sa yelo ang boses ni Aria.
Nakakasuka para kay Aria ang pakinggan ang mga mabulaklak na salita ni Billy.
Pero pinigilan niya ang pandidiri niya. Hinintay na lang niyang diretsuhin na siya ng gagong ito.
"Aria, ano kasi... may hihingin sana akong pabor." Saglit na tumigil si Billy.
Dati-rati, bibida agad si Aria at sasabihing tutulungan niya ito, pero ngayon, nakakabinging katahimikan lang ang sumalubong sa kabilang linya.
Napilitan tuloy magpatuloy si Billy, "Alam mo naman, sobrang importante kay Laura ng paparating na singing contest. Kapag nanalo siya, malaking tulong 'yon para sa Dream Awards."
Palihim na napangisi si Aria.
Ang kapal talaga ng mukha ni Billy. Hindi pa nga sila ayos, tapos heto't humihingi na agad ng pabor para kay Laura. Napakawalang-hiya.
Pero may sariling plano si Aria.
"Sige, payag ako," malumanay na sagot ni Aria, pero may nakakapasong lamig sa kanyang mga mata.
"Sabi ko na nga ba't papayag ka, Aria. Napakasuwerte ko talaga at ikaw ang naging fiancée ko," masayang tugon ni Billy, sabay banat ng mga matatamis na salita para suyuin siya.
Bakas ang pandidiri sa mga mata ni Aria. Dati ba talaga siyang nauuto sa mga ganitong kabaduyan?
Wala namang binatbat ang dalawang bwisit na ito pero atat na atat sa kasikatan at kayamanan. Pwes, pagbabayaran nila ang mga panloloko nila.
Kinabukasan ng maaga, sinunod ni Aria ang bilin ni Lewis at nagpunta sa private clinic ni Brett. Hindi ito bukas sa publiko, kumpleto sa mga high-tech na kagamitan, at eksklusibo lang para sa mga bigating negosyante at matataas na opisyal.
Dahil sa mga peklat sa mukha, pakiramdam ni Aria ay parang hindi siya nababagay sa lugar na iyon.
"Excuse me po, ma'am, may appointment po ba kayo?" magalang na pagharang ng receptionist kay Aria, sabay ngiti ng propesyonal.
"Si Mr. Windsor ang nagpa-schedule sa akin," nag-aalangang sagot ni Aria.
"Ay, Miss York, dito po tayo." Magiliw na iginiya ng receptionist si Aria.
Ayos din ang serbisyo nila rito.
Sumunod si Aria sa receptionist, dumaan sila sa isang maluwang at maliwanag na pasilyo hanggang sa makarating sa consultation room.
Isang guwapong lalaking nakasalamin at nakasuot ng white coat ang nakaupo roon, tutok na tutok sa pagbabasa ng isang makapal na medical record. Hindi man lang ito nag-abalang tumingala at sinabi lang na, "Maupo ka riyan."
Nakakagulat na ang sikat at tanyag na doktor na si Brett ay napakabata at napakaguwapo pala sa personal.
Kalmadong naupo si Aria. "Dr. Astor, ako po si Aria York. Si Mr. Lewis Windsor po ang nag-arrange para maipagamot ko ang mga peklat sa mukha ko."
Pagkasabing-pagkasabi niya nito, biglang napaangat ng tingin si Brett. Tinitigan siya nito nang maigi habang hawak pa rin ang medical record.
"Ikaw si Aria?" Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa, na para bang nakakita ito ng isang kakaibang nilalang.
Nagtaka tuloy si Aria. Kailangan ba talagang ganoon ang reaksiyon niya?
Naikwento kaya ni Simon kay Brett ang tungkol sa one-night stand nila?
Ganoon ba siya kachismoso?
Nakaramdam ng pagkailang si Aria. "May problema po ba?"
Ngumiti nang inosente si Brett. "Huwag kang kabahan. Naipaliwanag na sa akin ni Lewis ang sitwasyon mo. Halika, sumunod ka sa akin."
Pagkatapos ay iginiya na niya si Aria para sumailalim sa sunod-sunod na medical exams.
Tiningnan nang mabilis ni Brett ang mga resulta at buong kumpiyansang sinabi, "Hindi naman malala ang sugat mo. Sa irereseta kong gamutan, burado na ang mga peklat na 'yan sa loob ng isang buwan."
Dahil siya ang kaisa-isang babaeng malapit kay Lewis, hindi siya pwedeng petiks lang sa pag-aasikaso.
Galos lang naman ito sa mukha, pero si Brett, na sanay humawak ng mga agaw-buhay na kaso, ay nagpasyang siya na mismo ang tututok dito.
"Salamat po, Dr. Astor." Medyo nailang si Aria sa malagkit at matalim na titig ni Brett sa kanya.
May narinig kasi siyang usap-usapan na ang mga doktor daw, nabubuhayan lang ng dugo kapag anatomy na ang pinag-uusapan.
Kinilabutan si Aria kaya dali-dali siyang lumabas ng klinika. Baka kasi kapag nagtagal pa siya roon ay hindi na siya makauwi nang buhay.
Napangisi si Brett sa tuwa habang dinidayal ang isang pamilyar na numero.
Nang sagutin ang tawag, isang malamig na boses ang umalingawngaw sa kabilang linya. "Magsalita ka."
"Sa ganyang kasungit mo, paano mo mapapasagot 'yung tao?" pang-aasar ni Brett.
Akala pa naman niya ay tatandang binata na si Lewis, pero ang bilis nitong nakahanap ng mapapangasawa. Sadyang mapaglaro talaga ang tadhana.
Hindi umimik si Lewis.
"Iba rin ang galawan mo, eh. Saan mo ba napulot ang chics na 'yon? May mga peklat man siya sa mukha ngayon, paniguradong lilitaw ang ganda niyan kapag kuminis na! Ihanap mo nga rin ako ng ganyan," masiglang daldal ni Brett, wala nang pakialam kung sumagot man si Lewis o hindi.
"Nakuha mo pang makipagtsismisan sa oras ng trabaho? Gusto mo ba ng ilang round sa boxing ring?" malamig na banta ni Lewis.
"Grabe, ang brutal mo talaga. Sige na, bababa ko na 'to." Dali-daling pinatay ni Brett ang tawag at hindi na hinintay ang isasagot ni Lewis.
Sariwa pa kasi sa alaala niya noong ginalit niya si Lewis ilang taon na ang nakararaan. Binugbog siya nito sa ring kaya dalawang buwan siyang naratay sa kama.
Mula noon, kapag nagyayang mag-ensayo si Lewis, nagkakanya-kanyang sibat agad ang mga kaibigan nito.
Mukhang kailangan na rin niyang mag-book ng flight paalis bago pa siya maabutan.
Pagkauwi ni Aria dala ang mga niresetang gamot, dumiretso siya agad sa kanyang kwarto.
Dahil sa nakasanayan na sa trabaho, binuksan niya muna ang kanyang computer para i-check kung may mga bagong mensahe o schedule.
Laking gulat niya nang makita ang isang email na naglalaman ng imbitasyon mula sa isang sikat na production team. Nais nilang siya ang kumatha ng theme song para sa bago nilang proyekto.
Bukod sa pagiging panganay na anak ng pamilya York, isa rin palang sikat na online singer si Aria na nagtatago sa screen name na Amnesia.
Ginawa niya lang naman ang account na ito noon para maglabas ng mga naiisip niyang kanta, pero hindi niya inakalang papatok ito at hahakot ng milyun-milyong fans.
Kaso nga lang, masyado siyang naging abala sa paggawa ng mga kanta para kay Laura kaya napabayaan na niya ito.
Pero ngayon, ang pagkakakilanlang ito na siguro ang magiging susi niya para makabawi at baligtarin ang sitwasyon.
Dumating si Aria sa café sa napag-usapang oras.
Pagkabukas niya ng pinto, bumungad sa kanya ang isang pamilyar na pigura.
"Simon? Nandito ka rin ba para sa recording ng OP?" tanong ni Aria, bakas ang pagtataka sa kanyang mga mata.
"Hindi mo ba alam? Ako ang bida sa TV series na 'to. May biglaang inasikaso ang direktor kaya ako muna ang pinakiusapang humarap sa 'yo. Sana okay lang," nakangiting sagot ni Simon, na tila hindi na nagulat.
"Walang problema," ngumiti si Aria at tumango.
Wala talaga siyang kaide-ideya na si Simon pala ang bida sa seryeng ito.
Ang liit nga naman talaga ng mundo.
Pero malaki rin ang naitulong sa kanya ng pamilya Windsor, at tutal si Simon naman ang magiging sikreto niyang asawa sa hinaharap, baka magandang pagkakataon na ito para mas makilala nila ang isa't isa?
Dahil sa naisip, umupo si Aria sa tabi ni Simon at binigyan ito ng isang matamis na ngiti.
Nagulat si Simon kaya dali-dali itong lumipat ng upuan sa tapat ni Aria, bitbit pa ang sarili nitong kape.
Kung malalaman lang ni Lewis na may nangahas na tumabi nang ganoon kalapit sa magiging asawa nito, siguradong pauulanan niya ito ng bala.
