Kabanata 1 Ang Pag-crash
Sa mismong sandali ng sakuna, tuluyang nablangko ang isip ni Diana Johnson.
Nagbanggaan ang dalawang sasakyan nang buong lakas. Dahil sa nayuping bakal, naipit siya sa driver's seat na tila nakakulong sa isang hawlang bakal. Kung hindi lang agad bumukas ang airbag, paniguradong pinaglalamayan na siya ngayon.
Namimilipit sa tindi ng sakit ang buong katawan niya mula dibdib pababa. Pero ang mas nagbigay ng kilabot sa kanya ay ang matapang na amoy ng gasolinang umaalingasaw sa hangin. Diyos ko!
Karambola ng maraming sasakyan ang nangyaring aksidente ngayon.
Kung hindi siya makakalabas, hindi man siya mamatay sa mismong banggaan, tiyak na tutupukin siya nang buhay sa napipintong pagsabog.
Sa kabila ng lahat, pilit niyang pinoprotektahan ang kanyang sinapupunan. Nanginginig ang buong kalamnan niya habang nililikom ang huling patak ng lakas para hugutin ang kanyang cellphone at tawagan si Charles Windsor.
Baka kasi ito na ang huling pamamaalam nila sa isa't isa.
Ang kawawa niyang anghel... hindi man lang mabibigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo.
Walang tigil sa pag-ring ang cellphone niya. Umaalingawngaw sa pandinig niya ang boses ng operator, at kasabay nito'y unti-unting nanlalamig ang puso niya sa bawat pag-ring na walang sumasagot.
Nag-aagaw-buhay na siya. Tapos hindi pa rin ba sasagutin ni Charles ang tawag niya?
Baka nga makahinga pa nang maluwag ang lalaking iyon kapag nabalitaan nitong patay na siya.
Tutal, sa wakas ay malaya na itong makakapagpakasal kay Laura Smith.
Sabay-sabay siyang nilamon ng kawalan ng pag-asa, hinanakit, at matinding pasakit. Biglang may tumusok na napakatinding kirot sa puson niya, at naramdaman niya ang maligamgam na likidong umaagos mula roon.
Taranta niyang idiniin ang mga kamay sa kanyang sinapupunan. Bakas na bakas ang matinding takot sa kanyang mukha.
Sakto namang dumaan ang anino ni Charles sa labas ng bintana ng kotse niya. Pero ni hindi man lang ito lumingon o huminto para sa kanya. Sa halip, mabilis itong tumakbo nang diretso sa kotseng nasa unahan niya.
Namutla siya na parang nakakita ng multo. Kitang-kita niya kung paano desperadong basagin ni Charles ang bintana ng kotseng iyon gamit ang siko nito. Matapos mabasag ang salamin, maingat nitong binuhat palabas ang babaeng nasa loob.
Sino pa nga ba iyon kundi si Laura?
Ni hindi na magawang sumigaw ni Diana. Dahil sa tindi ng sakit, nanlabo ang paningin niya at tila umiikot ang paligid. Habang unti-unting nagdidilim ang kanyang paningin, aninag niya ang isang taong bumasag sa bintana ng kanyang kotse at humila sa kanya palabas para iligtas siya.
Pagkalabas na pagkalabas nila, biglang sumabog ang kotse. Nilamon ng nagngangalit na apoy ang buong lugar ng aksidente na parang isang impiyerno.
At tuluyan nang nawalan ng malay si Diana.
Paggising niya, nasa loob na siya ng isang kwarto sa ospital. Pilit niyang inangat ang kanyang ulo. Tinitigan niya ang puting-puting kisame, bago napadako ang tingin sa swerong nakakabit sa kanyang kamay. Agad na bumuhos sa isip niya ang mga huling tagpo bago siya mawalan ng malay.
Buhay siya. Si Lucas Williams pala ang nagligtas sa kanya.
Saktong nag-flash sa TV ng ospital ang isang breaking news.
Iyon mismo ang eksenang nasaksihan niya habang naipit siya sa loob ng kanyang kotse.
Si Charles, na nakasuot pa ng business suit at duguan ang mga kamay, ay walang pag-aalinlangang iniligtas si Laura.
Huling-huli sa camera ang bawat detalye—ang labis na pagkahinga nang maluwag ni Charles matapos mailigtas si Laura, at ang punong-puno ng pag-iingat na pagyakap nito para protektahan ang babae.
Ilang minuto lang ang haba ng video, pero bawat segundo nito ay tila patalim na unti-unting humihiwa sa puso ni Diana.
Umaapaw ang pait sa dibdib niya. Siya ang asawa, e!
Wala talagang pakialam sa kanya si Charles kahit kailan.
Akala niya ay tapos na ang balita, pero lumipat ang camera sa isang solo interview ni Charles.
Puno ng alikabok at gusot-gusot na ang suot nitong suit, pero tila wala itong pakialam. Kahit sa ilalim ng matapang na ilaw ng camera, litaw na litaw pa rin ang nakakabaliw nitong kakisigan.
"Magdo-donate po ako ng sampung milyong dolyar sa mga educational charities para tulungan ang mga kapus-palad na bata na makapag-aral nang maayos. Ang tanging hiling ko lang ay maging ligtas at malusog si Laura."
Agad na nag-trending sa social media ang nasabing interview.
Natulala na lang si Diana sa screen, hindi makapagsalita sa sobrang pagkabigla.
Nag-flashback sa isip niya ang lahat ng panlalamig sa kanya ni Charles—ang kawalan nito ng pasensya, ang pagbabalewala nito sa kanya.
Ang pusong minsan ay tumibok para rito ay tuluyan nang sumuko.
Dahan-dahang ipinikit ni Diana ang kanyang mga mata. Isang butil ng luha ang pumatak at gumuhit sa kanyang pisngi.
Napakasaklap. Nakikipagpatintero siya kay Kamatayan sa loob ng naaksidenteng kotse, pero ang sarili niyang asawa ay abala sa pagliligtas ng ibang babae, at nagpapa-charity pa gamit ang pangalan nito.
Daig pa ang teleserye sa sobrang labo ng mga nangyayari, pero heto, totoong nangyayari ito sa mismong buhay niya.
Nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata, buo na ang desisyon niya. Tinawagan niya agad ang kanyang abogado.
"Kailangan kong ihanda mo agad ang divorce papers ko. Walang hatian ng ari-arian—kahit isang kusing, wala akong kukunin."
Hindi nagtagal ay dumating ang abogado.
Kinuha ni Diana ang bolpen. Dahan-dahan, ngunit walang pag-aalinlangang pinirmahan niya ang dokumento.
Mula sa sandaling ito, tapos na ang lahat sa kanila ni Charles. Wala na silang pakialam sa isa't isa.
Pagkalapag na pagkalapag niya ng bolpen, biglang nanikip ang kanyang puson. Isang matalim at tila pinipilipit na sakit ang gumuhit sa kanyang tiyan.
Tuluyan na namang nawalan ng malay si Diana.
Nagmamadaling pumasok ang doktor sa kuwarto at sumigaw, "Ihanda niyo agad ang OR! Dinudugo nang malakas ang pasyente—nagle-labor na siya nang maaga!"
Samantala, nakatayo naman si Charles sa tabi ng bintana ng isang kuwarto sa ospital, madilim at seryoso ang timpla ng kanyang mukha.
Tinitigan niya ang hawak na cellphone. Nakakunot ang kanyang noo habang pinapakinggan ang pag-ring nito na walang sumasagot.
Hindi ugali ni Diana na dedmahin ang mga tawag niya.
Sa likuran niya, unti-unting nagkakamalay si Laura. Paos ang boses nito nang tawagin siya, "Charles."
Agad na ibinaling ni Charles ang atensyon sa dalaga. Bakas ang pag-aalala sa boses niya nang magtanong, "Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa 'yo?"
Nakakaawa ang himig ng boses ni Laura. "Ang sakit ng buong katawan ko."
Kinuha ni Charles ang kanyang cellphone at naglakad papunta sa pinto. "Tatawagin ko lang ang doktor para ma-check ka."
Mabilis siyang lumabas ng kuwarto kung saan naghihintay ang kanyang assistant na si Nathan Brown.
Bakas sa boses ni Charles ang isang kaba na hindi niya maipaliwanag. "Wala pa rin bang balita kay Diana?"
Kinakabahang sumagot si Nathan, "Sir, malaki po ang posibilidad na nasangkot si Ma'am Diana sa karambola ng mga sasakyan kanina."
Mas lalong kumunot ang noo ni Charles. Alam na alam niya kung gaano kalagim ang aksidenteng nangyari ngayong araw.
Posible kayang si Diana ay...
Tatalikod na sana siya para umalis nang marinig niya ang namimilipit na boses ni Laura mula sa loob ng kuwarto. "Charles, ang sakit-sakit ng kamay ko. Puwede bang dito ka lang sa tabi ko?"
Natigilan si Charles, bago mariing nag-utos sa assistant, "Hanapin mo si Diana ngayon din. Gawin mo ang lahat ng paraan. Siguraduhin mong walang mangyayaring masama sa bata."
Agad na tumango si Nathan at sumagot, "Opo, Sir. Aasikasuhin ko po agad."
Isang matinding kaba ang unti-unting bumalot sa sistema ni Charles.
Ngunit bago pa man niya mapagtanto kung saan nanggagaling ang kaba niyang iyon, isang lalaking galit na galit ang sumugod patungo sa kanya.
"Charles, hayop ka! May puso ka ba? Paano mo nagawang ganyanin si Diana?!"
Nanggigigil na sumugod si Lucas, nagngangalit ang mga bagang, at walang-sabi-sabing nagpakawala ng isang malakas na suntok sa mukha ni Charles.
Mabilis na nakailag si Charles sa unang suntok. Sinalo niya ang pangalawang tira ni Lucas, nanlalamig at bakas ang matinding inis sa kanyang mga mata.
"Ano bang problema mo?!"
Inis na iwinaksi ni Charles ang kamay ni Lucas.
"Nasaan si Diana?"
Napasuray nang paatras si Lucas at galit na sumigaw, "Wala kang karapatang itanong 'yan! Sa dami ng ipinagdusa niya sa 'yo, hinding-hindi ka na niya mapapatawad!"
Pinigil ni Lucas ang luhang nagbabadya sa kanyang mga mata dahil sa matinding sakit. Hinugot niya ang isang dokumento at padabog itong ibinato sa dibdib ni Charles.
"Pirmahan mo 'yan. Ngayon din."
Yumuko si Charles para pulutin ang mga papel. Nang mabasa niya ang nakasulat na "Divorce Agreement" sa itaas, biglang nagbago ang timpla ng mukha niya.
Sa pinakaibaba ng papel ay naroon ang malinaw na pirma ni Diana.
Naging malamig at mariin ang boses ni Charles. Bawat salitang lumalabas sa bibig niya ay may bakas ng nagpipigil na galit. "Saan galing 'to? Gusto kong makita si Diana. Iharap mo siya sa akin ngayon din, kundi sisiguraduhin kong magsisisisi ka."
Tumawa nang pagak si Lucas—isang tawang puno ng pait at sakit na nakakapangilabot pakinggan.
"Hinding-hindi na magpapakita sa 'yo si Diana. Patay na siya, Charles! Namatay siya sa aksidenteng 'yon! Nakikita mo ba 'yang dugo sa divorce agreement?! Ginamit niya ang huling hininga niya para lang mapirmahan 'yan! Ang buhay niya, Charles—paano mo pagbabayaran 'yon?!"
Napatigagal si Charles, tila pinagbagsakan ng langit at lupa sa sobrang pagkabigla. "A-Ano'ng sinabi mo?"
Malamig siyang tiningnan ni Lucas na may halong pandidiri. "Pirmahan mo na 'yang divorce papers. Wala ka nang karapatang magkaroon ng kahit anong koneksyon pa kay Diana."
Tinitigan ni Charles ang dokumento sa sahig. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang pinupulot niya ito.
Itim na tinta sa puting papel, na nababahiran ng dugo.
Wala na talaga si Diana... kasama ng dinadala nitong anak nila.
Hindi na muling tinapunan ng tingin ni Lucas ang wasak na wasak na reaksiyon ni Charles, at tuluyan na itong naglakad palayo.
