Kabanata 5

Amoy gamot ang buong pasilyo ng ospital, nakakasulasok at may halong pighating tila walang katapusan.

Tahimik na nakaratay si Lola Indigo sa kama ng ospital, mga makina na lamang ang bumubuhay sa kanya.

Paulit-ulit na umaalingawngaw sa pandinig ko ang mga sinabi ng doktor.

"Stable naman po ang vital signs ng pasyente sa ngayon, pero hindi po natin masabi kung kailan siya magkakamalay."

Tila huminto ang ikot ng mundo sa lugar na ito. Ang ritmong tunog na lamang ng heart monitor ang nagpapatunay na may buhay pang kumakapit.

Piniga ko ang maligamgam na bimpo at marahang idinampi sa kulubot na noo at mga pisngi ni Lola Indigo. Nag-ingat akong maigi para hindi magalaw ang tubo ng oxygen sa ilong niya.

Dahan-dahan ang bawat kilos ko, takot na mabulabog ang mahimbing niyang pagkakatulog.

"Lola..." Yumuko ako at bumulong nang sapat lang para kami ang magkarinigan. "Nagdadalang-tao po ako."

Siguradong abot-tenga ang ngiti ni Lola kung malalaman niya ang balitang ito.

Pumatak ang mga luha ko sa kumot, unti-unting kumalat at nag-iwan ng basa. Inangat ko ang tingin ko, umaasang sasalubungin ako ng galak na inasahan ko—pero nanatiling nakapikit ang mga mata ni Lola.

Ang mga kamay niyang dati'y may kalinga kung haplusin ang likod ng palad ko, ngayon ay malamig at walang malay na nakapatong sa puting kumot.

Nakatayo si James ilang hakbang mula sa kama. Tuwid na tuwid ang tindig niya, at ang suot niyang mamahaling suit ay tila isang malaking kabalintunaan sa loob ng silid na ito na puno ng sakit at kalungkutan.

Salubong ang mga kilay niya at mababakas ang tensyon sa kanyang mukha. Nakatitig ang malalalim niyang mata kay Lola, puno ng mga nag-uumpugang emosyon na hindi ko matanto.

Pag-aalala ba iyon, galit, o baka naman bahagyang pagsisisi na pilit niyang itinatago?

Samantala, linta kung makapulupot sa kanya si Amelia, nagpapaawa at tila isang lantang gulay.

Sa paningin ng iba, sina Amelia at James ang mas mukhang mag-asawa.

Nakayuko lang ang babae, bahagyang nanginginig ang mga balikat habang walang-patid ang mahina at paawang paghikbi.

Hindi man kalakasan ang boses niya, nangingibabaw pa rin ito sa tunog ng mga makina at sadyang ipinaririnig sa lahat.

"James, kasalanan ko ang lahat. Sobra lang talaga akong nag-alala kay Isabella. Wala akong intensyong pasamain ang loob ni Lola."

Tila kalkulado ang bawat patak ng kanyang mga luha. Isa-isa itong pumatak sa manggas ng mamahaling suit ni James—at ang mas masakit, pumatak din ito sa pusong matagal nang kumikiling sa kanya.

Mariing nagtiim-bagang si James at nanatiling tahimik.

Kahit pa sa ginawa ng babaeng ito kay Lola, hindi niya pa rin magawang pagsabihan man lang ito ng masama?

Habang pinagmamasdan ko sila, tila binabad sa yelo ang puso ko, at nanlamig ang buong katawan ko.

Bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok si Robert. Dala niya ang isang medical chart, handa para sa kanyang regular na check-up.

"Robert, para sa pag-aalaga at paggaling ng lola ko, mayroon ba kaming dapat tutukan o pag-ingatan nang husto?" Kusa akong nakaramdam ng kaba at paninigas. Mula nang magkamali siya sa diagnosis noon, nagkaroon na ako ng malaking pagdududa sa kakayahan niya.

Bahagyang natigilan ang kamay ni Robert habang inaayos ang tulo ng swero, halos hindi mo mapapansin. Matapos maingat na suriin ang mga nakalagay sa monitor, lumingon siya sa akin taglay ang dati niyang kalmadong boses. "Huwag po kayong mag-alala. Gumawa ako ng pinakadetalyado at komprehensibong care plan na nakabase mismo sa kondisyon ni Mrs. Indigo Smith para makasigurong walang mangyayaring aberya."

"Walang aberya?" pabulong kong pag-uulit. Nakipagtitigan ako sa mga mata niya sa likod ng kanyang salamin, binabantayan ang bawat maliit na reaksyon nito.

Napansin ni Robert ang pag-iiba ng tono ko, pero sandali lang siyang nag-isip bago nagpakita ng ekspresyong tila ba nababasa niya ang nasa isip ko. "Kung wala kang tiwala sa akin, malaya kang humanap ng ibang doktor."

"Sophia." Parang yelong bumalot sa akin ang malamig na boses ni James. Biglang huminto ang pag-ikot ng utak ko.

Kapag ako na ang pinag-uusapan, lagi siyang kumakampi sa kabilang panig nang walang pag-aalinlangan—na para bang isinilang kami para maging magkaaway.

Pilit akong ngumiti. Si Robert ang pinakakabisado ang kondisyon ni Lola Indigo, kaya kinimkim ko na lang ang inis ko. "Biro lang 'yon. Siya nga pala, pwede ko bang makita ang care plan? Gusto ko sanang ako na mismo ang mag-alaga kay Lola."

Biglang nangisay ang kalamnan sa panga ni Robert, dumaan ang bakas ng matinding kaba sa kanyang mukha, pero inabot pa rin niya sa akin ang kanyang cellphone.

"Medyo minadali kasi, kaya soft copy lang 'yan," paliwanag niya.

"Ayos lang."

Habang kinukuha ko ang cellphone niya, palihim at mabilis kong in-install ang isang monitoring code.

Hindi ko hahayaang mapahamak si Lola Indigo. Wala dapat mangyaring masama sa kanya.

Ito rin ang unang hakbang ko para protektahan ang sarili ko at ang dinadala kong sanggol.

Paglabas ko ng ward, naabutan ko si Amelia na nag-iinarte na naman—parang bida sa sarili niyang teleserye.

Daig pa niya ang gripo kung umiyak—parang walang patid ang pag-agos ng kanyang mga luha.

Kahit sagad na sa pasensya si James, nagagawa pa rin nitong makuha ang buong simpatiya at awa niya. "Panigurado, sukdulang galit ang nararamdaman sa akin ni Sophia. Alam mo namang paboritong-paborito siya ni Lola. Hindi ko naman ginustong maging pabigat sa 'yo, eh. Kaya lang, kailangan talaga ni Isabella ng tatay. Kung buhay lang sana si Jasper, hindi ako aabot sa ganito..."

Humahagulgol siya habang mahigpit na nakakapit at nilulukot ang mamahaling polo ni James. Ang eksenang ito ang muling nagpagulo sa damdamin kong kalmado na sana.

Bawat salitang lumalabas sa bibig niya ay tila patalim na nagpapaalala sa akin kung bakit inatake at bumagsak si Lola Indigo.

Ang natitirang katinuan at pagtitimpi na pilit kong pinanghahawakan ay biglang nagkadurog-durog nang marinig ko ang peke at paawa niyang paghikbi.

Sumiklab ang galit ko na parang bulkang pumutok. Gumuho ang pader ng aking pasensya at natupok ang lahat ng aking pagtitimpi.

Simula pa lang noong kasal namin, kung saan umeksena siyang suot ang parehong kulay rosas na bestida na gaya ng sa akin, huling-huli na ang malisya at motibo niya kay James. Pero itong asawa ko, bulag-bulagan at walang kamalay-malay.

At ngayong kasal na kami, sa tuwing nagkakaharap kami ay umaasta siyang parang siya ang reyna ng tahanan, laging nagmamaganda at nagpapasikat sa harapan ko.

Maging sa mga kaibigan at business partners ni James—bibihira ang nakakakilala sa akin bilang legal na asawa, pero lahat sila, kilalang-kilala si Amelia.

Dati, umaasa akong magigising din si James sa katotohanan at magbabago. Pero ngayon, kailangan kong isipin ang sanggol sa sinapupunan ko at si Lola Indigo. Hindi ko na hahayaang makapanggulo pa ang babaeng ito.

Mabilis akong humakbang palapit sa kanila. Ang matalim na tunog ng aking high heels sa makintab na sahig ay umalingawngaw sa tahimik na pasilyo—tila mga tambol ng digmaan na nagbabadya ng suguran.

"Tama na ang drama!" Malamig at matalim ang boses ko. May bahid ito ng bagsik na maging ako ay nanibago sa sarili ko.

Napatingin si James dahil sa gulat. Halos awtomatiko niyang hinila si Amelia at itinago sa kanyang likuran. Ginawa niyang panangga ang sarili niyang katawan para ilayo ito sa akin.

Ang malalalim niyang mga mata ay biglang nanlamig at nagdilim. "Sophia, ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" mariin at pagalit niyang sigaw.

Hindi ko man lang siya tinapunan ng tingin. Sa halip, ang mga mata ko'y nagliliyab na parang mga patalim na may lason—diretsong nakatitig sa nagmamakaawa at luhang-luhang mukha ni Amelia.

Ang mukhang ito, na puno ng kaplastikan at panlilinlang, ang dahilan kung bakit na-ospital at nag-aagaw-buhay ngayon si Lola Indigo—ang taong pinakamahalaga sa akin.

Sabay-sabay na umapaw ang luma at bagong galit sa dibdib ko na parang isang malakas na delubyo.

"Ano sa tingin ko ang ginagawa ko?" pag-uulit ko, nanginginig ang boses sa sukdulang poot.

Sa sumunod na iglap, buong lakas kong iniamba ang aking kamay. Sa harap ng mga gulat na gulat na medical staff at mga bodyguard, dumapo ang isang malutong at napakalakas na sampal sa kanyang mukha.

Paaak! Ang malutong na tunog ng sampal ay umalingawngaw na parang kulog sa buong pasilyo.

"Sophia!" Ang dagundong ng boses ni James ay parang gigiba sa bubong ng ospital.

Bago ko pa man maibaba ang kamay ko, bigla niyang sinunggaban ang aking pulso. Sa sobrang higpit ng hawak niya, pakiramdam ko'y gusto niyang durugin ang mga buto ko!

Tumagos ang matinding sakit sa aking pulso, pero matigas kong kinagat ang aking ibabang labi. Hindi ako dumaing, at lalong hindi ako aatras.

"Ang kapal ng mukha mong manampal!" Nanlilisik siyang nakatingin sa akin mula sa itaas. Ang matinding galit at pagkamuhi na namumuo sa kanyang mga mata ay walang halong pagkukunwari—totoong-totoo.

Nakaraang Kabanata
Susunod na Kabanata